II

2033 Words
"Kumusta na kaya si Maya?" Napataas ang kilay na on fleek ni Bonnie. "Aba, kailan mo pa na-miss si Maya? Samantalang no'ng graduation ball lang natin, kulang na lang ipamukha mo do'n sa babaeng 'yon na siya na ang pinakapangit sa balat ng lupa." Hinarap niya ang kaibigan. "Kasalanan ko ba na inakala niya na gusto ko rin siya noon? At saka, natural lang din sa akin na mag-alala para sa kanya, Bons. Magkaibigan kami noon." "Noon," pagbibigay-diin nito. "Bago mo siya gaguhin." Naitaas ni Hunter ang kanyang mga kamay bilang tanda ng pagsuko. "Look, okay, you win. Alam kong may kasalanan ako, okay? But Maya wasn't really my type. And I never thought that she..." "Na ano? Na gusto ka niya?" Tumango ang aktor. Eksaheradang sinapo ni Bonnie ang noo niya. "Naku, Hunter! Katanga mo talaga! E halos kalahati ng populasyon ng ng school natin noon, may gusto sa'yo! And look, hindi ba si Maya ang palagi mong katu-katulong sa pagpapataas sa mga grades mo? Sweet gestures? Date? Tapos sasabihin mo sa akin, hindi mo inakala na magkakagusto sa'yo si Maya? Okay ka lang? Nakalog ba 'yang utak mo?" Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Pero alam mo, kung papapiliin mo ako, mas gusto ko si Maya para sa'yo. Kung ikukumpara mo 'yon sa lahat ng mga naka-date mo noon, do'n na ako sa malambing at maalaga. At saka, maganda rin naman si Maya, a. Engot mo lang pumili, e." Malinaw pa sa memorya ni Hunter ang itsura ni Maria Soraya. May pagka-brown ang buhok. Maputi, matangos ang ilong. Pinkish lips. Matabang pisngi na parang palaging kaysarap pisilin. Ngunit si Maya ang tipo ng babae na hindi pala-ayos. And Hunter with his raging teenage hormones at that time always fall for girls who wears lip gloss. Shining, shimmering eyeshadow. Plastic bangles. Mga maliliit na ipit sa buhok na mala-Jolina ang dating. Kaya 'ni sa hinagap ay hindi pumasok sa kukote niya, o kahit sa panaginip niya man lang na pagpantasyahan ang kapitbahay niya. Besides, kakampi ito palagi ng nanay niya sa pagbubunganga sa kanya. Especially when it's all about his grades. Hindi kasi siya pala-aral. "But yeah, seriously. Fifteen years na ang lumipas, Bons. But I still kind of think at night kung kumusta na siya." "Guilty ang gago." "Look, I'm just curious, okay? I can't help it, lalo na at naging parte rin naman siya ng buhay ko noon." "Nurse na raw 'yon, sabi ng kapatid ko. Single pa rin. Natakot ata magmahal dahil sa'yo." Sinulyapan siya nito. "E sina Tita ba? Sumasagi ba sa isip mo?" He scoffed at the thought of his parents. His very, very unsupportive parents. Simula noong napunta siya sa Maynila at tumira sa tiyahin niya ay pinutol na ng mga ito ang kahit na anong ugnayan ang mayroon ang mga ito sa kanya. Lalo na nang piliin niya ang pag-aartista kaysa sa pagkuha ng kursong Engineering. "Hindi naman siguro ako naaalala ng mga 'yon. All they can remember about me is that I'm their rebel son who chose acting instead of engineering." Nang umalis siya sa Baguio ay iniwan niya ang parte ng buhay niyang iyon. Ang mama at papa niya. Ang mga kaibigan niya, maliban kay Bonnie at sa asawa nito na siyang sumama sa kanya patungo sa Maynila. Si Maya. Hunter tried to forget. And moved on. But did he, really? Iyan ang madalas niyang tanong sa sarili. Dahil sa loob ng labinlimang taong nandito siya sa Maynila, nakahiga sa kasikatan at salapi, ay hindi niya pa rin mapigilang hindi makaramdam na parang may kulang sa buhay niya. "Paano kung hinihintay ka lang nila na mag-reach out, Hunter? I mean, sabi nga nila, walang magulang ang makatitiis sa anak." "Kilala ko si Papa. Mas matigas pa 'yon sa bato." Hindi umimik si Bonnie habang nakatitig lang siya sa kawalan. He glanced at his wristwatch. Twelve midnight. Nilingon niya si Bonnie. "Bons, 'di ka pa ba uuwi? Baka mamaya sa akin ka pa hanapin ni Ernesto," sabi niya, tukoy sa asawa nito. "Actually, Hunter, may sasabihin sana ako," pumormal ang tinig nito. Dumiretso ng pagkakatayo si Hunter at tiningnan ang kausap. "What is it?" "P're, three