“Ang sabi mo ay gusto mong maging isang nurse, Ella?” mahinahong tanong sa kanya ni Mrs. Portia Borja, ang librarian ng Summerville University School of Medicine, at second cousin ni Nick. She was in her early 40’s, but looked sophisticated and dignified. Sinadya nilang mag-ama si Mrs. Borja sa tahanan nito sa kabilang subdivision. Malugod naman silang hinarap nito.
“Opo, ma’am…” nahihiyang tugon niya. Nakaupo siya sa malambot na sofa katabi ng kanyang papa.
“Aunt Portia na lang ang itawag mo sa akin, Ella,” ngumiti ang butihing babae. “Mag-second cousin kami ng ama mo kung kaya tiyahin mo rin akong maituturing. Dahil honor student ka naman, maikukuha kita ng scholarship sa Summerville para makalibre ka sa tuition fee tapos ay ipapasok kitang student assistant para meron kang monthly allowance. Malaking tulong iyon sa iyo lalo na at hindi kayang suportahan ni Nick ang iyong pag-aaral.” Makahulugang sumulyap si aunt Portia kay Nick. Bumakas ang pagkapahiya sa mukha ng kanyang ama.
“Hindi pa man ay nagpapasalamat na ako sa iyo, ate Portia,” sabi ni Nick. “Ang totoo talaga ay gusto ko siyang papag-aralin, pero alam mo naman ang katayuan ng pamumuhay namin sa ngayon. Nalugi ang negosyo namin na pagawaan ng woodcraft at ngayon nga ay kinakailangan kong mangibang-bansa upang doon magtrabaho. Walang trabaho si Blessy at ang dalawang anak namin ay parehong nag-aaral.”
Umunat mula sa pagkakaupo si aunt Portia. Biglang nag-iba ang tono nito pagkarinig sa pangalan ni Blessy. “Ewan ko ba diyan sa asawa mo, Nick. Masyado mo kasing ini-spoil iyang si Blesilda. Ayaw mong papagtrabahuhin pero kailangang masunod ang lahat ng layaw niya sa katawan pati ng dalawa ninyong anak. Nalugi ang negosyo mo at wala kang trabaho sa ngayon pero sa pribadong paaralan ninyo pa rin pinapapasok ang mga anak ninyo samantalang itong anak mo kay Corina ay kailangan pang ikuha ng scholarship at pumasok na student assistant upang makapag-aral lang.”
Napakislot si Ella nang marinig ang pangalan ng kanyang ina. “Kilala ninyo ang aking mama, aunt Portia?” nanlalaki ang mga matang tanong niya sa babaeng kaharap.
Sumulyap sa kanya si aunt Portia saka ngumiti. “Oo naman. Kaibigan ko siya bago naging kasintahan at minalas na nabuntis nitong si Nick.”
“Ate Portia,” sansala ni Nick, bakas ang pag-aalala sa mukha nito. “Please, tapos na ang lahat ng iyon sa amin ni Corina. Pakiusap lang, huwag mo nang ungkatin ang nakaraan.”
“Bakit naman hindi puwedeng ungkatin?” Muling tumaas ang boses ni aunt Portia. “Dahil ba hanggang ngayon ay sinusumbatan ka pa rin ng budhi at hindi ka pa rin pinapatahimik ng konsensya mo dahil sa ginawa mo sa kaawa-awa kong kaibigan?” patuloy ang litanya ni aunt Portia.
Napakislot si Ella sa huling narinig. Totoo ba ito? Kaibigan ni aunt Portia ang kanyang namayapang ina?
“Ano’ng alam mo tungkol kay mama at papa, aunt Portia? Please, gusto kong malaman, kung puwede lang,” sabik niyang tanong, hindi alintana ang pamumutla ng mukha ng kanyang ama.
Sumimangot si aunt Portia. “Hay naku, mukhang ayaw ipasabi ng iyong ama kung kaya isasarado ko muna ang bibig ko…sa ngayon,” sabi nito na may halong pagbabanta sa tinig.
Napabuntong-hininga ang kanyang ama. Tila ikinaluwag
ng dibdib nito ang pagpreno ni aunt Portia sa pagkukuwento tungkol sa mama niya. Nadismaya naman siya.
“Maiba ako, kailan naman ang alis mo papuntang Dubai, Nick?”
“Sa isang linggo na, ate Portia. Kaya kung maaari, ipapakiusap ko sa iyo na ikaw na muna ang bahala kay Ella. Sana ay pakibantayan mo siya habang nag-aaral kung hindi naman kalabisan sa iyo.”
“Eh, ano pa nga ba ang magagawa ko? Hindi naman kita puwedeng tanggihan. Kung hindi lang marami akong anak, dito ko na sana pinatira ang batang ito,” ani aunt Portia sabay sulyap sa kanya.
“Ayos lang naman kay Blessy na doon tumira sa bahay si Ella kahit wala ako.”
Muli na namang tumaas ang tono ni aunt Portia nang marinig ang pangalan ng kaniyang stepmother. “Ayos habang kaharap ka, eh paano kapag wala ka na? Baka apihin at pahirapan ng asawa at mga anak mo itong si Ella.”
“Hindi naman siguro, ate Portia.” Bumakas ang lungkot sa mukha ng kanyang ama. “Nangako sila sa akin.”
