CHAPTER 7
Sumabay uli si Gio mag-lunch kina Julie, Buddy, Vida, Simon at Dexter. “Bumalik na pala si Sir Leon,” sabi ni Julie habang inilalapag sa table ang hawak na tray na may lamang pagkain. Naupo ito sa tabi niya at naupo naman sa tabi nito ang nobyong si Buddy na may dala ring tray. Nakaupo sila sa naka-setup na tables and chairs sa labas ng isang kainan sa 3rd floor, dahil puno na sa loob.
“Kaninang umaga ko pa alam. ‘Yan ang hot topic sa CR kanina,” sabi naman ni Vida habng nagpipigas ng kalamansi sa sawsawan nitong toyo. “Kilig na naman ang mga babaita sa office.”
“Ako ba pinag-uusapan din sa CR?” tanong ni Dexter.
“Asa ka Dex. Hindi Sir Leon ang level mo,” mataray na sagot ni Vida na nakangiwi ang nguso at nakataas ang isang kilay.
“Puti at height lang naman ang nilamang sa ‘kin no’n.”
“Oy, hindi ah,” pagkontra naman ni Julie. “Pang leading man sa Korean drama ‘yung level ng kagwapuhan ni Sir Leon. Wala ka sa gano’ng level Dexter.”
Tiningnan siya ni Julie. “Bakit?” tanong niya habang ngumunguya ng burger.
“Pwede pa ‘tong si Gio. Kung si Sir Leon ‘yung leading man, siya naman ‘yung second lead.”
“So ano ako?” dismayadong tanong ni Dexter.
“Pang-extra ka Dex.”
“Grabe ka sa ‘kin Vida!”
Nasamid si Buddy sa iniinom na softdrinks. “Dy, okay ka lang?” tanong ni Julie habang tinatapik sa likod ang nobyo.
Tumango si Buddy. “Nakakatawa kasi ‘tong dalawa.”
“Ito kasing si Dexter nagtatanong pa. Huwag ka na kasing nagtatanong Dex at huwag mo na ring kinukumpara ‘yung sarili mo kay Sir Leon. Kaya nga siya ang boyfriend ni Ms. Candice at hindi ikaw eh.”
“Tsismis lang naman ‘yon. Nakita n’yo na bang nag-date? Nakita n’yo na bang nag-kiss? Kahit nga holding hands, wala.”
“Bakit? Gagawin ba nila ‘yon sa harapan mo? Malamang hindi. Syempre, gagawin nila ‘yon sa isang private na lugar, na silang dalawa lang.”
“Hindi,” pailing-iling na sabi ni Dexter. “Hindi pa rin ako naniniwala. Kung alam ko lang kung saan nakatira si Sir Leon, hihintayin ko siya hanggang sa makauwi siya para mapatunayan ko na hindi sila at hindi niya dinadala si Ms. Candice doon.”
“Bahala ka. Basta ako, naniniwala na sila. Ang swerte talaga ni Ms. Candice.”
“Swerte ka rin naman sa ‘kin.” Napatingin na naman silang lahat sa nagsalitang si Simon. Inilipat pa nito ang isang pirasong dumpling sa plato ni Vida.
Pigil na naman ang ngiti ng nobya, “Thanks.”
“Inggit ako,” sabi ni Julie na kumuha naman ng French fries at isinubo sa nobyo, “Sarap?” Tumango si Buddy habang ngumunguya at nakangiti.
“Dami naman palang lovebirds dito.” Nagulat sila nang mapatingin sa nagsalita. Ang AVP nilang si Candice. Tatayo sana sila pero pinigilan nito. “No need. Continue your lunch.”
Dahil nasa likuran ni Gio si Candice, nilingon niya ito. “Hello po Ma’am,” nakangiti niyang sabi.
“Gio, your with them pala. Hindi kita napansin. Nakatalikod ka kasi.” Tinapik pa siya nito sa balikat. “Buti pala nandito ka. Ipapakilala na kita kay Leon.” Dahil sa narinig, tumayo siya agad at nagpunas ng labi gamit ang tissue. “Leon!” tawag nito sa isang matangkad na lalaki na nakatayo hindi kalayuan sa kanila. May kausap itong lalaki. Nakatalikod ito sa kanila kaya hindi niya kita ang mukha. “Leon,” tawag uli nito sa lalaki, nang matapos na itong makipag-usap. Lumingon na ito at naglakad palapit sa kanila. Parang gustong maupo uli ni Gio nang makita ang lalaking palapit. Nanlambot ata ang tuhod niya. “Gio this is Leon, the Vice President of our department.” Nakangiting sabi ni Candice sa kanya, salungat sa mukha ng lalaki na seryosong nakatingin sa kanya.
“Sorry…” ‘Yon lang ang lumabas sa bibig niya.
“Why?” seryosong tanong nito sa kanya.
“Nakalimutan–.” Hindi niya nagawang tapusin ang sasabihin dahil nagsalita itong muli.
“Bakit ka nagso-sorry?” Parang galit nitong tanong. Nakakunot na ang noo nito.
“Ako po ‘yung nakatapon ng tubig sa damit n’yo nang araw ng medical exam ko. Binigay ko pa po ‘yung panyo ko sa inyo. Sorry po talaga sir. Sorry po. Huwag n’yo po akong aalisin sa trabaho.”
Huminga ito nang malalim. “Forget it,” sabi nito at saka umalis nang wala man lang paalam.
“M-mauna na kami,” pilit ang ngiting sabi ni Candice sa kanila bago sumunod sa mabilis na naglalakad na si Leon. Nanlalatang napaupo si Gio. Hindi niya akalain na sa unang pagkikita nila ng boss niya’y malalaman niyang ito rin ang lalaking natapunan niya ng tubig na ayaw na sana niyang makita pa uli.
“Ano’ng nangyari?” nagtatakang tanong ni Julie. “First time ko atang nakitang gano’n si Sir Leon.”
“Sobrang dami bang tubig ang natapon mo Gio?” tanong naman ni Buddy sa kanya.
“Konti lang. Nabasa ko lang nang konti ‘yung braso at pantalon niya. Hindi ko naman siya binuhusan mula ulo hanggang paa.”
“Yung reaction niya parang gano’n ‘yung ginawa mo,” sabi naman ni Dexter sa kanya.
“May trabaho pa kaya ako bukas?”
“Hindi naman siguro gano’n ka petty si Sir Leon. Bakit kasi pinaalala mo pa ‘yung nangyari. Mukha namang nakalimutan na niya. Tinanong ka kasi kung bakit ka nagso-sorry,” sabi ni Vida.
“Yon kasi ang unang pumasok sa isip ko.”
“Ang malas mo naman. May babasain ka na lang VP pa,” sabi ni Buddy.
“Dasal ka na lang friend. Dasal,” sabi ni Julie habang tinatapik siya sa likod. “Buti na lang sa taas ‘yung office ni Sir Leon. Hindi kayo madalas magkikita, unless magpunta ka ng pantry, madadaanan mo.”
“Sabi naman ni Sir, forget it, kaya kalimutan mo na ‘yon.”
“Kahit minsan lang magsalita ‘tong Simon, may point din ‘no? Oo nga naman. Forget it nga raw, eh ‘di kalimutan na,” sabi ni Dexter.
“Sana nga malimutan na niya.” Napabuntong-hininga siya pagkasabi no’n.
“Mukhang mag-o-overtime na naman si Sir Leon. Bukas pa ilaw sa office niya.” Napatingin si Gio kay Vida na galing ng pantry. Bitbit nito ang isang box ng cake na itinabi nito sa ref. kanina. Birthday raw kasi ng bunsong kapatid at ito ang pasalubong nito.
“Palagi ba siyang nag-o-overtime?” tanong niya.
“Araw-araw ata,” sagot ni Julie. “Workaholic si Sir.”
“May s*x life kaya sila ni Ms. Candice?”
“Vida, bibig mo,” inis na sabi ni Dexter.
“Bakit? Normal naman ‘yon sa mag-boyfriend ‘no.”
“May s*x life pala si Simon.” Natatawa na ngayon si Dexter dahil natigilan si Vida at itong si Simon, namumula na.
“Tara na nga,” nagmamadaling tumayo si Simon at sumunod sa paalis nang si Vida.
