"Mukhang tahimik yata ang bahay niyo, Goji?" tanong ni Clarie kay Goji nang matiyempuhan niya ito sa labasan. Napansin niyang ilang araw na ring hindi niya nararamdaman ang presence ni Jayden kaya sakto ang timing ni Goji para tanungin ito.
"Ikaw talaga Clareng! Si Jayden ba?" pagtawang sagot naman ni Goji. "Oo, tahimik na nga ang bahay, wala ng maingay magpatugtog sa umaga. Umalis na kasi si Jayden."
"Umalis? Talaga? Hindi na babalik?" gulat na pagtatanong ni Clarie. Pero sa kaloob-looban niya tuwang-tuwa talaga siya at magdidiwang talaga siya ng sobra kung sasabihin ni Goji na hindi na babalik pa ang malokong Jayden.
"Siguro? Tinawagan yata ng girlfriend niya, pinauuwi na siya sa kanila. Tsaka alam ko may trabaho pang naghihintay sa kanya. Oh, bakit nangingiti ka diyan? Parang masaya ka yata sa nalaman mo."
"Ano ka ba Goji? Syempre naman masaya talaga ako! Magiging tahimik na rin ang bawat umaga natin 'di ba?"
Hindi lang ang bawat umaga niya ang magiging tahimik pati na rin ang buong buhay niya. Balik normal na ang lahat simula ngayon.
"Sabi mo eh! Kumusta naman pala kayo ni Jayden?"
"Kami? Wala namang dapat ikamusta sa amin basta lang huwag mo na siyang papabalikin dito. Kapag napagbigyan mo ako, promise ilalakad kita kay Clover!"
"Clareng, ano man yang iniisip mo nagkakamali ka. Matalik ko lang talaga siyang kaibigan kaya ganito kami sa isa't-isa."
"Ows? Eh bakit defensive ka na?" pagbibiro niya kay Goji. "Kung ako sa'yo Goji, kung gusto mo talaga ang pinsan ko huwag kang babagal-bagal diyan. Baka maunahan ka pa ng iba ikaw rin! Kapag may nararamdaman ka sa kanya sabihin mo na agad malay mo may gusto rin pala siya sa'yo," payong kapatid ni Clarie sa kausap.
"Naririnig mo ba ang sarili mo, Clareng?" natatawang sagot ni Goji.
"Bakit?"
"Mabuti pa i-apply mo yan sa sarili mo! Ikaw rin, alam nating lahat na matindi ang kompetisyon para mapanalunan si Raymond."
Naisip ni Clarie na ginisa na niya sa mismong mantika niya ang kanyang sarili sa pagpapayo niya kay Goji. Todo bigay payo pa siya pero mismong sarili niya hindi niya mapayuhan.
"Kung gusto mo talaga siya, sabihin mo. Huwag mong itatago!"
Naalala naman bigla ni Clarie ang sinabing iyon ni Jayden noong gabing ipinahiya siya nito kay Raymond.
"'Yung lokong lalaking iyon, ibang klase talaga! Naka-score pa sa akin bago umalis," mahinang sabi ni Clarie.
"May sinasabi ka ba, Clareng?" pansin naman ni Goji na hindi narinig ang sinabi ni Clarie.
"Ah, wala! Anong klase kayang nobya mayroon 'yang luko-luko mong pinsan? Siguro magkatulad sila kasi wala namang matinong babae na papatol sa pag-uugali niya!"
Pagtawa lang naman ang mga itinugon ng kausap niya.
Makakapagpatuloy na rin si Clarie sa kanyang buhay na walang sinumang makakapanakit pa ng damdamin niya. Kahit si Raymond desidido na niyang i-give up. Kahangalan lang kung ipagpapatuloy pa niyang maniwala sa hula. Hindi na rin naman niya gawain ang magpa-cute na dati niyang ginagawa noong nasa hayskul. Ang mahalaga lang na goal niya ngayon ay ang makatapos sa college. Iyon lang muna at walang crush o boyfriend na iniisip.
Abala na ang halos lahat ng tao sa bayan ng Manalansan. Papalapit na kasi ang piyesta. Sigurado naman si Clarie na ma-e-enjoy niya talaga ang bakasyon niya ngayong taon. Dapat lang, dahil sa pasukan tiyak niyang matinding pagsusunog ng kilay ang kailangan niyang gawin. Ayaw niyang biguin ang kanyang tatay at kuya. Sinisikap niyang makatapos ng pag-aaral at ma-iangat ang sarili balang araw kaya hindi niya hahayaang basta na lang pabayaan ang pangarap niyang iyon.
Bigla'y nakaramdam ng guilt si Clarie. Hindi niya napigilin ang posibilidad na baka magwala ang kuya niya kapag nalaman nitong hindi na virgin ang mga labi niya. Kailangan talagang magsumikap siya at iwasan ang mga tukso. Speaking of tukso, bakit may isang anghel na narito? Nanunukso na rin ba ang mga anghel sa lupa?
"Magandang araw po. Dito po ba nakatira si Clariselle Eguia?" pagtatanong ni Raymond. Nabigla talaga si Clarie dahil nakatitig si Raymond sa kanya. Bigla namang tumayo ang Tita Melly niya at pinuntahan si Raymond na nasa pinto.
"Oo. Dito nga," kaagad na sagot ng tiyahin niya kay Raymond. Sa mga titig ni Tita Melly sa lalaking kaharap para na ring na-gayuma ang kanyang tita.
"Ako si Clariselle. Bakit?" pagsunod ni Clarie kay Tita Melly.
"Ako nga pala si Raymond," sabay bigay ni Raymond ng kamay kay Clarie. Sa wakas mahahawakan na rin ni Clarie ang kamay ng crush niya.
"Nice meeting you. Kilala ka naman talaga ng buong Manalansan," pag-abot kaagad ni Clarie sa kamay ng kausap at suot ang napakalaki niyang mga ngiti.
"Pasok ka muna," pag-aalok ni Tita Melly. "Pam-Pam halika muna dito, may bisita si Ate Clareng mo."
"Clareng?", tanong ni Raymond.
"Ako din 'yon syempre. Kahit Clarie na lang ang itawag mo, ayos lang."
"Clarie, nice name. But Clariselle is more than nice, I guess?"
Hindi naman makapaniwala si Clarie sa narinig niya. Pinuri ni Raymond ang pangalan niya. Nang banggitin lang ni Raymond ang pangalan niya ibang sensasyon na ang naramdaman niya. Para kasi kay Clarie, mas sweet pa rin para sa kanya kung tatawagin siya sa buo niyang pangalan pero ang level ng sweetness depende pa din talaga kung sino ang bumabanggit ng pangalan niya. Kagaya ngayon, pakiramdam niya naglalagkit na siya sa sobrang tamis nang banggitin ni Raymond ang pangalan niya.
"Nandito pala ako para kumbinsihin kang tulungan ako sa paggawa ng tula for someone," walang paligoy-ligoy na sabi ni Raymond.
"Ha? Bakit sa akin ka lumalapit? Hindi naman ako masyadong magaling magsulat ng tula."
Inilabas ni Raymond ang isang pilas ng papel mula sa bulsa ng polo niya.
"Ikaw ang gumawa ng tulang 'to 'di ba?" pagpapakita niya ng papel kay Clarie.
Si Clarie nga ang gumawa ng nakasulat sa papel dahil naroon ang pangalan niya sa ilalim ng title. First year college pa niya ginawa ang tulang iyon, "Most Precious Than Anything" ang title. Hindi akalain ni Clarie na mapapansin ni Raymond ang sinulat niyang iyon. Katuwaan lang naman kasi niyang ipasa iyon sa editor at natuwa naman siya ng sinama ito sa school paper.
"Oo, ako nga ang gumawa nito."
"Alam mo bang sobrang nagandahan ako sa tulang 'to. Bawat words mo dito perfect talaga. May I know who's your inspiration behind this piece?"
Paano niya ba sasabihing si Raymond ang inspirasyon niya sa paggawa ng tulang iyon? Hindi naman niya akalain kasing aabot ng dalawang taon ang paghanga niya sa lalaking ito. At sa sobra ngang infatuation na naramdaman niya, tungkol kay Raymond ang nailagay niya sa tula. Sadya lang talagang marunong si Clarie na i-general ang message ng tulang iyon. But personally, para kay Raymond lang talaga ang message ng tulang ginawa niya. At ngayon, narito si Raymond tinatanong kung sino ang inspirasyon niya sa pagsulat ng piyesang iyon?
"Ikaw."
"Ako?"
"Oo. Ikaw... si-sila, lahat ng tao? The message of this poem is general! 'Di ba't ang pa-pag-ibig naman talaga ang ugat ng lahat ng bagay? Masama man yan o mabuti, love's really the most precious than anything else."
Ano ba 'tong mga sinasabi ko? Bakit ba kasi sa akin pa siya nagpapatulong? Marami namang mga deans lister sa university na di hamak na mas magaling gumawa ng tula kumpara sa akin, pagsasalita ng isip ni Clarie.
"So, ano? Pwede mo ba akong tulungan?"