“YES, SHE is my girlfriend. Wala na rin naman pong saysay kung itatago ko pa ang tungkol sa `min.”
Napahigpit ang pagkakahawak ni Nicole sa remote control ng TV. Nais niyang ibato iyon sa malaking TV upang mabasag ngunit pilit niyang kinontrol ang galit na nararamdaman niya. Nais niyang marinig ang sasabihin ni Jerome tungkol sa kanya.
“I love her. Mali man sa paningin ng ibang tao, iyon po talaga ang nararamdaman ko. We love each other, and that’s why we’re together,” nakangiting dagdag ni Jerome.
“Naba-bother pa rin ba kayo na matalik na kaibigan ng dating asawa mo ang girlfriend mo ngayon?” tanong ng reporter dito.
“Dating matalik na kaibigan,” nagngangalit na bulong niya.
“Of course, apektado ang relasyon namin dahil doon. Siyempre, iniisip din namin si Nicole. Hindi puwedeng hindi. She’s a very important person in our lives. Mananatili siyang espesyal sa puso ko kahit na ano ang mangyari.”
“Liar.” Inabot niya ang bote ng whiskey at sinalinan ang baso niya. Halos napangalahati na niya ang bote at hindi pa siya naghahapunan. “Sana tamaan ka ng kidlat sa kinatatayuan mong sinungaling ka,” aniya bago dinala sa kanyang bibig ang inumin.
“Nagkaayos na ba sina Nicole at Jessie?” tanong uli ng reporter dito.
“I honestly don’t know.” Then he charmingly smiled at the camera.
“You know I still hate the b***h. Hindi ko kayo mapapatawad habang nabubuhay ako,” pangako niya sa kanyang sarili. Hinding-hindi niya makakalimutan ang kataksilan na ginawa ng mga ito sa kanya.
“Kayo ba ni Nicole ay nag-uusap?”
Umiling ito. “Hindi niya sinasagot ang mga tawag ko.”
“Hindi ka tumatawag sa `king walanghiya ka!”
“Any message for Jessie?” tanong ng reporter.
“I love you. We’re in this together. Ipaglalaban kita kahit na ano ang mangyari.”
“For Nicole?”
“I hope you’re well. I still love you, sweetheart. I will always love you. Nagbago man ang uri ng pagmamahal, ngunit mananatili kitang mahal.”
Sa sobrang galit na nararamdaman niya, hindi na niya napigilan ang mapaluha. Nainis na naman siya sa sarili sa inaasal niya. Sawa na siyang umiyak dahil sa kataksilan ng dalawang taong minahal at pinagkatiwalaan niya nang lubos, ngunit wala siyang ibang magawa. Hindi niya makontrol ang emosyon niya.
Hindi siya makaisip ng paraan upang makaganti. Ang tingin sa kanya ngayon ng marami ay nag-iinarteng ex na hindi maka-move on sa buhay. Ang akala kasi ng marami ay ganoon lang kasimple ang sitwasyon niya. Ang akala ng mga ito ay ganoon lang kadali ang lahat.
She was sixteen when she entered show business. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging artista. Gusto niyang nakikita siya sa telebisyon. Bata pa lang siya ay maarte na siya. Naging kahera siya ng isang gift shop sa probinsiya nila isang summer nang makita siya ng isang talent scout. Nagustuhan nito ang ganda niya kaya inalok siya nito na lumuwas sa Maynila upang subukin ang kapalaran niya.
Masuwerte naman siya nang mapasama kaagad siya sa isang commercial ng shampoo. Kahit na extra, okay na rin sa kanya. Hindi muna siya tumuntong ng kolehiyo at pinagpursigihan ang pagiging commercial model. Nagalit ang mga magulang niya ngunit hindi siya talaga napilit ng mga ito na mag-aral. Naisip ng mga ito na wala rin sa pag-aaral ang focus niya, sayang lang ang pera, kaya hinayaan siya ng mga ito sa gusto niya.
Nakalimang commercial siya na pulos extra siya hanggang sa mapansin siya ng isang direktor at isinama siya sa isang teleserye. Maliit lang ang role ngunit masayang-masaya na siya. Sa teleserye na iyon talaga nag-umpisa ang career niya bilang isang artista. Pinaghusayan niya ang pag-arte. She practiced and attended acting workshops. Siguradong-sigurado siya na pag-aartista ang nais niyang gawin buong buhay niya.
Hindi lang dahil sa malaki ang kita. Hindi lang dahil sa fame at glamour. Hindi lang niya gusto ng atensiyon at kasikatan. She loved acting. She loved playing different roles. Iba ang pagmamahal niya sa ginagawa niya kaya mas nagiging mahusay siya sa bawat pagganap.
She had her big break when she turned eighteen. Ipinareha siya sa isang guwapong Fil-Am na baguhan lang sa showbiz ngunit nakapukaw na ng atensiyon ng marami, si Jerome Henney. Pumatok ang tambalan nila. Isang guwapong tisoy na barok mag-Tagalog at isang cute na Koreana na matatas magsalita ng Tagalog. Half Korean ang papa niya at sa magkakapatid ay siya ang lumabas na Koreana na Koreana ang hitsura.
Naging phenomenal ang teleserye na ginawa nila ni Jerome noon. Mas naging phenomenal ang love team nilang dalawa. Sa loob ng limang taon, hindi sila nawalan ng proyekto na magkasama. Kada matatapos ang isang teleserye nila ay kaagad na bumubuo ang management ng panibago para sa kanila. Tumatabo sa ratings ang anumang teleserye na gawin nila. Palaging box office hit ang pelikulang ginagawa nila. They became an inseparable love team.
Noong una, hindi niya inakala na mamahalin niya si Jerome. Wala siyang nadamang atraksiyon nang unang beses niya itong makilala. Ang akala nga niya noong una ay mayabang ito por que galing ito ng ibang bansa. Naiirita rin siya sa barok nitong pagta-Tagalog noon.
Ngunit habang tumatagal ay naging magkaibigan na rin sila. Nalaman niya na napakarami pala nitong magandang katangian. Unang-una, hindi ito katulad ng ibang half Pinoy na artista na hindi na gumagawa ng paraan para matutong mag-Tagalog. Nag-aral ito hanggang sa hindi na gaanong mapapansin ang slang nito.
He was also the perfect gentleman. Hindi ito kailanman nag-take advantage sa kanya. Inaalagaan siya nito sa mga intimate scene nila. Ito ang first kiss niya at sa totoo lang ay ginawa nitong napaka-memorable niyon. Noon yata niya unang naramdaman ang pagkahulog ng loob niya rito. Hindi talaga marahil maiiwasan na mahulog ang loob nila sa isa’t isa. Halos araw-araw silang magkasama. Sa loob ng limang taon, ito lang ang lalaking nakahalik at nakayakap niya—idagdag pa ang ilang love scenes na ginawa nila sa TV at pelikula.
He slowly became her ideal man. Habang tumatagal ang pagsasama nila ay lalo itong napapamahal sa kanya. Everyone was pushing them together. Nagkaroon sila ng totoong relasyon pagsapit ng ikatlong anibersaryo ng love team nila. Kagaya ng usong drama sa show business, hindi nila inamin nang direkta sa mga tao ang relasyon nila. Naniniwala kasi ang mga manager nila na mababawasan ang kilig at excitement kapag umamin na sila. Tila nakuha na ng fans ang pinakaaasam ng mga ito at unti-unti ay nawawala na ang fantasy. Kapag umamin daw sila, it would be the beginning of the end.
Kahit hindi sila hantarang umaamin, pansin pa rin ng mga tao ang special connection nila sa isa’t isa. Malinaw sa iba na hindi lang sila basta magkaibigan. Kapag tinatanong sila ay hindi sila nagsasabi na wala silang relasyon.
“Siya na lang po ang tanungin n’yo.” Iyon ang kimi at nahihiyang sagot niya kapag tinatanong siya.
“She’s special in my heart. We’re happy.” Kapag si Jerome ang tinatanong ay iyon ang palagi nitong sagot.
Mukhang tama ang desisyon ng mga manager nila dahil lalo ngang nanggigil sa kanila ang fans. Dalawang taon silang ganoon. Naging napakasaya niya sa unang taon ng relasyon nila. Mahal na mahal niya si Jerome. Hindi niya inakala na kaya pala niyang magmahal nang ganoon katindi sa isang tao. Ibinigay niya ang lahat dito. Masasabi niya na dito umikot ang mundo niya. Nagkaroon pa ng ilang pagkakataon na nagtampo sa kanya ang pamilya niya dahil mas gusto niyang makasama si Jerome sa free time niya kaysa umuwi sa probinsiya upang makasama ang mga ito.
Hindi naman palaging masaya ang relasyon at dumaan din sila sa ilang baku-bakong daan. Madalas niyang pagselosan ang ilang babaeng napapalapit dito. Mahilig itong lumabas sa gabi kasama ang mga kaibigan nito kahit pagod na ito galing ng taping. Noong una ay nagpupumilit siyang sumama ngunit kinausap siya nito at hiniling na kung maaari ay bigyan niya ito ng private space. Nasaktan siya sa sinabi nito ngunit pinilit niya itong intindihin. In-assess din niya ang kanyang sarili.
Napagtanto nga niya na masyado na siyang clingy rito. Gusto niyang palagi silang magkasama. Gusto niyang alam niya ang lahat ng ginagawa nito. Gusto niyang kilala niya ang nagiging mga kaibigan nito. Napagtanto niya na hindi na siya mabuting nobya.
Hinayaan niya ito sa mga lakad nito. Binigyan niya ito ng space at ganoon din ang ginawa nito sa kanya. Pinigilan niya ang sarili sa panay-panay na pagtatanong. She spent some time with her family and friends.
Sa palagay niya ay nakabuti iyon sa relasyon nila. Pagsapit ng ikalimang taon ng love team nila ay inamin na nila sa publiko ang relasyon nila. Hindi na nagulat ang mga tao. Tila nawala na ang gulat factor at nag-umpisa na ang umay factor. Unti-unting nanamlay ang fans nila. Tila nabawasan din ang kilig factor ng love team nila.
Pagdating ng ikaanim na taon nilang magkapareha ay nagdesisyon ang management na bigyan sila ng projects na magkahiwalay. Kailangan lang daw marahil nila ng breather. Kailangan nilang magpa-miss sa fans nila sandali. Sa loob ng dalawang taon ay pulos magkakahiwalay na projects ang ginawa nila. Sinubukan din silang ipareha sa iba.
Career-wise, it was a good decision. Dati kasi ay limitado lang ang mga kaya nilang gawin. Pulos pa-sweet o pa-tweetums. Madalas na mas gusto nilang pagbigyan ang fans. Masyado siyang nalulong sa pagmamahal kay Jerome na hindi na niya gaanong napagtuunan ng pansin ang seryosong pag-arte. Hindi siya nakaramdam ng challenge sa mga trabahong ibinigay sa kanya.
Nang paghiwalayin sila sa mga proyekto, nagkaroon siya ng pagkakataong i-explore ang talent niya. Naghanap siya ng challenge. Tinanggap niya ang ilang trabaho na sa palagay niya ay magpapalabas ng talento niya. Nakatanggap siya ng mga papuri mula sa mga kritiko niya.
Ganoon din ang ginawa ni Jerome. Maayos ang lahat hanggang sa subukin ang relasyon nila.