Reah’s POV:
“PISTE!”
Muntik ko nang maihagis ang hawak kong sandal. Makailang beses na akong nangi-ngit sa inis dahil kakalagay ko lang ng rugby sa takong ko kanina pero bumubuka na naman. Kinuha ko ang isa ko pang sandal pero mas lalo akong nainis pudpod na rin ang takong nito.
Mabigat ang bawat hakbang ko habang suot ang mumurahing sapatos na ito. Sinuot ko pa rin alangan naman magpaa lang ako edi pinalabas ako ng manager!
Naglakad ako pabalik sa loob. Kaagad na sumalubong sa akin ang mahihinang tawanan sa bawat lamesa. Ang ingay ng paligid ang halo-halong amoy ng mamahaling alak, usok ng sigarilyo, at malansang halimuyak ng mga sinungaling at manyak na mga customer ang siyang sumasakal sa akin gabi-gabi. Naupo akong muli at pilit na pinapatagan ang loob ko. Pero hindi ko magawang matatag dahil huling gamot na ‘yong iniinom ni Tatay kanina. Nahihhiya naman akong mangutang kay Lira ang dami rin nilang magkakapatid.
“Reah! Ano ba, nakatulala ka na naman!”
Napaigtad ako nang pumalatak siya sa mismong mukha ko kaya nagulat din talaga ako.
Si Ate Glo, ang floor manager namin. Humahangos siya habang inaayos ang makapal niyang make-up.
“Table 1, Reah. Nariyan ang masugid mong suki, ikaw agad ang hinahanap! Huwag mong paghintayin ‘yon alam mo namang malakas mag-tip ’yon.”
Inayos ko ang maikling dress ko. Table 1. Si Sir Antonio. Kahit paano, rumerespeto siya kaya nakakaraos ako nang hindi ibinibenta ang sarili ko. Pero bago pa ako makalapit, bigla akong hinarang ng mismong may-ari.
“Good evening po, madam!” pagbati ko agad sa kanya.
“Umuwi ka na, Reah. Out mo na,” malamig na utos nito sa akin. Nanlaki agad ang mata ko.
“Po? Pero alas-otso pa lang po, kaka-duty ko lang—”
“Wala nang pero-pero. Kunin mo ang gamit mo at lumabas ka sa likod.”
Gulat na gulat ako. At mas lalong nanlumo nang malamang wala akong sweldo o kahit kakarampot na tips para sa gabing ito.
“Ano po bang nagawa kong mali? Tanggal na po ba ako?” hindi ko maiwasan maiyak.
“Sumunod ka sa akin. May taong gusto kang makita!”
Nagulat ako sa sinabi niya pero sumunod pa rin ako. Pilit akong pinasunod sa madilim na pasilyo sa likod ng bar. Doon may isang babaeng nakatalikod at marahang naninigarilyo.
Nang humarap siya ay parang tumigil ang t***k ng puso ko.
“Mama?”
Lumapit siya agad sa akin at akala ko ay yayakapin niya ako pero isang malutong na sampal ang sumalubong sa akin. Napakapit ako sa malamig na pader habang hawak ang namumula kong pisngi.
“Anong ginagawa mo rito?!” galit na galit na bulong ni Marisa. Kahit na nangigil ang boses nito ay mahina pa rin ang boses na walang makarinig sa kanila.
“Gusto mo bang malaman ni Adriano na may anak ako sa pagkadalaga? Gusto mo bang sirain ang lahat ng pinaghirapan ko?!”
“M-Mama, hindi ko naman kilala ang bago mong asawa—”
“Manahimik ka!” Sigaw niya bago ako muling sampalin pero sa pagkakataong ito, hindi palad ang tumama sa mukha ko kundi isang kumpol ng pera.
Kumalat ang mga tig-iisang libong piso sa semento, nilipad ng hangin ang iba patungo sa basurahan.
“Sapat na ba ‘yan para sa ikakatahimik mo? Umuwi ka ng probinsya, Reah! Kalimutan mo nang may nanay ka dahil mula nang isilang kita, tinapon na kita!”
Nanginig ang buong katawan ko habang nakatingin sa perang nagkalat sa paanan ko. Ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan ay tuluyan nang pumatak, pumatak sa sirang sapatos na simbolo ng kahirapan ko at sa perang simbolo ng pagtatakwil sa akin ng sarili kong ina.
Nanginginig ang mga kamay ko habang isa-isang pinupulot ang mga perang nagkalat sa maruming semento. Ang bawat sanlibong piso na dumaan sa mukha ko ay tila mga hiwa ng kutsilyo sa aking dangal. Pero nilunok ko ang lahat. Nilunok ko ang huling tira ng respeto ko sa sarili dahil mas matimbang ang buhay ni Tatay.
Hindi ko na kailangang magmakaawa sa mga pampublikong ospital na laging out of stock. Hindi ko na kailangang makipagsiksikan sa mahabang pila mula madaling-araw para lang sa libreng gamot na madalas ay wala naman. Ang perang ito ang pambayad-katahimikan ni Mommy—ang magiging dugtong-buhay ni Tatay.
Umuwi akong maraming bitbit. Plastik ng mga gamot, prutas, at kaunting masarap na pagkain para sa hapunan namin. Pero nang matanaw ko na ang aming barong-barong sa gitna ng siksikang squatter area, biglang bumigat ang bawat hakbang ko.
Tumingala ako sa madilim na langit. Habang ang ibang bahagi ng Maynila ay nagniningning sa mga ilaw ng mansyon na tinitirhan ng aking ina kami rito ay nalulunod sa amoy ng imburnal at dikit-dikit na mga tagpi-tagping dingding.
Tumulo ang luha ko na hindi ko na napigilan. Hindi dahil sa hirap ng buhay, kundi dahil sa sakit na nararamdaman ko rito sa dibdib ko.
Wala naman akong ibang hinangad buong buhay ko kundi ang tanggapin niya ako. Ang maramdaman man lang kung paano magkaroon ng ina na nag-aaruga, iyong hahalikan ka sa noo kapag may sakit ka, o iyong ipagtatanggol ka sa kalupitan ng mundo. Pero para kay Mama, isa lang akong basura na kailangang itapon at itago para hindi madungisan ang bago niyang buhay-reyna.