Kirot ng nakaraan

2044 Words
Bumalik sa reyaledad si Gideon ng tumunog ang kanyang cell phone at nasa linya ang kanyang sekretarya. Pinindot niya ang received at volume button. “Yes, Margie.” “Hello Boss,” maarte at malambing na wika ng nasa kabilang linya. “What is it?” wika ni Gideon habang nakatuon ang atensiyon sa pagmamaneho at sa kalsada. “Boss, may pasalubong sa inyo si Mr. Sakurage.” masaya at malambing na wika ng nasa kabilang linya. “Okay, thank you. Keep it and I’ll check for it tomorrow,” wika ni Gideon. Nagmenor siya ng takbo ng kanyang kotse dahil malapit na siya sa school ni Mikey. “Boss, dinala ko na. Nandito ako sa school ni Mikey. Hihintayin kita.” Napapa-iling si Gideon at natawa. Wala naman siyang iniutos na puntahan pa siya kung nasaan man siya para sa isang pasalubong. Kung hindi lang masipag at organisado magtrabaho si Margie ay baka pinapalitan na niya ito sa pagiging atribida minsan. “Sige, kukunin ko sa’yo.” wika niya at pinatay niya ang cell phone. Muling pumasok sa kanyang isip si Lara. Nagtagis ang kanyang mga bagang. Ano na naman kaya ang plano ni Lara? Baka naubos na ang perang una nitong hiningi kay Don Ramon kaya bumalik para humingi uli. Ilang taon na pinalago ni Don Ramon ang negosyo at nasaksihan niya ang kasipagan nito mula sa kanyang pagkabata. Pero si Lara, kalahating bilyon ang kinuha at maaaring nalustay na lahat. Ayon na rin sa kuwento ni Don Ramon, nag-around the world tour sina Lara at Andrea sa loob ng dalawang taon bago pumirmi at nanirahan sa Paris. Napapailing na lamang siya kapag naiisip niya ang halaga ng perang nilustay ni Lara na muntik ng ikinalugi ng kumpanya at mga stockholders nito. Pero ngayong siya ang may kontrol ng operasyon ng kumpanya ay hindi na makakakuha pa ng kahit isang kusing si Lara. Sisiguraduhin niyang pagpapawisan ni Lara kung gusto nitong magkapera galing sa mga negosyo ni Don Ramon. Samantala, nagmamadali si Lara sa pagbaba ng taxi at lakad-takbo ang ginawa niya. Dasal niya na hindi pa siya huli sa oras at sana abutan pa niya ang kanyang sadya. Nakahinga siya ng maluwag ng makita niya na hindi pa oras ng labasan ng mga Kindergarten pupils sa Xavier Nursery School. Naupo muna siya sa waiting area ng school kung saan may mga naghihintay rin na mga yaya na susundo sa kani-kanilang mga alaga. Abot-abot ang kanyang kaba sa pagkasabik na personal na masilayan ang anak sa unang pagkakataon. Gustong-gusto na niya itong mayakap at pupugin ng halik at naluluha siya sa pagkasabik. Napapitlag pa siya ng marinig ang tunog ng bell, senyales na maglalabasan na ang mga mag-aaral. Nagtayuan ang mga yaya at pumasok sa isa pang gate. Sumunod si Lara pero napatigil siya dahil wala naman pala siyang Fetcher's I.D. na ipapakita sa guwardiya. Nanatili siyang nakatayo at iginala ang mga mata para hanapin si Mikey. Makikilala niya ito dahil kinuha niya ang picture nito sa cellphone ng kanyang Papa. Alam niya na may sumusundo sa kanyang anak kaya minabuti niyang mag-abang na lamang. Dasal niya na sana ay si Aling Lourdes o kaya ang yaya ni Mikey ang sumundo sa bata. Napangiti siya ng mahuli ng kanyang paningin ang isang cute at nakangiting bata na may hatak-hatak na bag. Nakalitaw ang magkabila nitong dimples at sumingkit ang mga mata. "Mikey, anak ko," usal ni Lara. Nangilid ang kanyang mga luha sa sobrang saya at gusto na niyang salubungin ang bata ng yakap. Makikiusap na lamang siya sa guwardiya na papasukin siya at idadahilan niya na nakalimutaan ang kanyang Fetcher's I.D. "Tita Margie!" excited na sigaw ng bata sa paparating na babae. “Mikey, baby.” Masayang sinalubong ng babae ang bata. Nakita ni Lara kung paano masayang niyakap ni Mikey ang babae. Business suit ang suot ng babae pero sobrang iksi ng palda. Maganda at sexy ang babae at imposible na yaya ito ni Mikey. Parang kinurot ang kanyang puso sa nasaksihan at nakaramdam siya ng panibugho. Sinundan niya ng tingin ang anak habang akay-akay ng babae. Nagdalawang isip siya kung lalapitan ang mga ito at magpapakilala. Ngunit ayaw niyang palagpasin pa ang pagkakataon. 