Naglalakad na si Lara sa pasilyo patungong CEO office. Lalong dumagundong ang t***k ng puso niya. Lihim niyang dasal na sana ay maging maayos ang paghaharap nila ni Gideon.
Nasa harap na si Lara ng seksing sekretarya ni Gideon. "Good morning, Ma'am. I'm looking for Atty. Posadas." wika niya kasabay ng ngiti.
Ngumiti din ang sekretarya ngunit napansin niya na pinasadahan siya ng tingin nito mula ulo hanggang paa.
"For a while, Ma'am," wika ng sekretarya.
Sinundan ni Lara ng tingin ang tumalikod na sekretarya. Maputi at sexy ito lalo na sa suot na plunging neckline blouse at mini skirt. 'Pati pala Secretary pinalitan niya.' komento ng isip niya. Wala na rin ang dating Secretary ng kanyang ama.
"Please follow me, Ma'am," wika ng Secretary ng bumalik ito.
Ngumiti si Lara at panay hugot-hininga na sumunod sa sekretarya. Nakita niya ang dating office table ng kanyang ama na ngayon ay kay Gideon na ngunit wala sa upuan ang kanyang sadya.
"Please sit down, Ma'am. Nasa private room lang si Sir."
“Thank you.” Naupo si Lara sa tapat ng office table at pinagkiskis ang dalawa niyang palad dahil nanlalamig at nanginginig ang kanyang mga kamay. Bigla siyang napatayo ng lumabas si Gideon mula sa private room at ngumiti siya dito ngunit nakagat niya ang kanyang mga labi dahil pakiramdam niya ay nanginig din ito.
Isang walang kangiti-ngiting Gideon ang tumambad sa kanya. Nagbaba ng tingin si Lara at lumunok bago nagsalita. "H-hi, wala na pala si Mrs. Rios?" Ang dating sekretarya ng kanyang Papa ang tinutukoy niya.
"Promoted na si Mrs. Rios," sagot ni Gideon sa kanya na sumenyas na maupo uli siya.
Naupo uli si Lara ngunit hindi siya makatingin ng diretso kay Gideon. Pasulyap niya itong tiningnan at nag-isip ng sasabihin ngunit wala siyang masabi. Panay lunok ng laway ang kanyang nagawa.
"I have an appointment outside my office. We only have fifteen minutes to talk," pormal na wika ni Gideon.
Hindi mabanaag ni Lara ang dating maaliwalas na mukha ng kaharap. Hindi man lang siya nito nginitian. "I-I’m so sorry. Please forgive me.” Sa wakas may nasabi siya.
"Lara, I want to know your real purpose of coming here. Tell me frankly. What do you want?" pormal na wika ni Gideon habang binubuklat ang laman ng isang folder.
Malamig ang pagtanggap sa kanya ni Gideon at madiin ang bawat kataga. Pakiramdam niya ay ayaw siya nitong kausap. "Rey, gu-gusto kong makita si Mikey. Please. Nakikiusap ako,” naluluhang wika ni Lara. Kung kailangan lumuhod siya sa harap ni Gideon ay gagawin niya. "Gusto kong makita ang anak natin." Tuluyan ng nalaglag ang mga luha ni Lara.
"Anak? Hah." Mapaklang tumawa si Gideon at ibinagsak sa mesa ang hawak na folder. “After five years naalala mong may anak ka.” nanunuyang wika nito.
"Nagsisisi na ako. Malaki ang kasalanan ko sa kanya. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya. Gusto kong mayakap at mahalikan siya. Please, Rey." Nakikiusap ang bawat salita ni Lara sa gitna ng kanyang pagluha.
"At pagkatapos, iiwan mo uli?” Matalim na titig ang ipinukol ng lalake. “Lara, alam mo ba ang pakiramdam ng iniiwan ng taong mahal mo? Baby pa si Mikey ng iwan mo kaya wala pa siyang alam. Pero ako, si Inay, si Papa Ramon ay labis na nasaktan ng iwanan mo siya." Kuyom ang mga palad at naniningkit ang mga mata ni Gideon. Madiin ang bawat salitang binitiwan. "Lara, huwag kang magpapakita kay Mikey kung balak mo rin siyang iwanan muli,” matigas na wika niya sabay ligpit ng mga papeles sa kanyang mesa. "I have an appointment." Tumayo na ito at binitbit ang kanyang laptop.
Napatayo si Lara at humarang sa harap ni Gideon. "Hindi na ako aalis, Rey. I promise." Namamalisbis ang mga luha niya na lumuhod sa harap ni Gideon. "Please." Humagulhol ng husto si Lara. Ang sakit-sakit sa kanyang kalooban na ipagkait sa kanya ang sarili niyang anak.
"Don't make a scene here, Lara." Hinawakan ni Gideon si Lara sa braso at itinayo ito. "Mamayang alas-singko, susunduin kita sa hospital lobby. Fix yourself. Baka kung ano pa ang isipin ng mga tauhan ko."
"Salamat." Pinunas ni Lara ang kanyang mga luha. Lumuwag ang kanyang pakiramdam sa sinabi ng lalake. "Can I use the comfort room?"
Tumango lang si Gideon at tinalikuran na siya nito. Pumasok na lamang si Lara sa private room kung saan naroon ang comfort room. Nakita niya ang photo frame ni Mikey na nakapatong sa ibabaw ng TV set at nilapitan niya. Dinampot niya ang picture frame at naluluhang hinimas-himas ang mukha ng kanyang anak, “See you soon, Anak.”
Hindi mapakali si Lara habang naghihintay ng alas-singko ng hapon. Parang kay tagal ng oras habang naghihintay siya sa pagdating ni Gideon. Naroong papasok siya ng banyo para humarap sa salamin at titingnan ang sarili, nakailang suklay na nga siya ng buhok.
“May lakad ka ba, Anak?” Nahalata na siya ng kanyang ama.
“May meet up lang kami ng dati kong friend, Papa.” Ewan ba niya, bakit parang nahiya siya na sabihin na si Gideon ang ka-meet-up niya. Nahalata ba ng kanyang ama ang excitement niya? Sabik na sabik na siyang makita si Mikey pero sabik din siyang makita uli si Gideon, ang dating Gideon Rey.
Wala pang alas-singko ay nag-vibrate na ang cellphone ni Lara. May pumasok na text galing kay Gideon, ‘Waiting at parking area.” Mas maaga ang dating ni Gideon kaysa sinabi nitong oras.
“Papa, aalis muna ako saglit.” Humalik si Lara sa pisngi ng ama bilang paalam.
“Ingat, Anak.” wika ng ama.
Mabilis na sumakay ng elevator si Lara pababa ng hospital parking area. Punong-puno ng excitement ang kanyang dibdib. At last makikita na niya ang kanyang anak. Mayayakap na niya ito ng mahigpit. Napatigil siya ng malapit na siya sa nakaparadang sasakyan ni Gideon. Pinagmasdan niya ang lalake habang nakasandal ito sa hood ng kotse at abala sa pagtipa sa hawak na cellphone. Naka-side view ito at parang modelo na may angking malakas na karisma. Ipinilig ni Lara ang ulo, si Mikey ang dahilan ng kanyang excitement at wala ng iba pa. Galit sa kanya si Gideon at tingin niya ay may lihim na relasyon ito sa secretary.
Nag-angat ng mukha si Gideon at nakita si Lara, “What took you so long?” kunot-noo na wika ng lalake.
“I’m sorry,” wika ni Lara. Hindi niya rin namalayan kung ilang minuto siyang nakatayo lang at pinagmasdan si Gideon.
Binuksan ni Gideon ang passenger side ng kotse, “Sakay na,” wika nito kay Lara.
Pilit ngumiti si Lara saka sumakay. Gentleman pa rin si Gideon pero walang lambing ang mga salita. Umaasa pa ba siya? Siya rin naman ang may kasalanan.
Binabaybay ng sasakyan ni Gideon ang kahabaan ng express way. Nasa tabi niya si Lara at pareho silang tahimik at walang gustong magsalita. Waring nagpapakiramdaman sa isat-isa.
Itinuon ni Lara ang atensiyon sa mga establishment na nadadaanan nila na dati ay wala pa noong umalis siya. Gusto niya sanang magtanong sa kanyang katabi at kumustahin ang naging buhay nito ngunit minabuti na lamang niyang manahimik.
Pumasok ang kotse ni Gideon sa isang executive village. Maganda ang lugar kahit hindi kalakihan ang mga bahay. Huminto ang sasakyan nito sa isang gate at ng buksan ito ng isang kasambahay ay nakita ni Lara ang two-story at kulay asul na bahay. Hindi kalakihan ang garden ngunit makikita na well-maintained ito.
Nagulat pa si Lara ng bumukas ang pinto sa bandang tagiliran niya. Nasa labas na si Gideon at binuksan na ang pinto ng kotse para makababa siya. Nahihiya siyang ngumiti kay Gideon. "Thank you," wika niya. Ngunit ni katiting ay wala siyang nakitang reaksiyon sa mukha ng lalaki.
Nag-uumapaw sa dibdib ni Lara ang excitement. Iginiya siya ni Gideon papasok sa sala. "Lea, si Mikey?" tanong ni Gideon sa kasambahay.
"Nasa playroom po, Sir. Tatawagin ko po." sagot naman ng kasambahay habang nakatingin kay Lara.
"No. Ako na ang bahala. Pakisabi kay Nanay na nandito na ako," utos ni Gideon sa kasambahay. Sumenyas siya kay Lara na maupo sa sala at iniwan ito saka umakyat ng hagdan.
"Lara?" Isang sabik na tinig ang narinig ni Lara.
"Nay Lourdes," usal ni Lara. Patakbo niyang niyakap ang ina ni Gideon.
"Salamat at bumalik ka na," mangiyak-ngiyak na wika ng matanda.
"Patawad ‘Nay. Patawarin n'yo po ako," lumuluhang wika ni Lara sa balikat ni Nay Lourdes.