“Ano’ng hindi? Kilala ko ang asawa mo, Nicanor. Ang ganda ng panlabas na kaanyuan pero ang sama naman ng ugali. Huwag na huwag ko lang malalaman na inaapi niya itong si Ella dahil siguradong ako ang makakalaban niya.”
Lihim siyang napangiti. Pakiramdam niya ay nakatagpo siya ng kakampi sa katauhan ni aunt Portia. Pero may takot pa rin na unti-unting nabubuo sa dibdib niya lalo na ngayong malapit nang umalis ang kaniyang ama at maiiwan siya sa piling ng tunay na pamilya nito. Sa tono kasi ng pagsasalita ni aunt Portia ay tila may nararamdaman itong hirap na kakaharapin niya sa oras na maiwan na siya ni Nick.
Samakatuwid ay may nalalaman si aunt Portia tungkol sa kanyang ina at ama, kasama na si Blesilda. At iyon ang aalamin niya sa mga susunod na araw.
Magkahalong emosyon ang nararamdaman ni Ella ng mga sandaling ito. Hindi niya alam kung magiging masaya siya o magiging malungkot. It was her first day in Summerville University, pero ngayong araw din umalis papuntang Dubai ang kanyang ama. Apat na taon ang kontrata ng kanyang ama bilang isang electrician doon at isang beses lang sa isang taon ito puwedeng umuwi. Nangangahulugan ito ng pamumuhay niya kasama ang stepmother at ang dalawa niyang stepsisters na nakitaan na niya agad nang hindi maayos na pakikitungo sa kaniya sa loob lang ng ilang linggo niyang pagtira sa bahay ng mga ito.
Napabuntong-hininga siya. Alam niyang wala siyang pagpipilian kundi ang makisama kay Blessy at sa dalawa nitong anak na sina Charity at Grace sa loob ng apat na taon na wala ang kaniyang ama. Kung hanggang kailan niya kakayanin ay hindi niya alam. What she knew was that she had to hold on to her dreams. Kahit ano’ng hirap ay kakayanin niya alang-alang sa katuparan ng kaniyang mga pangarap. Alang-alang sa pangako niya sa sarili at sa namayapa niyang ina at lola.
Pero kungsabagay, hindi naman siya talaga nag-iisa sa lungsod na ito ng Baguio. Narito si aunt Portia na mabait at totoong nagmamalasakit sa kanya. In fact, nilakad nito na sa library siya mapa-assign bilang student assistant upang diumano ay masubaybayan siya.
Mamaya pang after lunch ang duty niya sa library, kailangan muna niyang mag-attend ng first period niya. She glanced at her registration form. Psychology ang first subject niya under Professor Camara, room 110.
Kahit medyo kinakabahan ay pumasok na siya sa loob ng classroom. Marami nang estudyante sa loob pero wala pa ang professor nila. Alam ni Ella na pulos freshmen din ang mga nasa loob na kagaya niya. Sa tantiya niya ay nasa mahigit apatnapu silang mag-aaral doon. At dahil occupied na ang lahat ng upuan sa bandang gitna at likod, sa unang hanay ng mga upuan siya napapunta na siya namang gusto niya. There were five chairs on the first row sa bandang kaliwa. Four chairs were already taken, she sat on the vacant one. Napansin niya ang apat na kaklase na nakaupo sa unang hanay. Lahat sila ay babae, nakatingin at nakangiti sa kanya.
“Hi!” sabi niya sabay ngiti sa apat na kaklase na makakatabi niya sa upuan.
“Hi!” ganting-bati ng kaklaseng nakaupo sa tabi niya sabay lahad ng kamay. Maliit lang ito at may magandang mukha. “Ako si Denzell.” Malugod niyang tinanggap ang pakikipagkamay nito. “Siya naman si Jera,” sabay pakilala ni Denzell sa katabi na maputi at kulot ang buhok. Kumaway at ngumiti ito sa kanya. “At siya naman si Rizzan,” ang katabi ni Jera na may tsinitang mga mata ang tinutukoy nito. “At iyon namang nasa dulo ay si Teri.” Kumaway sa kanya ang babaeng may masayahing mukha na tinawag na Teri.
“Hello sa inyong lahat,” lumuwang ang ngiti niya. “Ako naman si Cinderella, Ella or Elay for short. Bago lang ako rito sa Baguio, I mean bagong sampa.”
“Taga-saan ka, Elay?” tanong ni Teri na medyo nilakasan ang boses para marinig niya. Maingay na kasi ang ibang estudyante.
“Taga-Cavite ako. Tagarito kasi ang papa ko kaya dito na ako mag-aaral,” may pagmamalaking wika niya.
“Talaga?” si Jera ang nagsalita. “Wow! Cavitena ka pala, Elay. Ang gaganda pala ng mga taga-Cavite.”
“Welcome to the club, Elay. Tropa ka na namin,ha? Iyon ay kung okay lang sa iyo?” nakangiting sabi ni Rizzan.
“Of course, okay na okay. Gusto ko rin kayong maging kaibigan,” masayang tugon niya.
“I like your name, Cinderella,” si Denzell uli. “Sana, matagpuan mo si Prince Charming dito sa Baguio.” Sinundan nito ng hagikhik ang sinabi. Nagkatawanan silang lahat.
Hindi mapawi ang ngiti sa mga labi niya. Paano naman, ilang minuto lang ang nakalilipas ay heto at may instant circle of friends na siya agad. Mukha naman silang mababait at tila makakapalagayang-loob niya agad.