BIT-BIT ang mga grocery na binili ko, dumaan muna ako sa malapit na convenient store.
Kaagad akong pumunta sa estante ng mga magazine. Mabilis ko namang nakita ang pakay ko. Isang piraso na lang ang natitira, nagdadalawang-isip pa ako kung kukunin ko ba o hindi.
Laging siya na lang ba ang laman ng magazine? Paano ko makukuha ang mga impormasyon tungkol sa Rodolfo na 'yon kung anak lang naman niya ang laging laman ng mga magazine na 'to.
"Miss, kukunin mo ba?" Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses.
Nakaturo siya sa natitirang kopya ng magazine.
Tumango ako. "Oo, eh." Mabilis kong kinuha 'yong natitirang kopya.
Kita ko naman ang panghihinayang sa mukha niya. "Sayang naman, guwapo pa naman ni Liam Buenavista sa magazine na 'yan," narinig ko pang sabi ng babae.
"Oo nga, eh. Hanap na lang tayo sa iba," sagot naman ng kasama niya.
Napatingin tuloy ako sa magazine na hawak ko. Guwapo? Kung alam lang nila kung gaano kasama ang pamilya ng lalaking 'to!
Pumunta na ako sa counter at padabog na nilapag 'yong magazine.
Napansin ko naman 'yong pagtaas ng kilay ni ateng cashier sa akin.
"Ang dami ko namang kaagaw kay Liam," bulong ni ateng cashier, pero narinig ko.
"Hindi ko po crush 'yan ate. Mas lalong hindi ko po idol," paglilinaw ko.
Baka kasi iniisip niya kaya ko binili 'to dahil crush ko 'yong nasa front page.
Inismiran naman ako ni ate, "Eh, bakit binili mo? Huwag kana umaasa, masyadong mahaba ang pila kahit na maganda ka."
Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa pinagsasabi ni ateng cashier.
Ganito ba talaga epekto ng lalaking 'to?
Ngumiti na lang ako ng mapakla, baka kasi ano pa ang masabi ko tungkol dito. Nakakaloka si ate!
Pagkatapos kong bayaran at makuha 'yong magazine, lumayas na ako agad dahil ang sama ng tingin ni ateng cashier sa akin.
Binalot ko na lang 'yong magazine ng maayos sa paper bag. Mahirap na at baka makita nila Mimi, siguradong lagot ako.
Ito kasi ang pinakamalaking pagsisinungaling at paglilihim na ginagawa ko sa kanila. Kaya 'pag nalaman nila 'to alam kong magagalit sila sa akin.
Nang matapos ako sa pamimili nagdesiyon na akong umuwi. Medyo inaantok kasi ako, hindi ako nakatulog ng maayos kagabi pagkatapos ng pag-uusap namin nila Mimi.
Gusto ko pa sana dumaan sa parlor kaya lang huwag na lang, nakokonsensya kasi ako pagnakikita ko sila.
Ipagluluto ko na lang sila ng pagkain mamaya. Para naman may maitulong ako kahit paano, lalo na ngayon at wala na akong trabaho.
Naglalakad na ako pauwi nang matigilan ako dahil sa isang mabilis na kotseng papunta ito sa direksyon ko.
Sasagaan ako! Hindi ko alam pero napapikit na lang ako. Inaantay ang pagtama sa akin ng sasakyan, pero--
Teka, buhay pa ako? Dinilat ko 'yong mata ko. Nakahinga naman ako ng maluwag. Potek! akala ko masasagaan na ako.
Isang lalaki ang bumaba mula sa driver seat at nagmamadaling pumunta sa puwesto ko.
Tinggal niya 'yong shade na suot niya. "Miss, are you okay? Do you want me to take you to the hospital?" sunod-sunod na tanong ng lalaki sa harap ko.
Napatingala na lang ako dahil sa tangkad siya. Nakasuot siya ng kulay blue na polo at maong pants.
Huminga muna ako ng malalim habang nakahawak sa dibdib ko. "Grabe kuya, muntik na ako.. pero okay lang naman ako. Dahan-dahan ka na lang sa pagmamaneho sa susunod. Hindi mo pagmamay-ari ang kalsada," habol hininga kong tugon.
Kukuhanin ko na sana 'yong mga pinamili ko, kaya lang kung mamalasin nga naman. Napunit pa 'yong isang paper bag kaya nalaglag 'yong magazine na binili ko.
Naunahan naman ako ni kuya na damputin iyong magazine. Babawiin ko na sana sa kaniya ng mapansin kong nakatitig siya rito. Nakakunot ang mga noo niya na para bang kilala niya 'yong nasa cover.
Bago pa mayupi sa kamay niya, mabilis ko itong kinuha sa kaniya pagkatapos ay umalis na ako. Crush niya siguro 'to.
――
Inayos lahat ng pinamili ko nang makarating ako sa bahay.
Sinisik ko na rin muna 'yong magazine na binili ko sa mga magazine nila Mimi na nasa sala, mamaya pa naman sila uuwi.
Nilagay ko sa pantry namin 'yong mga stock ng pagkain at sa ref naman 'yong mga frozen foods tulad ng mga manok.
Sinigang na baboy ang niluto ko at nagprito na rin ako ng tilapia.
At dahil isang oras pa naman bago sila umuwi, pumasok muna ako sa kuwarto ko para umidlip. Kanina pa ako inaantok.
Sunod-sunod na katok ang gumising sa akin mula sa pagkakatulog.
Kahit inaantok pa, tumayo na ako para buksan ang pinto.
Seryosong mukha ni Mimi ang bumungad sa akin, nasa likod naman si Mika na halatang hindi mapakali.
"Sumunod ka sa akin, mag-uusap tayo."
Bigla naman akong kinabahan sa tono ng boses ni Mimi. Parang nawala 'yong antok ko. Kilala ko siya, kapag seryoso ang boses niya ibig sabihin galit siya.
Pero bakit? Anong dahilan? Nagsimulan na akong mag-isip kung may nagawa ba akong mali para magalit siya, bukod sa pag-amin ko kahapon, wala naman na.
Dahan-dahan ang bawat paghakbang ko papunta sa sala.
"Umupo ka," utos ni Mimi. Umupo naman ako sa tapat niya. "Siena, magsabi ka ng totoo sa akin... Itutuloy mo pa rin ba ang gusto mo?"
"H-hindi ko po kayo maintindihan."
May kinuha naman si Mimi na paper bag kay Mika― shet 'yong magazine!
Napapikit na lang ako ng marealize ang katangahan ko.
"Anong ibig sabihin nito Sienna? Hindi ka naman siguro bumili nito dahil type mo ang lalaking 'yan diba?" ramdam ko ang pagpipigil ni Mimi na wag sumigaw.
"H-hindi ko alam 'yan, Mimi," sambit ko.
Kumunot naman 'yong noo niya. "P'wede ba Sienna! Kahit naman mahilig sa guwapo ang Mika mo hindi niya bibilhin 'to. Mas lalo namang hindi akin 'to!"
Tuluyan na nga na sumigaw si Mimi, nagsimula na akong matakot.
"M-Mika.." banggit ko sa pangalan ni Mika para humingi ng tulong. Sumenyas naman siya sa akin na para bang sinasabing magsabi na lang ako ng totoo.
"Nagkasundo na tayong titigilan mo na ang lalaking 'yon 'diba? Huwag mong sabihin sa akin na itutuloy mo pa rin ang plano mo?"
"M-Mimi sorry―"
"Sienna, naman. Imposible ang gusto mong mangyari! Oo, alam kong gusto mo ng hustisya para sa papa mo. Kaya lang wag mong ilagay ang batas sa mga kamay mo, hindi basta-basta ang taong babanggain mo," sikmat ni Mimi.
Lumapit naman si Mika sa kaniya.
Dahil alam kong hindi na ako makakapagsinungaling, kaya sinabi ko na lang ang totoo. "Alam ko naman 'yon Mimi, kaya nga pinaghahandaan ko pa--"
"Sienna!" pagputol niya sa sasabihin ko.
Nagulat naman kami ni Mika sa pagsigaw ni Mimi. "Kumalma ka nga Franco, hindi mo naman kailangan sumigaw," awat ni Mika sa kaniya. "Pag-usapan niyo ng maayos, pakinggan mo muna si Sienna. Sige ka, babalik sa pagiging kulot 'yang buhok mo."
Kahit nagagawang magbiro ni Mika, feeling ko maiiyak pa rin ako.
Nakita ko naman na pilit pinapakalma ni Mimi ang sarili niya.
Humugot muna ako ng lakas na loob. "Mimi, ito ang gusto kong gawin una pa lang. Pinilit ko naman kalimutan lahat, pero ayaw mawala ng galit sa puso ko.. Sa tuwing napapanaginipan ko 'yong nangyari, gustong-gusto kong gantihan ang lalaking pumatay sa papa ko!" Tuluyan ng tumulo ang mga luha sa mata ko.
"Sige, paano mo gagawin? Anong laban mo sa lalaking 'yon, ha? Gusto mo ba matulad ka rin sa nangyari sa papa mo? Matalino ka Sienna, alam mong imposible ang paghihiganti na gusto mo." pagkatapos ay umalis na si Mimi sa harap ko.
Tumabi naman si Mika sa akin at hinawakan ang kamay ko. "Intindihin mo na lang si Mimi mo, anak. Nag-aalala lang siya sa'yo. Tulad niyan, 'di ba sinabi namin sa'yo sabihin mo sa amin kapag nanaginip ka ulit? Bakit pati 'yon nilhim mo?"
Tumingin naman ako sa kaniya. "A-ayoko kasing mag-alala kayo sa akin," basag ang boses kong turan.
"Sienna, mas lalo kaming mag-aalala kung naglilihim ka sa amin. Hayaan mo, lalamig din ang ulo ni Mimi mo," Tanging paghikbi na lang ang sagot ko. "Pumasok kana sa kuwarto mo, kakausapin ko lang mudrakels mo." Tumango na lang ako.
Nakayuko akong umiiyak habang naglalakad papasok sa kuwarto ko.
Oo, hindi na ako bata para umiyak pero ngayon na lang kasi ulit kami nagtalo ng ganito ni Mimi.
Kasalanan ko kasi nagsinungaling at naglihim ako sa kanila. Alam ko kasing mauuwi lang kami sa pagtatalo kung magsasabi ako ng totoo, pero kahit pala magsabi ako ng totoo o hindi ganun din ganun din ang mangyayari.
Tulad ng gusto nila, gusto ko rin naman na makalimutan na ang nangyari pero ang hirap. Lalo na at madalas ko pa rin napapanaginipan kung anong nangyari nang araw na 'yon.
Kaya kahit ilang taon na ang nakalipas andito pa rin 'yong galit sa puso ko. Simula nang makaligtas ako ito na ang gusto kong gawin, ang maghiganti sa taong 'yon.
Tama si Mimi, imposible ang gusto ko pero handa akong gawin lahat, makaganti lang.