"THANK YOU, Sir. Balik po kayo." Nakangiting wika ni Gogoy sa may-ari ng kotse na katatapos lang nilang linisan.
"Sigurado 'yan. Gusto ko ang serbisyo ng Carwash n'yo dito. Hindi nagkamali si Ka Badong na itayo itong ganitong negosyo." Puri pa sa kanila ng may edad na lalaki.
"Naku, maraming salamat po!" sabi pa niya.
"Sige, mauna na ako sa inyo." Pagpaalam nito.
Kumaway pa si Gogoy habang tinatanaw ang paalis na sasakyan. Nang tuluyan na itong makalabas ng bakuran nila. Agad niyang inabot ang bayad sa pinsan niyang si Marisse na siyang nagsisilbing cashier ng Carwash nila.
"Mukhang maganda gising mo ah?" puna nito sa kanya.
Pabirong kinunutan niya ito ng noo. "Ayan, nakasimangot na ako. Mas bagay ba?" sabi pa niya.
Umingos ito. "Mukha kang matandang binata!" pang-aasar pa nito, sabay takbo.
"Hoy! Bumalik ka dito, bawiin mo 'yang sinabi mo!" habol pa niya dito.
Parang bata silang naghabulan sa loob ng bakuran. Natatago pa ito sa likod ng kakambal nito na si Marvin na siyang naglilinis ng kotse sa mga sandaling iyon. Sa inis ng huli dahil na-iistorbo ito sa trabaho, tinapatan nito dito ang hose kaya nabasa ito. Tumili ng malakas si Marisse.
"Oh no! My dress! B1 naman eh!" hiyaw nito.
Tinawanan lang nila ito. Ilang sandali pa ang lumipas nang may dumating na naman isang sasakyan na magpapahugas. Nang maiparada na nito ang kotse sa loob ng bakuran nila. Hinubad niya ang suot niyang t-shirt kaya tanging board shorts lang ang suot niya. Napalingon siya ng marinig niya ang usapan ng isang grupo ng kababaihan na nakatambay sa tapat ng tindahan ni Kim.
"Si Gogoy na lang ang pag-asa natin, Girls. Siya na lang ang available sa Carwash Boys." Anang isa.
"Tama. Kapag napunta pa siya sa iba. Paano na lang ang mga pangarap natin?" tila naiiyak pang sang-ayon ng isa.
"Dapat mapunta siya kahit isa sa atin. Okay?" sabi naman ng isa.
Napangiti siya saka umiling. Binaba muna niya ang hawak niyang hose saka nilapitan ang mga ito. Kitang kita niya kung paano nanlaki ang mga mata ng kakaibahang iyon habang papalapit siya. Ang iba sa mga ito ay kinikilig pa, ang iba naman ay nakitaan niya ng niyerbos at takot.
"Hi," magiliw niyang bati sa mga tao.
Hindi alam ng mga ito kung paano sisiksik sa likod ng bawat isa ng tumayo siya sa harap ng mga ito.
"Hi, Gogoy!" malapad ang pagkakangiti na bati din ng isa.
"Uhm, I didn't mean to eavesdrop. But I heard your conversation, na-appreciate ko kung humahanga kayo. Pero hindi ba mas maganda kung ang lalaking pipiliin n'yo ay 'yung mahal din kayo. Mas masarap sa pakiramdam 'yon, right?" mahinahon niyang sabi sa mga ito. Pagkatapos ay tumalikod na siya at bumalik sa trabaho.
"Oh my God! Ang bait n'ya talaga! Mahal ko na siya!" sa halip ay komento ng isang babae.
Imbes na mainis, natawa na lang siya. Kung mapagsamantala lang siyang tao, baka sinamantala na niya ang atensiyon na binibigay ng mga ito sa kanya. Pero pinalaki siyang marangal ng mga magulang niya at ng Lolo at Lola niya. Hindi niya naisip kailanman gawin ang ganoong bagay.
Napatingala siya sa bintana ng kuwarto ng Lolo niya. Ilang araw na rin ang nakakalipas simula nang makalabas ito ng ospital. Pinayuhan sila ni Ken na kailangan pa ng pahinga ni Lolo Badong at bawal ang ma-stress dahil makakasama iyon sa kalusugan nito. Pero ang sigla at saya nito ay hindi pa rin nanunumbalik. Palagi pa rin itong tulala at tila kay lalim ng iniisip. Madalas lang din ay nasa silid lang ito at hawak ang litrato ng namatay na kaibigan nito.
Nang matapos na nilang magpi-pinsan ang lahat ng kotseng hinuhugasan nila. Dali silang pumasok ng bahay at doon sa lanai nagpahinga. Nagkanya-kanya silang punas ng pinaghalong pawis at tubig sa mga katawan nila.
"Mga puge, pinapatawag kayo ng Lolo ninyo sa Study Room niya. Sumama ka na rin daw Marisse." Sabi pa nito.
Nagkatinginan sila. Bihira lang na ipatawag silang lahat sa study room ng Lolo nila. Maliban na lang kung seryoso at maselan ang pag-uusapan nila. At mabibilang nila sa limang daliri niya na doon sila nag-meeting. Madalas ay kapag nasa hapag kainan sila. Kapwa man nagtataka, wala silang nagawa kung hindi ang tumayo at pumunta sa study room.
Pagdating nila doon, naabutan nilang nakaupo ito sa swivel chair nito. Sa ibabaw ng mesa ay nakapatong ang larawan ng matalik na kaibigan nito. Sa tabi niyon ay isang brown envelope.
"Maupo kayo mga Apo, may mahalaga akong sasabihin sa inyo." Matamlay pa rin na sabi nito.
Bago ito nagsalita, humugot muna ito ng malalim na hininga. "Limang taon na ang nakakalipas simula ng pumanaw si Fred. Siya ang matalik kong kaibigan, kasama sa negosyo at kliyente na rin. Ako ang abogado niya noong nabubuhay pa siya." Panimula nito.
Isang sikat at magaling na abogado noon si Lolo Badong. At kilala niya ang kaibigan na tinutukoy nito. He met him several times.
"May pamilya si Fred. Maagang pumanaw ang asawa niya. Kaya ang naiwan sa kanya ay ang kaisa-isang anak niyang lalaki. Pero nagkaroon sila ng isang malaking hindi pagkakaunawaan, nang mahigpit na tutulan ni Fred ang babaeng nais pakasalan ng anak niyang si Ferdinand. Pinaglaban iyon ng huli, kaya nagalit ng husto ang kaibigan ko. Pinalayas niya ang kanyang anak at tinakwil ito. Simula noon, hindi na nagpakita pa ang anak niya sa kanya. Labis na pinagsisihan ni Fred ang ginawa niya sa kanyang anak. Dalawampu't dalawang taon na hinintay niyang bumalik ang anak niya, ngunit nabigo siya."
"Isang bagay ang hiniling niya sa akin bago siya malagutan ng hininga. Ang hanapin ko ang anak niya at ang pamilya nito. At bilang abogado niya, ako ang nagtago ng kayamanan na naiwan niya para sa kanyang anak. Isang bagay ang hindi ko nasabi sa inyo mga apo. Hindi lang ako ang mahilig sa kotse, maging si Fred. Ang Mondejar Cars Incorporated ay ang negosyong pangarap namin itayo ngunit nawalan kami ng pagkakataon na tuparin iyon."
"So, Lolo. Ano na pong nangyari sa pamilya ni Lolo Fred? Nahanap n'yo na ba?" tanong pa ni Jefti.
Umiling ito. "Makalipas ng limang taon. Hindi ko pa rin sila nahahanap. Ang tanging hiling ko lang ay makita ko si Ferdinand bago man lang ako mawala sa mundo." Sagot nito.
"Lolo, huwag po kayo magsalita ng ganyan. Mahaba pa ang buhay n'yo. Makikita n'yo pa sila. We'll help you." Pag-aalo pa niya dito.
"Grabe Lolo, akala namin kung ano na ang sasabihin n'yo. Kinabahan po kami." Sabi pa ni Marisse.
"May isa pa kayong dapat malaman."
Natigilan silang lahat. Doon na umahon ang kaba sa dibdib niya na ilang araw na rin siyang hindi pinapatahimik.
"Ang thirty percent na shares na nilagay ko sa Mondejar Cars Incorporated ay hindi sa akin. Pera iyon ni Fred. Ginawa ko iyon bilang pagtupad sa pangako ko sa kanya na kahit na wala na ang isa sa amin sa mundong ito ay magiging magkaibigan pa rin kami at magkasama sa kahit saan negosyo lalo na kung may kinalaman sa kotse. At ang shares ko sa MCI ay mapupunta sa anak ni Fred." Pag-amin nito.
Gulat na napatayo siya. Mariin niyang tinikom ang mga labi. Hindi makapaniwala si Gogoy sa narinig niya.
"Lolo, you're joking right?" sabi pa niya dito.
"I'm sorry, hijo." Sagot nito.
"Wait Lolo, akala ko po ba tinayo natin ang MCI as our family's legacy? Hindi po ba? Kaya nga tayo hindi tumanggap noon ng ibang investors because we have to keep this business exclusively for the Mondejar. It's a pure family business. Para sa mga susunod na henerasyon ng pamilya." Protesta pa niya.
"Why didn't you told us earlier, 'Lo?" kuwestiyon pa ni Glenn.
"I'm sorry, mga apo. Ito lang ang nakita kong paraan para matupad ko ang pangako ko sa kanya." Paliwanag nito. "Sana maintindihan n'yo ang ginawa ko. Hindi ko kayo gustong gulatin ng ganito."
Nahilot niya ang sentido. Sa isang iglap, biglang sumakit ang ulo niya. Gusto niyang magalit ng husto, pero alam niyang wala siyang karapatan. Lolo niya ang kausap niya at mataas pa rin ang respeto niya dito. Pero talagang hindi niya matanggap na may investment ng ibang tao ang nakapasok sa loob ng MCI.
"Ang ibig bang sabihin nito? Kapag nakita na ang pamilya ni Lolo Fred. Posibleng sila ang humawak ng MCI, depende sa magiging final decision ni Lolo, Tama ba?" tanong naman ni Marisse.
"No way! Hindi maaari 'yon! I'm the only President of Mondejar Cars at walang ibang pwedeng umupo sa posisyon na ito!" agad niyang protesta.
"At bakit hindi, Gogoy? You were just merely appointed as the President of the company. I still have the final say, kung sino ang maghahawak ng kompanya. As the head of this family and the company, may karapatan akong palitan ka ao man oras! Don't act as if you solely own MCI!" pambabara sa kanya ni Lolo Badong.
Hindi siya nakakibo, bagkus ay lihim niyang naikuyom ang kanyang palad, saka mabilis na lumabas ng kuwartong iyon at umuwi sa bahay niya. Pagdating niya sa loob, dumiretso siya sa kusina saka uminom ng tubig mula sa mismong pitsel. Nang hindi na niya mapigil ay padabog niyang nilapag ang pitsel saka malakas na hinampas ang ibabaw ng kitchen counter.
"Hindi pwede 'to!" mariin niyang sabi.
"Anong gagawin natin?" tanong ni Glenn.
Umiling siya. "Hindi ko alam." Seryosong sagot niya.
Mayamaya dumating si Miguel. "Pinsan, pinapatawag ka ulit ni Lolo." Sabi pa nito.
Marahas siyang napabuntong-hininga. "Bakit daw?"
Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko rin alam. Halika na, sa estado ng kalusugan ni Lolo ngayon. Kahit masakit sa atin ang nalaman natin, kailangan pa rin natin sumunod sa kanya." Paliwanag nito sa kanya.
Napapikit siya saka pilit na kinalma ang sarili. "Kailangan kong makaisip ng paraan para hindi mapunta sa Pamilya ni Lolo Fred ang posisyon ko." Sagot niya.
