V

2092 Words
“Punyeta! Hunter, magbihis ka nga!” nanghihilakbot na tili ni Maya nang mabungaran ang amo na hubad-baro habang nagluluto ng agahan nito. Kaagad siyang napatakip ng mukha kahit na kita naman sa siwang ng kanyang mga daliri ang kaharap. Day-off niya sana ngayon kung hindi lang naisipan ng demonyitong si Hunter na tawagan siya at sabihan na huwag munang mag-day off dahil wala itong kasama sa condo nito. Tumaas ang kilay ni Hunter. “Excuse me, palagi naman akong naka-topless kapag mag-isa sa condo. Masuwerte ka pa nga na live show ang nakikita mo. Karamihan sa mga fans ko, sa TV lang ‘yan nakikita.” Sarkastikong ngumiti ang dalaga. “Pasensya ka na po, Sir, ha? Hindi ko po kasi pinagnanasahan ang katawan niyo. Bakit mo ba kasi ako pinatawag? Day-off ko kaya ngayon.” Bagaman bahagyang nagdilim ang mukha nito ay tumikhim ang kababata at inilagay ang pinipiritong itlog sa tray na nasa tabi nito kasama ang bacon at sausages. “Wala lang. Samahan mo lang ako. I’m bored.” “Bored lang pala, hindi na lang humanap ng ibang makakasama,” bulong ni Maya. “May sinasabi ka?” “Ha? Naku, wala,” patay-malisya na saad niya. “Maglilinis muna ako sa taas.” Bago pa man makalabas ng kitchen area ang dalaga ay pinigilan siya ng boses ng aktor. “Huwag na. Malinis na ang kuwarto ko. Join me for breakfast.” “Kumain na ako,” tipid na saad niya. “Pinakain na ako nina Bons bago umalis sa apartment nila.” “Damn it, Bonita,” rinig niya na bulong nito. “E ‘di kumain ka ulit. Mukha kang toothpick, ang payat mo,” buska nito sa kanya. Inirapan niya lang ito at dumiretso sa may dining area bago naglabas ng mga pinggan at plato mula sa cupboard. Inayos niya ang hapag habang binitbit naman palabas ni Hunter ang mga niluto nito at inilapag sa lamesa. Sinenyasan siya nito na maupo at ito na ang maghahain ngunit hindi nagpatinag si Maya. Alam niya na sa kaunting pagpapadala niya sa mga kilos ni Hunter, panigurado ay iikot na naman ang mundo niya. Tanga na naman siya sa pag-ibig. “Ano ba, Maya? Maupo ka na nga,” saad nito. “Ako na maghahain ng pagkain.” Hindi niya binigay ang sandok dito. “Huwag na, amo kita, katulong ako, ako dapat naghahain--” “Hindi ka katulong lang. Ako na nga sabi--” “Ako na nga, huwag ka ngang makulit, Hunter!” “When did you become so stubborn?” “At kailan ka pa natutong mag-Ingles?” Hinawakan nito ang kamay niya na may hawak na sandok ngunit sa isang maling galaw ay nahila siya nito papalapit dahilan para mapakapit siya sa lamesa. Napalunok si Maya. Ilang pulgada na lamang ang layo ng mga labi nila sa isa’t isa. Kahit na labinlimang taon na ang lumipas, hindi pa rin kumukupas ang itsura ni Hunter. Guwapo pa rin. Sa parehong tsokolateng mga mata nitong may pagkakorteng almond siya nahulog noon. Sa parehong mamasa-masa at mapupulang mga labi. At katulad niya, mukhang nagulat din ito sa nangyari. “Ah, sorry...” sabi nito sabay iwas ng tingin. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. “Sabi ko sa’yo, ako na, e.” Hindi na ito umalma pa at hinayaan siya na mag-ayos ng pagkain. Ang tindi ng kabog ng dibdib ni Maya. Maria Soraya! Para kang gaga, huwag kang kiligin d’yan sa ulupong na ‘yan! Ano, nagkatitigan lang kayo, tanga ka na naman? “Kain na,” wala sa loob na sabi nito bago sumubo ng kanin. Nakakailang ang atmospera ng paligid. Tahimik. Parehong walang umiimik sa kanilang dalawa, siguro ay dala na rin ng mga nangyari kanina. Halos hindi na niya nginunguya ang pagkain para matapos siya nang mabilis. Subo pagkatapos ay lunok kaagad. Hindi niya kasi matagalan ang presensya ng kababata. Alam niyang hindi niya matagalan ang presensiya nito dahil na rin sariwa pa sa alaala niya ang mga nangyari noon. Pero kailangan niyang magtiis. Kailangan niya ng pera para sa pagpapagamot ng kanyang ama at mas lalong kailangan niya ng pansamantalang trabaho habang nakatengga siya rito sa bansa. “Bakit pala kayo magkasama ni Xander no’ng isang araw?” basag nito sa katahimikan. Napasulyap siya rito bago nagpatuloy sa pagkain. “Sira ‘yong elevator, no’n, ‘di ba? Nakasabay ko siya sa pag-akyat sa hagdan. Tinulungan niya lang ako kasi nabutas ‘yong plastic ng mga ipina-laundry mo.” “Ah,” maikling sagot nito. “May itatanong ka pa?” Sinulyapan siya nito at bumuka ang bibig nito ngunit kaagad din iyong isinara ni Hunter. Nagbago yata ang isip. Tumikhim ito at uminom ng kape bago tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain. Nang matapos ay nagpaalam ito na didiretso na sa may video room. Siya naman, nagligpit ng pinagkainan nila. Hindi maintindihan ni Maya kung bakit ang dilim ng mukha ni Hunter sa tuwing nababanggit nito si Alexander Del Valle. Bigla na lang nayayamot. Isa pa, kaya ba nito pinagpaliban ang day-off niya ngayon, e para lang makasabay siyang kumain ng agahan at usisain kung bakit sila magkasabay ng may-ari ng talent agency na may hawak dito? Oh, kilig ka naman, sa isip-isip ni Maya. Walang malisya ‘yon. Malay mo, na-curious lang. Mukha ka kasing starstrucked kay Sir Xander. “Ano nga ulit ‘yong paborito mong kanta no’ng mga bata tayo? Bakit ‘Di Totohanin ni Carol Banawa, ‘di ba?” Napapitlag siya nang marinig ang tinig ni Hunter sa may entrance ng kitchen area dahilan para dumulas ang pinggan na punong-puno ng sabon mula sa kanyang mga kamay. Nahulog iyon sa sahig at nagkapira-piraso. Akmang pupulutin niya iyon ngunit kaagad siyang pinigilan ni Hunter. “Jeez, Maya! Are you alright? Ako na maglilinis n’yan.” Nakagat niya ang kanyang pang-ibabang labi sa magkahalong inis, gulat, at pagkapahiya habang pinapanood ang aktor na linisin ang mga bubog ng nabasag na pinggan. “Sorry, medyo... magugulatin lang talaga ako. Ikaltas mo na lang sa sahod ko ‘yong halaga n’yang nabasag na--” Parang nalunok niya ang dila niya nang hawakan siya nito sa magkabilang braso at sinipat ang kanyang mga kamay. “Ayos ka lang ba? Hindi ka naman nasugatan o ano?” Tumikhim siya bago binawi ang magkabila niyang palad. “Okay lang ako. Huwag ka ngang OA,” may halong pangtataboy na saad niya. “Nabasag lang ‘yong plato, ‘di ko naman nilunok ‘yong bubog.” Napapalatak ito. Tinalikuran siya at akmang lalabas ng silid.“Alam mo, bahala ka na nga d’yan. Ako na nga ‘tong concerned, ako pa ‘tong pinagtatabuyan--” “Bakit, sinabi ko ba na maging concerned ka sa’kin, Hunter? At bakit ka naman nag-aalala sa’kin? Empleyado mo lang naman ako.” Hindi niya inakala na mag-aangat ito ng tingin at makikipagtitigan sa kanya. “Concerned ako sa’yo Maya kasi hindi ka na iba sa’kin. We’ve been good friends before. And I’m trying to make up with what I have done to you in the past, so please, kahit naman kaunti, bawas-bawasan mo ‘yang tigas ng puso mo. Kasi ako, gusto ko lang naman na magka-ayos tayo ulit.” “Hindi naman gano’n kadali ‘yon, Hunter,” mahinang saad niya bago ito nilampasan. “Hindi mo naman puwedeng alisin ‘yong sakit na naipon sa loob ng labinlimang taon sa loob lang ng labinlimang segundo. I don’t want to be friends. That’s it. Huwag mo nang ipilit kung magrereklamo ka lang din naman.” Lumapit siya sa refrigerator ng lalaki. Sinipat ang laman niyon. “Maggo-grocery lang muna ako. May mga ipapabili ka ba?” Matapos nitong mabigay ang pera sa kanya ay kaagad na umalis ang dalaga. Nanghihina na naisandal niya ang ulo niya sa pader ng elevator. Hindi niya naman gusto na maging harsh kay Hunter pero ayaw niya rin naman na nakikipaglapit ito nang sobra. It was too much for her. Hindi pa siya okay. At mukha namang hindi ito naapektuhan sa kung ano mang nangyari sa kanila labinlimang taon na ang nakakalipas. Sabi nga nila, minsan ay mas maganda nang ibinabaon ang mga mapapait na alaala sa limot. Bury the hatchet, ‘ika nga. Pero para kay Maya, hindi naman ganoon kadali iyon. Lalo na kung alam mo na ikaw lang naman ang may kinimkim. Nasaktan siya nang sobra at hindi naman ganoon kadali ang magpatawad. Napahugot siya ng malalim na buntong-hininga bago lumabas ng elevator. Tatagalan niya na lang ang pamimili. Basta makalayo lang siya sa presensiya ng ulupong niyang kababata. Basta panandaliang makalimot sa kung ano mang nakaraan nila. ---------------------------------------------------- Nahagod ni Hunter ang kanyang batok habang pinagmamasdan ang DVD ng mga lumang pelikula na binili niya. Aayain niya pa naman sana si Maya na panoorin muli iyong mga lumang pelikulang pinapanood nila dati sa sine noong mga tinedyer sila. Kaso mukhang wala ito sa mood. At mas lalong mukhang ayaw siya nitong kausapin o ang makasama sa iisang breathing space. Naiintindihan niya kung saan ito nanggagaling. Nasaktan niya ito nang sobra at bilib nga siya na hindi pa nito naiisipan na ibitin siya nang patiwarik. O kaya naman e painumin ng muriatic acid. Ang hindi niya lang maipaliwanag ay ang kaunting kirot na nararamdaman niya sa kanyang dibdib sa tuwing naaalala niya kung gaano kaganda ang ngiti nito kasama ang boss niyang si Xander. Habang kapag siya naman ang kasama, palaging nakabusangot. Palaging masama ang tingin sa kanya na kulang na lang e ipabarang siya ng sampung beses. Itinabi niya na lang ang mga DVD sa isang tabi at nahiga sa kama niya. Wala siyang magawa, sa totoo lang. Nabawas-bawasan lang ang pagkabagot niya nang dumating si Maya. Kahit papaano e may nabubuska siya. Ayaw niya rin namang bisitahin ang mga negosyo na meron siya dahil si Bonnie ang mas nakakaalam ng mga kalakaran doon. At mas lalong ayaw niyang magpunta sa agency dahil nandodoon si Alexander at tiyak na mas lalo lang sasama ang mood niya kapag naalala niya ulit kung gaano ito titigan ni Maya noong isang araw. Anak ng tupa, Hunter. Maya na naman? Baka naman mamaya, pati sa pagtulog, si Maya na rin ang nasa panaginip mo, tudyo ng kanyang isipan. Naipiling niya na lang ang kanyang ulo at sinubukang ipikit ang mga mata para matulog ngunit nakita niya na lamang ang kanyang sarili na gising na gising, hinahalungkat ang mga dati niyang photo album noong nasa Baguio pa lang siya. Tinipa niya sa kanyang smartphone ang numero ni Bonnie. “Ano na naman ‘yon, Hunter? Aba, naka-leave ako, a. Nand’yan na nga si Maya, kinukulit mo pa rin ako,” pagtataray nito sa kabilang linya. “Wala si Maya, nagpunta sa grocery,” walang kasigla-sigla na saad niya. “O, e bakit tunog malungkot ka? Tinarayan ka, ‘no?” Hindi siya sumagot. “Sabi ko na, e,” natatawang sabi ni Bonnie. “Ano, napakasakit ba, Kuya Eddie?” “Tantanan mo nga ako, Bonita. Lintek ka,” naasar na sabi niya. “E ikaw naman kasi. Sinabihan na kita noon. Imposibleng bumalik pa kayo sa dati ni Maya, Hunter! Kasi, ‘yong kung ano mang meron kayo noon fifteen years ago, ‘di na mababalik ‘yon. Nasaktan mo na nang todo si Maya, e. At huwag mong sabihin sa’kin na kesyo hindi mo alam, kesyo hindi ka aware, tanga! Aware ka. Patay-malisya ka lang.” “Kanino ka ba talaga kampi, sa’kin o kay Maya?” Tumawa ito. “Wala akong kinakampihan. Ang akin lang, nagiging makatotohanan lang ako dito. Kung ako sa’yo, ‘di ko na itutuloy ‘yang mga apology stunts na ‘yan. Kasi kahit na anong gawin mo, mukhang desidido na ang kababata mo na ipatuhog ka sa kawayan habang niluluto sa mahinang apoy.” Mahina siyang natawa sa pagbibiro ng kaibigan. “Gusto ko lang na magkaayos kami. ‘Yon lang. Pero ewan ko ba, Bonnie. Wala, e. Ayaw na niyang makipag-usap.” “Drama mo. Sige na, mahihiga na ulit ako at baka pagalitan ako ni Ernesto. Shoo!” Nasapo niya na lang ang kanyang noo nang pinatay nito ang tawag. Hay, Maya. Ang hirap kuhanin ng pagpapatawad mo, sa isip-isip niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD