Chapter 4: Living with him
HINATID ako ng kuya ko sa condo ni Leandro. Tuluyan na nga akong tinakwil ni mama bilang anak. Si papa ay tahimik lang, kahit gusto niyang pigilan si mama ay wala pa rin siyang magagawa. Masyado siyang takot kaya kahit ang aking ina ay wala siyang laban.
Bitbit ni Kuya Rexus ang maleta ko at ilang beses na siyang nag-door bell ay wala man lang nagbubukas sa amin. Parang walang tao sa loob.
“Hindi mo ba alam kung ano ang passcode ng condo niya, Leighton?” tanong sa akin ni kuya. Labas-masok naman ako dati sa condo na ito. Ilang beses na rin ako pabalik-balik dito, sinubukan ang birthday ko dahil iyon ang passcode niya. Kaya lang mabilis niyang napalitan.
“Pinalitan niya po yata, kuya.” Napabuntong-hininga siya sa naging sagot ko.
“Ganoon talaga siya kagalit sa ’yo kaya pati ’yan ay papalitan niya. You know what, Leighton? You don’t have to live here with him. Kaya kong ibigay ang pangangailangan ninyo ng magiging pamangkin ko, may condo ako. You can stay there for now while you’re not yet able to work.” Hinawakan pa ni kuya ang kamay ko, na parang gusto niya akong ilayo rito. Pero ayokong sumama.
“Kuya, I want to stay here. Please, ayokong mawala nang tuluyan sa akin si Leandro. Mahal ko po siya,” nagsusumamong sambit ko. Mariin siyang napapikit at naging agresibo ang paghinga niya.
“Paano kung hindi magiging maganda ang trato niya sa ’yo? Paano kung paulit-ulit ka niyang susumbatan? At ang mas masaklap pa ay paulit-ulit niya ring sasabihin na hindi niya anak ang dinadala mo. Leighton, gagawin lang ng lalaking iyon na miserable ang buhay mo. Iba na siya sa lalaking kilala mo at minahal mo noon.”
“Wala akong pakialam, kuya. Iyon ang gusto ko! Iyon na lang ang chance ko para mapalapit ako sa kaniya at para bumalik ang tiwala niya sa akin. Kailangan kong patunayan sa kaniya na hindi ako maruming babae katulad nang sinasabi sa akin ni mama! Patutunayan ko sa kaniya na anak niya ang pinagbubuntis ko! At hindi ako nagpagalaw sa ibang lalaki!”
Dahil sa pagtaas ng boses ko ay parang kakapusin ako nang hininga, ang lakas-lakas nang tambol ng dibdib ko at ang mga luha ko ay nangingilid na rin.
Oo, nakauubos ng pasensiya ang kagaya kong nagpapakatànga, ang kagaya kong pinagsisiksikan ang sarili sa isang tao na umayaw na sa relasyon.
Ngunit ganito talaga ako, ganito ako kung magmahal. Halos ibigay ko na ang lahat sa ’kin. Hindi baleng walang matira, basta sinubukan ko. Sinubukan ko hangga’t mayroon pa akong pagkakataon.
“Leighton...”
“Hayaan mo na muna ako, kuya. Hihinto naman ako. Alam ko kung kailan ako hihinto,” anas ko pa at sa emosyong nakikita ko ngayon sa nakatatanda kong kapatid ay alam kong pagbibigyan na niya ako. At hindi na niya ako pipigilan pa.
“Make sure of that, Leighton. Tandaan mo na babae ka. Hindi ikaw ang klaseng tao na magpapaka-martyr. Kung pagod ka na, kung ayaw mo na ay alam mong kung saan ako hahanapin.” Malamig ngunit kalmado ang boses niya. Nang tumango ako ay marahan niya akong hinila upang yakapin.
“S-Salamat po, kuya,” umiiyak na sambit ko at sumubsob ako sa dibdib niya.
“Hush now. Kanina ka pa umiiyak. Bawal iyon sa ’yo ng baby mo. Help yourself, Leighton. Kung ramdam mong walang pag-asa ay subukan mong masanay na wala siya, kahit nasa iisang bubong lang kayo,” mahabang sabi pa niya na ikinatango ko lang.
Nang mahagip nang tingin ko ang taong kanina pa naming hinihintay ay lumayo ako sa kuya ko.
“Nandiyan na siya, kuya,” aniko. Sinundan niya nang tingin ang tinitingnan ko.
Hindi makapaglakad nang tuwid si Leandro, base pa lang sa hitsura niya ay malalaman mong lasing siya. Ngunit hindi rin gaano kalasing nang makita niya ako ay natigilan siya.
“You’re already here,” he said.
Hinarap niya ang kuya ko. Walang ekspresyon ang mukha nilang dalawa. Parehong matikas ang tindig nila. Alam kong wala namang pisikalan ang magaganap. Kalmado palagi si Kuya Rexus kahit halatang nagagalit siya.
“Huwag mo sanang isipin na gusto kong tumira dito ang kapatid ko. Sa inyong dalawa ay wala akong kinakampihan. Alam kong pareho kayong mahihirapan, pero sana buksan mo ang isip mo, intindihin mo ang sitwasyon niya. Take care of my sister, since she’s decided to give your relationship a try for now. However, if she reaches her limit, ako ang gagawa ng paraan, ilalayo ko siya sa iyo, maging ang anak ninyo,” mahabang paalala pa sa kaniya ng kuya ko. Hinawakan niya ang kamay nito at ibinigay ang maleta ko. “Minsan, minsan lang akong magbibigay ng pagkakataon. Huwag mong sayangin iyon, Dela Paz.”
