"Dali na kasi, Soraya! 'Di ba, tengga naman ang kagandahan mo rito sa balay? E 'di ikaw na lang 'yong pumalit kay Ate Bonnie sa pagpi-PA!" pangungumbinsi ni Lita kay Maya, na animo'y walang naririnig habang inaayos ang mga paninda niya sa loob ng maliit na sari-sari store na pagmamay-ari niya.
"Alam mo naman na walang kasama si Papa rito sa Baguio, 'di ba? At saka, haler, ikaw kaya ang kinukumbida ng ate mo. Bakit ako ang pinambabala mo ngayon?"
Ngumuso ang kaibigan. "E... alam mo na 'yon..."
Inirapan niya ito. "Ano, 'di mo maiwan 'yong jowa mong kargador sa palengke?"
"Hoy, FYI, hindi kargador si Joey! At saka, kung gusto mo, ako na magbabantay kay Tito. Sige na naman, Maya. At saka, anlaki kaya ng alok ni Ate Bonnie. Makakatulong din 'yon sa pagpapagamot mo kay Tito."
"'Yan, basta kalandian, ang galing mo mamboladas."
"Ang bitter mo naman!" eksaheradang saad nito. "Ano, after fifteen years, ampalaya ka pa rin sa ginawa ni Hunter sa'yo?"
Mas lalong nagmukhang ampalaya ang mukha ni Maya nang marinig ang pangalan ng dati niyang kababata. Padabog na inilagay niya ang mga canned goods sa estante.
"Ay, affected si mama... Bakit may pagdabog, aber?"
"Hindi ako nagdadabog, inaayos ko lang 'tong mga paninda ko. Alam mo, Lita, may balat ka ata sa puwet, e. Tingnan mo nga, ke-aga-aga walang bumibili sa'kin. Shoo, shoo!" pagtataboy niya rito.
Inirapan siya ng kaibigan. "Hindi na ako magtataka kung bakit tatandang-dalaga ka talaga, Maya. Maliban sa saksakan ka ng sungit, hanggang ngayon, hindi ka pa rin nakakalimot! Haler, kung bagoong 'yang feelings mo, matagal na 'yang inamag! Gaga, let go ka na, treinta ka na, oy!"
Totoo naman ang sinasabi ni Lita. Treinta na siya ngunit hindi pa rin siya nagkakanobyo. Hindi naman sa pangit siya o kung ano. Madalas pa nga siyang manomina sa Santacruzan at paminsan-minsan ay may umaakyat ng ligaw. Ngunit alam ni Maya na hindi pa siya handang magmahal ulit. Lalo na pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanilang dalawa ni Hunter.
Hindi siya makalimot. First love never dies, 'ika nga. Ngunit sa lagay niya, tila first pain never dies ang peg ng kanyang ganda. Sino ba namang hindi makakalimot kung sa mismong JS Prom-s***h-Graduation Ball ninyo ay nalaman mo na ginagamit ka lang pala ng taong gusto mo? Na walang ibig sabihin para rito ang lahat ng kanilang pinagsamahan? Pati na rin ang first kiss niya na ang ulupong na iyon ang nakakuha? Kulang pa yata ang pagpapakalunod sa isang case ng gin para makalimutan niya ang gabing iyon.
"E ano namang masama kung tumandang dalaga ako, aber? Ang mahalaga, hindi ako nagpapakatanga."
"Gaga! Hindi mo ba naiisip na baka kakagan'yan mo, napakawalan mo na 'yong para sa'yo talaga?"
Pagak siyang tumawa. "Hindi totoo 'yang soulmate-soulmate na 'yan, Lita. 'Yang pag-ibig na 'yan, naku, sakit lang dulot n'yan. Thanks, but no, thanks."
"Drama mo, 'nyeta ka," naiimbyernang saad ng kaibigan. "Basta, sasabihin ko kay Ate Bonnie ikaw na ang papalit sa kanya. Ako na bahala kay Tito. Makalma lang 'yang utak mo."
Hindi na umimik ang dalaga. Hindi niya rin naman matatanggihan si Lita. Kailangan nila ng pera. Mahal ang gamot ng kanyang ama para sa kondisyon nito sa puso at kamakailan lang ay nagsara ang ospital na pinapasukan niya dahil sa ilang kontrobersiya. Buti na lang at nakapag-file na siya ng resignation letter dahil tatlong buwan mula ngayon ay magtratrabaho siya bilang DH sa Canada. Ngunit dahil doon, kagaya nga ng sabi ni Lita, tengga ang kagandahan niya sa balay.
Napabuntong-hininga si Maya bago inayos ang pagkakatali ng kanyang buhok. Pagkatapos ay pumasok siya sa loob ng kanyang kuwarto para magbihis. Medyo manipis kasi ang suot niya at nararamdaman niya ang pagtagos ng lamig ng klima sa kanyang balat.
Sakto naman na parang tukso na napalingon siya sa bintana ng dating kuwarto ni Hunter. Wala na siyang balita rito at hindi niya alam kung ano nang nangyari sa buhay nito. Ang tanging alam niya lang ay sikat na aktor na ito sa Maynila, at halos lahat ng babae sa kanilang maliit na komunidad ay may poster ng kanyang dating kababata na nakasabit sa mga kuwarto ng mga ito.
