AMBER
Ang ganda ng pangalan ko 'no? Parang babaeng babae ang may ari. Well, babae naman talaga ako. Babae sa panlabas. Gets niyo na? Hindi pa? Okay sige, tomboy ako. As in T-O-M-B-O-Y. Babae man sa paningin ng iba, pero lalaki sa isip, sa salita, at sa gawa. Sabi nila nakakapanghinayang daw ako. Ang ganda ko raw kasi. Siguro kung babae talaga ako, magandang pakinggan ‘yung mga papuri nila na gano’n, kaya lang tomboy nga ako. Mas gusto ko na "guwapo" ang sabihin nila sa akin.
Ako nga pala ay 16 na taong gulang na. Nasa ika-apat na taon ng high school. Ordinaryong mamamayan ng Pilipinas sa paningin ng mga kaibigan ko, pero isa ang pamilya ko pinakamayaman sa Pilipinas. Nagpapakalow profile lang ako, dahil ayaw kong magaya sa mga kuya ko na sumobra ang exposure sa mundo, ayun may hydrocephalus na ata sa sobrang laki ng ulo.
“Ysabelle!” Nanay ko yan, ayaw ko man na tawagin ako sa pangalan ko na iyan, wala ako magagawa. Nanay ko pa rin ‘yan kahit baliktarin natin ang mundo.
“Bakit po, Ma?!” Sigaw ko rin.
“Bumaba ka na d’yan, nandito na si Mark. May lakad ata kayo,” sigaw niya ulit.
“Opo!” Tumakbo ako pababa ng hagdan. May lakad nga pala kami ngayon ni Mark.
Si Mark nga pala kababata ko. Alam niyan lahat ng tungkol sa akin.
“Oi Mark! Ang aga natin ah? 10 pa usapan natin hindi ba?” Bati ko sa kanya.
“Oo nga, kaya lang may dadaanan pa kasi ako mamaya bago sana tayo dumiretso kila John,” sagot niya.
“Gano’n ba? Sige tara na,” aya ko. Sumilip ako sa kusina. “Ma alis na kami,” paalam ko.
“Sige, mag-ingat okay?” Tumingin siya kay Mark, “Mark iuwi mo ‘yang dalaga ko, huh?” Bilin niya.
“Baka binata, tita,” natatawang sagot ni Mark.
Umalis na kami bago pa magreact ang nanay ko. Baka kung anu-ano na namang kadramahan ang sabihin no’n. Tsk. Ano kaya ‘yung dadaanan nitong si Mark?
“Oi Mark, ano ba ‘yung dadaanan mo?” Tanong ko.
“Hindi 'ano' sino,” sagot niya.
“Let me rephrase it,” I cleared my throat, “Sino ba ‘yung dadaanan natin?” Napangiti siya. Babae kaya? Girlfriend niya? Nililigawan? "E, bakit ka nakangiti d’yan? Girlfriend mo ba ‘yung dadaanan natin?"
“Ikaw naman selos ka kaagad. Best friend ko lang ‘yung dadaanan natin-- Aray!" Binatukan ko nga, selos daw? Hindi kami talo 'no! Asa siya!
“Lul selos ka d’yan! Hindi tayo talo 'no!”
“Guilty?” Ngumisi lang ako. Hindi ko na siya kinausap. Mauuwi lang kasi sa asaran kapag sumagot pa ako. “Manong hinto niyo na d’yan sa malaking gate,” utos niya sa driver niya. Mayamaya huminto na ‘yung sasakyan ni Mark. In fairness ang laki nitong bahay na hinuntuan namin, pero syempre mas malaki pa rin ‘yung amin. “Uy, nandito na tayo,” untag niya sa akin.
“I know, obvious naman, e,” mapang-asar na sabi ko. Bumaba na siya, kaya bumaba na rin ako. “Ano’ng pangalan ng best friend mo?”
"Ethan," matipid na sagot niya. Pinindot na niya ‘yung doorbell.
“Baka naman tunog guwapo lang pangalan niyan, tapos bangungot sa personal?” Kasi 'di ba ‘yung iba gano’n? Maganda sa pangalan pero pag nakita mo na, wala na.
“We'll see,” mayabang na sabi niya. Siguraduhin niya lang na mas guwapo sa akin ‘yun ah? Kung hindi makakatikim siya sa akin. Mayamaya bumukas na ‘yung gate, may lalaking inuluwa. ‘Yan na ba si Ethan? E, mukhang mas guwapo pa ‘yung driver namin, e! “Manong June, si Ethan po?” Tanong ni Mark.
Ay, hindi pa pala siya si Ethan, sorry naman.
“Palabas na po, Sir Mark,” sagot naman ni Manong June,
Ang tagal naman no’n, paespesyal? Kinuha ko muna ‘yung phone ko sa loob ng kotse ni Mark, nakakabagot, e. Maglalaro muna ako.
"Pare, pasensya na natagalan. Si Jaimee kasi ayaw ako tigilan, e," narinig kong sabi ng isang lalaki.
Uy, nandito na siya. Ano kayang itsura niya?
"Okay lang pare, ay, kasama ko pala si Amber ‘yung kababata ko," tinawag niya ako kaya lumabas na ako ng kotse. Hindi ko pa masyado makita ‘yung mukha niya nakatagilid kasi, e. "Amber si Ethan, Ethan si Amber." Hindi niya pa din ako hinaharap ng tuluyan, aba nakakalalaki 'to ah. Ano ba gusto niya? Away? Gulo? Gyera? Iniabot ko ‘yung kamay ko.
"Pare, ako si Amber Ysabelle Valdez," sabi ko. Humarap na rin si Ethan.
"Ethan Logan Parker. Nice to meet you, Amber," pakilala niya. Inabot niya rin ‘yung kamay ko. Shake hands.
Tinitignan niya ako mula ulo hanggang paa. Hindi alam kung maiinsulto ba ako o maiinis. Para kasing nakakalalaki na siya, hindi naman siya gano’n kagwapuhan. Mas guwapo pa din ako sa kanya.
"Akala ko ba..." Biglang tinakpan ni Mark ‘yung bibig ni Ethan. "Mmmm. Mmmm." Pilit niyang tinatanggal ‘yung kamay ni Mark sa bibig niya. Nung sumenyas siya ng thumbs up tsaka lang siya pinakawalan.
"Ano’ng problema niyong dalawa?" Nagtatakang tanong ko.
"Wala naman. Tara na, baka naghihintay na sila John sa atin," kinakabahang sabi niya. Hindi ko na sila pinansin, nauna na ako sa kotse. Sumunod naman sila. Si Mark sa unahan umupo, tapos si Ethan, saan pa ba? Syempre sa tabi ko. Malayo layo din ‘yung bahay nila John. Since tinatamad akong kausap si Ethan, hindi ako nagsasalita. "Puwede kayo mag-usap, you know."
"Mahiyain yata 'tong kababata mo, e,” natatawang sabi niya. Tama bang pagtawanan ako?
"Hindi ako mahiyain, wala lang talaga ako sa mood mag salita," walang ganang sagot ko.
"Pare, ingat ka d’yan. Mukha lang yang babae, pero lalaki yan," natatawang sabi ni Mark.
Tinignan ko siya nang masama. "Dapat ko bang ikatuwa yang sinasabi mo?"
"Ikaw naman, ang init kaagad ng ulo mo," singit ni Ethan.
Pss. Hindi tayo close ‘wag mo ako kausapin. Hindi na ako nag salita, bahala silang dalawa kung gusto nila mag usap. BV ang pakiramdam ko sa Ethan na ito. Kinukulit nila akong dalawa na magsalita habang nasa byahe, pero hindi talaga ako nag salita. Si Ethan FC. Pagdating namin kila John dumiretso kaagad ako sa drumset ko. Ito ang favorite ko kapag walang pasok. Jamming kaming magkakabarkada.
"Ethan! Long time no see ah? Kamusta America?" Nakipaghigh five si John kay Ethan. So ako lang ang hindi nakakakilala kay Ethan? Bakit?
"Wala pa din pag babago. Mas masaya pa din dito," sagot ni Ethan. Luminga linga siya. "Nnasaan si Lucifer?" Lucifer? Sino naman yun? Bago bang member ‘yun ng grupo?
"Ikaw naman masyado mo namiss si Lucifer. Teka," sabi ni John.
"James! Pare! Dalin mo na dito si Lucifer," sigaw ni Ethan. Nag nod lang si James, ano kaya si Lucifer? Pokpok? Maya maya bumalik na si James, may dalang electric guitar. "Lucifer namiss kita!" Niyakap niya ‘yung guitar. So, ayun si Lucifer? Ang OA ah, parang bakla naman 'to.
"Teka, mukhang nagtataka na si Amber kung ano ang nangyayari," puna ni Mark. Lumapit siya sa akin.
“Hindi, ‘wag niyo akong pansinin. Isipin niyo na lang wala ako dito. Hala sige mag usap lang kayo,” inis na sabi ko.
"Amber, kung hindi mo naitatanong. Si Ethan ang dati naming bokalista, since nag punta siya sa America nung nakaraang taon nawala siya," paliwanag ni Mark. Ah, kaya pala. Last year lang ako sumali sa banda nila kaya hindi ko siya naabutan. Tumango tango lang ako. "Tugtog tayo? Susundan ng Callalily. Game?" Binato ni Ethan kay Mark ‘yung gitara ni Mark.
"Game!" Tumingin siya sa akin. "Kaya mo?" Hinahamon niya ba ako? Tss. Kala niya aatrasan ko siya? ASA! Sinenyasan ko si John na ibato sa akin ‘yung drumstick ko.
"Pre, nakakalalaki naman yang tanong mo, ‘wag mo akong mamaliitin," mayabang na sabi ko. Pumuwesto na sila sa kanya kanya nilang puwesto. Si John at Mark sa bass guitar, si James at Ethan sa lead guitar. “One, two, one two three.”
“Susundan kahit san man magpunta
Di ka mawawala sa puso kong iyong iyo lamang
Di kita malilimutan...
Paalam...”
Magaling talaga siyang kumanta. Ang lamig ng boses niya, alam niyo ‘yung parang nakikinig ka ng soundtrack CD pero live. Okay ang gulo nun. Pero ang ganda talaga ng boses niya.
"Magaling ka pala," nakangising sabi niya.
Ngumisi ako. "’Wag ka muna kasing manghusga."