MAAGANG natapos sa paglalaro ng golf ang player ni Mayella na si Charles. Caddie siya sa Pradera Verde Golf Course Club na pag-aari rin ng mga Pineda. Dito niya naisip mag-apply ng trabaho nang tuluyan nang hindi magsalita ang ina at palagi nang nakatulala na lang.
Kinailangan na niyang pagsabayin ang pag-aaral dahil ayaw naman niyang huminto. Siya na ang nagtatrabaho para sa mga pangangailangan nila sa pang-araw-araw na gastusin. Kailangan din niyang maka-ipon para sa pagpapagamot sa ina sa isang magaling na psychiatrist sa maynila.
Isang taon na siyang caddie habang ang ina naman ay mahigit na isang taon rin sa ganoong kalagayan. Na hangang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya ang ipinagka ganoon nito. Kung sana nagsasalita ang kaniyang ina ay wala sanang problema. Ngunit sadyang kinalimutan na yata nito talaga ang magsalita at mas piniling manahimik kung ano talaga ang nangyari rito.
I sa ang Pradera Verde Golf Course sa pinakasikat sa bayan nila. Sikat din ito sa mga banyagang turista na dumarayo pa para lamang dito maglaro. Isa si Charles sa mga ito na hindi man banyaga ay masasabi niyang may sinasabi sa buhay. Mabait sa kaniya si Charles at sa tuwing ito ang ina-assist niya sa paglalaro nito ng golf ay napaka swerte niya sapagkat malaki itong magbigay ng tip.
Noong una ay mababa lang naman itong magbigay sa kaniya ng tip. Isang libo lang ang pinakamataas at limang daan ang pinakamababa. Pero nang sa katagalan ay tumaas na at iyon ay dahil nagkapalagayan na sila ng loob at naging daan para maging magkaibigan sila at bilang tulong na rin daw kahit paano.
“Mayella!” Napalingon siya sa tumawag sa kaniyang pangalan at iyon ay ang kaibigang si Cecill na tulad rin niyang Caddie. Nasa locker room siya at naghahanda na siya sa pag-uwi dahil nga tapos na ang laro ni Charles.
“Oh, bakit? Tapos na rin ba ang player mong maglaro?”
“Hindi pa, nag-break lang kami kasi may isa pang humamon sa kaniya sa pustahan ng laro. Medyo hard iyong next game kasi ʼyong pinakamalayong hole ang target nila.”
“Bakit mo ako tinawag?”
“Pinapasabi ni Sir Coult na dumaan ka raw sa office niya bago ka umuwi.”
Lihim siyang napangiti sa sinabi ng kaibigan na hindi naman nakaligtas sa matalas nitong paningin. “Bakit daw?” tanong niya rito.
“Aba’y hindi ko alam. Ikaw na ang sumagot diyan sa tanong mo kaya magpunta ka na roon para malaman mo. Tapos huwag mong kalimutan na kuwentuhan ako, ha.”
“Sira ka talaga!”
“Kailan ka ba aamin sa akin na may relasyon kayo ni Sir Coult?” Umismid pa ito sa kaniya na tinawanan lang niya.
“Wala akong dapat aminin dahil wala naman kaming relasyon kung iyan ang iniisip mo.”
“Hindi ako naniniwala. Bakit kamo? Iba ang trato sa iyo ni Sir Coult kaysa sa amin dito. At saka mas nauna pa kaming nagtrabaho sa iyo rito pero ni minsan hindi naging ganiyan sa amin si Sir tulad ng sa iyo.”
“Ano ka ba, Cecill? Tigilan mo ang ganiyang pag-iisip sa boss natin at hindi iyan nakakaganda ng imahe mo.” Sinabayan niya pa iyon ng malutong na tawa.
“Nakasasama ka naman kasi ng loob, eh. Kaibigan mo rin naman ako pero bakit parang wala kang tiwala sa akin? Hmmp!” Sabay isnab sa kaniya nito.
“Huwag ka ngang mag-drama riyan at hindi bagay sa iyo baka akala mo.”
“Kung wala kayong relasyon ni Sir Coult, baka si Sir Charles mayroon? Umamin ka na kasi, close rin kayo, eh.”
Napahagalpak na siya nang tuluyan sa sinabi nito. “Ay naku, ewan ko sa iyo. Kung ano-ano ang napapansin mo, hilig mo pang magbigay ng kahulugan. Magkaibigan lang kami no’ng tao at saka nakababatang kapatid ang turing sa akin no’n kaya mas lalong malabo iyang sinasabi mo.” Matanda sa kaniya si Charles ng sampung taon. Bente anyos na siya habang ito naman ay trenta.
“Hmmp! Diyan ka na nga! Mukhang wala ka naman talagang planong umamin at baka hinahanap na rin ako ng koreanong player ko. Puntahan mo na si Sir Coult sa opisina niya, ha.”
“Opo!” nakangiti niyang tugon rito. Tama naman si Cecill ng hinala na may relasyon sila ni Coult. Pero hindi niya iyon maaaring aminin dito sapagkat mahigpit na bilin ni Coult iyon sa kaniya nang sagutin niya ang panliligaw nito limang buwan na ang lumipas.
Kailangan muna nilang ilihim ang relasyon na mayroon sila ayon dito, sapagkat komplikado pa ang sitwasyon. Sumang-ayon siya sa nais nito sapagkat tiwala siya sa pagmamahal na ipinapakita nito sa kaniya lalo na nang sinagot niya ito.
Magaan ang loob niya rito noon pa man kahit noong una niya pa ito makilala, bumilis nga agad ang t***k ng puso niya. Totoo pala ang usap-usapan sa eskuwelahan nila noon na talagang guwapo pala ang isa sa tagapagmana ng Pineda na noong isang taon lang dumating. Sa Amerika nga raw ito nag-aral para magtapos at kumuha ng Master’s Degree roon.
Bukod sa guwapo ito at talagang mabait pa. Ito rin ang nag-interview sa kaniya noong mag-apply siya at iyon rin ang naging simula ng pagiging malapit nito sa kaniya hangang sa niligawan na nga siya nito.
Kahit isa itong Pineda ay hindi siya nag-atubiling sagutin ito idagdag pa ang kaalamang maaaring masagot ang matagal na niyang katanungan sa ipinagkaganoon ng kaniyang ina sa mga mansiyon ng mga ito. Ni minsan ay hindi niya pa ito napakilala sa kaniyang ina bilang boyfriend dahil lihim pa nga ang kanilang relasyon.
Matapos makapagpalit ng kasuotan ay agad na siyang dumiretso sa opisina ng kasintahan. Kapag gano’ng ipinapatawag siya nito ay mayroon itong sasabihin sa kaniya o di kaya’y nais lamang siyang makasama talaga at para maglambing na rin.
Binagtas niya ang daan papunta sa ikalawang palapag ng gusaling iyon kung saan naroon ang opisina ni Coult. Marahan siyang kumatok sa pinto para ipaalam ang kaniyang presensiya.
“Come in!” sigaw ng tinig mula sa loob na alam niyang kay Coult.
“Hi,” nakangiti niyang bati sa kasintahan nang makita niya itong prenteng nakaupo sa swivel chair nito. Maluwang ang opisina nito at ang flooring ay naka-carpet pa. Agad rin nitong sinuklian ang ngiti naman niya para rito.
“Have a seat, Babe.”
Umupo siya sa bakanteng upuan sa harap ng office table nito na nagsilbing pagitan nila.
“Bakit mo ako ipinatawag?”
“Dad, wants to meet you personally. ‘Di ba day-off mo bukas?”
Tumango lang siya sa kasintahan. Pero may pagtataka sa kaniyang mukha. “Bakit daw?” hindi na nakatiis na tanong niya rito.
“Alam na ni dad ang relasyon natin dahil sinabi ko na. Kaya gusto ka na niyang makilala. Don’t worry mabait si dad.”
“Pero akala ko ba ililihim lang muna natin ang relasyon natin?”
Tumayo ang kasintahan sa kinauupuan at saka lumapit sa kaniyang likuran at bahagya siyang niyakap. “Ayaw mo bang maging official na tayo sa paningin ng lahat?”
“Siyempre gusto ko, kaya lang sigurado ka na ba riyan? Ikaw lang din naman ang iniisip ko.
Isa pa, hindi naman ako nagmamadali so, ayos lang naman kahit huwag na muna.”
“It’s okay, Babe. You know how much I love you and because of that, I am ready to annouce that you are mine.”
Sa sinabing iyon ni Coult ay tila lumukso ang puso niya sa tuwa at aaminin niyang kinilig siya. Sino ba ang hindi matutuwa sa kaalamang nakahanda na itong ipaalam ang relasyon nila sa publiko. Iyong hindi na niya kailangan pang pahirapan ang pagkilos sa paningin ng ibang tao, huwag lang mahalata na may relasyon sila. Malakas lang talaga ang radar ni Cecill kaya siguro nakakahalata ito o sadyang may pagkamausyoso lang talaga.
“So, payag ka na ba?” tanong ng kasintahan sa kanya dahil natagalan ang pagtugon niya rito.
Tumango na lamang siya at matipid na ngumiti.
“Thank you, Babe,” anito pa sa kaniya.