Kung alam niyo lang kung gaano kasama ang ugali ng ulupong na 'yon, himutok ng kanyang isipan. Wala na rin naman na siyang pakialam sa ginagawa nito sa buhay nito, at mas lalong ayaw niyang malaman. Isang masamang alaala si Hunter Claridad sa kanyang buhay. Isang sama ng loob na gusto niyang itae. O kaya isuka.
Kuh, Maria Soraya. Para kang ampalaya, tudyo ng kanyang isipan. Naglakad siya papalapit sa kanyang bintana at akmang isasara iyon nang tawagin ang kanyang pansin ng dulo ng teleponong latang nakasampay sa bintana niya. Nakakonekta iyon sa bintana ng kuwarto ng dating kababata. Napapalatak ang dalaga at isinara na lang iyon at hindi na pinagtuunan pa ng pansin. Nagpatuloy siya sa kanyang pagbibihis at pagkatapos ay bumaba upang harapin ang mga kostumer niya sa sari-sari store na pagmamay-ari niya.
Simple lang naman ang buhay na gusto ni Maya. Gusto niya lang na may stable siyang kita at maipagamot ang kanyang ama. At maging nars.
Habang nagbabasa ng pocketbook sa loob ng kanyang tindahan ay nabulabog ang kanyang payapang umaga dahil sa bunganga ng kanyang isa pang matalik na kaibigan na si Chona.
"Maya! Huwag mo 'kong iwan!" eksaheradang atungal nito habang papunas-punas pa ng pekeng luha.
"Gaga, hindi pa ako mamamatay!"
"Ay, gano'n? Sige, pabili na lang ng kendi."
Natawa siya kagagahan ng kanyang kaibigan. "Pumasok ka nga dito! Baka mamaya, mapagkamalan ka pa ng mga kapitbahay natin na nababaliw na."
Lumigid ito at pumasok sa loob ng tindahan. Humila siya ng upuan at pinaupo ang kaibigan doon. Nanlalaki at nandididilat ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Natural na kasi na bilugan ang mga mata nito.
"Hoy, Chona. Huwag mo akong pandilatan."
Inirapan siya nito. "Pero 'di nga, Maya. Sure ka na ba? Wala nang ayawan 'yan?"
Napakunot ang noo niya. "Alin, 'yong sa pagpi-PA? Oo naman. Sayang, kwarta rin 'yon."
"Kakayanin mo ba? Puwede ka pa namang tumanggi kay Lita," may halong pag-aalala na saad nito.
Napakunot ang noo niya. "Ang-OA mo, Chona. Magpi-PA lang naman ako, hindi naman ako tatawid ng ikapitong bundok. At saka, nasa Pilipinas lang din naman ako. Hindi naman ako pupunta ng Mars."
"Ito naman. Nag-aalala lang naman ako sa'yo, 'no. Kung puwede ko lang iwan 'tong trabaho ko dito sa Baguio, masamahan ka lang, gagawin ko."
Mahina siyang tumawa at ibinaba ang pocketbook na binabasa. "Kaya ko na nga sarili ko, Chona. Sows, hindi naman na ako batang munti, 'no! Malakas yata 'to."
Natuto si Maya na tumayo sa sarili niyang mga paa dahil na rin iniwan sila ng kaniyang ina noong kinse pa lang siya. Nilayasan sila nito. Sumama sa ibang lalaki. Dumagdag pa sa pasakit sa dibdib niya ang nangyari sa kanila noon ni Hunter dahilan para matuto siya na hindi dumepende sa ibang tao at hindi maniwala sa pag-ibig. Sakit lang ang dulot niyon at wala siyang mapapalang maganda sa kalandian na iyan.
"O, basta, kapag may problema, tawagan mo lang kami, ha. Naku, luluwas kami kaagad mapuntahan ka lang."
Napangiti siya sa sinseridad ng kanyang mga kaibigan. Hindi na rin naman siya nangangamba na baka maiwan mag-isa ang kanyang ama dahil tiyak niya na aalagaan ito nina Chona at Lita.
Ilang araw pa ang lumipas at dumating ang schedule niya ng pagluwas patungo sa Maynila. Inihatid pa siya ng kanyang ama at ng kanyang dalawang kaibigan. Ang pinakamaagang biyahe kasi ang pinili niya para maaga rin siyang makarating sa Maynila dahil sabi ni Lita, halos anim na oras ang biyahe. Hindi naman na tumutol ang kanyang ama dahil alam din naman nito ang estado ng kanilang finances. Ang tanging bilin lamang nito ay palagi siyabg mag-iingat doon at habaan ang pasensya.
"Ano ba 'yan, Chona. Ngawa ka nang ngawa. Sa Maynila lang naman punta nito ni Maya," naiiritang saad ni Lita.
"Hindi ka ba napa-proud? Haler, for thirty years, nandito lang 'yan. Baka ito na ang chance niya na madiligan."
