"DAHAN- DAHAN lang. Baka madapa ka sa bato- bato." Paalala ni Khal habang alalay niyang hawak ang kamay ni Orah.
Naipasyal niya sa tabing dagat si Orah at gusto ng dalagang maupo sa batuhan.
"Ang ganda naman dito, Kuya Khal." Namamanghang sabi ni Orah na inililinga ang mata sa buong dagat.
"Maganda talaga dito sa batuhan. Kaya nga kita dinala dito para mamasyal."
Lumanghap ng sariwang hangin si Orah saka matamis na napangiti. "Alam mo, kuya, ang ganda- ganda dito sa Marina Azul. Kung bibigyan ako ng pagkakataon na tumira sa isang lugar na tahimik, mas gusto ko dito," saka tumingin sa binata. Nagtagpo ang kanilang mga mata, saglit na tumigil ang kanilang mundo.
Napatikhim si Khal at nag-iwas ng tingin sa dalaga. "Puwedeng- puwede ka naman tumira dito sa Marina Azul. Sanay ka na sa magulong mundo dito saka nakakahanga ang pakikisama mo. Madali mo tuloy nakuha ang loob ng mga kapitbahay natin."
"Hindi naman ako namimili ng kakausapin, kuya. Mababait din po kasi sila sa akin. Kagaya mo, mabait ka rin."
Papuri pa lang 'yon ni Orah, pero agad nang namula ang mukha niya na parang hinog na kamatis.
"Talaga ba mabait ako?"
"Oo nga po, Kuya Khal. Mabait kayo at pogi pa..." sagot ni Orah.
Halos napunit ang labi sa ngiti ni Khal sa sagot ng dalaga. "Binobola mo naman ako. May gusto kang kainin, ano?"
Humalakhak si Orah. "Hindi kita binobola. Wala ngang sinabi ang mga artista sa gandang lalaki mo. Lahat ng mga tindera sa palengke, crush ka."
"Ayoko sa kanila. Mga amoy isda na ang mga 'yon."
Mas lalong lumakas ang tawa ni Orah. "Sino bang gusto mo? Ilalakad kita, kahit nga itakbo pa kita." Panunukso niyang turan. Siniko pa ng mahina si Khal.
"Huwag na. Wala naman akong balak magkaroon ng karelasyon. Sapat na maghanap-buhay ako, pagkatapos makapag-ipon para maiahon ko sa hirap ang buong pamilya ko."
Sa edad ni Khal na kikita ni Orah na napaka-responsable nitong lalaki. May paninindigan at may pangarap. Inuuna din ang pamilya kaysa sarili.
"Mahal na mahal mo ang pamilya mo. Sana nagkaroon din ako ng isang kapatid na katulad mo."
"Gusto mo akong maging kapatid?" Biglang tanong ni Khal. Parang may kung ano sa kanyang dibdib ang ayaw pumayag sa tinuran ng dalaga.
Marahang tumango si Orah.
"Pa'no kung ayaw kong maging kapatid kita?"
Gulat si Orah sa bigla niyang sinabi. Napatingin siya kay Khal, ngunit sa halip na matuwa sa sagot nito, isang kakaibang titig ang bumungad sa kanya. Para bang may tila gustong ipahiwatig sa bawat salitang binitiwan ng lalaki.
Hindi siya nakasagot agad. Nag-angat siya ng tingin, ngunit napalingon ito sa kanya muli, puno siya ng kaba at pagtataka.
"Anong ibig mong sabihin?" Mahina niyang tanong, halos pabulong.
Tila nanigas si Khal, pero saglit lang iyon.
"Ang ibig kong sabihin..." aniya habang iniangat ang kamay at nagkamot ng batok. "Mas gugustuhin ko sigurong hindi tayo maging magkapatid. I mean, paano magiging magkapatid ang kape't gatas? Tignan mo nga ang kulay natin. Ang layo ng kulay ko sa'yo." Saka sinundan niya ng malakas na tawa.
Napatawa rin si Orah, kahit pilit. Nakahinga siya ng maluwag sa sagot ni Khal, ngunit hindi niya maalis ang kaunting kaba sa kanyang dibdib.
Napabaling ang tingin niya sa kanyang tiyan. Limang buwan na ang tiyan niya at hindi naman tama na makasagabal pa sila ng anak niya kay Khal. Iisipin ng lahat na ginagamit niya ang binata para sa kanyang anak. Alam naman ng lahat na isa siyang disgrasyada.
"Apat na buwan na lang manganganak na 'ko. Makikita ko na ang baby ko..." pag-iiba ni Orah sa kanilang usapan.
"May napili ka na bang pangalan ng baby mo?"
Umiling si Orah. "Hindi ko pa iniisip sa ngayon. Dahil 'di ko pa naman alam ang gender niya."
Biglang lumawak ang ngiti ni Khal. "Gusto mo tulungan kita. Hindi ka na iba sa akin, sa amin nina nanay. Tito naman ako ng magiging anak mo."
Nahawa na rin siya sa magandang ngiti ni Khal saka tumango. "Siyempre naman. Puwedeng- puwede mo akong bigyan ng idea sa name ng anak ko."
Napatitig si Khal kay Orah. Napaka-magandang babae ang kanyang kaharap. Nakakamangha ang angking ganda, kahit buntis ay hindi kumukupas. Walang panama si Dabya. Ang layo nila kung ipagkukumpara. Halatang- halatang mayaman dahil sa mala-porcelanang kutis. Ang puti at mamula- mula, pati ang labi ay larang rosas na sobrang pula. Ang iitim ng gilagid ng mga tindera sa palengke. Palagi pang sunog ang balat sa araw. Si Orah kapag nabibilad sa araw, namumula ang balat at nakakasilaw ang kaputian.
"Kuya Khal!" Napahinto sila at napalingon sa tumawag — si Baldo. Tumatakbo itong papalapit sa batuhan.
"Oh, Baldo," sambit ni Khal.
"Baka nagugutom na kayo ni Orah. Nagdala na ako ng pagkain, nasa cottage. Halina kayong dalawa."
Napabaling ang tingin ni Khal sa dalaga. "Baka nga magwala na si baby sa tiyan mo, Orah. Tayo na sa cottage." Nakangiting naman si Orah.
Inalalayan pa ni Khal ang dalaga sa pagtayo. Halata na ang kanyang tiyan at medyo hirap na rin ito sa paglalakad. Maliit kasi si Orah, bata pa, at mukhang inosente. Napaka-swerte ng lalaking naka-una sa kanya.
Pagkarating nila sa cottage, kaagad natakam si Orah sa nakahain sa mesang kawayan. Mas nauna niyang napansin ang manggang kalabaw at alamang. Mabilis siyang lumapit sa mesa at umupo.
"Baka naman mangasim ang sikmura mo niyan, Orah. Mangga agad ang inupakan mo," komentong saway ni Khal.
Napalulon muna ng kanyang nginunguya si Orah saka huminga ng malalim. "Hindi po, Kuya Khal. Masarap nga po. Alam na alam talaga ni Baldo ang gusto ko."
Natawa naman ng malakas sina Khal at Baldo. Kung kumain ng mangga si Orah ay akala mo'y mauubusan.
"Malapit na malapit na kayo ni Orah, Kuya Khal. Pinapaalalahanan lang kita. Hindi taga-Marina Azul si Orah at mayroon nang may-ari sa kanya," giit ni Baldo.
Napa-shot ng diretso si Khal sa kanyang iniinom na alak. Hinatid lang nila si Orah sa bahay para makapagpahinga. Dumidilim na rin at hindi maganda sa buntis ang mahamugan. "Walang may-ari sa kanya. 'Di nga siya pinagutan ng lalaking nakabuntis sa kanya."
"Ah, kaya e-extra ka. Gusto mong akuin ang anak niya." Napailing- iling si Baldo. "Nababaliw ka na. Ang daming nagkakagusto sa'yo dito tapos si Orah pa."
"Ano bang pinagsasabi mo?" Maangang- maangan na tanong ni Khal.
"Aminin mo na kasing nahuhulog ka na rin kay Orah. Alam ko maganda siya kahit buntis. Pero alangan na alangan ka. Mayaman 'yon, ikaw mangingisda at minsan tindera ng isda. Ang layo.. hindi mo maibibigay sa kanya ang marangyang buhay na nakasanayan niya."
"Baldo, masyado mo akong pinapangunahan. E, ano kung mayaman siya? Porket, mahirap lang ako hindi na ako puwedeng magmahal ng isang katulad ni Orah. Nagsisikap naman pati ako sa buhay. Kayang- kaya ko siyang buhayin."
Humalakhak ng nakakainis si Baldo. "Nagpapatawa ka, kuya. Hindi 'yon. Kahit anong gawin mo hindi mo magagawang makuntento siya sa magiging buhay niyo kung sakali man."
Parang ang baba naman ng tingin ni Baldo sa kakayanan niya. Magagawa niya ang imposible para kay Orah. Gagawin niya para sa dalaga at sa anak nito.
"Akala ko hanga ka sa 'kin. Ipinagmamalaki mo pa ako, di ba? Magtiwala ka lang, yakang- yaka ko 'yan. Ako pa ba?" Natatawa na lamang si Khal. Pilit niyang pinapaniwala ang sarili sa kanyang tinuran.