VI

2180 Words
“Hunter, ba’t mo ba ‘ko dinala rito?” usisa ni Maya habang nagpapatangay sa kababata na hila-hila siya sa may manggas. “Huy, gabi na. Baka hinahanap na ako nina Bonnie.” Mahina itong tumawa. “Come on. Para sa’yo ‘tong party. ‘Wag kang mag-alala, pinagpaalam na kita kay Bonnie.” Maingay ang paligid. Nasa isang bar sila ni Hunter at sa totoo lang, unang beses iyon ni Maya na makakapasok sa ganoon. Hindi naman kasi siya party girl sa Baguio. Mas gusto niyang maiwan sa bahay kasama ang kanyang ama dahil una, gusto niyang makatipid, at ikalawa, mas gusto niyang magbasa ng pocketbook. Dinala siya nito patungo sa isang lamesa kung saan naroroon si Ernest at si Alexander Del Valle pati na rin ang ilan sa mga kaibigan ni Hunter sa showbiz industry. Nang makita siya ng batang amo ng Del Valle Talent Agency ay kaagad na nagningning ang mga mata nito at kumaway sa kanya. “Hi, Miss Maya!” bati nito bago umusog upang bigyan siya ng kaunting puwesto. Ngumiti lang ang dalaga at naupo roon kahit na ramdam niya na parang mas lalong humigpit ang pagkakahawak ni Hunter sa braso niya. Naupo naman ito sa tabi niya at tinawag ang waiter. Hindi niya mapigilan ang kilig na nararamdaman habang palihim na pinagmamasdan ang katabi. Nakangiti kasi ito at patawa-tawa sa mga kasama nila sa lamesa habang abala naman si Hunter sa pag-order ng mga inumin at pagkain. Bahagya pa siyang napapitlag nang marinig niyang muli ang boses ni Xander. “I actually hate places like this,” saad nito habang medyo nakalapit ang mga labi sa may tainga niya. “I’m more of a book person. Or movie dates.” Mahina siyang tumawa. “Ako rin. Wala masyadong ganito sa Baguio. Meron man, hindi ako interesado na puntahan. Nahila lang naman ako nitong ulupong na ‘to kaya nandito ako,” sagot niya sabay turo kay Hunter. Xander chuckled. “He told me that you’ll be here kaya ako nagpunta.” Inirapan niya na lang ito para itago ang kilig na nararamdaman. “Bolero.” Lalong lumakas ang tawa nito. “So you came from Baguio? I heard that Hunter grew up in Baguio too.” Tumango siya. “Magkababata kami ni Hunter, tapos lumipat siya rito sa Manila para maging artista. Ako naman, nakatapos ng nursing.” Mukha namang na-impress ang lalaki. “Nursing? That’s a good profession, Miss Maya.” “Maya. Maya na lang, Xander.” Ngumiti ito. “I’m just... being a gentleman, I guess?” “Maya,” singit ni Hunter na may bahid ng inis ang tinig. “May gusto ka bang order-in? It’s on me.” Kahit kailan talaga, panira ‘tong ulupong na ‘to, sa loob-loob niya habang nirerepeke ang ngiti sa kababata. “Juice lang sa’kin. At saka ikaw na bahala sa pulutan.” “Nag-juice ka lang din?” natatawang saad ni Xander. “Same here. Magmamaneho pa kasi ako pauwi. Mahirap na.” “Oo, hindi kasi ako sanay na uminom, e,” saad ng dalaga bago nahihiyang tumawa. “At saka walang mag-aalaga kay Hunter kapag nalasing siya.” “E ‘di dapat pala magpakalasing din ako, Maya.” “Ha?” “Para alagaan mo rin ako,” pagbibiro nito na lalong ikinapula ng kanyang mga pisngi. “Excuse me, Mr. Del Valle. Ako lang ang puwedeng alagaan ni Maya. Ako ang boss niya, ako rin ang nagpapasuweldo sa kanya,” singit na naman ni Hunter na tila kanina pa nakikinig sa usapan nila. Pasimple niya itong pinandilatan at inambaan ngunit tinaasan lang siya nito ng kilay. “Chill, I’m just kidding,” natatawang usal ng lalaki. “Dapat lang,” rinig niya pa na mahinang bulong nito dahilan para pasimple niya itong sikuhin. Dumiretso ito ng pagkakaupo at naramdaman ni Maya ang bahagyang paghila nito papalapit sa kanya, tila inilalayo siya sa boss nito. Hindi na siya umimik. Para wala nang away. Gusto niya rin naman i-enjoy ang gabi at kung magpapabuwisit lang siya sa kawirduhan ng amo niya, e mas lalo lang siyang maiii-stress. “So, Hunter, kailan ba ang balik mo sa showbiz?” usisa ng isa sa mga kasama nila sa lamesa. “I’m not yet sure, masyado na akong nage-enjoy sa bakasyon ko, e,” natatawang usal ni Hunter. “Besides, mas gusto ko nang nasa condo ngayon. But yeah, maybe next month, I’ll be back on track again.” Ngunit wala kay Hunter ang atensyon ni Maya. Her eyes were stuck on Xander’s, hoping that in that simple gesture, he will took the initiative to know her better. At sa gulat niya, umusog nga ito palapit sa kanya at ngumiti. “Bored?” Tumango siya. “Wala akong maintindihan sa mga pinag-uusapan nila,” natatawang usal niya. Nangalumbaba ito sa lamesa. “Well, you can talk to me to ease your boredom, Maya.” “A, e...” Nakagat niya ang pang-ibabang labi niya. “Hindi ko naman alam kung anong dapat kong itanong sa’yo, Xander.” He chuckled. Napalunok si Maya. Hayan na naman ang tawang pogi niya, sa isip-isip niya. “Ako na lang magtatanong sa’yo, Maya.” She shrugged. Sinimsim niya ang laman ng baso niya bago sumagot. “Ano ‘yon?” “Care to dance?” Napalingon siya sa malawak na dance floor. Mangilan-ngilan lang ang mga taong naroroon. Mahina siyang tumawa. “Hindi ako marunong sumayaw, e...” He cleared his throat and offered his hand on her. “Then I’ll teach you.” Binalingan niya si Hunter. “Oy, tumabi ka nga. Lalabas ako.” Tumaas na naman ang kilay nito. “Ano? Sa’n ka pupunta?” Si Xander naman ang sumagot. “Bored na si Maya. I’m sure you won’t mind if I dance with her, right?” Nakipagsukatan ito ng titig sa may-ari ng Del Valle Talent Agency. Ngunit nang mapansin ni Hunter na pinagtitinginan na sila ng iba pa nilang mga kasama sa table ay napabuntong-hininga na lamang ito. “Okay, fine. Ibalik mo lang na buo si Maya sa’kin.” Tumayo ito at hinayaan sila na makaalis sa mga puwesto nila. Xander gently pulled her towards the dance floor, before smiling. Sinenyasan nito ang DJ. Mayamaya pa, napalitan ang tugtog ng malambing at malamyos na musika na pang-sweet dance. Hinawakan nito ang magkabila niyang kamay at ipinatong sa mga balikat nito. “Do you mind if I hold you on your waist?” “Ha? Hindi, a...” nahihiyang tugon niya. Bahagya pa siyang napapitlag nang maramdaman ang paglapat ng mga palad nito sa beywang niya. Pakiramdam ni Maya ay mawawalan na siya ng hangin dahil kanina niya pa hinihigit ang kanyang hininga. Nakatitig lamang siya sa lalaki. Habang sa hindi naman kalayuan, natatanaw niya ang nakabusangot na si Hunter na sunod-sunod ang lagok ng nakalalasing na serbesa. “Pasensya ka na kung may pagka-engeng si Hunter kanina, ha,” paghingi niya ng paumanhin. “Hindi ko rin malaman kung bakit gano’n ‘yong ulupong na ‘yon, e.” He snickered. “Don’t worry, I have gotten used to it. Gano’n talaga ‘yon si Hunter, ayaw na may humihiram sa PA niya at sa mga gamit niya. But I know he’s kind.” Tila nais matawa ni Maya nang sabihin ni Xander na mabait si Hunter. Pero hindi na lang siya umimik. Baka kasi usisain pa nito ang lahat. Bawas nga naman sa kagandahan niya kapag nalaman nito na inlababo siya kay Hunter noong mga teenager pa lamang sila. Dahan-dahan silang sumayaw sa saliw ng malambing na tugtugin. Nakatitig lamang si Xander sa kanyang mga mata. At ganoon rin siya. Crush na ba kita, Xander? Hindi mapigilan ni Maya na mapaisip na may crush na siya sa amo ng kanyang kababata. Pero sino ba naman kasi ang hindi? Komportable siya sa lalaki. Isa pa, malambing ito at gentleman. Kabaligtaran ng kung ano si Hunter. “Sorry kung hindi ako madaldal, ha?” natatawang saad nito. “I’m at a loss of words right now. It never crossed my mind that you’ll dance with me.” Nang maramdaman ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi ay kaagad na napa-iwas ng tingin si Maya. “Hindi rin ako makapaniwala, e.” “Bakit naman?” She shrugged. “I don’t know... Siguro kasi hindi naman ako interesting?” Lalong lumakas ang tawa ni Xander. “Oh, no, Miss Maya. Hindi totoo ‘yang sinasabi mo, ‘no. You are really interesting for me.” Napasulyap siya sa likuran ni Alexander nang marinig ang kantiyawan ng mga kasama nila sa lamesa. Paano ba naman, nilalaklak na ni Hunter ang isang bote ng vodka na sa pagkakatanda niya ay dapat hinahaluan ng kung ano. Napangiwi siya nang halos kulang na lang ay malunod ito sa serbesa. “You want to check on Hunter?” Nakagat niya na lang ang pang-ibabang labi niya at tumango. Ayaw niya man bumalik sa lamesa ay kailangan. Baka kasi masagad na ang pagiging lasenggo ni Hunter at mahirapan siya na bitbitin ito pauwi. “Hoy, Hunter. Sino bang bago mong chicks ngayong buwan?” rinig niya pang tanong ng isa habang papalapit sila ni Alexander sa lamesa. Halatang wasted na ang loko. Hindi na ito makadilat nang maayos at kulang na lang ay sumuray na. Nang makita nito na papalapit siya ay kaagad itong tumayo at umakbay sa kanya. Nagkantiyawan na naman ang mga nakaupo. Tila siyang-siya sa ginawa ni Hunter. Iniisip siguro ng mga tarantado e siya ang bagong nobya ng lalaki. Naiinis man ay itinuon niya na lamang ang pansin sa kababatang halos kulang na lang ay matumba na. Hindi niya naman kasi kilala ang mga kasama nila maliban kay Ernest na asawa ni Bonnie. Tinapik niya ang pisngi nito. “Hoy, Hunter! Gago ka, huwag mo ‘kong tulugan! Ang bigat mo pa naman.” “Halika na, uwi na tayo,” ungol nito habang hinihila siya papalayo kay Alexander. “Uwi na tayo, Maya...” “Oo, uuwi na talaga tayo!” inis na bulalas niya. “Lasing na lasing ka na, o! Ilang saglit lang akong nawala, para ka nang nag-swimming sa dagat ng lambanog.” Sinenyasan niya si Ernest na tulungan siyang akayin ang lalaki. Nahihiya na nagpaalam na siya sa mga kasama nila sa lamesa na nakapagtatakang sabi nang sabi ng ‘congrats’ sa kaniya. Ipinagkibit-balikat niya na lamang iyon at nagpaalam na rin kay Alexander na inihatid pa sila hanggang sa labas ng club. Sa bigat ni Hunter ay lumanding ang ulo nito sa kandungan niya nang itulak ni Ernest papasok ng pinto. Napabuntong-hininga na lamang siya at inayos ang pagkakahiga ng kababata habang tumatakbo ang sasakyan pabalik sa condo unit ng lalaki. “Ano bang nangyari dito kay Hunter, Ernest? Bakit naman lumaklak ‘to ng napakadaming alak? Aba, sandali lang akong nawala, a,” paghihimutok niya. “Hindi pa naman magaan itong damuho na ‘to.” “Ikaw naman kasi, Maya. Sumama ka pa sa sayawan do’n kay Sir Xander. ‘Yan tuloy, nagtampo, naglasing,” natatawang usal ni Ernest habang nagmamaneho. Napa-ismid ang dalaga. “Haler! E para naman kasi siyang timang, e! Palagi niya akong nilalayo kay Xander, e nakikipag-usap lang naman ‘yong tao.” “Nagseselos nga! Ang manhid mo, Maria Soraya,” buska pa nito na dahilan para ambaan niya ito ng hawak niyang pouch. Napabuntong-hininga na lamang ng dalaga at inayos ang buhok ng lalaking nahihimbing sa kandungan niya. Bagaman naiinis ay wala na siyang magagawa. Kailangan niyang unahin ang trabaho niya, kung hindi ay baka tuluyang mainis ang aktor at sisantehin pa siya. “’Lam mo, Maya? Para kayong timang na dalawa,” komento ni Ernest habang pasulyap-sulyap sa kanila. “Huh? Bakit naman?” “Ikaw, ayaw mong pag-usapan ‘yong nangyari sa inyong dalawa. Si Hunter, naniniwala pa rin na magkaka-ayos kayo. Fifteen years na, a. Treinta na kayo pareho. Mas maigi siguro na... alam mo ‘yon? Magkaayos kayo?” Ngumiti lang siya. “Hindi ko alam, Erns. May sakit pa rin, e. May sakit pa rin dito,” saad niya, sabay turo sa dibdib niya. “Kaya hindi ko pa kaya na pag-usapan ‘yon. At sa pagpapatawad, sabi mo nga, kinseng taon na rin. Kung ano man ‘yong meron kami noon, ‘di na mababalik ‘yon. Ibang-iba na ang mundong ginagalawan namin pareho at...” “E ‘di mahal mo pa?” “Ha?” Napamulagat siya sa tanong ni Ernest. “Masakit pa, e. E ‘di ibig sabihin, mahal mo pa. Kasi kung hindi mo na mahal si Hunter, hindi mo na dapat nararamdaman ‘yang pait d’yan sa dibdib mo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD