CHAPTER 5 - Munting Kilig

1217 Words
Munting Kilig MULA nang gabing makita at makausap si Cristina ay hindi na natahimik si Ronaldo. Nang hindi na niya makita sa mga nagliligpit ang dalaga ay napatayo siya at ito ay hinanap. Nagtanong pa siya kay Manang nang hindi ito natagpuan. Laking panghihinayang niya nang malamang umuwi na pala. Nawalan na siya ng interes sa nagaganap na pagtitipon. Hindi naman niya makausap nang maayos ang katulong dahil abala na. Nang banggitin ni Manang ang eskuwelahang pinapasukan ng dalaga ay naisipan niyang mag-cutting para mapuntahan ito at makausap uli. Subalit nang makita ito ay hindi niya nagawang lapitan. Nakasuot ito ng tsinelas. Nagpapawis ang mukha habang naglalakad pauwi kasama ang dalawang batang hula niya ay mga kapatid. Bahagya pa siyang nagtago sa nakaparadang traysikel nang mapalinga ito sa gawi niya. Nawalan na siya ng gana. Pakiramdam niya ay mapapahiya siya kung may makakakitang ito ay kausap, o kaya’y kasabay. Nakalampas na ito sa kanya’y nanatili lamang siyang nakatingin. Hindi ang itsurang 'yon ang puwede niyang ipagmalaki sa mga kaibigan. Hindi ang itsura ng babaeng 'yon ang tipo ng isang Ronaldo Esguerra. Nakauwi na siya at nakahiga na sa kama’y nakikita pa rin niya ang mukha ni Cristina. Naroon ito sa kisameng tinitignan niya. Ipinilig niya ang ulo at ipinikit ang mga mata upang hindi na ito masilayan. Sasandali pa ay mabilis siyang napadilat at bumangon. Naguguluhan siya dahil nang pumikit ay mas malapit at malinaw pa niyang nakita ang nakangiti nitong mukha. Napahawak siya sa tapat ng dibdib. Mabilis ang pagpintig ng pusong naroroon sa loob. Binuksan niya ang bintana ng kuwarto at saka nagsindi ng sigarilyo. Hitit-buga ang ginawa niya na parang sa pamamagitan no’n ay tatangayin na ng hangin ang mukha ng dalagang hindi maalis sa kanyang utak. Sa unang pagkakataon ay nalilito siya sa nararamdaman. Hindi siya pamilyar sa damdaming nagpapagulo sa kanyang isip. Marami na siyang naging nobya subalit hindi siya nalito gaya ngayon. Hindi ganito na para siyang tanga sa katatanong at pagkatapos ay siya rin ang sasagot. Nang maubos ang isang istik ng sigarilyong sinindihan ay muli siyang nahiga, pagkatapos ay muling bumangon. Pakiramdam niya'y parang sasabog ang kanyang dibdib kapag nakahiga. Kinuha niya ang bola sa gilid ng kama at lumabas ng kuwarto. Dire-diretso sa gate at lumabas. Naglaro mag-isa sa basketbulang malapit sa kanilang bahay. Nang mapagod ay naupo sa gilid ng kalsada. Kahit ano’ng gawin niya, mukha ni Cristina ang nakikita ng kanyang mga mata. Nasabunutan niya ang sarili. Para na siyang may sayad sa kokote. Para siyang may sakit at si Cristina ang lunas. Hindi niya kayang pigilan ang idinidikta ng kanyang puso. Nakakatiyak na siyang kahit basahan ang suot nito at kahit nakatapak pa, gusto niya pa rin itong sabayan sa paglalakad. Sigurado na siyang kahit pagtawanan pa ng lahat nang makakakita, gusto niya pa rin itong makausap at makasama. Nabuo ang kanyang desisyon, babalikan niya ang babaeng nagpapabilis sa pagtibok ng kanyang puso. Sa pinapasukang paaralan ay nagsakit-sakitan si Ronaldo. Nagkunwaring humihilab ang tiyan. Dahil nangangalumata pa, naniwala naman ang gurong tagapayo ng kanilang pangkat. Matapos ipaalam sa kanyang Mama, pinalabas na siya sa eskuwelahan. Nang makauwi, nag-aalala at natatarantang ina ang sumalubong sa kanya. Nakadama siya ng hiya sa ginawa. Ngunit kung hindi makikita at makakausap si Cristina, baka mabaliw na siya. Pagkatapos pakainin, uminom na siya ng gamot. Mahapdi talaga ang sikmura niya dahil walang laman. Hindi siya makakain. Pakiramdam niya’y walang lasa ang mga pagkaing nasa mesa nila. Totoo naman ang dahilan niya. Kaya lang, puwede namang tiisin ang sakit at hindi na kailangan pa ang umuwi. Ang hindi niya kaya ay palipasin pa ang isang araw na hindi man lang makita si Cristina. Kaya napilitan na siyang gumawa ng gimik. Ilang oras din siyang nagtiis sa loob ng kwarto, nakaantabay sa paglipas ng mga sandali. Ang oras ng paglabas ni Cristina sa paaralan ang titiyempuhan niya. Nang dumating na ang oras na hinihintay, dahan-dahan siyang lumabas sa kanyang silid. Animo isang puganteng takot mahuli. Nakalabas siya sa gate nang walang nakapapansin. Siguradong mamaya pa siya sisilipin ng ina dahil kasisilip lang sa kanya. Baka nga makatulog pa ito habang nanunuod ng TV sa loob ng kuwarto. Mabilis siyang sumakay sa isang traysikel na sadyang naghihintay na. Kinausap niya ito kanina nang masakyan pauwi. Nakarating agad siya sa tapat ng paaralan. Pagkabayad sa drayber umalis na ito agad. Tumayo muna siya sa gilid ng kalsada kung saan matatanaw ang mga estudyanteng mag-uuwian. Hindi naman nagtagal ay nakita na niyang naglalabasan ang mga ito. Nanghahaba ang kanyang leeg. Pilit tinatanaw kung nasaan si Cristina. Malakas na malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Tila may nagliliparang paru-paro sa kanyang sikmura. Panay na panay din ang punas sa mukha na wala namang pawis. Nanlalamig ang mga palad niya sa sobrang kaba. Lalong bumilis ang pintig ng kanyang puso nang makita ang dalagang nagpapagulo sa isipan. Hindi na niya alam ang gagawin, dinadaga ang kanyang dibdib. Ilang ulit siyang sumagap at nagbuga ng hangin. Sa wakas, nagkalakas na ng loob lumapit. Mabilis siyang tumawid ng kalsada at sinalubong ang nagulat na dalaga. Nagtitinginan sa kanya ang ibang estudyante. Hindi man hipuin ang pisngi, naramdaman niyang uminit 'yon. Napakamot siya sa batok. “M-magandang tanghali sa’yo, Cristina.” Bati niya sa dalagang lumingon pa sa likuran upang tiyakin kung siya ba ang kinausap. Bahagyang nakaawang ang mga labi nito. “Ano’ng ginagawa mo rito?” “P-pinuntahan talaga kita. G-gusto kasi kitang makita at makausap gaya nito.” Nakangiti ngunit nauutal niyang sabi. “H-Ha? Nagmamadali ako, e. Susunduin ko pa ang mga kapatid ko.” “Okey lang. Sasamahan na lang kita. Kahit paano magkakausap pa rin tayo.” “Maglalakad lang ako, baka mangawit ka. Saka mainit ang sikat ng araw.” “Ayos lang, may dala naman akong payong.” Kinuha niya ang payong na de-tiklop sa likuran ng suot na pantalon. Dinala niya talaga iyon upang ipakita sa dalaga na desidido siya sa pagsundo. Natawa si Cristina sa kakulitan ng binata. Natawa na rin si Ronaldo. Nang mag-umpisang humakbang ang dalaga, humakbang din ang binata. Binuksan ang payong na dala at pinayungan ang sinisinta. Nangiti si Cristina. Habang naglalakad ay nagawa nga nilang makapag-usap. Nagkakatawanan pa sa ilang jokes na buong magdamag kinabisado ng binata upang hindi kabagutan ng dalagang sasabayan sa pag-uwi. Nang makita nina Romer at Mercedez na may kasamang lalaki ang kanilang ate ay nagsikuhan ang mga ito at ang mga mukha'y sumimangot. Nagpakilala si Ronaldo nang makalapit. Binilhan nito ng tag-isang malaking cup ng ice cream ang dalawang kapatid ng dalagang nais suyuin. Nakahinga nang maluwag ang binata nang makitang nangiti na ang mga ito at hindi na nagagalit. Natawa si Cristina. Kanina lang ay nakasimangot ang dalawang kapatid. Pero nang mabigyan ng ice cream, nawala na ang galit. Iyon lang pala ang katapat para ngitian ng mga ito ang binatang tagaktak man ang pawis ay mukhang mabango pa rin. Naglakad na silang apat. Nagkakatuwaan, at hindi alintana ang mainit na sikat ng araw. Magkasabay sina Mercedes at Romer habang kumakain ng ice cream. Kasabay naman ni Cristina si Ronaldo. Tiniklop na ng binata ang payong para pare-pareho raw silang maarawan. Ang munting kilig ay hindi naiwasang madama ng dalagang lihim na nangingiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD