MATAPOS ang hapon na iyon sa rancho, tila naging isang malaking palaisipan kay Allyson ang bawat salitang binitiwan ni Dark. Hindi na siya makatulog nang maayos; paulit-ulit na bumabalik sa kaniyang isipan ang init ng palad ng binata sa kaniyang binti at ang lalim ng tingin nito na tila ba binabasa ang kaniyang buong pagkatao.
Lumipas ang dalawang araw na hindi nagpakita si Dark. Walang busina ng motor, walang mapang-asar na text. Sa loob ng dalawang araw na iyon, aminin man o hindi ni Allyson, ay tila nawalan ng kulay ang San Vicente. Paulit-ulit niyang tinitignan ang gate, naghihintay sa "Aragon" na unti-unti nang nagnanakaw ng kaniyang atensyon.
Eksaktong alas-singko ng hapon sa ikatlong araw, narinig niya ang pamilyar na ugong. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ang maingay na motor ang dala ni Dark kundi ang kaniyang lumang pick-up truck.
"Ika-apat at huling lalakeng ipakikilala ko sa'yo," bungad ni Dark nang lumabas si Allyson. Nakasuot ang binata ng isang malinis na puting polo shirt may pagtataka man kung bakit mukhang kagalang-galang ang hitsura nito ay sumabay na lang siya rito.
"Sino na naman 'yan? At bakit kailangang dapit-hapon?" tanong ni Allyson, pilit na itinatago ang kagalakan.
"Tsk.. basta magbihis ka at isuot mo pinakamaganda mong damit." Hindi na siya nagtanong at sinunod na lamang niya ang sinabi nang binata.
MAKALIPAS ang bente minutos, tinatahak nila ang daan paakyat na parte nang San Vicente. Huminto sila sa isang glass house, doon ay matatanaw ang unti-unting paglubog ng araw at ang unti-unting paglabas ng mga bituin.
"Nasaan siya? Nasaan ang date ko?" tanong ni Allyson habang inililibot ang paningin.
Humarap sa kaniya si Dark. Sa ilalim ng kulay kahel na langit, ang mga mata ng binata ay tila nagniningning sa kakaibang emosyon. Dahan-dahan itong humakbang papalapit sa kaniya hanggang sa kakaunting pulgada na lamang ang pagitan nila.
"Nasa harap mo na siya, Allyson," bulong ni Dark. Ang kaniyang boses ay tila isang haplos sa pandinig ng dalaga.
Napatigil si Allyson, ang hininga ay tila nabitid. "Dark..."
"Tatlong lalaki na ang pinakilala ko sa'yo. Isang haciendero, isang doktor, at isang engineer. Lahat sila, sinigurado kong matino. Pero sa bawat oras na kasama mo sila, hinihiling ko sa langit na sana ay matapos na ang date niyo dahil gusto na kitang bawiin," pag-amin ni Dark, ang kaniyang panga ay bahagyang kumakatal.
"Ipinapakilala ko ang sarili ko sa'yo, hindi bilang isang lalaking naninira nang araw mo, kundi bilang ang lalakeng handang ipaglaban ka sa mundo para lang manatili ka rito. Ako ang pang-apat, Ally. At ako ang huli."
Hinawakan ni Dark ang kamay ni Allyson at dahan-dahang inilapit ito sa kaniyang dibdib. Ramdam ni Allyson ang mabilis at malakas na t***k ng puso ng binata—isang patunay na hindi ito nag-bibiro.
"Hindi kita mamadaliin," patuloy ni Dark, ang mga mata ay nakatitig nang diretso sa kaniya. "Alam ko na malapit nang matapos ang isang buwan at alam ko ang pressure sa'yo. Pero gusto kong malaman mo na hindi ako nagbibiro, dahil natatakot ako na pagdating nang huling araw ay iba ang piliin mo. Kaya kung kailangan kong manligaw sa'yo araw-araw, kung kailangan kong patunayan sa'yo at sa lola mo na seryoso ako, gagawin ko.”
Naramdaman ni Allyson ang pangingilid ng luha sa kaniyang mga mata. Sa lahat ng lalakeng nakilala niya sa Maynila, walang sinuman ang nagparamdam sa kaniya ng ganito.
"Bakit ako, Dark? Isang maarte at mataray na babae mula sa siyudad?" pabulong na tanong ni Allyson.
Isang matamis at tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Dark—isang ngiting hindi nito ipinapakita sa iba. "Dahil sa likod ng kaartehan mo, nakita ko ang isang babaeng may pinakamalaking puso sa kabila nang kaartehan at kasungitan mo.”
Dahan-dahang inilapit ni Dark ang kaniyang mukha sa mukha ni Allyson. Nararamdaman na nila ang hininga ng isa't isa. Ngunit bago pa man magtagpo ang kanilang mga labi, huminto si Dark at hinalikan lamang ang noo ng dalaga—isang halik na puno ng respeto at paghihintay.
"Hihintayin kita, Allyson. Kahit anong mangyari." pangako nito.