Zolani Viatrix Rusco’s Point of View
“Trix,” tawag sa akin ni Mommy. Kaya naman napabuga ako ng hangin saka lumingon sa gawi ni Mommy na ngayon ay nagluluto ng pagkain namin. “Maya-maya, tumulong ka sa Smirnov mansion, ha? Darating yata si Sir Deimos Napoleon Smirnov ngayon para magbakasyon.”
Hindi naman kami employee sa lugar na ’yon pero madalas talaga ay tumutulong kami dahil kinukulang din minsan ang mga employee roon. Simple lang naman ang ginagawa namin. Nagdidilig lang kami ng halaman. Kilala kasi ang Smirnov sa aming lugar. Sa katunayan nga ay buong mundo, kilala sila. Bata pa lang ako, sinasabi na ng mga magulang ko kung anong klaseng tao ang mga Smirnov. Takot ako pero hindi naman sila basta-basta nananakit. Protektado nga kami dahil nagkalat pa ang mga tauhan nila sa lugar namin. Kaya hindi talaga ako natatakot sa kanila kahit pa sabihing kriminal sila.
Laking probinsya ako pero mayaman naman kami. Kaya kahit ako pa ang magpitas ng mga bunga ng kanilang mga tanim sa farm nila ay walang problema sa akin. Pinalaki naman ako ng mga magulang ko bilang isamg probinsyana kahit na may lahi akong Russian.
Ilang beses na rin akong nagpunta sa Russia at sa tuwing nagbabakasyon kami, umaabot din nang isang taon at mahigit. Mas matagal nga lang ako rito sa Pilipinas dahil dito naman talaga ako lumaki. Nandito rin ang mga business ng mga magulang namin at nagsisimula na rin silang mag-franchise sa ibang bansa para mas makilala kami.
Si Deimos Napoleon Smirnov ay ang pangatlong anak nina Sir Eryx Ziven Smirnov at Ma’am Aeri Jean Smirnov. Madalas na magpunta si Sir Napoleon dito sa mansion nila hindi kagaya ng iba niyang kapatid at pinsan.
“Magdidilig lang ba ulit ako ng halaman, Mom?” tanong ko kay Mommy.
Tumango naman siya kaagad at ngumiti. Kaya dali-dali akong nagpunta sa aking kuwarto nang makaligo na ako at makapag-ayos. Mukhang inaabangan kasi talaga nila muli ang pagdating ni Sir Napoleon dito. Matagal-tagal na rin kasi noong huli siyang bumalik. Last year yata? Naging busy rin siya ayon sa mga permanent employee sa mansion.
Mabilis lang din akong naligo at nag-ayos ng sarili ko. Ang sinuot ko lang naman ay simpleng pants at saka fitted na damit. Hindi ko na rin inabalang maghanap pa ng leather jacket dahil hindi naman ako madaling umitim. Siguro ay dahil na rin sa pagiging Russian ko.
“Alis na ako, Mom,” paalam ko habang hinahanap ang aking helmet. Balak ko kasing mag-motor na lang papunta roon kaysa idala pa ang sasakyan ko.
Mag-isa ko lang naman kasi saka mas mabilis din kasi kapag motor. Ilang milya rin kasi ang layo ng mansion ng mga Smirnov. Kaya mas mabuti pang motor na lang ang dalhin ko. Sana lang talaga ay walang humarang sa aking police sa daan. Nagmamadali kasi ako. Malawak rin kasi ang garden ng Smirnov. Kaya dapat ay bilisan ko.
“Mag-ingat ka, ha? Susunod din yata si Sereia mamaya. Tinatapos lang niya ang assignment niya,” sika ni Mommy.
Ngumiti naman ako bago isuot ang aking helmet. “Ako na bahala, Mom. 4th year na rin naman si Sereia. Baka marami pa siyang gagawin.”
Hindi ko na hinintay ang sinabi ni Mommy at basta na lang lumabas ng aming bahay. Habang ako ay nasa byahe, hindi ko maiwasang kabahan muli lalo na kapag nalalaman kong may uuwing Smirnov. Hindi pa naman kami nagkukrus ang landas namin ni Sir Napoleon kahit papaano. Madalas man siyang lumabas ng mansion nila, hindi naman nagtatagpo ang aming landas. Ngunit kinakabahan pa rin ako dahil paano kung lumitaw na lamang siya basta? Hindi ko alam ang sasabihin ko.
Napailing na lamang ako at binilisan ang aking pagmamaneho. Kung magtagpo man sana ang landas namin, sana hindi na muling maulit.
“Trix!” sigaw ng aking pinsan nang iparada ko ang aking sasakyan. Hindi ko alam na nandito na pala si Cerese. Akala ko ay busy siya sa pag-aaral kagaya ni Sereia.
Tinanggal ko ang aking suot na helmet at kaagad na ngumiti sa kaniya. Nakahawak siya ngayon ng gunting. Mukhang naghahanap na naman siya ng matigas na stem ng rose para itanim muli. Minsan din ay kumukuha rin siya ng mga bulaklak at saka ibinibigay sa mga employee ng mga Smirnov dito sa mansion.
“Bakit motor? Makikisabay pa sana ako sa iyo, eh!” reklamo niya na ikinatawa ko naman.
Hindi kasi nagdadala si Cerese ng kaniyang sasakyan at madalas lang siyang makisabay sa akin. Kaso dahil tinatamad akong dalhin ang sasakyan ko, sorry na lang siya.
“Puwede namang umangkas ka. Hindi naman tayo sesemplang,” natatawang wika ko bago ayusin ang helmet saka isabit na lang basta sa side mirror.
Takot kasi siyang umangkas kapag ako raw ang driver. Naninigas daw siya sa takot dahil minsan ay mabilis ako sa pagmamaneho. Kung libre naman ang kalsada, saka ko lang binibilisan. Hindi naman ako kamote kung mag-drive.
Nag-usap pa kami saglit ni Ceres bago ko simulan ang pagdidilig. Hawak-hawak ko ang hose habang nakatitig sa mga rose na may iilang bulaklak na. Parang bukas ay mamumukad na ang mga ’to. Ang ginagamit kasing pataba rito ay organic. Actually, lahat talaga ng mga tanim na inaalagaan ng mga tao rito ay madalas na organic ang pataba. Hindi sila gumagamit ng kung anong chemical para lang sa mga tanim nila.
“Sir Napoleon,” ani ng isang boses sa hindi kalayuan.
Bigla namang nanginig ang aking mga kamay habang ako ay nagdidilig ng mga halaman. Napalunok pa ako ng aking laway dahil sa takot na magpunta sila sa gawi o hindi kaya ay magpunta sila sa gazebo. Ang gazebo ay nasa gitna lamang ng garden nila. Malawak ang garden pero ilang hakbang na lang kasi ay nasa gazebo na ako. Ayaw kong makita si Sir Napoleon.
Inayos ko ang aking suot na salamin at saka tinitigan ang aking dinidiligan. Siguro ay mas mabuting mag-focus na lamang ako sa pagdidilig kahit pa nandito na sila.
Hindi ko naman alam na nakarating na pala si Sir Napoleon. Akala ko ay mamaya pa! Kung sana ay mas inagahan ko ang pagpunta at nalaman ko rin nang maaga, hindi ko siguro maabutan si Sir Napoleon na naglalakad.
“Good morning.”
“Kumusta ang mansion? Matagal-tagal na rin nang huli akong magpunta rito,” baritonong boses na wika ni Sir Napoleon.
Kinagat ko naman ang aking ibabang labi dahil ngayon ko lang narinig ang kaniyang boses. Hindi ko alam kung bakit kumalabog ang puso ko pero mukhang hindi yata maganda ang gan’to.
“Maayos lang naman, Sir Napoleon. Inaalagaan naman po namin ang lahat. Ultimo ang pagdidilig ng mga halaman at pagpapanatiling maayos ang garden niyo, ginagawan namin ng paraan,” aniya. Mukhang ang butler yata nila ang nagsasalita. Siya kasi ang parang boss dito kung wala ang mga Smirnov. Talagang ginagawa niya ang lahat para maging maganda pa rin ang mansion.
“Trix!” sigaw ni Cerese nang makita ko siyang nagdidilig na rin. “Patapos na. Puwede na tayong umuwi.”
Medyo malakas ang kaniyang boses at pakiramdam ko ay may napatingin sa aming gawi. Kaya napailing na lamang ako sa kaniya habang patuloy pa rin ako sa pagdidilig.
“Tumutulong din ang mga Rusco kapag may oras sila,” dagdag pa ng butler.
Binasa ko naman ang aking ibabang labi dahil nabanggit ang apilyedo namin. Papalapit na rin ang mga boses at yapak. Kaya mas pinili ko na lamang maging kalmado at ayusin ang suot kong salamin dahil minsan ay madalas itong mahulog.
Nang tumigil ang dalawang tao sa likuran ko, alam ko na kaagad na nandito na sila. Kaya naman lumingon ako sa likuran ko para sana batiin si Sir Napoleon ngunit nagulat ako nang makita kong topless siya at ang tanging suot lamang niya ay ang kaniyang slacks. Sumalubong din ang kaniyang mga asul na mata sa akin na naging dahilan para matigilan ako.
“She’s Zolani Viatrix Rusco, Sir Napoleon.”