Chapter 14: Lies
ALAM kong na-disappoint ko ang daddy ni Leandro. Si Tito Hellion lang talaga ang kakampi ko, pagdating sa pamilya niya.
Ngunit ngayon pati ang tiwala niya sa akin ay mawawala na rin. Pinili ko lang naman ang nararapat para sa amin ng anak ko.
Pagkatapos kaming ipakilala sa mga bisita ay nakita kong paalis na sila. Ang daddy niya na ang laki ng bawat hakbang para lang talaga makaalis dito.
Bumigat ang dibdib ko, hindi ko naman intensyon na bigyan siya ng hinanakit. Na makitang ma-engage ako sa ibang lalaki gayong alam niyang may anak kami ni Lee. Mahal niya ang apo niya, alam kong nasasaktan siya dahil doon.
Nilapitan ako ni Kuya Rexus at pinagpaalam niya ako sa fiancé ko. Tumango lang si Noah, hinalikan pa niya ang pisngi ko. Kahit hindi ako komportable ay binalewala ko na lang iyon. Marami pa naman ang nakatingin sa amin.
Lumabas kaming tatlo, nasa bisig pa rin ng kuya ko ang aking anak. Behave pa rin siya hanggang ngayon. Ang atensyon niya ay nasa laruan.
"Saan tayo pupunta, kuya? Hindi ba tayo babalik sa table natin?" Mabilis na sulyap lang ang ibinigay sa akin ni kuya.
May mga bumabati pa sa akin, ngumingiti lang ako bilang tugon. Pamilyar sa akin ang mukha nila, ang iba naman ay hindi na. Mabuti na lang ay wala akong narinig na negatibo mula sa kanila. O marahil iniisip din nila na anak ni Noah si Astrid.
"Gusto kang makausap ni Mr. Dela Paz, Leighton." Napatingin ako sa pinto na itinuro niya. Nandiyan din kaya si Lee?
"Nakausap mo siya kanina, kuya?" Umiling siya.
"Si papa mismo ang nagsabi sa akin. Ihatid daw kita sa labas. Sige na, pumasok ka na. Dito lang kami ni Astrid." Huminga ako nang malalim. "Huwag kang mag-alala. Wala riyan si Leandro."
Lumubo ang pisngi ko. Isa nga iyon sa iniiwasan ko na makaharap ngayon. Nakita ko kanina ang reaksyon niya. Taliwas sa iniisip ko na marahil masaya na siya.
Masaya na siya, dahil may ibang lalaki na ang aako sa responsibilidad niya bilang ama ng anak ko.
"Hindi naman po ako magpapaawa sa kaniya."
"Alam ko. Pero iyong lolo nitong si Astrid. Nakita ko kanina kung paano siya nabigla noong i-annouce ang engagement ninyo ni Noah. Magpaliwanag ka lang sa kaniya, Leighton. Maiintindihan ka naman niya. 'Di bale na kung mawala ang tiwala sa iyo ni Leandro, pero iyong sa ama niya." Tumango ako.
Pinisil ko pa ang pisngi ni baby Astrid, saka ako naglakad patungo sa isang pinto. Dahan-dahan kong pinihit pabukas at tuluyan na akong pumasok.
Entertainment pala ito, maraming upuan. Sa entablado ay may isang malaking pulang kurtina ang nakaharang doon. May mga guest siguro ng hotel ang nanonood dito.
Nahanap ko agad sina Tito Hellion at Tita Laura, pareho silang nakaupo. Nang makita ako ni tita ay napangisi siya. Kung hindi siya nakasimangot ay ganyan ang reaskyon niya sa tuwing nakikita niya ako.
"Good evening po, tito, tita," magalang na bati ko sa kanilang dalawa. Yumuko pa ako bilang paggalang sa kanilang mag-asawa.
"Leighton, akala ko ba ay maayos na kayong dalawa ng anak ko? Bakit...paanong nangyari ito? Paanong sa iba ka pa ikakasal at hindi kay Leandro? Hindi ninyo ba pinag-usapan ang tungkol sa relasyon ninyo? Paano ang anak ninyo?" sunod-sunod na tanong niya.
Nasa timbre ng kaniyang boses ang pagtataka, malamang ay hindi niya ito inaasahan. Akala niya ay maayos na ang relasyon namin ng anak niya.