'Bahala na,' sabi ng isip niya. Akmang susunod si Lara ng mapatigil siya. Nag-aabang si Gideon Rey sa tabi ng sasakyan nito. Nakita niya ang masayang yakapan ng mag-ama at napangiti siya sa nasaksihan. Ngiting napalis din ng makita niyang nakangiti si Gideon sa babae at ipinagbukas pa ito ng pinto ng kotse. Ang kirot sa kanyang puso ay lalong sumidhi. "May asawa na pala siya," nausal na lamang niya sa sarili habang sinusundan ng tingin ang papaalis na sasakyan. Pumara ng taxi si Lara at babalik na lamang siyang hospital. Pagkasakay niya ng taxi ay nag-unahang tumulo ang mga luhang pilit niyang pinipigilan kanina. Bigo siya na malapitan ang anak at mayakap ito at ang masakit ay parang may kinikilala ng ina ang kanyang anak. Napahagulhol na siya sa kirot ng kanyang puso at usig ng kanyang konsensiya. Kung hindi sana niya iniwan si Mikey ay sana siya ang kinikilala nitong ina. Habang humahagulhol siya ay panay naman ang sulyap sa kanya ng taxi driver sa rear view mirror. "Mam, magdasal po kayo. Malalagpasan n’yo rin ang problema," anang taxi driver. Napatingin si Lara at tinanguan ang driver. Malaking bagay ang tinuran ng driver dahil wala siyang kakampi sa mga oras na ito. Dati ang kanyang Tita Agnes ang kanyang karamay ngunit galit din ito sa kanya at maging ang mga pinsan niya ay hindi na siya kinausap mula ng umalis at sumama siya kay Andrea. Tanging ang kanyang ama lamang ang alam niyang kakampi niya kahit mula noong siya ay paslit pa lamang. Panay ang kuwento ng driver habang patuloy sa pagmamaneho. "Dumaan din ako sa matinding problema, Mam. Sabay na nagkasakit at naospital ang misis at anak ko. Ayun, sa kadadasal ko at sa tulong ng mga kakilala ay nalagpasan ko naman. Sino po ang nahospital sa inyo, Mam?" usisa pa nito. "Papa ko po," tipid na sagot ni Lara. Kung puwede lang mag-confide ng problema kay Manong Driver ay gagawin niya para maibsan ang sakit sa kanyang kalooban. Idagdag pa ang pag-aalala niya sa kalusugan ng ama. Patuloy ang driver sa pagmamaneho habang nagkukuwento ng talambuhay nito habang si Lara ay ngiti at tango na lamang ang sagot. "Narito na po tayo," wika ng driver ng huminto sa tapat ng hospital. "Salamat po, Manong," wika niya at nagbayad ng pamasahi. Kahit papaano ay gumaan ng kaunti ang kanyang pakiramdam sa kadaldalan ng driver. “Anak, akala ko ba marami kang gagawin?” wika ni Don Ramon na umaliwalas ang mukha pagkakita kay Lara. Humalik si Lara sa noo ng ama. Pilit ngumiti at pinasigla ang boses. "Papa, mas kailangan mo ako rito. Makakapaghintay ang ibang bagay." "Mabuti na ang pakiramdam ko," masayang wika ni Don Ramon ngunit hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang malungkot na mga mata ng anak. "May dinaramdam ka ba, Lara? Umiyak ka ba?" "H-hindi po, Papa. Mainit lang po sa biyahe," paiwas na sagot ni Lara. Iniwasan niya ang mapanuring titig ng kanyang ama. "Lara, nagkita na ba kayo ni Mikey?" tanong uli ng kanyang ama na waring hindi nakumbinsi sa dahilan niya. Natigilan si Lara at ang ikinukubling kalungkutan ay hindi na naitago. "Papa," napaupo siya sa tabi ng kama. "Pinuntahan ko siya sa school pero hindi ko nalapitan." Nagbabadya ang mga luha niya. "Anak," ginagap ni Don Ramon ang palad ni Lara, "Humingi ka ng tawad kay Gideon at kay Mikey." Tuluyan ng napaiyak si Lara, “Papa, anong gagawin ko? Natatakot akong humarap kay Rey.” "Lara, ikaw ang nagkamali. Ikaw ang unang lumapit sa kanya at humingi ng tawad. Gawin mo, Anak. Para kay Mikey." Awa ang naramdaman ni Don Ramon kay Lara. Ang dating Lara na matayog noon pero ngayon ay larawan ng isang talunan. Lalong napahagulhol si Lara at niyakap na lamang ng Don ang anak. "Naniniwala ako na mapapatawad ka ni Gideon. Tahan na," naaawang wika ng Don. Ilang araw na ang lumipas pero hindi mapakali si Gideon. Nasa harap siya ng kanyang laptop ngunit wala dito ang kanyang isip. Si Lara ang laman ng kanyang isip, ang ina ng kanyang anak. Ang ina na walang awang iniwan ang sanggol na anak at may karamdaman kapalit ng mana at pansariling kaligayahan. Ang sanggol na si Mikey na sa tulong ng medisina at dasal ay himalang nabuhay at ngayon ay malusog at bibong-bibo. Limang taon na hindi nagpakita sa kanila si Lara at ngayon ay bumalik para saan? Balak ba nitong kunin sa kanya si Mikey? Napatiimbagang si Gideon at napakuyom ng palad. 