“S-sasakay tayo diyan?” utal-utal kong tanong habang nakatingin sa may isang malaki at engrandeng yate. Kaunti na lamang ang deperensya noon sa isang barko kaya naman halos malula ako kahit hindi naman nakasakay doon. Dito kami ibinaba sa may daungan at iyon ang bumandera sa akin. Naramdaman ko ang presensya niya sa tabi ko. “Let’s go. They must be waiting,” aniya, kalmado lang ang boses. Nauna siyang humakbang paabante ngunit ako ay nanatili sa kinatatayuan ko. Hindi maalis ang titig ko sa yate sa harapan at kumakabog na ang dibdib sa kaba. Napansin niya ang hindi ko pagsunod sa kaniya kung kaya tumigil at nilingon ang pwesto ko. Nagsalubong ang kilay niya. “What are you waiting for?” tanong niya. Nalipat ang tingin ko sa kaniya at halos mangiyak-ngiyak na umiling.

