Chapter 17

1416 Words
ANG mga susunod na araw ay parang bangungot para kay Allyson. Gumising siya, kumain, naglakad-lakad sa paligid ng ancestral house, ngunit lahat ay parang ginagawa niya nang walang diwa. Para siyang multo sa sarili niyang buhay—nandoon pero wala. Tatlong araw na ang lumipas mula nang huli niyang makita si Dark. Tatlong araw na rin siyang umiiwas sa lahat ng pwedeng lugar kung saan niya ito maaaring makasalubong. Ang San Vicente ay maliit na bayan, at alam niyang imposibleng tuluyan silang hindi magkita. Pero sa ngayon, ang lahat ng gusto niya ay lumayo—kahit sandali lang. "Señorita, kumain ka na. Kanina pa nakaserve ang almusal mo," sabi ni Manang Mirna habang papasok sa silid niya. Nakaupo si Allyson sa may bintana, nakatingin sa labas kung saan ang mga puno ng mangga ay nag-uunahan sa paglaki. Ang tanawin ay maganda—luntian, payapa, tahimik. Ngunit sa loob niya ay iba ang nararamdaman. Parang may bagyo na patuloy na umiikot, na hindi mapakali. "Wala akong gana, Manang," sagot niya nang hindi man lang lumingon. Lumapit si Manang Mirna at umupo sa tabi niya. Hinawakan nito ang kanyang kamay—ang kamay na nanlamig na dahil sa sobrang lamig ng pakiramdam. "Señorita, alam kong masakit. Pero kailangan mong kumaen. Hindi solusyon ang pagpapagutom sa sarili," sabi nito nang marahan. Ngumiti si Allyson nang mapait. "Manang, paano ba ako kakain kung pakiramdam ko ay nasusuka ako sa lahat ng nangyayari?" Humugot ng malalim na hininga si Manang Mirna. "Alam mo, Señorita, noong bata ka pa, lagi kitang sinasabihan—ang buhay ay hindi palaging pabor sa atin. May mga bagay tayong kailangan tanggapin kahit ayaw natin. Pero iyon ay hindi ibig sabihin na susuko na tayo." "Paano ko tatanggapin, Manang? Paano ko tatanggaping ang taong mahal ko ay ikakasal sa iba? Na kahit anong gawin ko, wala akong magagawa para pigilan iyon?" "Hindi ko alam, Señorita. Pero ang alam ko, habang umiiyak ka dito, habang sinisira mo ang sarili mo sa pag-iisip, ang mundo ay patuloy na umiikot. Ang tanong lang ay kung hahayaan mo bang iwan ka nito?" Tumingin si Allyson kay Manang Mirna. Ang matandang babae ay tama. Alam niyang tama ito. Ngunit ang pagkilala sa katotohanan ay hindi nangangahulugang madali itong tanggapin. "Alam mo ba kung ano ang pinakamasakit, Manang?" tanong niya, ang tinig ay nanginginig. "Hindi ang kasal. Hindi ang arranged marriage. Kundi ang katotohanang... hindi ako sapat. Hindi ako sapat para labanan niya ang lahat. Hindi ako sapat para piliin niya." Yumakap si Manang Mirna sa kanya. "Huwag mong sabihing hindi ka sapat, Señorita. Mahal ka niya. Alam kong mahal ka niya. Pero may mga pagkakataon na kahit mahal natin ang isang tao, may mga responsibilidad tayong hindi natin kayang talikuran." "Responsibilidad," ulit ni Allyson, para bang sinusubukan niyang intindihin ang salitang iyon. "Iyon na lang ba talaga? Responsibilidad?" Hindi na sumagot si Manang Mirna. Alam na nitong walang tamang sagot sa tanong na iyon. Kinagabihan, habang naglalakad si Allyson sa may plaza ng San Vicente, narinig niya ang mga bulungan ng mga tao. Hindi niya sinasadyang marinig, ngunit dahil maliit lang ang bayan, lahat ng tsismis ay kumakalat nang mabilis. "Narinig mo na ba? Si Dark Aragon, ikakasal na raw kay Isabella." "Oo nga! Grand wedding daw iyon. Invitation-only. Puro mayayaman lang ang pupunta." "Sayang naman si Dark. Ang gwapo-gwapo, tapos mapipilitan lang sa arranged marriage." "Eh ano naman? Ganoon talaga ang buhay ng mayayaman. Pera ang importante, hindi pag-ibig." Napatigil si Allyson sa paglalakad. Ang mga salitang iyon ay parang kutsilyo na tumatarak sa kanyang dibdib. Gusto niyang sumigaw, sabihing mali sila, na alam niyang mahal siya ni Dark. Pero paano niya ipaglalaban ang bagay na hindi naman sigurado? Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa simbahan. Ang lumang simbahan ng San Vicente—ang parehong simbahan kung saan siya at si Dark ay madalas pumunta noon sakay nang motorsiklo nito. Pumasok siya at umupo sa isang sulok, malayo sa mga kandila at sa altar. Tumingin siya sa itaas, sa kisame ng simbahan na puno ng mga lumang painting ng mga santo. "Bakit po ba ganito?" bulong niya sa hangin. "Bakit naman kailangan pang dumaan sa ganito kalaking sakit?" Walang sumagot. Tanging ang katahimikan lang ang kanyang naririnig. Maya-maya, may pumasok sa simbahan. Hindi siya lumingon, ngunit naramdaman niya ang presensya—pamilyar, malapit, at masakit. Si Dark. Umupo ito sa tabi niya, walang imik. Ang dalawa ay nanatiling tahimik sa loob ng ilang minuto, parehong ayaw magsalita, parehong takot sa mga salitang maaaring lumabas. "Bakit ka nandito?" tanong ni Allyson, ang tinig ay halos pabulong. "Hinahanap kita," sagot ni Dark. "Tatlong araw na kitang hindi nakikita. Nag-alala ako." Tumawa si Allyson nang mapait. "Nag-alala? Bakit ka naman mag-aalala sa akin, Dark? May iba ka namang inaalala diba? Ito ang iyong responsibilidad, ang iyong kasal, ang iyong kinabukasan na kasama ang iba." "Allyson, please—" "Wag mo na akong pahirapan, Dark," putol niya. "Wag mo na akong bigyan ng pag-asa kung alam mong wala namang mangyayari sa atin." Humawak si Dark sa kanyang braso, pinilit siyang tumingin sa kanya. Ang mga mata nito ay puno ng sakit, ng pagsisisi, ng mga bagay na hindi nito masabi. "Kung may paraan lang, Allyson. Kung may paraan lang para hindi ko ito gawin. Pero wala. Napakahirap. Ang lupain, ang mga empleyado, ang pamilya ko—" "Ako, Dark." Tumingin siya rito nang diretso. "Ako. Nasaan ako sa lahat ng iyan? Nasaan ang nararamdaman mo sa akin sa listahang iyan?" Napatahimik si Dark. Ang mga salita ay tila nakulong sa kanyang lalamunan. "Alam mo kung ano ang mas masakit?" patuloy ni Allyson, ang luha ay kusang tumutulo. "Hindi ang hindi mo ako mapili. Kundi ang alam kong mahal mo ako, pero hindi pa rin sapat iyon para labanan mo ang mundo para sa akin." "Allyson—" Tumayo siya. Hindi na niya kaya. Hindi na niya kayang marinig ang mga paliwanag, ang mga dahilan, ang mga sorry na walang kasunod na aksyon. "Limang araw na lang, Dark. Limang araw na lang at matatapos na ang isang buwan na binigay sa akin ng Mamita ko para maghanap ng mapapangasawa." Ngumiti siya nang mapait. "Akala ko, ikaw na. Akala ko, ikaw na ang taong mamahalin ko habambuhay. Pero mukhang mali ako." "Hindi ka mali, Allyson. Ikaw. Ikaw lang—" "Kung ako lang talaga, Dark, dapat ay hindi ka papayag sa kasalang ito. Dapat ay lumalaban ka. Pero eto tayo—nandito tayo sa simbahan, nag-uusap tungkol sa katotohanang sa huli, hindi tayo ang magkakatuluyan." Tumalikod siya, nagsimulang maglakad papalabas ng simbahan. "Allyson, sandali! Hindi pa tayo tapos—" Lumingon siya, ang mukha ay basa na sa luha. "Tapos na tayo, Dark. Tapos na simula pa noong pinili mong sundin ang iba kaysa sa puso mo." At sa gabi na iyon, sa loob ng lumang simbahan ng San Vicente, tuluyan nang nawasak ang puso ni Allyson Morgan. Dahil natutunan niyang minsan, kahit gaano mo kamahal ang isang tao, may mga pagkakataong hindi kayo ang para sa isa't isa. At iyon ang pinakamasakit na katotohanan na kailanman ay kailangan niyang harapin. --- Nang makauwi siya sa ancestral house, sinalubong siya ni Manang Mirna na may hawak na sobre. "Señorita, dumating ito kanina. Mula sa Mamita mo," sabi nito. Kinuha ni Allyson ang sobre. Ang sulat ay pamilyar—ang sulat kamay ng kanyang lola. Binuksan niya ito at binasa. Mahal kong Allyson, Kung binabasa mo ito, malamang ay nahihirapan ka na sa hamon na ibinigay ko sa iyo. Alam kong hindi madali ang maghanap ng mapapangasawa sa loob lamang ng isang buwan. Ngunit hindi iyan ang tunay na layunin ko. Ang gusto ko lang, apo, ay makahanap ka ng dahilan para bumalik sa San Vicente. Dahilan para makabalik ka at mahanap ang sarili mo. Masyado mong inuubos ang oras mo sa trabaho, apo, at ito lamang ang naisip kong paraan para mabigyan mo nang panahon ang sarili mo. Huwag mong isiping nabigo ka kung hindi mo nahanap ang iyong mapapangasawa. Dahil ang totoo, ang dapat mo lang hanapin ay ang iyong sarili. Mahal na mahal kita, apo ko. —Mamita Napaluha ulit si Allyson. Pero sa pagkakataong ito, iba na ang dahilan, ang katotohanang oo nahanap niya ang kaniyang sarili, naramdaman niya ang tunay na saya dahil kay Dark, naramdaman niya ang buhay na simple lang, pero sa huli siya parin ang talo. “Tangina mo tadhana. Napaka sakit mo.” bulong niya sa kaniyang sarili, kasabay nang muling pag-agos ng kaniyang mga luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD