Hindi pa rin makapaniwala si Clover sa kinuwento sa kanya ni Clarie. Kahit naman din si Clarie shock pa rin sa mga nangyari at pinag-usapan nila ni Raymond.
"Ang bongga mo naman 'insan!" may kalakasang tapik ni Clover sa balikat ng pinsan.
"Masakit 'yun ah! Natutuwa ka ba o naiinis ka sa akin?" pagsusungit naman bigla ni Clarie sa pinsan.
"Ay, nagtataray? Parang kaunting tapik lang! Gusto mo ako na lang gumawa ng tula? Pero siyempre ako dapat ang ibibida mo sa kanya," sabay kuha niya sa notebook at ballpen na hawak ni Clarie at nagsimulang magsulat-sulat.
"Ayoko nga!" agaw naman kaagad ni Clarie sa mga gamit niya. "Sorry ka na lang, napansin na rin niya ako. Kapag swerte nga naman ang lumapit, jackpot talaga!"
"Feeling ka masyado 'no? Nakakainggit ka naman."
Nakanguso pa itong nakaharap sa kanya. Mukhang seryoso ata ito sa mga sinasabi.
"Mamamatay ka sa inggit!" pagbibiro ni Clarie na iniirapan pa ang kausap.
"So ano naman daw ang kapalit ng tulong na 'to? Huwag mong sabihing libre lang ang gagawin mong serbisyo sa kanya?"
"Oo naman 'no? Hindi na ako humingi ng kahit anong kapalit. Nakakahiya naman din kasi."
Totoo, nakakahiya talaga kung sisingilin pa niya. Malakas naman si Raymond sa kanya dahil crush nga niya ito pero kung hindi niya gusto ang lalapit at magpapatulong sa kanya, may kapalit talaga.
Pero ang gusto lang sana ni Clarie kahit papaano ay maging magkaibigan sila ni Raymond. Kahit iyon lang. Naniniwala naman siya na madali ng i-maintain ang relasyon na iyon sa kanya hanggang sa maka-graduate siya.
Pero, nakilala nga kaya siya ni Raymond noong tawagin siya ni Jayden?
"Sige, good luck diyan sa career mo. Galingan mo! Huwag mo ng pakawalan 'yan at baka masulot ko pa!" biro ni Clover at lumabas na ng kuwarto ni Clarie.
"Haha, aba, kung masusulot mo!" nakangiting patutsada pa niya sa pinsan.
Inabot na siya ng gabi, wala pa ring ideyang pumapasok sa utak niya. Kahit title wala siyang naisulat. Hindi niya alam kung bakit? Siguro dahil hindi na si Raymond ang inspirasyon niya? Paano namang hindi na si Raymond?
Hindi niya maatim na pinapagawa siya ni Raymond ng tula para sa isang babae. Paano nga naman niya gagawin iyon? Ibig sabihin may iba ng nagugustuhan ang crush niya.
"Paraan niya 'to para manligaw sa babae? Ang mag-alay ng tula? Parang ang korny naman niya. Parang ayoko ng gawin 'tong tula niya. Nawawalan na ako ng gana. Hindi ko kayang gumawa ng tula kung hindi ako inspired," pagka-usap na naman niya sa sarili.
Tumayo na siya para iligpit na muna ang notebook at ballpen. At nahagip niya ng pansin ang bukas na ilaw ng katapat niyang kuwarto. Bahagya kasing nakabukas ang bintana ng kuwarto niya kaya nasisilip ni Clarie kung may tao sa katapat. Mayroon ngang tao.
"Sino na naman kaya ang bisita nila Ate Ester ngayon?" tanong niya at lumapit sa kanyang bintana. Ngayon na lang niya ulit napansin iyon. Ang huling naroon ay si Jayden na walang ginawa kundi ang buwisitin siya.
Nakatalikod na lalaki at walang suot na pang-itaas ang nasisilip ni Clarie mula sa bintana niya.
"Payat pero, may mga muscles ang braso niya," pagpupuna niya pa habang walang kausap kundi ang sarili at nakasilip pa rin.
"Para sa'kin, ayos lang ang katawan niya para sa tipo kong lalaki. Katamtamang payat ang pangangatawan. Clean cut ang itim niyang buhok na parang korean style pa 'yung paling. In all fairness, thumbs up ako sa'yo dude."
Sinisilip lang ni Clarie ang lalaki mula sa bintana niya, kaya kahit humarap iyon alam niyang hindi siya nito makikita.
Pero laking gulat niya nang makita niya ang itsura ng lalaki pagharap. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita.
Sa unang tingin hindi niya nakilala pero nang titigan niya talaga ng husto, "Aba ang lokong si Jayden nga! Anong nangyari sa kanya? Halos mag-iisang buwan na din noong umalis siya ah at bumalik pa talaga?!"
Muntikan nang mauntog sa cabinet si Clarie nang nagmadali siyang humiga kaagad sa kama matapos niyang makilala ang kakaibang Jayden sa katapat na kuwarto na nakilala niya dati. Pero hindi nakaligtas ang paa niya sa sakit nang tumama iyon sa bakal ng kanyang kama.
"Aray naman! Kainis!" pagmilipit niya sa sakit ng paa.
Hindi pa rin siya makapaniwalang nandito na naman ang taong sumisira ng araw niya. Kahit na nagmake-over pa si Jayden at nagpalaki ng katawan, tiyak ni Clarie sa sarili na magaspang pa rin ang pag-uugali nito.
Bago niya tuluyang ipikit ang mga mata, binawi niya muna lahat ng mga papuring binanggit niya kay Jayden noong sinisilip niya ito sa bintana. Pinagsisihan niya kung bakit at paano niya ba napuri ang taong hindi niya inakalang si Jayden pala.
"Lubayan mo nga ako! Para kang aso, buntot ka ng buntot. Wala akong buto, okay?" pagtataboy ni Clarie kay Jayden habang nakatitig at hawak-hawak ang hindi mabitawang suot na kurbata ng lalaking kausap.
"Kunwari ka pa, pero ayaw mo naman akong pakawalan," nasambit ni Jayden na nakalapit na ang mukha sa mukha ni Clarie. Biglang hinigit niya si Clarie papunta sa isang sulok ng kuwartong kinalalagyan nila. Na-corner niya ng husto si Clarie. Ang mukha ng dalaga ay nasa pagitan ng dalawa niyang brasong nakalapat rin sa sinsandalan nito. Unti-unti, kumikilos ang mukha niya palapit sa mukha ni Clarie. Ang mga mata nila'y mataimtim na pinapakiramdaman ang bawat galaw ng isa't-isa.
"Oh, Jayden nakabalik ka na pala! Ikaw nga ba 'yan?" bulalas ni Tita Melly nang kumatok si Jayden sa pintuan nila. "Ang aga-aga pa! Oh, almusal ba 'yang dala mo?"
"Opo, Tita Melly. Arroz Caldo. Gising na po ba si Clareng?" pag-usisa ni Jayden at iniaabot ang isang malaking mangkok kay Tita Melly.
"Hindi pa eh, bakit?"
"Ganoon po ba? Pwede po bang ako na lang ang manggising sa kanya? Dadalhan ko na lang din siya nitong niluto kong arroz caldo," nakangiti niyang sagot. Ang mga mata niya walang ibang hinihintay na sagot sa kausap kundi ang pagpayag lang nito sa nais niyang makita ang dalaga.
"Ah, oh, e...edi sige!"
"Salamat Tita Melly."
"Ano 'yan makikipagkasundo ka na ba sa kanya?" usisa kaagad ni Tita Melly sa binata habang naghahain ng arroz caldo sa isa pang maliit na mangkok.
"Parang ganoon na nga po. Nami-misunderstand na yata niya ang ugali ko. Grabe din si Tita Ester akala mo sobrang napakasama kong tao! Dinaig niya pa nga po ang misa ng simbahan sa pagsesermon sa'kin!" Tawa naman ang itinutugon ni Tita Melly.
"Kayong mga bata kayo talaga oh! Sige, dalhin mo na 'to sa kanya. Baka nga mag-korteng puso pa ang mga mata nun kapag nakita ang ka-pogian mo ngayon. Dami nagbago sa'yo ah. Napagdudahan ko pa."
"Salamat Tita, mag-dilang anghel po sana kayo," natatawa niyang sabi.
Umakyat na si Jayden sa kuwarto ni Clarie. Kumatok siya pero walang sumasagot. Kaya't binuksan na lang niya kusa ang pintuan dahil sa pag-iisip na baka tulog pa ang dalaga. Inilapag na niya ang dalang mangkok na may lamang arroz caldo at nakitang natutulog pa nga si Clarie.
"Jayden..."
Napalingon naman kaagad si Jayden sa higaan ni Clarie. Nagulat pa nga siya dahil akala niya ay nagising niya ito. Imbes na sumagot ay hindi na lang siya kumilos sa kinatatayuan. Pinagmamasdan lang si Clarie na natutulog, nakatagilid ang katawan at nakaharap sa kanya.
"Ayoko... Huwag... Ayoko... Jayden..."
Nagtataka naman si Jayden sa mga pinagsasabi ni Clarie. Ang akala niya gising na ito pero mukhang nananaginip pa pala. Siya pa ang napapanaginipan. Kaya si Jayden nakangising lumuhod at nilapitan ang nananaginip na si Clarie.