CHAPTER 2

1136 Words
CHAPTER 2 Hindi naman tinotoo ni Nanay ang banta niya na patitigilin ako sa pag-aaral. Naka-graduate ako ng elementary at pinag-aral pa rin ako ng high school. Akala ko magiging tulad lang ng buhay ko noong elementary ako ang magiging buhay ko sa high school na tahimik hanggang sa maka-graduate, pero mali ako dahil nakilala ko si Cindy. Pareho kaming nasa last section; ‘yung section na para sa mag mahihina ang ulo, pasaway, at bulakbol na mga estudyante. Kung may reyna sa section na ‘yon, siya na ‘yon. Maganda kasi siya, matangkad, at palaging masarap ang baon. Hindi naman sila mayaman pero kung ikukumpara sa sobrang dukha na tulad ko na hindi magawang kumain nang tatlong beses sa isang araw, napakalaki ng lamang niya sa akin.   “Ewww… Ano ba ‘yung amoy na ‘yon? Amoy paa,” sabi niya nang buksan ko ‘yung pinaglalagyan ko ng baon ko na lumang lalagyan ng ice cream na ginawa kong baunan. Tuyo na naman kasi ang ulam ko. Isang piraso nga lang ‘yon kaya hindi ko alam kung paano pa nakarating sa kanya ‘yung amoy, samantalang nasa pinakalikuran ako habang siya nasa harapan kasama ng mga kaibigan niyang sina Sunshine at Bella. Napatingin ako sa kanila bago ako napayuko uli. Nakita kong fried chicken na naman ang ulam niya. Nahiya ako kaya ibinalik ko ‘yung takip ng baunan ko at saka ko inilagay sa bag bago ako lumabas ng classroom. Sa likod ng building ng school na lang uli ako kakain. “Kahapon amoy paa, ngayon naman amoy araw. Nadia, naliligo ka ba?” tanong ni Cindy sa ‘kin, pagpasok ko ng classroom. Ang init kasi sa labas at malayo rin ang nilakad ko. Wala kasi akong pera para pamasahe kaya naglakad na lang ako. Ayoko namang um-absent sa school kaya nagtyaga ako kahit maaraw. Inamoy ko ‘yung mgakabila kong balikat, amoy sabong panlaba pa naman ito, kaya hindi ko alam kung bakit sinabi ni Cindy na amoy araw na ako. Nagtawanan ‘yung mga kaibigan niya pati iba pang mga classmates namin na nasa loob na ng classroom. “N-naligo ako.” “N-naligo ako… Duh! Nadia, may problema ka ba sa dila? Bakit ganyan ka magsalita?” Nauutal kasi ako kapag natatakot o nahihiya. Nagtawanan na naman silang lahat. Umiling na lang ako bago ako naglakad papunta sa upuan ko. Nilabas ko muna ‘yung notebook at libro para sa unang subject namin bago ko sinabit sa sandalan ng upuan ‘yung bag ko. Akala ko mananahimik sila kapag nanahimik na lang ako pero hindi. Lumapit sina Cindy sa ‘kin. “Nadia, naiwan ko ‘yung libro ko.” Walang paalam niyang kinuha ‘yung libro kong nasa mesa. “A-akin na ‘yan. Wala akong gagamitin.” Tatayo dapat ako pero tinulak niya ‘ko sa balikat kaya napaupo uli ako. “Okay lang ‘yan. Hindi ka naman tatawagin ni teacher. Hindi nga niya ata alam na nandyan ka. Mas kailangan ko ‘to, kasi ako sumasagot ako tuwing may recitation, eh ikaw? T-teacher, h-hindi ko po a-alam ‘y-yung s-sagot,” pangungutya niya sa ‘kin kaya pinagtawanan na ako nang lahat ng nakarinig. Hindi ko mapigilan ‘yung panginginig ng katawan ko. Namanhid na rin ang mga kamay ko at bumilis ang paghinga ko. “O, ano’ng nangyayari sa ‘yo? Baka maihi ka d’yan ha? Please lang huwag kang magkalat dito.” Tumigil lang si Cindy nang makita nilang parating na ‘yung teacher namin. Nanahimik na lang ako at hindi nangsumbong sa teacher. Tama naman ‘yung sinabi niya, hindi naman ako pansin ng teacher at palaging si Cindy ang tinatawag niya. Paborito kasi halos lahat ng mga teacher si Cindy kasi sipsip siya sa mga ‘to. Akala mo kung sinong mabait. Palagi niyang pinupuri ‘yung mga teacher at minsan binibigyan niya ng chocolates. Pagkatapos ng klase naglakad na naman ako pauwi. Ang malas ko nga lang dahil bumuhos ang malakas na ulan at wala akong payong. Nasira kasi ‘yung nag-iisa naming payong. Ayaw nang bumukas. Sa takot ko na mabasa nang ulan ‘yung mga gamit ko, tumakbo ako papunta sa waiting shed na natanaw ko malapit sa akin. May isang lalaki nang nakasilong doon. Nginitian niya ako nang magkatinginan kami. Noon ko lang napansin na dahil sa pagkabasa ng buhok ko, nawala ang pagkakatabing ng bangs ko sa mukha ko kaya malinaw ko siyang nakita. Matangkad siya at gwapo. May dimple din siya sa kanang pisngi na lumitaw nang ngumiti siya. Sa private school siya nag-aaral dahil nakita ko ‘yung patch sa bulsa ng polo niya. Nahiya ako kaya nag-iwas ako ng tingin at mabilis kong itinakip uli sa mukha ko ‘yung bangs ko at saka ako yumuko. “Maganda ka. Bakit mo tinatakpan ‘yung mukha mo?” Nagulat ako nang magsalita siya. Hindi ko siya pinansin at sa halip ay umurong ako palayo sa kanya. “Hindi ako masamang tao. Gusto ko lang makipagkwentuha kasi ayokong mapanis ‘yung laway ko.” Hindi ko napigilang matawa sa sinabi niya. “I’m Marco. What’s your name?” Nilahad niya sa harapan ko ang palad niya. “N-nadia,” nahihiyang sagot ko pagkatapos kong abutin ang kamay niya. Mainit ang palad niya at ang laki ng diperensya ng mga kamay namin. Ang laki ng sa kanya habang ang liit ng sa akin. Mabilis ko rig kinuha ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya dahil sa hiya. “Nadia. Nice name.” “Ano’ng year ka na? Ako third year na. D’yan ako nag-aaral sa Saint Louis.” Kahit hindi niya sabihin kung saan, alam ko. Gusto ko ngang doon mag-aral kasi ang ganda ng uniform ng mga babae sa kanila; checkered na palda at may ribbon sa ibabaw nang puting blouse. Sa school ko kasi, puting blouse at dark blue na palda lang. Pero syempre hanggang pangarap lang ako dahil wala naman kaming pera. “First year pa lang ako.” “O! Tumila na pala ‘yung ulan.” Napatingin ako sa may kalsada. Tumila na nga ‘yung ulan. “ Nice meeting you Nadia. Sana magkita tayo uli.” Ngumiti lang ako. Nang makaalis na siya nawala na ‘yung ngiti sa labi ko. Alam ko naman na malabong magkita pa uli kami dahil magkaiba ang mga mundo namin. Pag-uwi ko sa bahay, bago ako matulog, naalala ko siya at ‘yung magandang ngiti niya. Natanong ko sa sarili ko, na kung sa school ko kaya siya nag-aaral magiging magkaibigan kaya kami? Hindi kaya siya tulad ng mga kaklase ko na mapanlait at mapangutya? Napabuntong-hininga na lang ako dahil alam kong hanggang tanong na lang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD