Kabanata 1- The beginning
ABALA si Mayella sa mga assignment niya ng may marinig siyang kaluskos sa gawi ng kanilang tarangkahan na gawa sa kahoy, kaya agad siyang sumilip sa kanilang bintana na yari sa kahoy para tiyakin kung ang ina niya ang dumating.
Kanina niya pa kasi ito hinihintay sapagkat gabi na at ngayon lamang ginabi ang kaniyang ina sa pag-uwi mula sa pamamasukan nito bilang kasambahay sa mansyon ng mga Pineda sa kabilang baryo.
Madalas na alas-singko ng hapon ay nandirito na ito ngunit ngayon ay pasado alas-nuebe na ng gabi. Isa pa sa ipinag-aalala niya ay hindi naman kasi ito nagbilin na hindi uuwi. Nakahinga siya ng maluwag nang matanaw ang ina kaya agad siyang nagtungo sa kanilang pinto para pagbuksan ito at salubungin na rin.
“Inay, mano po.” Sabay abot sa isang kamay ng ina. “Bakit tila ginabi yata kayo ngayon? May okasyon po ba sa mansiyon?”
Hindi siya pinansin ng ina na labis niyang ipinagtaka. Dati-rati kasi sa tuwing dumarating ito ay masigla itong sasalubong sa kanya. Agad na magkukuwento ng mga kaganapan sa mansiyon ng pinaka kilalang pamilya sa bayan nila.
Pinagmasdan niya ang ina at ngayon lang niya napansin na tila tulala ito at tagusan ang tingin sa kaniya. Mabilis niyang sinalat ang noo at leeg na hindi man lang natinag sa kaniyang pagkakasalat. Nagbabakasakaling baka may lagnat lamang ito at maasama ang pakiraamdam. Pero normal lamang naman ang temperatura nito.
“Inay, Ayos lamang po ba kayo? May nangyari po ba sa mansyon?”
Hindi pa rin siya kinikibo ng ina at tulala pa rin ito. Kaya napagpasyahan niya na akayin na lamang ito sa kanilang silid at baka labis lamang itong napagod sa maghapong pagtatrabaho sa mansiyon.
Nang tuluyan na niya itong naalalayan sa paghiga ay ipinagpatuloy na niya ang kaniyang ginagawa. Bukas na lamang niya ito tatanungin.
MAAGA siyang gumigising para sa paghahanda sa pagpasok sa eskuwela samantalang mas maaga ang kaniyang ina upang maghanda naman sa pagpasok sa mansiyon.
Kaya nagtaka siya dahil nang imulat niya ang kaniyang mata ay nakita niya itong gising na ngunit nakaupo lamang sa isang sulok na bahagi ng kanilang papag na higaan. Katulad ng nagdaang gabi ay tulala pa rin ito at hindi kababakasan ng ano mang emosyon sa mukha nito.
“Nay ano po ba ang problema? Sabihin niyo po sa akin. Nag-aalala na po ako sa inyo.” Marahan niyang niyugyog ang mga braso ng ina para makuha ang atensiyon nito.
“Kagabi pa po kayo ganiyan. Bakit hindi po kayo nagsasalita?” Tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha dahil sa nakikita niyang sitwasyon ng kaniyang ina at labis ng pag-aalala. Pero kahit anong pagkausap niya rito ay balewala lang at tila hindi siya nakikita kahit pa naka tingin ito sa kaniya.
Mabilis niyang pinahid ang mga luhang patuloy sa pagbagsak at agad inasikaso ang sarili. Hindi muna siya papasok sa eskuwela sapagkat pupunta siya sa mansiyon ng mga Pineda upang alamin kung ano ang problema at nagkaganoon ang ina.
Second year college na siya sa kursong business management sa pampublikong paaralan sa bayan. Nag-aaral siyang mabuti para sa ina dahil gusto nitong makatapos siya na tanging pangarap ng kaniyang mga magulang sa kaniya dahil hindi nakatapos ang mga ito kahit sekondarya lang.
Ipinangako niya sa kaniyang ama na hindi niya pababayaan ang kaniyang ina bago ito malagutan ng hininga may dalawang taon na ang nakalilipas dahil sa sakit sa puso. Huli na nilang nalaman na matagal na pala itong may sakit at matagal na rin pala nito iyong inilihim sa kanilang mag-ina.
Sa tapat mismo ng magarang gate ng mga Pineda siya inihinto ng tricycle driver na sinakyan niya. Ilang beses din siyang nag-doorbell bago may lumabas na isang unipormadong babae na sa tingin niya ay isa sa mga katulong din ng mga ito at hindi nalalayo sa edad ng kaniyang ina.
“Magandang umaga, ako po si Mayella, ang anak po ni Helena.”
“Kilala kita, hija, marahil ako’y hindi mo kilala sapagkat ayon sa iyong Inay ay palagi ka lamang nasa loob ng bahay at madalang lumabas kung hindi rin lang kinakailangan.”
Ngumiti lamang siya rito. Sapagkat totoo naman iyon dahil kahit siya na dito na lumaki sa bayan nila ay napakadalang niyang lumabas. Ngunit hindi naman nangangahulugan iyon na hindi na siya maaaring makilala ng mga kanayon nila.
“Bakit ka nga pala biglang napasyal, wala pa rito ang iyong inay kung iyon ang iyong sadya.”
“Alam ko po at iyan po ang dahilan ko kung bakit ako naparito.” May pagtataka naman siyang tiningnan ng matanda.
“Gusto ko lang po malaman kung may nangyari po ba kay nanay rito kagabi na hindi po maganda? Umuwi po kasi siya kagabi na kakaiba ang ikinikilos, tulala at hindi ito sumasagot sa akin.” Napansin niya na naging malikot bigla ang mga mata nito at tila napapaso na umiwas sa kaniyang mga mata.
“Inisip ko na lamang po na marahil ay napagod masyado sa trabaho rito sa mansiyon. Pero hanggang ngayong umaga ay ganoon pa rin po siya Manang.”
“B-bakit ano’ng nangyari? May nangyari ba kay Nanay mo?” muli, napansin niya ang alanganin pa nitong pagtatanong sa kaniya no’n.
“Hindi na po siya nagsasalita simula pa kagabi nang pagkarating niya sa bahay at nakatulala lang po siya. Ngayon lamang po nangyari kay nanay ang ganoon kaya malakas po ang kutob ko na may nangyari sa kaniya rito.”
“Ipagpaumanhin mo kung wala akong maibibigay na sagot sa iyo. M-marami pa pala akong gagawin na trabaho sa loob k-kaya maiwan na kita.” Mabilis siya nitong pinagsarahan ng gate at may pagmamadali sa kilos nito na nilisan siya.
Labis-labis ang naging gulat niya sa inakto nito sa kaniyang harapan matapos niyang sabihin ang kalagayan ng kaniyang ina. Bumilis ang pintig ng puso niya at umahon ang isang pakiramdam na may mali sa ikinilos nito.
Dahil sa tingin naman niya na malabo nang muli siyang labasin pa nito kung tatangkain pa niya, kaya nagpasya siyang maglakad na palayo sa gate ng mga Pineda para umuwi na.
Muli siyang nagbalik sa kanilang bahay at lihim na nananalangin, na sana’y sa kaniyang pag-uwi ay maayos na ang kalagayan ng kaniyang ina. Ngunit ang panalanging iyon ay hindi kinasiyahan ng Diyos, sapagkat kung paano niya iniwan ito kaninang umaga ay ganoon pa rin hangang ngayon. Nasa silid pa rin nila ito at nakatulala lang.
Muling sumigid ang kirot sa kaniyang puso dahil sa nakikita sa ina. Ayaw man niya ng ganitong pakiramdam ngunit ang pagka-awa sa kalagayan ng ina ang mas nagtutumibay sa kaniya ngayon.
Nagtungo siya sa maliit nilang kusina at nagsimulang mag-asikaso ng kanilang agahan. Isasangag na lamang niya ang tirang kanin kagabi at magpriprito ng tinapa upang makakain na sila ng kaniyang Inay.