Pagkagaling sa clinic, agad na tumuloy si Terrence kila Hanna.Naabutan niyang natutulog sa kama ang dalaga.
"Tay, ano pong nangyari kay Hanna?" kunot ang noong tanong niya nang makitang nakabalot ng gasa ang dalawang kamay nito.
"Pasensiya ka na kung hindi ka namin nasabihan, ayaw kasi ni Hanna.Nadali ng makina noong isang araw 'yung mga kamay niya." malungkot na kwento ng matanda.
"Bakit hindi niyo po siya sa'kin dinala?"
"Ayaw din niya eh.Ayaw niyang maging pabigat daw sa'yo.Pero duda ko ayaw ka lang talaga niyang makita." diretsahang sabi ng matanda.
Lalong nanlumo siya sa narinig.Ayaw pala talaga siyang makita ni Hanna.
"Meron ba kayong hindi pinagkaintindihang dalawa hijo?" bulong ng matanda na noo'y bahagya pang inilapit ang mukha sa kanya.Nabigla naman si Terrence sa tanong nito.Ano nga bang hindi nila pinagkaintindihan?Paano niya ba ipapaliwanag dito ang ginawa niyang kapangahasan.
Nang hindi siya umimik muling nagkwento ang matanda.
"Napansin ko kasi nitong mga nakaraang araw, parang balisa siya at wala sa sarili.Biro mo, hindi man lang nagsuot ng gloves.Mabuti na lamang at malapit sa outlet si Mando at agad na nahila yung cord," napapailing pang kwento nito.
"Eh,bakit ho, dalawang kamay niya ang may sugat?" kunot ang noong tanong niya.
"Hindi na nga rin namin alam kung paano nangyari.Nagkatarantahan na rin kami.Maging siya hindi niya alam na may sugat din ang isang kamay niya." kwento nang matanda.
Napailing na lang si Terrence.
"Kung ano man ang hindi niyo pagkakaintindihang dalawa, ayusin niyo na agad.Alam mo namang ikaw lang ang nakakapagpasaya at nakakapagpalungkot kay Hanna." nakangiting tinapik pa nito ang balikat niya.
"Ano po ang ibig niyong sabihin, Tay?"
"Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin,Terrence." Isang makahulugang ngiti lang ang iniwan ng matanda at tuluyan na itong lumabas.
Nang mapagsolo sila.Agad siyang naupo sa gilid ng kama, malapit sa ulunan ni Hanna.Marahan niyang hinaplos ang buhok nito.Nang maramdaman nito ang mga haplos niya, unti-unti itong nagmulat ng mga mata.
"Hindi ba sinabihan na kita na huwag mo na ulit akong pakakabahin ng ganito?" naniningkit ang mga matang bungad niya.Bakas sa mukha niya ang pag-aalala habang nakatitig sa dalaga.
"Kaya nga hindi ko na pinaalam sa'yo, para 'di ka na mag-alala," patay-malisyang sagot nito.
"Bakit hindi mo sinasagot lahat ng mga text at tawag ko?" muling tanong niya.
"Ikaw kaya ang walang kamay?" nagtataray na sagot nito, sabay dutdot sa kanya ng dalawang kamay na kapwa nakabalot ng gasa.Natawa naman siya.Paano ka nga naman makakapag-text sa ganoong sitwasyon.
"Ikaw talaga, pasaway ka. Hindi ka naman kasi mekaniko pilit kang nakikialam sa talyer." aniya na pinisil pa ang ilong ng dalaga.Inirapan lang siya ni Hanna atsaka siya nito tinalikuran.
"Payakap nga, na-miss kita, eh." aniya na agad na yumakap sa dalaga.
Pero agad ding tinanggal ni Hanna ang mga kamay niyang nakapulot dito.Hindi na kasi ito komportable matapos niya itong halikan nang nakaraang linggo.
"Why?" kunot ang noong tanong ni Terrence.
"Akala ko ba may convention kayo, bakit nandito ka pa?"
"May sakit ka eh, pa'no akong aalis?" anito na seryoso pang naupo paharap sa kanya.
"Bakit ako pa ang idadahilan mo, e, ayaw mo lang talaga yatang um-attend," nagtataray na sabi niya.
"Hindi rin kasi ako mapapalagay kung aalis ako ng ganyan ang sitwasyon mo," tila isang mapagmahal na boyfriend lang ang arte nito.
"Umalis ka na.Kaya ko nang sarili ko," sabi ni Hanna na ikinumpas pa ang kamay palabas.
"Ikaw, kaya mo ang sarili mo.Pero ako hindi ko kayang iwan ka nang ganyan."
Maingat na inabot niya ang kamay ng dalaga atsaka niya ito tiningnan sa mga mata."Hayaan mo munang ako ang maging mga kamay mo ngayon.Okay ba 'yun?" nakangiting sabi niya.
"Ayoko.Umalis ka na.Kaya ko na 'to," anito na muli siyang tinalikuran.
Umikot naman siya at muling hinarap ang dalaga.
"Tell me. Bakit ba ganyan na lang ang pag-iwas mo sa'kin ngayon? Ano ba talaga ang problema?" malamlam ang matang tanong niya.
"At nagtatanong ka pa talaga?"
"Wala," mariing sagot niya na halos magsalubong na ang mga kilay.
"Wala naman pala, eh," nangingiting sabi niya atsaka niya ito muling niyakap.
Pilit naman itong kumakalas sa kanya.
"Tigilan mo ko, ha? Hindi kita boyfriend, okay? So stop acting like one," mariing sabi ni Hanna na noo'y madilim ang mukhang bumangon at sumandal sa headboard.
Napaawang ang mga labi ni Terrence.Buong akala niya pa naman ay may unawaan na sila.Pero heto at sinasampal siya ng katotohanan ngayon.Ano pang sasabihin niya?Paano siya magre-react sa katotohanang 'yon? Madilim ang mukhang tumayo na siya atsaka nagpaalam sa dalaga.
"I'll go ahead.Baka makahabol pa ko sa convention," blanko ang mukhang sabi niya.
Bagsak ang mga balikat na nilisan niya ang kwarto na 'yon.Mabigat ang loob niyang umalis at iwan ang dalaga pero ito na mismo ang nagtataboy sa kanya.Nakaramdam din naman ng lungkot si Hanna nang umalis si Terrence.Kahit papaano nagi-guilty din siya.Hindi iyon ang inaasahan niyang mangyari.Gusto lang naman niyang mag-react ito sa sinabi niya para maliwanagan din siya kung ano nga bang meron sila matapos ang halik na 'yon.Dismayado siya sa naging reaction nito na basta na lang itong umalis.
"Ibig bang sabihin, wala lang ang halik na 'yon sa kanya? Parusa lang ba talaga 'yon sa kasutilang ginawa ko?"
Makalipas ang isang linggo hindi parin nagpakita sa kanya si Terrence.Sigurado siyang tapos na ang convention nito pero hindi parin ito nagpaparamdam sa kanya.Panay ang silip niya sa bahay ni Terrence pero hindi niya ito natityempuhan hanggang sa mapansin niya ang kotse nitong paparating.Bumilis ang t***k ng puso niya.Ngayon sigurado na siyang tapos na ang convention nito.Hinihintay niyang muling bumukas ang gate ng bahay nito gaya ng lagi nitong ginagawa, pagkagarahe ng kotse ay agad na itong tatawid sa kanila.Pero ilang oras na ang lumilipas hindi parin ito lumalabas.Halos mangawit na nga ang leeg niya sa kakatanaw.Ilang oras pa ang lumipas pero hindi pa rin ito nagpakita sa kanya.
Lakas-loob niyang inakyat ang punong nag-uugnay sa bahay nila atsaka siya lumundag sa terrace ng kwarto ni Terrence.Bukas ang pintuan sa kwarto nito kaya malaya siyang nakapasok sa loob.Tila hindi naman nagulat ang binata sa pagsulpot niya.Nakatingin lang ito sa kanya habang naglalakad siya papalapit.
"Ano namang kalokohan 'yan?Hindi ba binawalan na kitang umakyat sa puno na 'yan?Magaling na ba 'yang mga kamay mo?" walang emosyong sabi nito habang tumutungga ng brandy.
Sa halip na sumagot, inagaw niya lang ang alak na iniinom nito atsaka niya ito mabilis na tinungga.
"Ano bang ginagawa mo?Akin na nga 'yan." Pilit nitong inaagaw ang alak sa kanya pero patuloy lang siya sa paglagok.
"Matapang ang alak na 'yan, hindi mo kaya 'yan." sabi nito.
Saglit na tumigil sa pag-inom si Hanna atsaka lumingon sa kanya."Bakit kasi naglalasing ka?Naghapunan ka na ba?"
Napangisi naman si Terrence sabay napailing."Ibang klase talaga 'yang ugali mo noh? Pagkatapos mo kong ipagtabuyan noon, nagagawa mo pang mag-alala sa'kin ngayon."
Hindi umiimik si Hanna na noo'y muling tinungga ang alak na hawak hanggang sa maubos niya iyon.
"Tama na nga 'yan, lasing ka na e," awat ni Terrence nang mapansing pulang-pula na ang mukha niya.
Mahina ang tolerance ni Hanna sa alak kaya naman agad siyang nalasing nang maubos niya ang laman ng bote.Aalayan sana siya ni Terrence papatayo nang bigla siyang magsalita.Dahan-dahan na lang itong naupo sa tabi niya.
"Sorry na.Hindi ko naman gustong itaboy ka e.Gusto ko lang namang malinaw tayo 'dun." saglit itong tumigil sa pagsasalita atsaka umiling."Atleast ngayon alam ko na, na wala talagang tayo diba? Tama naman kasi si Heidy eh.Panakip butas lang naman talaga ako.Pinupuntahan mo lang naman ako kapag nalulungkot ka at gusto mong may makasama...kapag nag-aaway kayong dalawa.Nakakaaliw kasi ako diba? Mukha kasi akong tanga," natatawa pang sabi niya.
"So, okay lang sa'yo kung babalikan ko si Heidy? Hindi ka makikialam?" tanong niya.
"Makikialam din naman ako kahit paano, kasi diba magkaibigan tayo?" parang sirang sabi niya.
Napabuntong hininga si Terrence.Bahagya nitong kinabig ang silyang kinauupuan niya papalapit dito."Makinig ka sa sasabihin ko.Hindi ako nakikipag kaibigan sa mga babae," makahulugang sabi nito.
Napakunot ang noo ni Hanna.Nagtaas ito ng ulo atsaka bahagyang tinapik ang pisngi niya."Siraulo ka ba?Anong tawag mo sa'kin?" halos lupaypay nang tanong nito.
Natawa naman si Terrence.Halos pumikit na kasi ang mga mata ng dalaga.Tumayo siya at binuhat niya ito papasok sa kwarto.
"Hoy! Terrence, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.Kung hindi mo ko kaibigan, ano mo pala ako?" mahina na ang boses na tanong nito.
"Ikaw ang magsabi kung ano ba tayo," nakangiting sinulyapan niya pa ito.
"Ano ba kasi tayo, Terrence?" ulit nito na noo'y nakapikit na ang mga mata.Maingat na ibinaba niya ito sa kama atsaka niya ito kinumutan.
"Bukas gusto ko ikaw ang magsasabi sa'kin kung ano tayo," bulong niya rito bago niya ito hinalikan sa noo.Wala na siyang narinig kay Hanna na noo'y nakatulog na sa kalasingan.
Kinabukasan maagang nagising si Hanna.Napakunot pa ang noo niya nang makitang wala siya sa sariling kwarto.Pilit niyang inalala ang lahat ng nangyari nang nagdaang gabi.Napahampas na lang siya noo nang maalala niya ng lahat.Dali-dali niyang binaybay ang daan papapunta sa kwarto ni Terrence para makatawid siya sa bahay niya.Maingat niyang binuksan ang pinto para hindi magising si Terrence.Pero wala na sa kwarto niya ang binata.Napahawak pa siya sa dibdib na tila nakahinga nang maluwag.Saktong paakyat na siya sa puno nang marinig niya ang boses ni Terrence.
"Hep!hep!hep! Saan ka pupunta?" sigaw nito.
Mariin siyang napapikit at tila na-freeze nang ilang segundo habang nakakapit sa puno.Hanggang sa maramdaman niya ang paghawak ni Terrence sa baywang niya.Mabilis niyang hinawi ang kamay nito atsaka siya nagmamadaling lumundag pababa.
"Hannah wait!" narinig niya pang sigaw ni Terrence pero hindi na niya ito nilingon.
Bago siya makapasok sa pintuan ng bahay niya nilingon niya si Terrence atsaka niya ito nakangiting kinawayan.Napailing na lang si Terrence.
"Grabe. Ang labo niya talaga.Bakit ba parang wala siyang pakiramdam.Wala lang ba sa kanya ang halik na 'yon?"
Agad na nag-lock sa kwarto si Hanna.Ayaw niyang kausapin si Terrence hindi niya pa kasi kayang sagutin ang mga tanong nito.At isa pa ayaw niya ring malito si Terrence sa feelings nito.Baka kasi umasa lang din siya sa wala.Alam niya kasing malaki ang posibilidad na tama ang sinasabi ni Heidy na maaring naging panakip butas lang siya.Marahil dahil sa presensiya niya kaya na-divert ang feelings nito sa kanya pansamantala at sa huli bigla na lang nitong mari-realize na si Heidy pa rin ang mahal nito.Unti-unting naglandas ang mga luha sa mga mata ni Hanna sa isiping iyon.Muling nagbalik sa alaala niya ang mga panahong halos gumuho ang mundo ni Terrence nang iwanan ito ni Heidy.Halos gabi-gabi itong lango sa alak.Bumalik na noon sa Canada ang pamilya ni Terrence kaya mag-isa na lang itong namumuhay.Sila na ni Tatay Bert, ang tumayong pamilya kay Terrence.Hindi na niya mabilang noon kung ilang beses nagtangkang magpakamatay ang binata mabuti na lang at lagi siyang nandoon.
"Hoy, Terrence.Doctor ka pa naman, bakit hindi mo gamutin 'yang sugatan mong puso? Ang gwapo-gwapo mo, nagpapakasira ka sa isang babae lang. Ang dami namang iba diyan, di-hamak na mas maganda pa sa kanya.Kaya huwag kang umasta na para kang maubusan ng babae."
"Magaling kang magsalita dahil hindi sa'yo nangyari," katwiran nito.
"E, ikaw naman kasi, nandito lang naman ako kung saan-saan ka pa tumitingin."
"Ibang klase ka rin noh? Nililigawan mo ba ko?" diretsahang tanong nito
"Oh, bakit? Sinasagot mo na ba ako ha?" nangingiting tinabihan niya pa ang binata sa pagkakaupo sa kama.
"Pwede ba umuwi ka na nga sa inyo.Lagi ka na lang nandito sa bahay ko," anito na noo'y tumayo na at naglakad papalabas ng kwarto.Agad naman niya itong sinundan.
"Binabantayan lang po kita, Dok. Sayang naman kasi ang lahi mo kung mamatay ka lang agad," nakangising sabi niya habang kinakagat ang mansanas na basta niya lang dinampot sa ibabaw ng mesa.
"Uy, hugasan mo nga muna 'yan bago mo kainin."
Nagulat pa siya nang biglang agawin ni Terrence ang mansanas at itinapat sa gripo.
"Wow! Sweet naman.Siguro nade-develope ka na sa akin noh?" nakangiting dinunggol niya pa ang balikat ni Terrence.
"Sira ka talaga.Umuwi ka na nga sa inyo.Promise hindi na ako magtatangkang magpakamatay," sabi nito na humawak na sa balikat niya atsaka siya itinulak papalabas ng pinto.
Biglang natauhan si Hanna nang makarinig ng sunod-sunod na katok mula sa pinto.
"Hanna, anak, nandiyan si Terrence sa ibaba," tinig iyon ni Tatay Bert.
Agad niyang pinahiran ang mga luha at inayos ang sarili.Nakailang buntong hininga pa siya bago siya tuluyang lumabas ng kwarto.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" nakasimangot na bungad niya rito.
"Dinala ko lang 'yung naiwan mo sa kotse ko noong isang linggo," walang emosyong sabi nito.
Agad na kinuha niya ang mga shopping bags atsaka niya ito tinalikuran.
"Heto nga pala ang mga pasalubong ko sa'yo" habol nito sa kanya sabay abot ng supot.
"Salamat," aniya na agad ding tumalikod at umakyat sa kwarto.
Naiwan sa ibaba ang naguguluhan pa ring si Terrence."Ano'ng problema nun?" dismayadong napahawak na lang ito sa likod ng batok si Terrence.
Sa clinic, naabutan ni Terrence na naghihintay sa labas si Heidy. Agad itong sumalubong sa kanya.Tangkang hahalik ito sa kanya nang bigla siyang umiwas.
"Ano ba'ng ginagawa mo rito?" madilim ang mukhang tanong niya.
"Can we talk?" mahinahon ang tono ng boses na sabi ni Heidy.
"About what?" mariing tanong niya na noo'y hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo.
Sa mga oras na 'yun kasalukuyan namang tumatawag si Hanna sa clinic ni Terrence.
"Hello Lexie? Nandiyan na ba si Terrence?" bungad na tanong ng dalaga.
"Kadarating lang niya pero may kausap pa siya sa labas, may ibibilin ka ba?"
"Sinong kausap niya?"
"Babae, pero hindi ko kilala.Ngayon ko lang 'to nakita.Matangkad siya na payat," sabi nito habang sinisilip sa bintana ang dalawang nag-uusap.
Tila bigla naman nag-flashback sa isip niya ang hitsura ni Heidy.
"S-Si Heidy? " nauutal at nanginginig pa ang boses na tanong niya.
"Oo,'yun nga yata ang pangalan. Kilala mo?"
Sa narinig ay biglang naibaba ni Hanna ang phone.Nagsasalita pa si Lexie pero hindi na niya iyon pinakikinggan.Hanggang sa ito na mismo ang nag-end ng call.