"Pinapatawad na kita. Ang importante ay nandito ka na," wika ni Nay Lourdes habang hinahagod-hagod ang likod ni Lara. Itinuring niyang anak ito dahil naging katuwang siya ng mag-asawang Salduvar sa pagpapalaki dito.
"Salamat po ‘Nay," nakangiting nagpunas ng luha si Lara. Gumaan ang pakiramdam niya na pinatawad siya ni Nay Lourdes.
"Nanay!" Isang matining na tawag ang narinig ni Lara at isang musika iyon sa kanyang tainga.
"Mikey, Anak ko." Napako si Lara sa kinatatayuan habang nakangiti at nakatitig sa batang akay ni Gideon. Namalisbis ang mga luha niya sa sobrang tuwa, napakasarap pakinggan ang tawag ng kanyang anak.
"Nanay, Nanay ko." Umiiyak na rin si Mikey at patakbong lumapit kay Lara.
"Mikey, Anak ko." Sinalubong ni Lara ito at paluhod na niyakap ang anak. Mahigpit niyang niyakap ito habang patuloy ang pag-agos ng mga luha nilang mag-ina. "I'm so sorry, Son. Please forgive me."
"Nanay, I missed you so much," wika ni Mikey sa gitna ng mga hikbi. Mahigpit ang kapit nito sa leeg ni Lara.
"I missed you too. I love you." Parang ayaw ni Lara na bitiwan ang anak. Kay sarap ng kanyang pakiramdam habang yakap niya ito at binibigkas niya ang salitang anak. Kinarga niya si Mikey at tumayo at hinalik-halikan.
Naluluha at nakangiting nakamasid si Aling Lourdes sa mag-ina samantalang si Gideon ay walang reaksiyon ang mukha. Pigil ang kanyang damdamin sa eksenang nasa kanyang harapan. Masaya siya para kay Mikey ngunit ang malungkot na parte ng kanyang nakaraan ay muling nanumbalik.
"Nanay, ang ganda-ganda mo po pala." Nakangiting pinipisil ni Mikey ang pisngi ni Lara habang nakatitig sila sa isa't isa.
"Thank you. Ang cute mo din." Pinanggigilan ni Lara ang pisngi ng anak. Napalitan ng hagikhik ang iyak ng bata.
"Pareho tayo may dimples," wika ni Mikey at pinindot-pindot ng dalawang hintuturo ang magkabilang dimples ni Lara.
"Oo nga," nakangiting sang-ayon ni Lara at sinuklay-suklay ng kanyang mga daliri ang buhok nito.
"Tatay, may dimples din si Nanay oh," masayang wika ng bata sa nakatayong ama.
Bahagyang ngumiti at tumango Gideon. Kapakanan ng kanyang anak lamang ang isinaalang-alang niya kaya niya pinagbigyan si Lara na magkita ang dalawa. Alam niyang si Mikey lang naman ang sadya ni Lara.
"Maghahanda muna ako ng meryenda. Mikey, kuwentuhan mo muna si Nanay ha," wika ni Lourdes bago tumalikod patungong kusina.
"Yes, Lola," sagot ng bata na humahagikhik sa tuwa dahil sa patuloy na paghalik-halik ni Lara sa pisngi at leeg nito.
Iniwan ni Gideon ang mag-ina sa salas at tumuloy na rin siya sa kanyang kuwarto. Nakaramdam siya ng panibugho sa nakikita niyang huntahan ng mag-ina sa unang pagkikita pa lamang.
Walang katapusan na kuwentuhan ang nangyari kina Lara at Mikey. Nalibang si Lara sa sobrang pagkabibo ng kanyang anak. Ibinida rin ng bata ang mga test papers nito sa school.
"Wow, ang talino naman ng anak ko. Ang tataas ng mga grades mo. Uy, yong iba perfect score pa," natutuwang wika ni Lara habang isa-isang tinitingnan ang mga test papers.
"Mana daw po ako sa'yo," wika ni Mikey. Nakasandal pa ito sa kanyang ina at akbay naman siya nito.
"Sinong nagsabi?" napakunot ng noo si Lara. Siya? Matalino? Ang tamad nga niya mag-aral noong estudyante pa siya. Ipinagagawa niya nga lang kay Gideon ang lahat ng kanyang assignments noong nag-aaral pa siya.
"Sabi po ni Tatay," nagmamalaking wika ni Mikey.
"Hindi. Kay tatay mo ikaw nagmana," wika ni Lara at ginulo-gulo ang buhok ng anak. Kung ganoon, pinag-uusapan din siya ng mag-ama. Ang buong akala niya ay estranghero siya sa kanyang anak pero pakiwari niya'y kilalang-kilala siya nito.
Niyaya ni Aling Lourdes na maghapunan muna si Lara bago umuwi. Mas higit na masaya si Mikey habang katabi ang ina sa hapag. Nakamasid lang si Gideon sa mag-ina at nakikisali lang kapag natatawag ang kanyang pansin ni Mikey.