months pregnant na ako." Sa tuwa ay nayakap niya ang kaibigan. Hunter's squeals of joy echoed around the condo unit. "s**t, Bons! Congrats! Gawin mo akong ninong, ha?" Bahagyang nahihiya na lumayo si Bonnie mula sa kanya. "E 'yon na nga, Hunter. Kailangan kong mag-leave muna." Ang saya ni Hunter ay mabilis na napalitan ng hindi niya mawari kung pagkadismaya ba o pag-aalala. Hinila niya ito patungo sa living room at pinaupo sa isa sa mga couch doon. "Pa'no 'tong trabaho mo sa'kin?" "E, hindi naman matagal. Siguro kapag pumapasok na ng school 'yong anak ko, puwede na akong bumalik ulit sa pagpi-PA. Medyo kinakabahan kasi si Ernesto na baka masyado akong ma-stress sa trabaho ko rito. E alam mo naman, first baby namin 'to." Napalunok ito. "E, balak ko sana, baka 'yong kapatid ko ang pumalit muna. Since wala pa namang trabaho 'yon. Hindi ko pa sure, pero pangako, hahanap ako ng papalit sa'kin bago ko ituloy 'yong leave ko." Hindi umimik si Hunter. Pero wala rin naman siyang magagawa. Naiintindihan niya naman ang pinanggagalingan ng kaibigan. Nakaka-stress naman talaga na mag-PA sa kanya lalo na ngayon at dumadagdag pa si Carol sa problema. "Okay lang, Bons." Nang makalabas na ito ng condo niya ay tila nahahapo na sumalampak siya sa couch at hinagod ang batok. Hay, Hunter. Ano bang plano mo sa buhay mo? tanong ng isip niya. Hindi niya mapigilan na mainggit kay Bonnie at Ernest. Heto at magkakaroon na ang mga ito ng anak. Magkakapamilya na. Samantalang siya, heto at treinta na, isa sa mga pinakasikat na aktor sa takilya, pero nag-iisa. Nang ipikit niya ang kanyang mga mata ay tila tukso na sumagi ulit sa kanyang isipan ang mga alaala niya noong nasa Baguio pa siya. Noong teenager pa lamang siya at nangangarap. Noong hindi niya pa nasasaktan si Maya. ------------------ "Good morning, Maria Soraya!" Napa-irap ang dalagita nang akbayan ni Hunter. Inihampas nito sa dibdib niya ang textbook nila sa Math na pinasagutan niya rito kagabi. "Ayan na assignment mo, Hunter! Sa susunod nga, a! Bago ka gumala, gawin mo muna 'yan!" Ngumuso siya bago kinabig papalapit ang kasamang inis na inis. "Libre na lang kita mamaya. Mall tayo?" "Kahit kailan talaga, B.I. ka sa buhay ko." "Matatanggihan mo ba 'tong kaguwapuhan ko, Maya?" Nagpatiuna ito sa paglalakad ngunit hindi pa rin niya ito tinantanan. Misyon niya kasi araw-araw na makulit man lamang ito kahit na isang oras lang. Kinuha niya ang bag nito at siya na ang nagbitbit. Hindi naman ito nagreklamo, bagkus ay napansin pa ni Hunter ang pamumula ng pisngi ni Maya habang diretso ang tingin. Pareho silang walang imik habang naglalakad papasok ng eskuwelahan. Malamig ang klima sa Baguio kaya naman napansin niya kaagad ang pagkiskis ng kasama ng mga palad nito. Nakasuot lang ito ng sweater na may kanipisan habang balot na balot naman si Hunter dahil tatlong layer ng pantaas ang suot niya. Hinubad niya ang jacket niya at ipinatong iyon sa balikat ng kasama. "Isuot mo 'yan, nilalamig ka na, e." Isang mahinang 'thank you' lang ang narinig niya mula rito bago nito isinuot ang jacket niya. Nang marating nila ang palapag ng kanilang mga classroom ay ibinigay niya ang bag nito. "Salamat, Hunter," medyo nahihiya na sabi nito. "Wala 'yon, thank you rin, a. Pa'no, kita tayo mamayang uwian?" Nang ngumiti ito at tumango ay parang nabuhayan siya ng loob. Nagpaalam na siya rito at pumasok sa loob ng kanyang classroom. Hindi pa man siya nakakaupo ay sinalubong na siya ng nang-aasar na titig ni Bonnie at Ernest. "Hoy, Claridad! Anong drama 'yon? Talagang sabay pa kayo ni Maya na pumasok, a." Mahina lang siyang natawa. "O, ano naman ngayon? E magkapitbahay lang naman kami." "E bakit may pagngiti? May pahabol pa na, 'kita tayo mamayang uwian, ha'." Napakunot ang kanyang noo sa panggagaya ni Bonnie sa boses niya. Nilampasan niya ang dalawa at naupo sa puwesto niya. Wala naman kasing malisya para sa kanya ang ginawa niya kay Maya. Kaibigan niya ito, kapitbahay pa nga. Ano namang masama kung pahiramin niya ito ng jacket, o ilibre sa labas, o kasabay pumasok at umuwi ng paaralan? "Ang malisyosa mo, Bonita. Normal lang naman sa magkaibigan 'yon, a." Nagkakandahaba ang nguso ni Bonnie habang ginagaya ang sinasabi niya. Tatawa-tawa lang si Ernest sa isang gilid habang pinapanood sila. Mabilis na lumipas ang oras para kay Hunter. Siguro ay dahil na rin hindi siya nakikinig sa klase at madalas na lumilipad ang isip. Nang tumunog ang bell hudyat ng uwian ay mabilis siyang tumayo at akmang lalabas ng silid nang harangin siya ng mga kaibigan. "O, excited? Akala ko ba, wala lang?" "Baka mamaya maghintay 'yon sa'kin, Bonita. Ako ang nag-aya, ta's ako pa ang late? Aba, hindi naman yata tama 'yon, 'di ba?" Hindi niya pinansin ang patuloy na pang-aasar ni Bonnie sa kanya. Mabilis siyang lumabas ng silid. Inabutan niya si Maya na naghihintay sa labas ng classroom niya. "Maya! Ano, tara na?" Nang mag-angat ito ng tingin at ngumiti ay narinig niya ang hiyawan ni Bonnie at Ernest sa likuran. Napa-iling na lang siya bago hinila ang dalaga palayo. Kinuha niya ang backpack nito. "Tara na nga, huwag mo nang pansinin 'yang lukaret na 'yan." Pareho silang walang imik habang naglalakad papunta sa mall. Walking distance lang kasi. Nilibang na lang ni Hunter ang sarili sa pagtingin-tingin sa mga nakakasalubong nila at sa tanawin. "Saan ba tayo pupunta?" Nagkibit-balikat siya. "Ikaw ang bahala. Saan mo ba gusto? Gusto mo ba kumain sa Jollibee?" Tumango lang ang kasama, pero kitang-kita ni Hunter ang pamumula ng pisngi nito. Parang mukhang kamatis. Ganito lang naman sila palagi ni Maya. Magkasama, pero walang umiimik. Minsan, napapakuwento. Pero mas madalas na magkasabay lang sila maglakad. Siguro ay dahil na rin parang nahihiya si Maya sa kanya kaya hindi ito masyadong nagsasalita. Mas madaldal kasi ito sa gabi, kapag magkausap sila sa teleponong lata. Nang makarating sa Jollibee ay kaagad na umorder si Hunter ng burger, fries, at sundae. Nang makabalik ay nakita niya si Maya na abala sa paggawa ng assignments nito. Napapalatak siya at kinuha ang notebook nito at ballpen. "Hunter! Akin na nga 'yan!" "Hindi ko 'to ibibigay sa'yo hangga't hindi ka kumakain." "Naman, e!" Wala itong ibang nagawa kun'di kuhain ang burger at kagatan iyon. Mabilis na nag-iwas ng tingin ang dalagita nang makita ang nakangiting mukha ni Hunter habang ngumugnuya ng pagkain. "Matutunaw ako n'yan, Hunter." Tumawa siya. "Kilig ka naman." Inirapan niya ito pagkatapos ay nagpatuloy sa pagkain. Pilit na iniwasan na matapunan man lang ng tingin ang kaharap. Nang mapansin ni Hunter na may ice cream pa ito sa gilid ng labi ay mabilis niyang kinuha ang tissue at pinunasan ang gilid ng labi ng dalaga. Natigilan ito. Maski si Hunter. Napatikhim siya ay napa-iwas ng tingin. Nakaka-ilang kasi. "May ice cream ka kasi sa gilid ng labi, pinunasan ko lang." "Ah, salamat." Nang maubos ang pagkain ay naisipan nila pareho na mag-ikot-ikot. Nang wala nang maisip na gawin ay nag-aya na si Maya na umuwi. Malapit na rin kasing gumabi. Nang marating nila ang mga bahay nila ay iniabot niya ang backpack nito at nagpaalam. "Pa'no, next time ulit?" Ngumiti si Maya. "Thank you sa libre, ha." Mahinang tumawa si Hunter. "Wala 'yon." Nang makapasok sa loob ng bahay niya ay sinalubong siya ng nanunudyong ngiti ng kanyang ina. "Kumusta ang date?" "Hindi kami nag-date, Ma. Nag-thank you lang ako kasi tinulungan ako sa assignments ko." Nilingon niya ang kanyang ina. "At saka, hindi ko type si Maya, 'no! Magkaibigan lang kami." Parang diskumpiyado ang kanyang ina. "Naku, Hunter. 'Wag kang magsalita nang tapos." "Ewan ko sa'yo, Ma," natatawang usal niya bago dumiretso sa kanyang kuwarto at nagbihis. Pagdaan niya sa may bintana katapat ng kina Maya ay nasulyapan niya pa ito na nakaharap sa salamin at nagsusuklay ng buhok, may nakapintang ngiti sa mga labi. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ang tanawin na iyon ay nagdulot ng libu-libong saya sa puso niya dahilan para mapangiti rin siya.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD