Ang Estrangherado (ikatlong bahagi) Kung ano ang pagkabanayad at hinahon ng Ilog Dalampasig ay siya namang pagbilis ng pintig ng puso ni Ado at ang matinding pamamawis ng palad ng kaniyang mga kamay. Sa katunayan ay makailang ulit nang muntik niyang mabitiwan ang dalawang sagwan ng bangkang kaniyang minamanduhan tungo sa daungan ng Arguella. Humigit-kumulang limang minuto lamang ang kailangan niya upang tawirin ang naturang ilog, lalo’t hindi naman kontra ang agos sa kaniyang maigsing panahong paglalakbay. Marahan din niyang namaniobra ang bangka sa ilang kumpol ng mga nilad na tila nais harangan ang tubigan sa oras na iyon. May kaunting pagbabalatkayo ang mahiwagang matanda nang napadaan na ang bangka malapit sa terminal ng ferry na itinayo sa isang dating ice plant. Sa malapad na lote