Nilingon pa ako ni kuya, tinanguan niya ako bago siya umalis. Lumipat ang tingin ko sa lalaking naiwan ngayon kasama ko.
Hindi siya kumibo, lumapit lang siya sa pinto at pinindot ang passcode. Binuksan niya ito saka niya ako nilingon.
“Get inside,” malamig na utos niya. Huminga ako nang malalim at sumunod sa inuutos niya. “Rest in my room for now. I’ll call you later when dinner is ready.”
“Leandro, puwede bang mag-usap na muna tayo?” nagsusumamong sambit ko at hinarap ko siya. Hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. Ang hirap basahin at talagang ibang-iba na siya ngayon.
“It’s better if we don’t talk, Leighton. You know our conversation won’t go well. We’ll just end up blaming each other. For now, it’s okay that you’re here under my care, but don’t expect anything from me,” malamig na usal pa niya saka siya dumiretso sa kusina. Sinundan ko na lang siya nang tingin hanggang sa napagdesisyunan ko na lang ang magtungo sa kuwarto niya.
Nang makapasok ako sa silid ay agad akong humiga sa malaki niyang kama. Niyakap ko ang unan na nalalanghap ko pa ang amoy niya. Nangingilid pa rin ang mga luha ko.
Alam kong hindi pa rito magsisimula ang pasakit na mararamdaman ko sa hinaharap. Marami pa akong pagdadaanan at hindi ko alam kung hanggang kailan ako ganito.
Sa dami nang iniisip ko ay hindi ko namalayan na nakatulog na ako. Nagising lang ako nang makarinig ako nang sunod-sunod na katok sa pinto.
Hindi na muna ako bumangon. Dahil gusto kong ikondisyon muna ang sarili ko. Bumukas ang pinto at nagulat ako nang si Markin ang sumilip mula roon.
“Hi, gising ka na. Tara sa baba, nagluto si Lee. Hindi ka ba nagugutom? Kumain na tayo,” nakangiti niyang pag-aaya.
Hindi ko in-expect na pupunta siya rito at mukhang nalaman na rin niya ang nangyari. Mabilis na akong bumangon.
“Mark, sandali,” aniko. Hinintay niya ako sa labas. Noong una ay ngumiti pa siya, pero nang may mapansin sa akin ay sumimangot siya.
“Did you cry, Leighton?” seryosong tanong niya. Ang isang kamay niya ay nakasuksok sa bulsa ng pantalon niya. Tumango lang ako. Ayoko namang magsinungaling, eh halatang umiyak nga ako. Ang namumugtong mga mata ko ang napansin niya.
“Aray!” malakas na daing ko nang pitikin niya ang noo ko. “Para saan naman ’yon?!” inis na tanong ko sa kaniya.
“Kaibigan mo ako, Leighton. Pero hindi ka man lang nagsasabi sa akin ng mga problema mo,” naiiling na sabi niya.
“Sorry, alam kong malalaman mo rin naman, e,” sabi ko at hinimas-himas ko ang aking noo.
“Nalaman ko pero hindi mula kay Lee. Psh. Tara na, para makakain na rin ang maliit na lutos sa tiyan mo.” Napanguso ako sa sinabi niya.
Napahawak pa ako sa impis kong tiyan. “Hindi naman lutos ang baby ko, ah,” pagtatanggol ko sa aking anak.
“Just kidding.” Inakay na niya ako patungo sa kusina at naabutan namin doon si Leandro. Wala itong imik kahit noong umupo na kami ni Markin sa tapat niya. “Lee,” tawag niya rito dahil parang wala siya sa sarili.
Nakayuko lang siya, nakatingin sa platong walang laman. Isa lang ang ibig sabihin no’n. Malalim ang iniisip niya, kaya hindi na niya kami napansin pa.
“What is it, Mark?” tanong niya, ilang beses pa siyang napakurap.
“Fix your relationship with Leighton. She’s carrying your child, so try not to make things harder for her, Lee.”
“How about my feelings, Mark? Ako lang ba ang dapat na magpakahirap dito?” Napayuko ako sa sinabi ni Leandro. Bumigat lang ang dibdib ko.
“You’re a man, Leighton is a woman, prioritize Leighton’s feelings and consider her situation. But don’t think I don’t care about how you’ll feel too. For now, just try to understand her, Lee. Don’t waste this opportunity. Daddy ka na, dapat maging masaya ka. Ayusin ninyo ni Leighton ito, huwag ninyong hayaan na pati ang anak ninyo ay masasaksihan ang magulo ninyong relasyon,” mahabang saad pa ni Markin.
Kung nauna ko sigurong nakilala si Markin ay baka sa kaniya ako magkakagusto. Hindi sa ex-boyfriend ko ngayon, na hindi ko na rin alam kung ano pa ang ba ang relasyon namin ngayon.
Matiwasay naman ang dinner namin, kahit bihirang magsalita si Lee ay sinasagot naman niya si Markin kapag tinatanong na siya nito. At ang totoo niyan ay hindi niya talaga ako pinapansin.