Dalawang linggo na ang nakalipas nang binigyan ko si Annie ng siyamnapu't siyam na libong piso na nakuha ko kay Valeria, isang talent manager.
Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balak na gastusin ang pera. Kahit na hindi na palaging kalabasa at itlog ang kinakain niya ay tipid pa rin siya sa paggastos.
Nais ko pa naman sanang bumili siya ng bagong damit na maisusuot. Sinabihan ko siya ngunit ayaw niya talaga.
"Annie, bumili ka na ng bagong damit." suhestiyon ko sa kanya habang pinapakain namin ng bigas ang mga manok. Luma at kupas na ang mga sinusuot niya at ayaw ko na makita siyang kaawa-awa.
"Naku, Terrence. Nahihiya ako sa perang pinagpaguran mo. Next time na lang."
Pinagpaguran?
Tinanggal ko lang ang pang-itaas ko para sa manyak na si Valeria.
Walang problema, Annie.
Kung gusto mo, para sa iyo, pwede ko rin tanggalin ang T-shirt ko.
Libre.
At, anu-ano na naman ang iniisip ko!
Kailangan ko pa bang pwersahin siya para bimili ng bagong damit? Baka akalain ng mga ibang Guardian Angels, pinababayaan ko siya.
"Iniisip ko na palaguin yun pera e!" pagpapatuloy niya. "Wala pa kasing tumatanggap sa akin sa trabaho kaya iniisip ko ng magnegosyo. Ano sa tingin mo?"
"Pwede rin." sinagot ko. "Ano ba ang hilig mo?"
Tumigil siya sa paglilinis ng ipot ng mga alaga niya at tumingala upang tingnan ako.
"Mahilig akong magluto. Nagtitinda ako dati ng streetfoods malapit sa school hanggang nakuha ako na assistant hairdresser sa parlor. Kung alam ko lang na masisisante rin ako, sana tinuloy ko na lang ang pagtitinda. Pero alam mo "destiny" rin e, hehe! Baka talagang sinadya na magkikita tayo, my friend! Kasi kung hindi ako pumasok sa work, hindi tayo magkakakilala."
Destiny?
Ano kaya ang ibig sabihin niya?
Tiningnan ko siya at pilit na inintindi kung ano ang parte sa amin ang "destiny". Tinakpan niya ang kanyang bibig at napansin ko na namula ang kanyang mga pisngi. Humagikgik siya at nagpatuloy sa paglilinis.
Bakit bigla akong kinilig?
Nakakahiya!
Hindi dapat niya mahalata kahit na pigil na pigil na akong yakapin siya. Totoong masaya ako na nagkita kami at nagkakilala.
"Kung gusto mong bumalik sa pagluluto at pagtitinda, susuportahan kita."
"Talaga? Kaso, Terrence...may hihingin sana ako na isa pang pabor e...hehehe!" Humagikgik siya ulit at inayos ang dayami na malapit sa kanya.
"Ano iyon?"
"A...e...mas magaling ka kasing magluto sa akin. Masarap ang luto mo lalo na yun ukoy na gawa sa kalabasa. Pwede ba na ikaw ang magluto? Tutulungan kita at kung ano man ang tutubuin, paghatian natin. Kung papayag ka lang naman, my friend."
"Ayoko." tugon ko sa pakiusap niya.
"H-Ha?" Nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Ang totoo ay nagbibiro lang ako. Maliit lang na bagay ang hinihingi niya sa akin.
"OK lang, Terrence, pero baka magbago pa isip mo..."
"Papayag ako sa isang kundisyon." pakikipagkasundo ko sa kanya.
"OK! Basta huwag mo akong ipamimigay sa mga bampira ha! Hehe!" Napatawa siya ngunit ramdam ko ang nerbiyos sa boses niya. "Naaalala ko pa rin sila. Na-trauma ako. Grabe!"
Napansin ko nga na mas naging magugulatin si Annie noong mga nakaraang araw. Takot pa rin pala siya.
"Huwag ka ng mag-alala. Babantayan kita." paniniguro ko. Lumapit ako sa kanya at tinulungan siya na maglinis. "Walang makakapanakit sa iyo."
