[KYDE FRANCIS' P.O.V.] Ang dating bahay nila. Masyadong memorable para sa akin ang bahay na ‘yon. Napangisi ako dahil sa aking mga naalala. Pinagmasdan ko ang bahay na 'yon. Ang maliit at masikip na bahay. Ang bahay na wala nang buhay sapagkat nawalan na ng kulay. Sinilip ko ang bakuran. Naroon pa rin pala ang tree house. Hindi ko akalain na makikita ko pa rin ‘yon na nakatayo roon kahit na ilang taon na ang nakalipas. Tiningnan ko si Ellise. Malayo ang pwesto ko sa kinaroroonan niya ngayon. Kaya naman ay hindi niya mapapansin na narito ako at hindi niya malalaman na tinitingnan ko siya mula sa malayo. Nakatulala siya sa pinto ng maliit at lumang bahay na iyon. Siguro ay maraming tumatakbo sa kaniyang isipan sa mga oras na ito. Hindi niya siguro alam kung papasok ba siya roon o hindi.