Matalim ang mga tingin na bumaling siya sa labas, saka niya mariin naikuyom ang palad. "Hindi pwedeng ibang tao ang umupo sa Mondejar Cars. It may be one of you, pero hindi sila. Hindi ako papayag na maagaw ng ibang tao ang posisyon pinaghirapan at pinagbuhusan ko ng pagod." Mariin niyang wika.
"Mamaya na natin pag-usapan 'yan. Naghihintay si Lolo, Gogoy." Saway sa kanila ni Miguel.
Pagdating doon naabutan nilang naroon na ito sa sala. Seryoso pa rin ang mukha niya pero tumungo pa rin siya pagharap niya dito. Alam niyang hindi magandang asal ang pinakita niya dito.
"Salamat sa pagbalik mo, apo. Alam kong masama ang loob mo sa akin, at naiintindihan ko 'yon. Alam ko rin kung gaano mo kamahal ang negosyo natin." Sabi pa nito.
"I'm sorry, Lolo. Nagkamali po ako ng inasal kanina. Nagulat lang talaga ako sa nalaman ko. I'm really sorry." Aniya. Tumango ito.
"Lolo, sabi n'yo po may ipapagawa po kayo sa amin. Ano po 'yon?" sabad ni Miguel.
Mula sa loob ng brown envelope na maliit ay nilabas ni Lolo Badong ang isang larawan ng tila isang pamilya. Inabot nito iyon sa kanya.
"Sino po ito?" tanong niya.
"Ang lalaki diyan sa litrato ay si Ferdinand, ang anak ni Fred. Ang katabi niya ay ang asawa niya at ang batang babae ay ang anak nila. Gusto kong hanapin n'yo sila, at dalhin n'yo dito. Ang huling balita ng mga imbestigador na inupahan ko noon. Sa Batangas daw nakatira ang Pamilya nito, pero may bahay din ang mga ito sa Mindoro. Nariyan ang address nila sa mga lugar na binanggit ko. Maging ang pangalan ng mag-ina ni Ferdinand." sagot nito.
Nagkatinginan sila ni Miguel. "Akala ko po pinahanap n'yo na siya. Ano pong nangyari sa imbestigador n'yo? Kung nandito na ang address nila, eh dapat nakita n'yo na sila." Tanong pa ni Miguel.
"Papunta na ang Imbestigador ko sa Mindoro, tatlong taon na ang nakakaraan. Pero lumubog ang RORO na sinakyan niya. Isa siya sa maraming nasawi. Marami rin ang hindi na nakilala at nakita pa hanggang sa mga sandaling ito. Simula noon, hindi ko na napagpatuloy pa ang paghahanap sa kanila." Kuwento ni Lolo Badong.
"Bakit ngayon n'yo lang ito sinabi sa amin, Lo? Eh di sana nahanap na sila noon pa. Hindi na sana kayo nagkasakit kakaisip." Aniya.
"Ayoko nang makadagdag sa mga iniisip n'yo. Malalaki na kayo at may sarili
nang buhay. Kaya ako lumapit sa inyo ay dahil ayokong pumanaw nang hindi ko natutupad ang pangako ko kay Fred. Kailangan ko silang makita at maibigay ang dapat ay para sa kanila."
Tumango sila. "Sige po, Lolo. Kami po ang bahala." Sagot ni Miguel.
"Kapag nahanap n'yo na siya. Saka ko na sasabihin sa inyo ang pinakahuling bagay na kasama sa kasunduan namin kapag nakita n'yo na sila."
Pagkatapos silang kausapin ni Lolo Badong. Pinili nilang dalawa ni Miguel ang lumabas at dumiretso sa Jefti's Restaurant at doon tila nanghihina na umupo siya sa isang bakanteng silya.
"Are you okay?" tanong ni Miguel sa kanya.
Nagkibit balikat siya. "I don't know. But I really have a bad feeling about this." Sagot niya. Sabay tingin sa larawan na hawak niya, partikular na sa batang babae. Luma na ang litrato at sigurado siyang sa mga sandaling iyon, dalaga na ang batang babae na iyon.
