"A-YO-KO. No. N-O."
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-get over ang puso ni Maya mula sa pagkakalaglag nito sa sahig. Pa'no ba naman, si Hunter Claridad pala ang magiging amo niya! Si Hunter na ulupong na nagnakaw ng first kiss niya at dahilan kung bakit gusto niyang magpakatandang-dalaga!
At kahit na ano pang pangungumbinsi na gawin sa kanya ni Bonnie at ni Lita ay hindi siya mapapapayag ng mga ito na maging julalay sa ulupong na 'yon! Not over my dead, virgin body!
"Bonnie, are you playing tricks again?"
Napataas ang kilay niya sa pag-i-Ingles nito ngunit hindi siya umimik. Akmang maglalakad sana siya palayo ngunit hinila siya kaagad ni Bonnie. "Akala ko alam mo, Maya."
Tigas ang pag-iling niya. "Kung alam ko lang na 'tong ulupong na 'to ang amo mo, hindi ako papayag na magpunta rito sa Maynila, 'no! Mas gugustuhin ko pang ma-kidnap ng mga alien sa Mars kay sa maging alalay nitong hinayupak na 'to!" inis na sabi niya sabay duro sa katabi.
"Woah, woah, easy there, tiger," sabi nito sabay taas ng magkabilang mga kamay nito.
Inirapan niya ito at hinarap si Bonnie. "Bons, ayoko talaga. Kung tingin mo makakatagal ako ng isang araw kasama 'tong lalaking 'to, nagkakamali ka. Pauwiin mo na ako ng Baguio kung ayaw mong masira ang mukha nitong ulupong na 'to."
"Look, Maya, kailangan ko talaga ng kapalit. And besides, palagi naman kitang tutulungan, a. Pretty please?"
"A-yo-ko."
"Parang wala naman tayong pinagsamahan, Maria Soraya," hirit ni Hunter.
Nang-iinis ba 'to? tanong ng isip niya. Nakapameywang na hinarap niya ang aktor. "Talaga, Hunter? Huwag mo akong umpisahan sa mga pinagsamahan. Kasi wala tayong pinagsamahan kun'di isang bangungot! Bangungot ka sa buhay ko!"
Akmang maglalakad na siya papalayo nang marinig niya ang boses ni Bonnie. "Kailangan mo ng pera para sa gamutan ni Mr. Ortiz, 'di ba?"
Napalunok siya. "Kikitain ko naman 'yon kapag nasa Canada na ako."
"Three months pa bago ka magpunta ng Canada. Sabi sa'kin ni Lita, nagsara raw 'yong pinapasukan mong ospital. Maya, sayang naman 'tong alok ko. Malaking tulong din 'to sa gamutan ng Papa mo."
"Ayoko, Bonnie," matigas na saad niya habang pinipigilan ang pagaragal ng kanyang tinig. "Babalik na ako ng Baguio."
"Maya..." Napasulyap siya kay Hunter nang marinig ang pagtawag nito na may halong pagsusumamo.
Mabilis niyang iniiwas ang tingin niya nang makita niya na nakatitig din ito sa kanya. "Dodoblehin ko suweldo mo," pamimilit ni Bonnie. "Plus, libre na 'yong pagtira mo sa'min ni Ernest. Tuwing weekends puwede kang umuwi ng Baguio. Pumayag ka lang, Maya."
"Setup ba 'to? Bakit parang alam na alam mo na gipit na gipit ako ngayon, Bons?"
"Can we just set aside our past for a while, Maya? If you want, you can be civil around me," singit ni Hunter. "I badly need an assistant and as you can see, Bonnie's pregnant."
Napabuntong-hininga ang dalaga. "Okay, okay! Fine! Papayag na akong maging alalay mo. But FYI, three months mo lang makikita pagmumukha ko, 'wag kang mag-alala."
Napansin niya ang hindi maitagong ngiting tagumpay ni Bonnie. Kahit na pakiramdam niya man ay na-setup siya ay hindi na rin siya aatras. Kailangan niya rin naman talaga ang perang inaalok nito para sa kanyang ama. Hindi niya kayang pagkasyahin ang kita niya sa sari-sari store para sa pang-araw-araw nilang gastusin ganitong nagmahal din ang gamot ng kanyang ama.
Pinapasok sila ni Hunter sa loob ng condo nito. Malaki iyon at magara. Nagpaalam ito na magbibihis lang at tumuloy ito sa silid nito sa ikalawang palapag ng condo unit nito. Hindi na siya nagtaka. Sikat na aktor na nga pala ang lalaki. Parang dati lang...
"Hindi ka na malas kay Hunter, Maya. Okay naman 'yan na amo. Kapag tulog," pabulong na sabi ni Bonnie sa kanya.
Inirapan niya ito. "Ewan ko sa'yo, Bonnie. Pero sinasabi ko sa'yo, hindi lilipas ang isang araw na hindi kami nagbabangayan n'yan. Itaga mo pa sa bato."
Mahina itong natawa. "Sus, alam mo, sabi nga nila, enemies are the best lovers. Malay mo, magkaro'n na ng spark ngayon sa pagitan niyo ni Hunter."