Kung sino man ang magtangkang ipahamak si Annie, sisiguraduhin ko na ibabaon ko siya kung saan ang hiyaw niya ay hindi maririnig at hanggang sa nanaisin na lamang niya na maglaho o mamatay.
"Thank you sa pag-aalala, Terrence. Ano nga pala ang kundisyon mo para magluto ka?"
"Kung bibili ka ng bagong mga damit. Ang papangit na ng mga suot mo." mabilis kong sinagot.
"Pangit? Grabe ka naman makapangit, wagas!" napabulalas siya sa pagsasalita at napalo pa niya ng mahina ang braso ko.
"Magbihis ka na at bibili tayo ng damit mo." pag-aya ko sa kanya. Gusto ko rin naman na lumabas at maglibang kami. Malapit lang ang mall pero ni minsan ay hindi man lang siya nagawi roon.
"Pero, magluluto ka? Promise? Baka pwede na pati yun lumpiang gulay at banana cue na rin. Sarap e!" pangungulit niya.
Kanina ay ukoy lang, ngayon may mga dumagdag pa.
"Oo na." pumayag na ako at baka anu-ano pa ang maisip niya.
Si Annie talaga.
Likas ang pagiging malambing kaya napakadali para sa akin na pagbigyan siya.
"Sige!" Nagmadali siyang naglakad patungo sa bahay upang magbihis.
"Bagay ba?" tinanong niya ako habang suot-suot ang blouse na may kakatwang disenyo na dilaw sa gitna at napakaluwag na pantalon. Parehong pula ang kulay ng napili niya na pang-itaas at pang-ibabang kasuotan. Umikot siya at pinagmasdan ang sarili sa salamin ng isang boutique ng mga damit.
May mali sa fashion choices ang babaeng ito.
Paano ko kaya sasabihin na napakapangit ng suot niya na hindi siya masasaktan?
Nakakataba ang damit niya.
Hindi siya mataba pero kung sino man ang nagdisensyo ng damit ay isang henyo upang magmukhang malaki ang tiyan ng magsusuot noon.
Sa lahat ng ayaw ng mga babae ay ang masabihang mataba sila. Baka sumiklab ang World War III kapag narinig nila ang salitang "mataba". Maaaring ang mabait na si Annie ay matadyakan pa ako sa mukha ng hindi inaasahan.
Ganito kaya.
"Huwag iyan. Mukha kang jumbo hotdog." pagsasabi ko ng totoo na hindi sinasabing mataba siyang tingnan sa kasuotan niya.
Nagseryoso ang mukha niya sa sagot ko.
"Ha?"
Nagsitinginan sa akin ang mga kababaihan na nasa boutique at akala ko ay papatayin nila ako. Ang mga mata nila ay maihahalintulad sa isang punyal na maaring tumagos sa aking puso.
"Pogi nga pero ang sama ng ugali. Sabihan ba naman na "mataba" ang girlfriend. Hmph!" narinig ko na inusal ng isang babae sa nanay niya. Nagsisunuran na magkomento ang mga mamimili.
"Ungentleman!"
"Sayang ang kagwapuhan. Ang yabang!"
"Maganda lang, bulok ang ugali!"
"Pweh!"
"Turn-off! Akala ko fafa!"
Tama na!
Ang sakit niyo naman magsalita!
Alam ko naman...
Na gwapo ako.
Este, na nagkamali ako.
Ang tagal ko kasing nakulong sa impyerno kaya nawala sa sistema ko ang pagiging mabait. Makapagbasa nga ng libro na "How to be a Gentleman 101" kung mayroon man.
Naghintay ako ng mura o irap mula kay Annie dahil sa sinabi kong hindi kaaya-aya. Baka nga masampal pa niya ako.
"H-Hotdog? Mataba ba ako? May bilbil na yata ako, Terrence. Hehehe! Dapat longganisa!" natatawa niyang sagot. Taliwas sa reaksyon niya ang inaasahan ko.
"Hindi. Fat-free sausage." sinagot ko sa pinakamalambing na makakaya ng aking tono.
"Ay, local lang ako, longganisa na lang."
"Kahit anong suot mo, bagay sa iyo." pagtatangka ko na ayusin ang sinabi ko kanina. "Ito na lang kaya? Mas bagay sa pangangatawan mo." Pinakita ko sa kanya ang isang bulaklakin na blouse at asul na jeans. Nagningning ang mga mata niya at lumapit sa akin.
"Ang ganda!" Agad niyang tiningnan ang pricetag. "Ay, mahal."
Hinawi ko ang kurtina ng fitting room para pumasok na siya. Nag-atubili siya na magsukat muli. "Sige na."
"Sabi mo e!" Bumalik siya muli sa fitting room. Makalipas ang ilang minuto ay hinawi niya ang kurtina. "Bagay na ba?"
"Wow. Sexy. Hourglass." sinabi ko sa aking isipan ngunit wala akong lakas ng loob na aminin ng harapan sa kanya. Natakot ako na baka totoong masampal na niya ako kapag nalaman niya ang iniisip ko.
Nag-OK sign na lang ako gamit ang aking kamay.
"Hindi ba parang hapit na hapit?" pagtatanong niya sa akin. "Bakat ang b*a ko." Prankang sinabi niya sa akin. Hindi lang b*a ang bumakat, pati cleavage niya. Ramdam ko ang pagbilis ng t***k ng aking puso dahil sa magandang tanawin. "Size Large na lang! Pakikuha naman para sa akin, Terrence."
Halu-halo na ang emosyon ko dahil sa mga sinasabi at kinikilos niya. Pakiramdam ko ay nagde-date kami at boyfriend niya ako.
"Sir, ang sweet niyo naman na boyfriend." sinabi ng isang saleslady na nasa likuran ko.
Boyfriend?
Hindi.
Mag-iisang buwan pa lang kami na magkakilala.
Monthsary ba tawag doon?
Pwede.
Nang humarap ako sa babae ay napaurong siya at natulala. "A-Ang swerte talaga niya."
"Pakikuha ang medium size nito." tinuro ko ang damit na suot ni Annie.
"Large, Terrence, size large!" pahabol niya.
"Ayos na ang medium." sinabi ko sa kanya na may kasamang ngiti at kindat. Alam ko na hindi na niya ako mahihindian.
"OK! Heto na para sa girlfriend mo." Iniabot sa akin ng saleslady ang blouse.
"Hehehe!" Nagtatawa na lamang si Annie sa fitting room. "Hindi ko siya boyfriend. Kaibigan ko lang siya."
"Naku, Ma'am, huwag mo ng pakawalan iyan!"
"Hehe! Friends lang talaga kami!"
Friends. Na-friend zone ako.
Ouch.
Ang sakit, Annie.
Umasa ako.
Joke lang.
Pero, na-hurt talaga ako.
Lumayo ka ng kaunti at baka mahalikan kita sa inis.
Pagkatapos naming mamili ay nagpasya kaming magtungo sa park upang kumain. Malinis iyon at maraming mga makukulay na bulaklak sa paligid kaya magandang pagtambayan. Umupo kami sa malinis na damuhan.
"Kumain ka na."
"Hindi ako nagugutom." tugon ko sa kanya.
"Weh? Sa haba ng nilakad natin hindi ka nagutom?" Kinuha niya ang tinidor, tinusok ang beef steak at inilapit sa bibig ko.

"Annie, anong ginagawa mo?" nahihiya ko na tinanong.
"Kain na. Ang hina mong kumain at baka magkasakit ka."
"Mamaya na."
"Sarap nito. Yum!" pamimilit niya.
Ayaw ko ang lasa ng baka. Pero para sa kanya, pikitmata kong isinubo ang lintik na steak.
Ang sama ng lasa!
"Isa pa." pangungumbinsi niya. Umiling na ako. Hindi ko talaga kaya ang mapait na lasa ng beef na iniiwan sa dila ko. Sa pag-iwas ko ay nabahiran ng sauce ang labi at pisngi ko.
"Oops!" Kumuha siya ng tissue at pinunasan ang pisngi ko. Hinawakan ko ang kamay niya upang tumigil siya.
"Ako na." pagpigil ko sa kanya.
Nagkatitigan ang aming mga mata. Kapwa kami nailang kaya ako na mismo ang umiwas ng tingin.
"Nainis ka ba? Sorry. Ayaw ko kasi na magutom ka." paghingi niya ng paumanhin.
"Hindi ako naiinis. Sobrang bait mo at maalaga. Nahihiya na ako."
"Hala! Ikaw nga ang mabait e!"
"Ikaw..."
"Ikaw nga..." napahagikgik na siya ng tuluyan. Napakaganda niyang tumawa. Nakakahawa ang positibo niyang pag-uugali. Pinagmasdan ko ang maaliwalas niyang mukha at hindi ko napigilan na ngumiti rin.
"Annie...may sasabihin sana ako."
"Hmm?" sagot niya sa akin habang sumisipsip siya sa straw na nakalagay sa isang baso ng softdrinks. "Ano 'yun?"
"Sana...sa pagkakataong ito..hayaan mo na alagaan din kita..." sinambit ko sa kanya ng walang alinlangan. Sa abot ng aking makakaya at kapangyarihan, nais ko na masiguro na siya ay ligtas at masaya.
Napalitan ng pagtataka ang ngiti sa mukha ni Annie. Dahan-dahan niyang tinanggal ang kamay niya sa pagkakahawak ko. Kumuha siya ng isa pang tissue at pinunasan na ang labi ko.
"Hindi ako sanay na inaalagaan kasi bata pa ako, napabayaan na ako ng tunay kong tatay at namatay kaagad ang nanay ko. Ganito na lang! Alagaan natin ang isa't-isa tutal friends naman tayo!"
Tumango ako at hinaplos ko ang ulo niya bilang tugon. Napangiti siya na parang bata at yumakap sa akin. Ang saya ng pakiramdam ko at akma ko na sanang yayakin din siya subalit...
"Aha! Nagde-date!" Bigla na lamang bumulaga sa harapan namin si Benjie na naka-abito pa.
Bwiset.
Istorbo!
"Huwag naman masyadong PDA. Bakit ba ang mga tao ngayon mapupusok? Eye to eye lang kiss na kaagad. Pangsampu na kayong nakita ko rito na nagPDA. Puro teenagers, sumali pa kayo na adults! Bad example kayo. Remember, true love waits!" panenermon niya sa amin.
May "true love waits" pa siyang nalalaman.
Sarap mong suntukin, Benjie!
"Father naman, yakap lang e. Dyahe! Ikaw kasi, Terrence!" Tinulak niya ako ng malakas at muntik na akong napahiga sa damuhan. "Friendly hug lang po iyon!"
"Friendly? Sige nga, hug mo rin ako." pabirong sabi ni Benjie.
"Sige ba!"
"Biro lang! Sige, hug mo na ulit si Terrence." biglang bawi niya ngunit tumayo na si Annie at lumapit sa kanya. Niyakap niya ng walang pagdadalawang-isip ang pari. Nagulat si Benjie at napahawak pa sa krus na suot niya. Napa-sign of the cross din siya.
"Namiss ko tuloy ang kapatid ko na si Bianca. Ganyan din siya ka-sweet." naalala niya na may halong kalungkutan.
"Ang swerte naman ng kapatid mo sa iyo." masayang sinabi niya. "Sana may kuya rin ako."
"Ituring mo rin ako na kuya mo kung gusto mo."
Kuya?
Imposible.
Halatang kilig na kilig si Annie kay Benjie. At, kahit na pari siya ay lalaki pa rin. Hindi ko maikaila na parang bagay nga silang dalawa.
Paglalayuin ko sila!
Akin si Annie!
Lumapit na rin ako at pasimpleng hinila ang abito ni Benjie upang siya ay mapabitaw na sa pagkakayakap ni Annie. Humarang ako sa pagitan nila.
"Hindi ka pa ba magmimisa? Alas-dos na ng hapon."
"Alas-kwatro pa iyon."
"Maliligo ka pa, hindi ba? Amoy araw na po kayo, Father."
Napaamoy tuloy siya sa manggas at kwelyo ng abito niya. "Ang bango ko kaya. Amuyin mo man." Itinapat niya ang kanyang pulso malapit sa aking ilong. Umiwas ako at mabilis na hinawakan ng napakahigpit ang kanyang braso. Kung hindi siya bampira ay malamang nabalian na siya.