NAPAKUNOT-NOO si Ged nang makita niya ang isang lumang larawan sa loob ng cabinet ng kuwarto na inookupahan dati ng mga magulang niya. Naisipan niyang maglinis sa araw na iyon. Dahil linggo iyon at pahinga niya, naisipan niyang linisin na rin ang silid na iyon.
Hinaplos niya ng daliri ang larawan. Napangiti siya dahil ang Tatay niya ang nasa picture, at kung tama ang hula niya. Bata pa ito sa kuha na iyon, at maganda ang bihis nito. Para itong mayaman sa porma nito. Pero sino ang kasama nitong may edad na lalaki sa larawan, nakaakbay pa ito sa Tatay niya. Nang tingnan niya ang likod ng larawan nakasulat doon ang pangalan na Alfredo Marcelo Jr.
"Alfredo Marcelo Jr.? Ka-apelyido namin." Sabi pa niya, saka napaisip. "Ah, siguro siya ang Lolo ko."
Mayamaya, biglang nag-ring ang cellphone niya. Agad niyang sinagot iyon nang makita niyang si Menchu ang tumatawag.
"Hello, bakit? Na-miss mo agad ako?" bungad niya pagsagot.
"Wish ko lang! Oy bruha! Bakit ka naglilihim sa akin ha? Ang daya mo!" biglang sita nito sa kanya.
Napakunot-noo siya. "Ha? Ano bang sinasabi mo?" naguguluhang tanong niya.
"Weh? Kunwari ka pa diyan!"
"Promise, wala akong alam sa sinasabi mo! Bakit ba?"
Narinig niyang bumuntong-hininga ito. "May dalawang lalaking pinagpala sa kaguwapuhan ang pumunta dito. Hinahanap ang Tatay mo! Ay hindi kayo pala ang hinahanap! Jusme, saan lupalop ng planeta mo nakilala ang dalawang iyon? Ang guwapo, super!" kinikilig pang kuwento nito.
"Ha? Hinahanap si Tatay? Sigurado ka?" ulit pa niya sa sinabi nito.
Napaisip siya ng husto. Sino naman kaya ang maghahanap sa Tatay niya na gaya ng deskripsyon nito? Karamihan ng mga kaibigan ng mga magulang niya ay nasa Mindoro lahat. Konti lang ang kilala nila doon sa Batangas.
"Oo nga! Ferdinand Marcelo at Giody Marcelo. Hindi ba kayo 'yon?"
"O eh, anong sabi mo?" tanong niya.
"Ano pa? Eh di sabi ko bumalik na lang bukas dahil hindi ka magtitinda ngayon." Sagot nito.
"Binigay mo ba ang address ko?" tanong niya.
"Hindi, kahit naman guwapo sila mahirap pa rin ang magtiwala." Sagot nito.
Nakahinga siya ng maluwag. "Mabuti naman." Aniya.
"Ano pa sabi?" tanong na naman niya.
"Ayun nga, babalik nga daw bukas ng umaga. Pagkatapos, may iniwan na calling card. Tawagan mo nga daw sila para makapag-usap kayo. Importante daw ang pakay nila sa'yo." Sagot nito.
Lalo siyang napaisip. Sino naman kaya iyon? Ano ang kailangan ng mga ito sa kanyang yumaong Tatay?
"Last question, anong nakalagay na pangalan sa calling card?" tanong ulit niya.
"Uy te, bongga ng pangalan ah. Tunog tagapagmana, baka mamaya boyfriend mo nga ito." Sabi pa nito.
"Ano na nga ang pangalan?"
"John Michael Mondejar Lombredas," anito.
Napatingin siya sa lumang larawan na hawak niya, saka tinitigan ang Tatay niya.
Sino kaya iyon? Tay, baka mamaya may iniwan kang malaking utang at maniningil ang mga iyon. Tatakbo na ba ako?
Kung sino man ang JohnMichael Mondejar Lombredas na iyon. Malalaman niya bukas.