"Magkakaro'n lang ng spark sa pagitan naming dalawa kapag kinuryente ko 'yang ulupong na 'yan. At saka, Bonnie, ekis na sa'kin 'yang kaibigan mo. Matagal na. Suko na ako sa hinayupak na pag-ibig na 'yan kaya huwag ka nang mag-imagine d'yan. Kinikilabutan lang ako lalo."
Natahimik sila pareho nang marinig ang mga yabag ni Hunter na pababa ng hagdan. Nakasuot ito ng simpleng white tee shirt and black jogger pants na parehong yumakap sa matipuno nitong pangangatawan habang...
Gaga ka, Maya! Huwag kang magpantasiya d'yan sa ulupong na 'yan! Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at inilibot ang mga mata niya sa loob ng condo. Malinis iyon at organisado.
"You guys want some drink?"
Bahagya siyang napapitlag sa boses ng aktor. Napalingon siya sa mga ito. May bahid ng pagtataka ang mga mata ni Bonnie habang tila hindi naman napansin ni Hunter ang pagkagulat niya. Tumikhim siya at hinubad ang suot niyang jacket.
"Tubig lang kami pareho ni Maya." Nang magtungo ito patungo sa kitchen area ay siniko siya ni Bonnie.
"Hoy, okay ka lang?"
Tumango siya. Anak ng teteng, bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit ambilis ng t***k ng puso ko sa simpleng pagtitig at boses lang ng ulupong na 'yon? Hoy, Maria Soraya Ortiz, huwag kang kikiligin d'yan! Baka nakakalimutan mo na kung anong nangyari fifteen years ago?
Nang magbalik ito at abutan siya ng isang baso ng malamig na malamig na tubig ay nararamdaman niya ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Hindi niya malaman kung paano itatago ang pamumula ng pisngi niya kaya naman mabilis niyang nilagok ang laman ng baso at ipinatong iyon sa center table sa harapan niya.
At tila naman tukso, naupo si Hunter sa harapan niya, nakabukaka pa habang umiinom ng orange juice. Pilit na itinuon ng dalaga ang pansin niya kay Bonnie, na nag-umpisang ipaliwanag sa kanya kung ano ang gagawin niya bilang personal alalay ni Hunter. Madali lang ang lahat ng iyon kung tutuusin para sa kanya. Ngunit ang pinakamahirap na parte lang yata na kailangan niyang isipin ay si Hunter ang pagsisilbihan niya, ang lalaking kinamumuhian niya hanggang sa pinakahuling hibla ng kanyang katauhan.
Nang sabihin ni Bonnie na bukas mag-uumpisa ang trabaho niya at puwede na muna siyang magpahinga sa apartment ng mag-asawa ay para siyang nakahinga nang maluwag.
"Ay, akala ko dito sa condo titira si Maya?"
Sa isip niya ay paulit-ulit na niya itong minumura. Tila napansin naman ni Bonnie na hindi siya komportable na makasama ang aktor sa iisang bubong kaya naman sinabi kaagad nito na doon na lang muna siya titira sa poder nilang mag-asawa.
Walang lingon-lingon na sinundan niya si Bonnie patungo sa elevator. At parang nang-iinis talaga, sumigaw pa ang ulupong bago isinara ang pinto ng condo nito.
"Kita tayo bukas, Maya! I missed you!"
Inirapan niya ito bago pinindot ang button para sumara ang pinto ng elevator.
Nang lingunin niya si Bonnie ay bahagyang nanunudyo ang tingin nito. "Na-miss ka naman pala, Maya."
"Tantanan mo ako, Bonita. Hindi ko pa nakakalimutan 'yong pagse-setup niyo sa'kin ni Lita, ha."
Tumawa lang ito at hindi na umimik. Nang makababa ng elevator ay naghihintay na si Ernest sa parking lot. Tahimik silang tatlo habang nasa biyahe.
Lumilipad ang isipan ni Maya. Inaaalala ang mga nangyari noong kabataan nila. Tama naman si Hunter. Marami rin silang pinagsamahan. Ngunit mas matindi ang sakit na kaakibat niyon kaya hanggang ngayon ay hindi niya pa rin magawang patawarin ang kababata. Nang makarating sa apartment ng mag-asawa ay kaagad itinuro ni Bonnie sa kanya ang kuwarto na tutuluyan niya. May apat kasing kuwarto sa loob ng apartment ng mga ito at ang isa pa ay para sa magiging anak ng mga ito. Pagkatapos kumain ay kaagad na inayos ng dalaga ang kanyang mga gamit para makapagpahinga.
Hindi siya aatras. Kailangan niya ng pera. At kahit buwisitin mo pa akong ulupong ka, wala kang mapapala!
--------------------------
Lord , kunin Mo na lang ako, bulong ng isipan ni Maya habang bitbit ang isang plastic bag na puno ng mga damit na ipina-laundry niya. Mine-maintenance check ang elevator sa condo building ni Hunter kaya naman no choice siya kun'di gamitin ang hagdan paakyat. Hingal kabayo na siya gano'ng nasa 20th floor pa lang siya. Sa 40th floor pa ang condo ni Hunter.