"Matagal na po kaming...hiwalay ni Leandro, tito. Kahit noong hindi po po ako nakatira sa condo ay wala na po talaga. Hindi na po nag-work ang relasyon namin. Umalis na rin po kami," pag-amin ko. Wala naman akong dahilan para hindi sabihin ang totoo.
At wala na rin sa akin kung magalit man siya sa kaniyang anak. Dahil simula nang tapusin ko ang lahat sa amin ni Lee ay hindi na ako puwedeng ma-involve sa pamilya nila. Labas na ako roon.
"Ano ang ibig mong sabihin na wala na kayo sa condo ni Leandro?" usisa pa niya, desperado ang boses niya.
"Isang linggo na po ang nakalipas, tito. Umuwi na po kami sa bahay namin." Napahilot siya sa sentido niya, halatang hindi niya iyon nagustuhan.
"Hindi ka ba tinatrato ng maayos ni Lee?" Napakagat ako sa labi ko. Sasabihin ko ba sa kabila? Na para kaming hangin ng anak ko? Na bihira lang ito kung umuwi? At hindi nito sinubukan na hawakan si Astrid?
Sasabihin ko ba ang lahat ng iyon? "Tito, hindi ko na po kayang ibalik ang tiwala ni Lee sa akin. Hindi na po maayos ang relasyon na may lamat na. Pasensiya na po kung sumuko na agad ako, dahil...pagod na rin po ako. Pagod na po akong lumaban ng mag-isa." Mapait akong ngumiti.
Nakatutuwa lang, kahit mabigat pa rin sa dibdib ay hindi na ako katulad ng dati. Na madaling maiyak. Isa na itong magandang balita sa akin. Kaya ko nang maglabas ng sama ng loob na hindi na ako naiiyak pa.
"Dahil alam niya na hindi naman siya ang ama ng anak mo, Leighton. Ikaw lang ang nanggigipit sa anak ko, pinapaako mo sa kaniya ang bata. Kaya hindi na nakapagtataka kung mas lalayo ang loob ng aking anak," sabat ni Tita Laura. Ako naman ang natigilan.
Ano itong pinagsasabi niya? Na alam ni Lee na hindi siya ang daddy ni Astrid?
"Laura." Hinawakan siya ni tito sa kamay upang pigilan siya. Parang susugod na kasi siya sa akin.
Naguguluhan pa rin ako sa sinabi niya kanina. "Hindi ko po kita maintindihan, tita."
Napangisi siya. May inilabas naman siya mula sa pouch niya, nakatupi iyon nang maayos para magkasya roon.
"Tingnan mo, hon. Ito ang DNA test ng anak natin at ang batang sinasabi niyang apo natin. Eh, hindi naman siya kabilang sa pamilya natin!"
"Laura!" Dumagundong ang malakas na boses ni tito. Pulang-pula ang mukha niya, dahil lang sa kaniyang pagsigaw.
"Tingnan mo muna kasi! Negative ang DNA test result dito!"
"Bakit mo ito ginagawa?! Apo natin si Astrid!" Napaatras ako. Silang mag-asawa na ngayon ang nag-aaway. Ngunit ano ang tungkol sa DNA test? Kailan naman ito pinagawa ni tita?
Marahil ay curious din si Tito Hellion, hinablot niya ang papel na iyon at binabasa niya ang nakasulat doon.
"It was negative na hindi naman ang anak natin ang ama ng anak niya. Nag-iilusyon lang siya!" sigaw pa ni tita sabay duro sa akin.
Malinaw na ngayon sa akin, hindi niya gusto ang anak ko. Hindi niya ito tanggap sa pamilya nila.
Huwag siyang mag-alala, hinding-hindi ko na pagpipilitan pa sa kanilang pamilya si Astrid. At malayang-malaya na ang kanilang anak.
"Leighton, totoo ba ito?" tanong ni tito, mahina na ang boses niya. Wala pa man ay nakikita ko na ang pagkadismaya niya.
Puwede kong sabihin na tama ang asawa niya, na tama kung ano man ang nababasa nila sa papel na hawak nila. Puwede akong magsinungaling para matapos na ang lahat ng ito.
Huminga na muna ako nang malalim at dahan-dahan na tumango. "T-Tama ka po, tita. Hindi po si Lee ang daddy ni Astrid."
Naibagsak ni tito ang hawak niyang papel, bigla na lang siyang napaupo at kitang-kita ko kung paano tumulo ang mga luha niya.
"Tell me na nagsisinungaling ka lang, hija..." I did po, tito. Ngunit para sa kaayusan ng pamilya, para matapos na ang sumbatan at pagsisisi. I need to do this. "B-Baka may mali sa resulta, Laura. Baka hindi naman totoo ang nakasulat diyan. Apo ko si Astrid... Hindi ako puwedeng magkamali, nakikilala ko siya na parte siya ng pamilya natin."
Doon ako mas nanghina, sa narinig na pagsusumamo niya at sa paniniwala na apo niya pa rin si Astrid. Hindi naman siya nagkamali.
"S-Sorry po, tito. Nagsinungaling po ako... Masyado ko lang po mahal ang anak ninyo kaya... nagawa ko po iyon," pagsisinungaling ko. Nang makita ko na yumuko siya at umalog ang balikat ay nag-iwas na ako ng tingin.
Naaawa ako sa lolo ng anak ko, napakabait niya sa amin. Pero wala, kailangan niyang masaktan para maging payapa kami.
Naramdaman ko ang pang-iinit ng sulok ng mga mata ko. Parang may tinik sa aking lalamunan, sobrang bigat ng dibdib ko. Ayoko naman talagang magsinungaling sa kaniya, wala lang akong choice. At tama naman ito.
Niyakap ni Tita Laura ang asawa, tumalikod na ako. Hindi ko na kayang makita ang pag-iyak ni tito. Naririnig ko na rin kasi ang hagulgol niya, na hindi ko akalain na iiyak siya nang ganito.
Ngayon ay alam ko na rin ang isa sa dahilan, kung bakit nga hindi sinubukan ni Lee na kunin ang anak namin, na kahit ang buhatin man lang o kahit ang tingnan lang. Dahil akala niya, hindi niya ito tunay na anak.
Paglabas ko ay nabigla pa ako nang makita si Lee. Nakayuko siya, hindi na ako magtataka pa kung narinig niya ang usapan namin. Nilampasan ko na lang siya at nilapitan ko na lang din sina kuya at Astrid.
"Bumalik na tayo sa party, kuya," anyaya ko at napasinghot pa ako.
"Sabi ni Noah ay kung gusto mo raw umuwi ay okay lang daw. Siya na raw ang bahala kapag hinanap ka ng mga bisita," aniya. Tumango lang ako.
Inilipat niya sa akin ang anak ko. Hinalikan ko ito sa ibabaw ng ulo.
Lulan na kami ng sasakyan ng mapansin ko na wala ng pacifier si Astrid. Nakatali iyon sa neckline ng damit ng aking anak, ngunit bakit nawala?
"Kuya, tinago mo ba ang pacifier ni Astrid?" nagtatakang tanong ko. Iyong laruan na lang kasi nito ang sinusubo sa bibig.
"Hindi. Bakit?" Lumingon siya sa amin.
"Wala na po rito, kuya e. May tali po iyon, e." Kumunot pa ang noo ko. Hinanap ko rin sa damit nito, in case na natanggal iyong tali?
"Hindi ko alam, Leighton. Wala akong napansin. Hayaan mo na, bibilhan ko na lang siya ng bago."
"Nakapagtataka lang naman kasi, kuya. May tali nga iyon, e. Paano iyon mawawala?"
"Malay mo na malakas pala ang anak mo. Hinila niya siguro."
"Kuya, alam kong baby pa itong si Astrid. Pero kapag may pinahawak ka po sa kaniya ay hindi niya po iyon bibitawan. Paglalaruan niya po iyon o isusubo sa bibig niya," paliwanag ko, ngunit nagkibit-balikat lang siya.
"Bukas kahit isang dosena pa ang bilhin ko." Napasimangot ako.
"Marami siya no'n, kuya." Napapailing na lang ako. Kahit curious ako kung saan napunta ang pacifier ng anak ko ay hindi ko naman malalaman pa. Wala namang sasagot sa akin, mas hindi rin magsasalita ang baby ko.
Bago kami umuwi ay bumili pa ng pagkain sa labas si Kuya Rexus, hindi nga kasi kami nakakain ng dinner. Umuwi agad kami. Ite-text ko na lang mamaya si Noah para magpasalamat.