Naging ina at ama si Gideon Rey sa sanggol na si Mikey. Pinagtulungan nila ng kanyang ina ang pagbabantay sa hospital. Pinagtiyagaan niyang pumunta sa mga Public Maternity Hospital araw-araw para bumili ng 'gatas ng isang ina' para sa kanyang sanggol na anak.
Hindi niya ramdam ang puyat at pagod basta para sa ikakagaling ng kanyang anak. Pagkatapos niyang magtrabaho sa kanyang opisina ay tumutuloy siya sa hospital para dalawin si Mikey. Isang himala ng Diyos para sa kanila ng unti-unting bumubuti ang lagay ng sanggol at lahat ng laboratory test ng sanggol ay naging maganda ang resulta. Pagkalipas ng anim na buwan ay nakalabas ng hospital si Mikey.
"Papa Ramon, ibawas n'yo na lang unti-unti sa sahod ko ang lahat ng nagastos sa operasyon ni Mikey." Nasa harap si Gideon ni Don Ramon, ang CEO ng Salduvar Group of Companies.
"Gideon, hindi na kailangan basta para sa apo ko ay nakahanda akong gumastos,” wika ng Don. “Kaya kita ipinatawag ay dahil sa isang importanteng bagay."
"Ano po iyon?" Napansin ni Gideon ang malungkot na mukha ng Don at ang pamamayat ng katawan nito.
"Papa Ramon, may dinaramdam po ba kayo?" Bagaman laging dumadalaw sa hospital ang Don ay hindi niya napagtuunan ng pansin ang pagkahulog ng katawan nito dahil sa loob ng anim na buwan ay naging abala siya sa trabaho at kay Mikey.
"Gideon, itinuring na kitang anak. At bilang ama ni Mikey ay gusto kong isalin sa iyo ang pamamahala ng kumpanya," wika ng Don.
"Ho! Bakit po?" gulat na tanong ni Gideon. Isang napakalaking responsibilidad ang gustong ilipat ng Don sa kanya.
"May prostate cancer ako,” malungkot na wika ng Don. “At sa kalagayan ko ay hindi ko na kayang pangalagaan si Mikey at pamahalaan ang buong SGC at ang iba ko pang mga negosyo."
Hinayaan ni Gideon Rey na magsalita ang Don bagaman hindi pa rin siya maka-recover sa pagkabigla.
"Gideon, ipagkakatiwala ko sa’yo ang buong SGC. Pangalagaan mo ito para sa apo ko. Nabigo na ako kay Lara. Sana ay ‘wag mo akong bibiguin." Nakikiusap ang mga katagang binitiwan ng Don.
"Papa Ramon, abogado po ako. Hindi ako bihasa sa pagpapatakbo ng negosyo," nag-aalalang katwiran ni Gideon Rey.
"Nasa likod mo ako, hindi kita pababayaan. Alam kong kaya mong pamunuan ang kumpanya," himig pagmamalaki na katwiran ng Don. Malaki ang tiwala nito kay Gideon.
"Sige po. Tatanggapin ko," wika ni Gideon. Hindi niya puwedeng pagkaitan ang Don dahil ito ang nagpaaral sa kanya. At ang kumpanya ay ang natitirang mamanahin ni Mikey.
Buong puso nga niyang pinamahalaan ang kumpanya at hindi rin naman siya pinabayaan ng Don na nagsilbing mentor niya para matutunan ang pagma-manage ng isang malaking negosyo. Tuluyan niyang iniwanan ang trabaho sa Law Firm para mag-concentrate sa pamumuno ng Salduvar Group of Companies.
Ngunit hindi naging madali para sa kanya dahil sa unang taon ng kanyang pamumuno ay may lumabas na problemang kinakaharap ang kumpanya.
"Attorney Posadas, the company is in debt now. Kulang na ang budget for capital expenditures. I’m afraid we cannot sustain another one year of operation," pahayag ng kanyang Finance Manager na si Theo. Kaibigan niya ito at kaklase sa college.
"How did it happened, Theo?" naguguluhang tanong ni Gideon. Ang pagkakaalam niya ay sapat ang CapEx budget ng kumpanya.
"Nagtransfer ng five hundred million pesos si Mr. Salduvar sa account ng anak niya at kinuha ito sa CapEx ng SGC,” paliwanag uli ni Theo.
"What?" Napamulagat si Gideon. Hindi niya akalain na ganoon kalaki ang perang nakuha ni Lara sa ama nito.
"Another problem, Sir. Kailangan maibalik ang pera bago dumating ang annual stockholders meeting. Lingid ito sa kaalaman ng mga stockholders natin. Kapag nalaman ito ng mga stockholders ay mawawalan sila ng tiwala at baka mag-withdraw sila ng kanilang shares na mas lalong ikakabagsak ng kumpanya," wika pa ng Manager.
"Sino pa ang nakakaalam sa nangyari?" Sixty percent ng kumpanya ay pag-aari ni Don Ramon at ang forty percent ay sa mga maliliit na stockholders. Ngunit alam ni Gideon na maaring magkaroon ito ng negative feedbacks at possible pull-out of shares.
"Ako lang," sagot ni Theo.
"Give me two days to decide. Salamat sa impormasyon, Theo," Napahilot si Gideon sa sentido at idinaan na lamang sa hinga't buga ng hangin ang galit kay Lara. 'Lara, how could you do this to your father and Mikey?'
Kinausap ni Gideon si Don Ramon tungkol sa problemang kinakaharap ng kumpanya.
"Ikaw na ang CEO ng SGC, Gideon. Lahat ng makakabuti sa kumpanya ay gawin mo,” wika ni Don Ramon. Hindi na ito pumapasok ng opisina dahil sa unti-unting paghina ng katawan. Madalas itong dalawin ni Gideon sa mansion para mag-report ng business status at magsangguni ng kanyang mga desisyon na may kinalaman sa negosyo.
"Papa Ramon, okay lang ba na ibenta natin ang Resort sa Tagaytay at Boracay at rest house n'yo sa Bagiou?” Bagaman nagtatanong ay may himig paghihinayang si Gideon sa mga naipundar ng Don.
"I told you, do what you think is right. Isama mo na itong mansion,” wika ng matanda habang isa-isang inilalabas mula sa kaha-de-yero ang mga land titles at stock certificates.
"Sayang po itong mansion," wika ni Gideon sabay iginala ang kanyang paningin. Mahal din niya ang mansiyon dahil dito siya lumaki at nagkaisip kung saan marami siyang alaala, masasaya at masasakit na alaala.
"Nasa poder mo na si Mikey. ‘Pag nawala ako, wala ng titira dito," malungkot na wika ng Don habang pinagmamasdan ang loob ng kabahayan. Malungkot itong tumitig sa portrait ng kanyang pamilya na nakasabit sa dingding.
Nararamdaman ni Gideon ang kalungkutan ng Don kahit hindi nito isatinig."Wag po natin ibenta itong mansion. Ibenta na lang natin ang ten percent ng inyong shares sa kumpanya," pahayag niya.
"Kanino natin ibebenta? Magtataka ang mga investors natin," wika uli ng Don. Dahil sa dinaramdam nito ay naging mahina na ang disposisyon ng maysakit.
"Kausapin natin si Dra. Agnes na siya na lang ang bumili ng shares para walang makakaalam ng bintahan," mungkahi ni Gideon.
"Walang hilig ang kapatid ko sa negosyo. Ang buong family niya ay in-line sa medicine," wika ng Don.
"Subukan po natin bago tayo mag-decide para sa mansiyon," muling mungkahi ni Gideon.
"Okay, ikaw na ang may hawak ng bola. Do the best decision, Gideon," sang-ayon ng Don.
Nakumbinsi ni Gideon si Dra. Agnes na bilhin ang ten percent shares ng SGC at dahil walang marunong sa negosyo sa pamilya ng doktora kaya si Gideon pa rin ang ginawang representative nito sa kumpanya.
Sa loob ng limang taon ay umikot ang buong buhay ni Gideon sa negosyo at kay Mikey. Napalago pa niya ang kumpanya at higit na ikinatuwa ni Don Ramon. Sa kabila ng unti-unti itong iginugupo ng sakit ay nanatili itong naka-alalay kay Gideon.
"Tatay!" Isang maliit na tinig ang pumukaw kay Gideon.
"Yes anak," malambing na wika niya sabay karga sa batang si Mikey at pinaupo ito sa kanyang kandungan. Ang kanyang anak ang pumupuno ng kasiyahan sa kanyang buhay. Kasama niya ito sa opisina tuwing Sabado.
"Tatay, let's play my new lego," wika ng bibo at matalinong bata.
"Okay, Tatay will just finish this, then we'll play." Napatingin siya sa kanyang laptop. Hindi pa pala niya tapos ang kanyang communication letter para sa isang malaking prospected Client.
"Tatay, when can I see Nanay?" biglang wika ng bata sa gitna ng naglalamlam na mga mata.
Hindi makasagot si Gideon sa tanong ng anak. “You’re sleepy.” Kinarga niya ito at dinala ang bata sa kanyang pahingahang kuwarto.
"I want to see Nanay, " humihikab na wika ng bata at pumipikit na ang mga mata.
Masuyong hinaplos-haplos ni Gideon ang buhok ng tulog na anak. Sabik si Mikey sa ina at kahit nagalit siya kay Lara ay hindi niya sinira ang reputasyon nito sa anak. Ang tanging alam ng bata ay sa ibang bansa nagtatrabaho ang ina.
Ngunit nagkakaisip na ang bata at masyado ng matanong. Hindi na niya maikakaila kay Mikey ang totoo lalo pa't dumating na ang ina nito.