“Gio, sasabay ka ba uli sa ‘min?” tanong ni Buddy sa kanya. Nakatayo na ito, pati ang nobya.
“Oo, sasabay ako.” Dali-dali niyang inayos ang gamit at tumayo. “Bro, una na kami.” Paalam niya kay Dexter na may ginagawa pa sa computer. May sariling kotse si Dexter na buwan-buwan nitong binabayaran. Si Simon may lumang kotse rin na nabili naman ng second hand. Kaya sa kanilang anim, silang tatlo nina Julie at Buddy ang nagco-commute pauwi.
Habang nasa pila sila ng jeep, hindi maka-relate si Gio sa pinag-uusapan nina Buddy at Julie. “May streaming party mamaya, sali ka ha?” sabi ni Julie sa nobyo. “100 million views within 24 hours kasi ang goal namin.”
“Pwede ba playlist?”
“Yata. Wait, check ko later para sure. Sayang views ‘pag ‘di na-count. Alam ko may nag-post ng tutorial.”
“Okay.”
“Dy, may pa-GA ‘yung masternim. Sali kaya ako? Baka manalo ako ng album.”
“Sige, sasali na rin ako para dalawa entry.” Sa tuwa, mahigpit nitong niyakap sa braso ang nobyo.
“Gio, nakikinig ka rin ba ng Kpop?” tanong ni Julie sa kanya.
Umiling si Gio. “Gangnam style lang ang alam ko ‘tsaka si Sandara lang kilala kong Korean.”
“Send-an kita ng links ng MVs, watch mo. Masaya promise. Variety shows, gusto mo? Nakakatawa ‘yung NJTTW.”
“Ha?”
“New Journey To The West. Nandoon ‘yung isang bias ko, si Mino.”
“Bias? Mino?”
Natatawa si Buddy sa kanya. Nahalata siguro nito na naguguluhan siya sa mga sinasabi ng nobya nito sa kanya.
“Basta send ko sa ‘yo ‘yung links. Watch mo.”
Tumango na lang siya. “Okay.”
Nauna siyang bumaba ng jeep kina Buddy. Pero mula sa kanto na binabaan niya maglalakad pa siya papunta sa condominium. Wala na kasing dumadaan na jeep papunta roon. Ayaw naman niyang mag-taxi dahil mahal at kaya naman niya itong lakarin. 10 minute walk lang naman ito mula sa kanto.
Pagdating niya sa unit niya, ininit niya lang ang natirang kanin at ulam niya kagabi at mag-isa siyang kumain. Halos hindi niya naubos ang pagkain sa plato niya dahil sa kawalan ng gana. Miss na niya ang luto ng ina at iba talaga kapag may kasabay kumain. Mas marami pa siyang nakain kaninang tanghali nang kasabay niya ang mga kasamahan sa trabaho. Gusto niyang tawagan ang mga magulang pero ayaw naman niyang mag-alala ito sa kanya kaya hindi na lang niya ginawa. Sinubukan naman niyang tawagan si Vicky pero hindi ito sumasagot. Naligo na lamang siya at pagkatapos ay kinuha ang laptop niya na nakapatong sa coffee table at binuksan ito. May ilang movies pa rito na hindi pa niya napapanood. Pumwesto na siya sa kama pero sa isip niya parang may kulang. Wala siyang beer at chichirya.
Tumayo siya mula sa kama. Dahil naka-shorts lang siya kumuha siya ng sando na naka-hanger sa laundry rack na nasa gilid ng kama niya. Hindi na siya nag-sapatos. Kinuha niya ang wallet sa bulsa ng pantalon na suot niya kanina at saka siya nag-tsinelas at lumabas ng unit niya. Sa convenience store na 24/7 na bukas sa labas ng condominium lang naman siya bibili.
“Nag-grocery na kasi ako, bakit nalimutan ko pang bumili,” bulong niya sa sarili habang patawid ng kalsada. Nang nasa convenience store na siya, bumili siya ng anim na beer, isang pack ng mani at tatlong potato chips na iba-iba ang flavour; may salted, barbeque at cheese.
Naglalakad na siya sa lobby ng condominium nang may makita siyang pamilyar na lalaki na nasa front desk at kausap ng babaeng receptionist na nandoon. Sa tindig, taas, at kulay ng suot nito, hindi siya pwedeng magkamili. Ang VP nilang si Leon ang nakikita niya. Nagmamadali siyang tumakbo papunta sa may elevator. Nakailang beses siyang pindot sa up button. Pabalik-balik ang tingin niya sa lobby at sa numero sa taas ng elevator na para sa kanya, parang ang tagal magpalit. Nasa 3rd floor na ang elevator. “Bilis. Bilis naman.”
Hindi niya alam kung sa iisang condominium ba sila nakatira o may dinalaw lang ito rito, pero ganoon na lamang ang kaba niya na makasabay ito. Hindi pa siya handa na makaharap ito matapos ang insidente kanina. Kailangan pa niya ng sandamukal na lakas ng loob bago niya harapin ang VP nila. Kabag-bago niya sa trabaho at ayaw niyang ma-bad shot dito. Mas gusto niyang lumamig muna ang ulo nito sa kanya, bago sila magharap uli.
“Sa wakas,” bulong niya nang magbukas na ang pintuan ng elevator. Hindi na niya hinintay na magsarado ito nang kusa at pinindot na niya agad ang close button sa loob nito. Isang dangkal na lang at tuluyan nang sasarado ang pintuan nito nang biglang may isang kamay na pumigil rito. Nagulat siya pero mas ikinagulat niya nang makita ang lalaking nakahawak sa pinto ng elevator nang tuluyan na itong bumukas uli. Nakatayo na nakabukas na pintuan ng elevator si Leon. Nagtama ang mga mata nila. Walang emosyon sa mukha nito. Pilit siyang ngumiti, pero hindi siya pinansin nito at dirediretso itong pumasok sa loob at pumwesto sa bandang likuran.
Sumarado na ang pintuan ng elevator. Silang dalawa lang sa loob. Nakikiramdam lamang siya dahil hindi naman niya alam kung ano’ng dapat sabihin. Nagulat siyang muli nang makita na nasa gilid na niya ang nakaunat na kanang braso ni Leon. Ang lapit nito sa likuran niya. Naramdaman pa niya ang init ng hininga nito sa batok niya. Gago ‘to ah. Ano’ng balak niya? Natawa siya sa sarili dahil mali ang iniisip niya. Pinindot lang pala nito ang numero ng floor kung saan ito bababa. s**t! 25th floor din siya? Ano bang kamalasan ‘to?
Parang gusto na niyang pumindot ng ibang floor at doon bumaba. Ilang floors din ang nadaanan nila bago may ibang pumasok sa elevator. Bago dumating sa 25th floor silang dalawa na naman ang naiwan sa loob. Nang bumukas ang pintuan, hindi siya agad lumabas at hinayaan niyang mauna si Leon kahit na nasa bandang likuran ito. Nauna nang maglakad si Leon sa hallway at nakasunod lang siya rito. Nakita niyang kinuha nito ang cellphone sa bulsa ng suit nito at may kinausap. Ang bagal ng lakad nito kaya hindi malaman ni Gio kung mas babagalan ba niya ang lakad niya o uunahan na niya ito. May kausap pa rin ito sa cellphone at bigla pang huminto sa paglalakad.
Hindi ba niya kayang magsalita nang naglalakad? Binilisan na niya ang lakad dahil mas magmumukha siyang tanga kung babagalan niya. Naglakad siya nang normal hanggang sa malagpasan na niya si Leon. Pagdating niya sa tapat ng unit niya, mabilis niyang pinindot ang passcode at binuksan ang pinto nang hindi lumilingon. Napasandal siya sa pinto pagkapasok niya sa loob.
Kinabahan ako do’n ah. Sumilip siya sa peephole ng pinto para tingnan kung nasaan na si Leon at laking gulat niya nang makita ito sa tapat ng pintuan niya. Ano’ng ginagawa niya rito? Nakatayo lang ito at hindi naman kumatok. Nakatayo lang ito habang nakatingin sa pintuan ng unit niya. Matapos ang ilang segundo ay tumalikod din ito at umalis pero laking gulat niya nang makita kung saan ito pumasok. Sa unit lang naman na nasa tapat ng kanya. Magkapitbahay lang naman sila ng boss niya.