'Hinding-hindi mo makukuha si Mikey kahit saang korte pa tayo makarating, Lara.' Muling nanariwa sa ala-ala ni Gideon Rey ang nakaraan... "Tatapatin na kita, Gideon. Kailangan ang agarang bypass surgery sa inyong anak. Si baby Mikey ay may Ventricular Septal Defect. Isa itong butas sa puso na kailangan ng agarang operasyon. At dahil dito ay Cyanotic siya o nangingitim kapag umiiyak dahil naghahalo ang oxygenated at unoxygenated blood," paliwanag sa kanya ng pediatrician. "Doc, wala na bang ibang paraan bukod sa bypass? Wala pang one month old ang anak ko." Labis-labis ang pag-aalala ni Gideon sa kalusugan ng anak subalit gusto niyang mapahaba ang buhay nito. "In most cases the heart itself spontaneously close the defect. Pero masyadong malaki ang butas sa puso ng baby n’yo. Nanganganib na hindi siya mabuhay ng matagal. You decide immediately, Gideon. I'll refer you to Heart Center. They have expert pediatric cardiac surgeons." wika ng doktora. Kahit masakit sa kanyang kalooban ay nagdesisyon siya na mag-undergo ng bypass operation ang sanggol na si Mikey. Naging successful naman ang bypass operation subalit kailangan ng ibayong pag-iingat at pag-aalaga. Makalipas ang isang linggo, ang kanyang ina ang nadatnan niyang nagbabantay kay Mikey sa hospital sa halip na si Lara. “Wala na si Lara,” malungkot na wika ni Lourdes. "Anong wala na si Lara, ‘Nay?" kinakabahang tanong ni Gideon sa ina. Dasal niya na sana ay hindi totoo ang kanyang hinala. Iniabot ni Lourdes sa kanya ang isang sulat. "Nakita ko ito sa gamit ni Mikey." Nanginginig ang mga kamay ni Gideon habang binubuksan ang sulat. 'Rey, Forgive me but I'm leaving for Paris now. Please take care of Mikey. -Lara' Tiimbagang na nilamukos ni Gideon Rey ang sulat. "Hindi. Hindi niya puwedeng iwan si Mikey." Mabilis itong tumalikod at lumabas ng kuwarto. "Gideon, Anak! Saan ka pupunta!" Hinabol ni Aling Lourdes ang anak hanggang sa pasilyo subalit hindi niya ito inabutan. Halos paliparin ni Gideon Rey ang kanyang sasakyan patungong airport. Kailangan niyang pigilan si Lara para kay Mikey. Hindi siya papayag na may mangyari kay Mikey. Humahangos siya ng marating ang departure area at lakad-takbo na hinanap ang entrance ng mga patungong Europe. Inisa-isa niya ang mga nakapilang passengers sa entrance pero wala si Lara. 'God, sana wala pa siya sa loob,' tahimik niyang dasal. Nagpalinga-linga siya at nahagip ng kanyang mga mata ang lakad-takbo na si Lara. "Lara!" Patakbong lumapit si Gideon at hinawakan ito sa magkabilang balikat. "Please, nakikiusap ako. ‘Wag mong iiwan si Mikey. Kailangan ka niya." "Rey, I need to go." Tinabig ni Lara ang mga kamay ni Gideon at sabay tumalikod. Humabol si Gideon at humarang sa daraanan nito. "Lara, nakikiusap ako." Gumaralgal ang boses ni Gideon at hindi na niya napigil ang pangingilid ng kanyang mga luha. Lumuhod si Gideon sa harap ni Lara at nakatawag pansin ito sa ibang mga pasahero "Kailangan ka ng anak natin. Kailangan ka ni Mikey. Please stay just for months. Lara, please. Don't leave." "I'm sorry, Rey. Ikaw na ang bahala kay Mikey. Ihingi mo rin ako ng tawad sa kanya," wika ni Lara at tumalikod sa kanya. Tumakbo ito papasok ng departure area. "Lara! Mikey needs you!" sigaw ni Gideon subalit parang walang narinig si Lara at tuloy-tuloy itong pumasok sa departure area. Naiwang nakatayo si Gideon na nangangalit ang mga bagang at nanginginig ang mga nakakuyon na mga palad. "Makasarili ka, Lara," nagngingitngit na usal niya. "Magmula ngayon ay wala ka ng karapatan kay Mikey." Tumalikod si Gideon at pinunas ng mga daliri ang mga luhang pumatak. Durog ang puso niya para sa anakna si Mikey.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD