Simpleng tuwa
ARAW ng linggo. Maaga pa lang ay nakahanda na si Cristina papunta sa malaking bahay. Isa siya sa mga tutulong magsilbi sa mga bisitang darating. Kaarawan ng abogado at maraming malalaking tao ang inaasahang darating. Mahigpit ang bilin ni Misis na maging magalang at maliksi sa pagkilos. Kailangang sila ay malinis lalo na ang mga pagkaing ihahain kaya may suot silang apron at net sa buhok.
Tinandaan niyang lahat ang mga dapat at ‘di dapat gawin. Gusto niyang masiyahan ang mag-asawa sa trabaho niya upang kung sakali ay maipapatawag uli. Nagdatingan na ang mga panauhin kaya abalang-abala na sila sa kani-kaniyang gawain. Pagod man ay nalilibang siya sa panonood ng nagsasayawang panauhin. Lalo na nang si Attorney at si Misis ang pumagitna at nagsayaw ng cha-cha.
Napapa-palakpak pa siya at napapagalaw sa mahusay na pag-indak ng mag-asawa. Hindi niya namamalayang kanina pa siya nakangiti.
Ngiting nakapagpalitaw sa kanyang angking kagandahan. Simpleng ganda na kanina pa tinitignan ng isa sa mga bisita.
Mangilan-ngilan na lamang ang naroon nang makaupo siya at makapagpahinga. Bahagya pa niyang minamasahe ang mga binting nangangalay.
“Heto o, Cristina. Baka makabawas sa pagod mo.”
Nakangiting sabi ng lalaking lumapit sa kanya habang iniaabot ang isang bote ng Mirinda. Bahagyang nangunot ang kanyang noo nang banggitin nito ang pangalan niya.
Napakamot sa batok ang binata nang hindi niya tanggapin ang inaalok nito. Ipinatong na lamang ang hawak sa ibabaw ng mesa niya.
“Nagtataka ka ba kung bakit alam ko ang pangalan mo? Tinanong ko lang kay Manang. Pasensiya ka na kung nagulat kita. Ako si Ronaldo. Pero Ron ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko para maikli lang daw.”
Magalang nitong sabi na tila nahulaan ang laman ng kanyang isip.Tumango siya, pagkaraa’y umiwas na ng tingin sa mata nitong nakatitig.
“Huwag ka sanang matakot sa akin. Hindi naman ako masamang tao. Anak ako ng kumpare ni Attorney. Abogado rin ang tatay ko. Hayun o, ‘yong panot na kausap ni Attorney.” Itinuro nito ang tinutukoy.
Sumunod ang paningin niya sa direksiyong itinuro ng binata. Bahagya siyang natawa nang makita ang medyo panot na ngang lalake na nakikipagtawanan sa may kaarawan.
Si Ronaldo, lalong nadagdagan ang paghanga sa mabining pagtawa ng dalagang nais makilala. Ang pagtawa nito sa kanyang pagbibiro ang naging daan upang ito’y makausap. Kaya lang, sasandali pa lang ay nagpaalam itong may gagawin. Wala siyang nagawa kung hindi tumango at sundan na lamang ito ng tingin.
Napapangiti siya habang pinanonood ang mabilis at maliksi nitong pagkilos, “Inaagapan na niyang samsamin ang ilang kalat. Para nga naman kaunti na lang ang gagawin mamaya. Wala siyang pakialam kung ang ilang kasama niya ay palakad-lakad lang. Basta siya maglilinis, tapos!”
Naputol ang panonood niya nang may tumapik sa balikat at mangamusta. Nalibang na siya nang madagdagan ang kakuwentuhan kaya hindi napansin ang paglapit ni Manang sa dalagang pinagmamasdan.
Ipinatatawag ni Misis ang dalaga at kinausap. “Iwanan mo na sa mga kasama mo ang pagliligpit. Kaunti na lang naman ang mga bisita, at saka kanina ka pang umaga tumutulong. Siguradong pagod na pagod ka na. Mauna ka nang umuwi para makapagpahinga. Kapag kailangan ko uli ng makakatulong, ipatatawag uli kita, ha. Salamat, Cristina.”
Matapos ibigay ang suweldo na dinagdagan uli ng mabait na ginang, ipinagbalot pa siya maraming pagkain para sa lola niya at mga kapatid. Nahihiya siyang nagpasalamat. Kanina kasi’y nagpadala na rin ito ng pagkain sa kanila.
Namilog ang mga mata niya nang isang malaking hiwa ng cake ang sumunod nitong ibinalot at isinama sa mga supot ng pagkaing iniabot sa kanya. Paulit-ulit siyang nagpasalamat, natawa naman ang ginang na sumagot ng ‘walang anuman’.
Matapos muling magpasalamat, lumabas na siya sa malaking bahay para umuwi. Sa kabila ng nararamdamang pagod, ang ngiti sa kanyang mga labi ay nanatiling nakaguhit. Nadatnan niya si Mireng sa tapat ng pintuan at nakaupo sa huling baitang ng hagdan.
“Hatinggabi na, a. Bakit gising ka pa, Lola?” Inabot niya ang kamay nito at idinikit sa noo.
“Nakatulog na ako nang tabihan ko ang mga kapatid mo. Kagigising ko lang nang dumating ka. Naalinsanganan lang ako kaya naupo muna rito.” Pagsisinungaling ni Mireng. Hindi nito nagawang matulog dahil iniisip ang kalagayan ng apo. Ilang beses itong nagpabalik-balik sa harapan ng malaking bahay at pasilip-silip. Mula sa may kataasang bakod, tumuntong pa ito sa malaking bato matanaw lamang ang dalaga.
“Ang Lola talaga, siguro na miss mo ako ano?” malambing na sabi ni Cristina. Pagkatapos ibaba ang bitbit na plastik na naglalaman ng mga ulam, niyakap niya ito. Alam niyang hindi nagsasabi ng totoo ang kanyang lola. Nakita niya itong nakasilip sa bakod habang nasa kasagsagan ng pagtitipon. Hindi lang niya ito nalapitan dahil gahol na siya sa ginagawa. Nang muli niyang tignan, wala na ito. Bago siya ipatawag ni Misis kanina, nakita niya uli itong nakasilip. Nadaanan din niya ang bato sa gilid ng pader. Hula niya’y doon ito tumuntong.
Natawa si Mireng sa sinabi ng apo, mahinang hinaplos ang mga brasong nakayapos. “O siya, matulog ka na at may pasok ka pa bukas.”
“Opo Lola. Siyanga pala heto po ang kinita ko.” Nakangiti niyang sabi sabay abot ng perang dinukot sa bulsa ng pantalon.
“Itabi mo na 'yan sa iyo para makabili ka ng mga kailangan mo. Ibinigay mo na nga sa akin ang kinita mo no’ng isang araw, e. Bumili ka na ng sapatos mo para maganda-ganda ka namang tignan kapag pumapasok sa eskwelahan,” sabi ni Mireng.
“Marami naman ang perang ito, Lola. Sobra-sobra para sa sapatos ko at medyas. Hati tayo. Huwag ka na muna lumabas bukas. Magpahinga ka na lang tapos magpunta tayo sa palengke at sa patio. Sige na, Lola. Marami naman tayong ulam, e. Pang- mayaman pa!”
Nangingiting tumango si Mireng. Hindi natanggihan ang apong naglalambing.
Pagkatapos maglinis ng katawan, nahiga na si Cristina. Dahil sa pagod ay agad itong nakatulog. Hinaplos niya ang noo nito. Pagkatapos ay hinalikan. Matapos umusal ng panalangin, nahiga na rin sa tabi ng mga ito hanggang sa makatulog.
Kahit napuyat ay maaga pa ring nagising si Cristina. Nagisnan na rin ang lola na nakaharap sa kalan at iniinit ang ulam na dala niya kagabi. Alam ni Misis na wala silang paglalagyan kaya ang ibinigay na ulam ay mga pinirito at ‘di madaling mapanis.
Gaya ng araw-araw na rutin, naglakad na ang magkakapatid upang pumasok. Gano’n din ang ginawa nila nang mag-uwian. Nadatnan nila si Mireng na nagsasampay ng damit. Matapos magsipag-mano, agad silang nagpalit ng damit pambahay. Tinulungan ni Cristina ang lola sa ginagawa, kaya saglit lang ay magkakasabay na silang kumain ng tanghalian. Nagtatawanan na naman sila habang kumakain. Ganado dahil sa masarap na putaheng pinagsasaluhan. Natatawa sila dahil madalas mabilaukan si Romer.
“Dahan-dahan lang kasi, wala ka namang kaagawan, e.” Natatawang sabi ni Mireng.
“Ang sarap kasi, Lola. Sana ganito lagi ang ulam natin. Sana araw-araw bertdey ni Atorni, Ate.” Sabi ni Romer kahit may laman ang bibig.
“Ha? Pa'no 'yon, Kuya? Tatanda agad si Atorni kapag araw-araw siya magbebertdey. Mas matanda na agad siya kaysa kay Lola?” Inosenteng tanong ni Mercedes.
Muling natawa sina Mireng at Cristina. Kasunod ang pagbunghalit din ng dalawang nakababata. Matapos kumain at makagawa ng assignment, natulog muna sila.
Nang hapong iyon, magkakasama na silang nagpunta sa palengke. Matapos makabili ng sapatos, dumaan sila sa simbahan kahit ang pinto’y nakasara. Gumilid sila kung saan natatanaw pa rin ang altar. Taimtim silang nanalangin at taos pusong nagpasalamat sa Diyos.
Pagkatapos ay nagpunta sila sa palaruan na nasa loob din ng patio. Masayang nagtungo sa padulasan sina Mercedes at Romer. May nagduduyan na kasi kaya doon na lang sila naglaro.
Sina Cristina at Mireng naman ay naupo sa tabi ng malaking puno, malapit sa palaruan. Nakangiti nilang pinanood ang pagkakatuwaan ng dalawang batang napapasigaw habang nagpapadausdos.
Nang mapagod ang dalawang paslit ay nagtakbuhan na palapit. Bumili sila ng sorbetes at naglakad na pauwi. Masaya sila sa sandaling pamamasyal. Kahit mahirap lamang ay nagkaroon sila ng simpleng tuwa na pinagsaluhan nang magkakasama.