At kapag minamalas-malas ka nga naman, nasa 25th floor na siya nang mapansin niya ang malaking butas sa plastic bag na bitbit niya. Siguro ay dahil na rin sa kakaladkad niya sa bag paakyat kaya iyon nabutas. Mas lalo siyang ginuhuan ng mundo nang makita niya na lumalabas na sa plastic ang underwear ng aktor na nasa pinakailalim ng bag. Pinulot niya ang mga damit na nakakalat sa hagdan at niyakap ang plastic bag bago ipinagpatuloy ang pag-akyat ng hagdan.
"Goddamnit, Hunter, bakit ba kasi sa 40th floor ang condo mo?"
Napapitlag ang dalaga sa baritonong boses na nanggagaling sa likuran niya. Sa pagkagulat ay nawalan siya ng balanse at muntik nang malaglag. Ang paghawak nito sa kanyang beywang ang dahilan para magtama ang kanilang mga mata. Sinalubong siya ng kulay kapeng mga mata ng kanyang knight-in-shining-suit. Medyo may kahabaan ang buhok nito na naka-style dahilan para lumitaw ang kaguwapuhan nito.
"T-t-thank you..."
"Are you alright, Miss—"
"Maya. At, oo, ayos lang ako," bahagyang natatawa na usal niya. "Bigat kasi nito, e." Mabilis siya nitong pinakawalan mula sa yakap nito at hinagod ang buhok. Ramdam niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya at pansin niya ang pamumula ng tainga ng kaharap. "Thank you pala, Mister—"
"Alexander. Alexander Del Valle."
"Thank you, Sir Alexander." "Huwag mo na akong tawaging 'sir', Maya."
Tipid siyang ngumiti. Shocks. Ampogi pala nito ngayong natitigan na niya ito nang mas maigi. May pagka-chinito ang mga mata nito at may katangusan ang ilong nito habang manipis at mamula-mula ang mga labi nito na parang angsarap halikan araw— Nyeta ka, Maya! Umayos ka nga!
"Uhm, paakyat ka sa condo ni Hunter Claridad, 'yong artista?" usisa niya.
"Yeah, actually I have something to discuss with him. Ikaw?"
"Personal assistant niya ako, at..."
Tumango-tango ito. Kinuha nito ang plastic bag na yakap-yakap niya. "Tulungan na kita d'yan."
"Naku, 'wag na, nakakahiya!"
Mahina itong tumawa. Shet, pati tawa nito ang guwapo, sa isip-isip niya. "No, it's alright, really."
Pareho silang walang imik habang papaakyat ng hagdan. Tila hindi man lang hinihingal ang kasama. Nang marating nila ang condo ni Hunter ay pinagbuksan niya ito ng pinto. Inabutan nila ang aktor na nakaupo sa couch nito habang tila abala sa smartphone nito.
Napakunot ang noo nito at nalusaw ang ngiting nakapinta sa mga labi nang makita sila ni Alexander na magkasama. Kinuha niya ang plastic bag mula sa kasama habang nilapitan naman ito kanyang amo. Dumiretso ang dalaga sa silid ni Hunter para ilagay roon ang mga damit nang marinig niya ang pagtawag nito sa kanya.
"Maya, prepare some food for us, will you?"
Mabilis siyang sumunod sa utos nito. Maliban sa gusto niyang masilayan si Alexander ay naku-curious din siya kung bakit bahagyang nagdilim ang mukha ng kababata nang mabungaran sila. Nang makapaghanda ng sandwich at juice ang dalaga ay mabilis niya itong binitbit patungo sa living area. Inilapag niya iyon sa harap ni Alexander at Hunter.
Ang ngiti ng lalaki ay tila araw na tumunaw sa nanlalamig na puso ni Maya. "Thank you, Maya."
"Wala 'yon, Alex—"
"Xander na lang."
Napataas ang kilay ni Hunter. "Nickname basis kaagad? Excuse me, I'm here."
Kahit kailan talaga, panira 'tong ulupong na 'to ng moment, bulong ng isipan ni Maya. Tumikhim siya pagkatapos ay nagpaalam na babalik na sa ginagawa niya. Nang makapasok sa silid ng aktor ay ang lapad ng ngiti niya sa mga labi niya. Sino ba namang hindi, kung ganoon kaguwapo at kabait ang magpapaganda ng umaga mo?
Ang inis na tinig ni Hunter ang nakapagpaputol sa kanyang pantasya. Tinatawag na naman siya nito. Nang makababa siya ay hindi niya maitago ang pagkadismaya nang mapansin na nakaalis na ang bisita nito.
"O, may hinahanap ka?"
"Wala ka na do'n."
Napapalatak ito. "Ipagtimpla mo na lang ako ng juice."
Nagtataka man kung bakit ito naiinis ay sinunod niya na lang ang utos nito. Kung alam niya lang na tinititigan at pinag-aaralan siya ni Hunter kanina habang kaharap niya si Alexander Del Valle. At ang bahagyang pagka-inis nito sa pagbibigay niya ng atensyon sa bisita nito.