Sari-saring damdamin ang naramdaman niya ng malaman niyang dumating na si Lara. Ang kirot sa kanyang puso ay muling nanariwa. Pinilit niyang tanggapin na hindi siya kayang mahalin ni Lara ngunit ang hindi niya matanggap ay ang pag-abandona nito ng sanggol pa noon na si Mikey. Inihiga niya sa couch ang tulog na anak at hinalikan ito sa noo bago bumalik sa kanyang opisina. Muling itinuon ang atensiyon sa hindi pa niya tapos na e-mail sa kanyang laptop at pagkatapos sa mga papeles sa kanyang office table. Bagaman abala siya sa ginagawa ay abala rin ang kanyang isip tungkol sa pagbabalik ni Lara.
"Sir, Mr. Sakurage wanted to change the venue of your meeting." Nasa harap ng kanyang mesa ang kanyang seksing sekretarya. "Sir?" ulit na tawag ni Margie.
"Ah yes, Margie." gulat na wika ni Gideon. Hindi pala niya napansin ang paglapit ng kanyang secretary.
"Mr. Sakurage wanted to change the venue of the meeting, Sir." wika uli ni Margie.
"Why, where is he?" Binitiwan ni Gideon ang mga papeles dahil importante sa kanya ang kliyenteng Hapon.
"Presently, he's in Subic Beach with his companion." wika ng sekretarya.
"Okay, tell him that I can meet him at any nearest hotel in Subic. Arrange our meeting on his convenient time and place." wika ni Gideon Rey at tumalima agad ang sekretarya.
Excited si Gideon na makipag-meeting sa Hapon dahil malaki ang projects na posibleng makuha uli ng SGC. May kanya-kanyang market area ang kaniyang sales department pero ang kliyenteng Hapon ay sales account niya.
Napatingin siya sa kanyang cellphone ng tumunog ito. Kumunot ang kanyang noo dahil unregistered ang number. "Hello." Hinihintay niya ang sagot ng kabilang linya pero mukhang pinakikinggan lang siya. "Hello," ulit niya sa medyo mas malakas na tono.
"H-hello R-rey," nauutal na boses ng babae ang narinig niya. “H-hello.”
Boses na matagal na niyang hindi naririnig ngunit hindi niya malilimutan. "Lara?"
Mabilis ang pintig ng puso ni Lara habang ipina-park ang 'second hand car' na bago niyang bili. Sa wakas ay pumayag si Gideon na magkausap na sila. Matagal na panahon niyang hindi nasilayan ang lugar na ito. Wala naman na nabago sa SGC Building maliban sa bago ang pintura nito.
Ilang minuto na siyang nakatayo at nag-iipon ng lakas ng loob. 'Kaya ko 'to,' sabi niya sa kanyang sarili. Lumakad siya papuntang main entrance at ngumiti sa dalawang security guards. "Good morning."
"Good morning, Ma'am. Sino pong sadya ninyo?" magalang na tanong ng guwardiya.
"Atty. Gideon Rey Posadas," kumabog ang kanyang dibdib ng banggitin niya ang pangalan. Hindi niya mawari kung dahil sa takot o excitement. Inilabas niya ang kanyang driver's license at iniabot sa guwardiya.
Tiningnan ng guwardiya ang I.D. at ngumiti, "Sandali po," nag-dial ito sa intercom at dinig niya ang pagbibigay impormasyon ng guwardiya tungkol sa kanya. Bago na ang mga security guards at hindi siya kilala ng mga ito. Kung dati-rati ay diretso lamang siyang pumapasok ng SGC Building ngunit iba na ngayon.
Mga bagong mukha ang nakikita niya maging ang mga nasa information counter. Tukoy niya ang office ni Gideon dahil iyon din ang dating office ng kanyang Papa. Dumaan siya ng rest room at sinipat ang sarili saka nag-retouch ng make up.
Kahit tamad na siyang magsuot ng bestida ay pinilit niya ang sarili subalit ngayong nasa harap siya ng salamin ay parang gusto niyang magsisi dahil body hugging ang suot niya. Hindi na maikakaila ang mga excess fats niya sa katawan.
Huminga siya ng malalim at pinalakas ang loob. Kailangan niyang harapin si Gideon para makita niya si Mikey. Sabik na sabik na siyang mayakap ang anak at kahit ano pang sumbat galing kay Gideon ay tatanggapin niya.
Pumasok siya ng comfort room at nag-urinate. Papalabas na sana siya ng may marinig siyang pag-uusap ng mga bagong pasok.
"Girl, kumusta na si Mr. Yummy mo?" tanong ng isa.
"Okay naman, unti-unti ko na siyang napapangiti," sagot naman ng isa.
"Ows, talaga? Eh mukhang hindi interesado sa babae yun," himig nagbibirong wika ng nauna.
"Bibigay din ‘yon. Malapit-lapit na." tumatawang sagot ng pangalawa.
"You mean, malapit mo na siyang ma-budol?" tumatawang tanong ng nauna.
"Uhum, parang ganoon na nga," sagot naman ng pangalawa.
Narinig ni Lara ang papalabas na yabag ng dalawang babae. Nangunot ang kanyang noo ng lumabas siya ng comfort room. 'Sinong Mr. Yummy?' tanong ng isip niya.