Pinandilatan niya ito dahil katabi lang nila ang kaniyang ama. Hindi naman ito umiimik. Alam niya na may pangamba rin na nakatago sa kalmadong itsura ng kanyang ama.
Nang dumating na ang kanyang sasakyang bus ay mabilis siyang nagpaalam sa mga kasama. Hinayaan niya ang sarili na maging komportable sa kinauupuan dahil mahaba-haba ang biyahe patungong Maynila. Pinanood niya ang unti-unting pagliit sa kanyang paningin ng kaniyang mga kaibigan at ama hanggang sa hindi na niya ito matanaw.
Bahagya siyang napapitlag nang marinig ang pagtunog ng kanyang telepono. Dali-dali niyang sinagot iyon nang makita na si Bonnie ang tumatawag, ang kapatid ni Lita.
"Nakasakay ka na ba sa bus, Maya?"
Mahina siyang tumawa. "Oo, okay na ako. Siguro mga bandang alas siete, nasa Maynila na ako."
"Buti naman at pumayag ka?"
Napakunot ang noo niya sa tanong nito ngunit ipinagkibit-balikat niya na lamang iyon. "E, kita rin 'to, e. Kailangan ko pa naman ng pera para sa pagpapagamot ni Papa. No choice talaga."
Hindi na ito nag-usisa pa at ibinaba ang tawag. Ang kasunduan kasi nila ay susunduin siya nito sa terminal pagkatapos ay pupunta sa condo ng kanyang bagong amo.
Dahil na rin sa pagkabagot ay napagdesisyunan niya na matulog muna kahit sandali lang. Matagal pa ang biyahe.
Nang idilat niya ang mga mata niya ay papasok na sa terminal ang bus na sinasakyan. Sa pagkataranta ay dali-dali niyang inayos ang kanyang mga gamit at naghanda sa pagbaba ng bus. Nang huminto iyon ay nakipag-unahan siya sa ibang mga pasahero na makababa at mabilis na hinanap ang kausap.
"Maya! Maya Ortiz!"
Napalingon siya sa pamilyar na tinig na tumawag sa kanyang pangalan. Si Bonnie iyon. Nasa tabi nito ang asawa nito na si Ernest. Kilala niya ang mga ito dahil mga kaibigan ito ni Hunter noon at madalas niya ring nakakasama ang mga ito kapag nililibre siya ng kababata niya sa labas para kumain. Mabilis niyang nilapitan ang mag-asawa.
"O, ano, ready ka na ba?"
Masigla siyang tumango. Kinuha ni Ernest ang mga gamit niya at nilagay sa likod ng sasakyan habang pinasakay naman siya ni Bonnie sa backseat. Habang bumibiyahe ay napag-alaman niya na buntis pala ito kaya naghahanap ng pansamantalang kapalit sa pagpi-PA nito.
"Tatlong buwan lang ako, Bonnie. Papunta na kasi ako sa Canada, e," paalala niya.
Tumango ito. "Oo, naiintindihan ko naman. Hayaan mo, pipilitin ko si Lita na palitan ka kapag kailangan mo nang asikasuhin 'yong paglipad mo pa-Canada."
Habang nasa biyahe ay pinapahapyawan na ni Bonnie ang kanyang mga tungkulin bilang PA. Mula sa pagsama niya sa mga events hanggang sa pagpapa-alala niya ng mga schedules at importanteng meetings. Sa isip-isip ni Maya ay yakang-yaka niya iyon dahil madali lang naman gawin iyon.
Nang huminto ang sasakyan sa tapat ng isang mataas na gusali ay sinabihan siya ni Bonnie na bumaba habang dadalhin naman daw ni Ernest ang kanyang mga gamit niya sa apartment na tinitirahan ng mga ito kung saan pansamantala siyang makikitira.
Tahimik niyang sinusundan ito. Huminto ito sa tapat ng elevator at pinindot ang ikaapatnapung palapag.
Walang umimik sa kanilang dalawa habang umaakyat ang elevator. Ramdam ni Maya ang unti-unting pagbangon ng kaba sa kanyang dibdib. Hindi niya mawari kung bakit ngunit pinilit niyang iwaksi iyon sa kanyang isipan. Nang huminto ang elevator ay sinundan niya si Bonnie palabas niyon. Sumunod sa paglalakad nito patungo sa dulo ng pasilyo.
"Sana gising na 'yong lalaking 'yon ngayon para magkausap na rin kayo," mahinang sbai nito bago pinindot ang doorbell. Ilang beses pa nitong inulit iyon bago nila narinig pareho ang tinig ng lalaki mula sa loob niyon na nagsasabi ng 'sandali'.
Mayamaya ay bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang isang lalaking may makisig na pangangatawan, hubad-baro pa ito at tila kakalabas lang ng banyo. Nang mag-angat ito ng tingin ay kasabay ng mabilis na pagkabog ng kanyang dibdib ang pagkalaglag ng kanyang panga.
Labinlimang taon na ang lumipas, ngunit bakit ganito pa rin ang t***k ng puso niya?
"Ikaw?" magkasabay na bulalas nila.
Napapikit si Maya sa inis. 'Nyeta ka, Lita, makakalbo talaga kitang gaga ka!