Napansin ko ang pagkainis niya nang napangisi siya na may halong angas. Huminga siya ng malalim upang kumalma. Hinawakan niya ang balikat ko at binaling ang atensyon niya kay Annie.
"May simpleng salu-salo ngayon sa simbahan. Tara!"
Inilahad niya ang kamay niya upang ayain siya. "Sabay-sabay na tayong maglakad, kasama ang ilang mga kabataan na naimbita ko papunta roon. Merienda, misa, pagkatapos, dinner na."
Lumawak ang ngiti ni Annie at tipong sasama na kaya inunahan ko na siyang sumagot.
"Susunod na lang kami."
"OK." pagpayag ng makulit na pari. "Hihintayin ko kayo. Annie. Terrence..." Itinuro niya ang dalawang mata niya at para bang binabalaan niya ako at sinasabing, "I'm watching you!". "Alagaan mo si Annie. Parang kapatid ko na iyan." binilin niya bago tuluyang naglakad palayo sa amin.
"Ang cute niya." patili na sinabi niya. "May crush na yata ako kay Father. Hindi naman siguro masama. Crush lang e! Bakit kasi ang pogi niya? Patawad, Lord!"
Yamot na yamot ako na pinagmasdan siya na parang bulate sa kilig. Hindi kaya siya kinikilig din kapag kasama ako?
Kahit kaunti lang...
"Tara, pasyal tayo sa playground." sinabi ko para maiba na ang usapan namin.
"Gusto ko iyan! Sa swing." Hinila niya ako at nagtungo kami sa palaruan. Umupo siya sa may swing at tinulak iyon patalikod gamit ang mga paa niya. "Push mo, dali!"
Sumunod ako sa sinabi niya at dahan-dahan na itinulak ang swing. Maingat ako dahil kapag napalakas ay baka makarating siya sa buwan.
Tuwang-tuwa siya habang umaangat mula sa lupa.
"Yahoo! Sarap sa feeling!"
Nagsitinginan ang mga batang naglalaro rin.
"Nagde-date o!" sigaw ng isang uhuging batang lalaki. "Hahaha!"
"Ang ingay ko! Sa slides na nga lang tayo. Mas kaunti ang tao!" nahihiyang sinabi ni Annie. Tumakbo siya sa tagong bahagi ng palaruan at umakyat sa hagdanan ng slides.
Madilim-dilim na nang nakaramdam na ng pagod si Annie sa kaka-slide.
Salamat naman.
Kanina pa ako ninenerbiyos dahil maling pagdulas lang ay baka maaksidente siya. Kakambal kasi niya ang kamalasan.
"Ginabi na tayo. Makakahabol pa kaya tayo sa simbahan?" tanong niya sa akin habang naglalakad kami pauwi.
"Late na."
"Kahit saglit lang. Nakakahiya kay Father Benjie."
Nais pa talaga niyang magpunta sa salu-salo. Makaisip nga ng paraan para maalis na sa isipan niya ang damuhong na pari.
"Kain tayo. Sa McDo?"
"Kakain ka na?" nagliwanag ang mga mata niya. "Totoo ba yan?"
"Oo. Kahit BigMac pa iyan at Large Fries and Drinks, gusto ko ang mga iyon." pagsisinungaling ko.
"Take out na natin. Favorite ni Tita Watty yun sundae. Tapos, kwentuhan tayo sa may hagdanan."
"Sige." Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko.
Nagtagumpay ako.
Naiwaglit ko sa isipan niya si Benjie.
Kahit na anong mangyari ay hinding-hindi ko ilalapit si Annie sa kanya o kung sino pa na nilalang na maaaring agawin siya mula sa akin.
Para sa akin lamang ang babaeng may dalisay na kaluluwa. Aaralin ko ang lahat ng nakakapagpasaya sa kanya.
Paano ba magplano ng date?
Mapag-isipan nga...
Author's Note:
Nagutom ba kayo?
Sorry, puro food nasa isip ko nang sinulat ko ito.
Salamat sa pagbabasa.