"Hik!"
Biglaan na lang akong sininok.
May nakaalala yata sa akin.
O baka masyado lang marami akong nahigop na hangin kahapon dahil sa kakahinga ko ng malalim upang makapagtimpi.
Magtimpi upang hindi ibaon sa ilalim ng lupa ang nakakainis na pari!
Hindi pa rin ako mapakali sa kinilos at mga sinabi ni Benjie kahapon.
Sino kaya talaga siya?
Bata pa siya na bampira at hindi naman mukhang masama. Kung natitiis niya na hindi uminom ng dugo ng tao, marahil ay mabuti naman siya.
Mamaya ko na nga siya isipin. Magbabasa muna ako nang ma-update sa mga bagong pangyayari sa siglong ito.
Kinuha ko ang magazine na pinahiram sa akin ng kapitbahay namin na si Mang Berting. Siya lang ang palakaibigan sa aming mga kapitbahay at hindi mapanghusga.
"Hik! Ang sakit naman. Hik!"
Ayaw ko ng sinisinok. Pakiramdam ko ay mababalian na naman ako ng tadyang. Hindi ito nawawala sa akin sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig. Masamang ideya naman na gulatin ako.
Bahala na.
Mawawala rin ito.
Binuksan ko ang babasahin upang makapaglibang muna. Masyado pa kasing maaga upang magluto ng agahan.
"Hik-"
Naisara ko bigla ang magazine at nawala ang aking sinok dahil sa gulat.
Sino iyon?
Tukso, layuan mo ako!
Hindi.
Halika, lumapit ka.
Unti-unti kong binuksan ulit ang babasahin at tinitigan ang mala-diwatang babae. May pagkakahawig siya kay...

Annie?
Nanlalabo na ba ang mga mata ko?
Bakit kahawig niya si Annie?
A. Di hamak na mas maganda siya. Kahit ilang beses maligo si Annie ay hindi niya maabot ang level ng napakagandang artista at modelo na ito.
Angel Locsin pala ang pangalan, ha.
Match tayo, angel din ako.

Parang biglang uminit.
Si Berting talaga.
Bad influence.
Ipagpapatuloy ko na sana ang pagbabasa nang narinig ko na nagsiputakan ang mga alagang manok ni Annie. Dahan-dahan akong lumapit sa may bintana at sumilip sa may siwang. Tumahimik ang paligid. Mas lalo akong nagduda at nabahala.
Si Annie!
Kailangan ko siyang puntahan at baka may masamang-loob na pumasok sa bahay. Lalabas na sana ako ng kwarto nang may sumipol.
Sinisipulan ba ako?
Kamote!
Walang modo!
Agad-agad kong binuksan ang bintana upang pagsabihan at pagbayarin ang mapangahas na nilalang na sumisipol sa isang angel.
"Hoy! Anghel!" masaya niyang pagbati.
Isinara ko rin kaagad ang bintana at ikinandado pa iyon nang makita ko ang biglaang paglantad ng taong pinakaiiwas-iwasan ko.
Hindi na pala siya tao.
Isa siyang bampira.
Si Benjie!
"Buksan mo naman ang bintana, Kapatid!"
"Umalis ka na. Hindi kita kapatid."
"Kadarating ko lang, pinapaalis mo na ako. Buksan mo na kasi yun bintana." Kumatok pa siya ng mahina. "Sige na."
"Ayoko. Alis na!"
"Natakot ba kita? Alam ko naman na alam mo na bampira ako. Hindi ko iinumin ang dugo mo. Pangako. Mag-uusap lang tayo."
"Ayoko."
"Ayaw mo talaga?"
"Paulit-ulit?" nayayamot ko na tanong.
"Mataba ang mga alagang manok ni Annie. Nagugutom pa naman ako. Kainin ko na kaya si Suzy?"
"Huwag!" Binuksan ko ang bintana at pinilit siyang abutin. Mabilis siyang nakailag. Hawak-hawak niya ang kulungan kung nasaan ang mga puting manok. "Ibalik mo sila!"
"Dinig ko nga babies ni Annie loves mo ang mga ito. Matitiis mo ba na mawala sila sa kanya?"
"Loves? Hindi ko siya loves."
"Sabi mo, Pards e. Kakagatin ko na si Rosy!"
"Huwag. Itigil mo iyan! Iiyak si Annie!" pagpigil ko.
"Ganito na lang. Ibabalik ko sila kapag pumunta ka sa Simbahan mamayang gabi."
"Wala ka sa lugar upang utusan ako, Bampira. Hindi ako pupunta."
"Talaga? OK. Kung matitiis mo ang reaksyon ni Annie. Ayan na siya. Hala ka!" Tumalon siya mula sa puno na inuupuan niya at tumakbo palayo.
"Bumalik ka rito!"
Hahabulin ko sana siya nang marinig ko ang mabilis na mga yabag patungo sa aking kwarto. Dinig ko rin ang mahinang paghikbi.
"Terrence!" napakalakas na sigaw ni Annie sabay ang pagkatok na tila ba ay magugunaw na ang mundo. Sa gulat ko ay napaliyab ko ang aking unan, kasama ang magazine. Napigilan ko naman ang apoy ngunit nasunog ang pahina na paborito ko na naka-two piece swimsuit si Angel Locsin.
Tsk!
Sayang!
Nagmamadali ako na nagtungo sa may pintuan at binuksan iyon. Tumambad sa harapan ko si Annie na namumugto ang mga mata. Pinunasan niya ang mga luha gamit ang mga palad niya.
"Sina Suzy at Rosy ko....huhuhu...Terrence...nawawala!" paghihinagpis ni Annie. Sunud-sunod na patak ng luha ang dumaloy sa kanyang mga pisngi. Hinawakan niya ang manggas ng aking damit at sa lakas ng pagkakahatak niya ay akala ko, mahuhubaran na ako. "Baka patayin nila ang babies ko. Samahan mo ako ipa-barangay natin!"
Nahabag ako sa kalunus-lunos na itsura niya. Matalino rin si Benjie upang pasunurin ako sa nais niya sa pamamagitan ng pagkuha sa mga manok bilang mga bihag.
Ayokong pumunta sa Simbahan!
Hayaan ko na kayang makain sina Suzy at Rosy? Tutal, bobo naman ang mga manok na iyon at ang lakas pang maglabas ng ipot.
"Ikinalulungkot ko, Annie. Baka arroz caldo na sila ngayon." pagsisimula ko na pagpigil sa kanya na maghanap pa. "Pwede rin na tinola, chicken pastel, adobo at barbecue. Kung taga-Baguio ang nakakuha sa kanila, pinikpikan na sila. 'Yun beaten to death sila bago iluto. Mas masarap daw kasi kapag bugbog sa palo ang manok, pagkatapos ay ihahagis sila sa nagbabagang apoy."
"Terrence!" Malakas niya na pagsaway sa akin. "Hindi sila pagkain!"
Aray.
Ang eardrums ko.
Parang umabot sa utak ko ang tinis at inis ng kanyang boses.
Bakit nga ba hindi ko mapigilan ang magkuwento ng tungkol sa karahasan? Malamang ma-trauma nga si Annie kapag nalaman na sa ganoong paraan nga namatay ang babies niya.
Nakonsensya ako sa pamamaraan ng aking pananalita.
"Huwag ka ng umiyak. Ako na ang maghahanap sa mga alaga mo." sinubukan ko na patahanin siya.
"Sasama ako."
"Huwag na. Ako na ang bahala."
"Sasama ako." Mas humigpit ang pagkakahawak niya sa aking manggas. Nag-iiba talaga ang aura ni Annie kapag ang mga manok na niya ang pinag-uusapan.
Napakakulit na babae.
Kung may malas na lalaking mapapangasawa siya ay dapat sanay sa paulit-ulit na mga salita at kayang tiyagain ang matinis at malakas niya na boses.
"Para kayong mag-asawa."
Ano raw?
Asawa?
Agad-agad?
Tiningnan ko si Watty at siya ay kumindat.
"Patahanin mo na nga si Annie, honey mo." pagpapatuloy niya habang nagpapaypay.
"Tita, huwag na po kayong magbiro. Hanapin natin sina Suzy at Rosy." Tuluyan ng napahagulgol ng iyak si Annie.
"Hahanapin ko na sila. Dito ka na lang muna."
"Hindi! Pakiramdam ko, baka pati ikaw, bigla rin mawala." pagkontra niya sa pag-iwas ko na maisama siya. "Halika rito. Babantayan din kita!"
Bahagya akong napangiti sa sinabi niya.
Concerned siya sa akin.
Ang akala ko ay ang laman lang ng mundo at isipan niya ay si Watty at ang mga manok niya.
Kasama na rin pala ako.
"Tara, diyan lang naman si Chairman sa harap. Puntahan natin."
Gaya nga ng inaasahan ko, pinagtawanan lamang siya ni Chairman. Nangako pa siya na bibigyan na lang niya si Annie ng apat na sisiw upang kumalma na. Pinapili siya ng mga kulay na gusto niya.
Bigo na umuwi si Annie dala-dala ang apat na bago niyang mga alaga. May mga kulay pa sila na red, yellow, green at orange.
"Huwag ka ng malungkot. Ayan na, doble na ang mga babies mo. Ang cute nila."
"Sana bumalik na sina Suzy at Rosy." matamlay niya na tugon.
Malungkot siya na pumasok sa kwarto niya at nagkulong buong araw. Hindi man lang siya lumabas upang kumain. Hatinggabi na ay naririnig ko pa rin ang impit na pag-iyak niya.
Ibaon ko na kaya ng buhay itong si Benjie ng matapos na ang problema ko?
Pero hindi naman siya masama.
Pagbigyan ko na kaya?
Ang pride ko naman!
Masakit sa kalooban ko na magpakumbaba ang isang katulad ko na anghel dahil lamang sa mga manok.
Annie, ano ang ginagawa mo sa akin?
Bakit hindi kita matiis?
Mabilis akong napadpad sa Simbahan na pinaglalagian ni Benjie. Nakita ko siya kaagad na nasa may unahang hilera ng upuan na pinakamalapit sa altar. Nakaluhod siya at nagdarasal. Lumingon siya ng maramdaman ang presensya ko at ngumiti. Nag-sign of the cross siya at tumayo. Lumakad siya papunta sa direksyon ko.
"Terrence, the lost Archangel. Sa lahat ng mga anghel, balita ko, ikaw ang naging pinakamalapit sa mga tao. Masaya ako at nakita kita!" Inakbayan niya ako kaagad na para bang magkaibigan kami.
Lost Archangel?
Talagang nawawala ako.
Ano ba kasi ang ginagawa ko rito?
Makauwi na nga.
Pero, si Annie...
"Spy ka ba? Tigilan mo nga ako." tinanggal ko ang kamay niya sa aking balikat.
"Huwag mo ng ikaila. Kitang-kita ko ang lahat ng kabutihan na ginawa mo sa mga tao. Ang bait-bait mo nga at wala kang ere sa katawan."
Ano ba ang mga pinagsasabi niya at baka ibang anghel ang tinutukoy niya?
"Nagkakamali ka, Padre."
"Nakikita ko." Naging pula ang kulay tsokolate niya na mga mata. "Madalas kang tumulong sa mga bata na mga ulila at nagugutom. Marami kang napagaling mula sa sakit na leprosy. At, may iniligtas ka pa na mag-ina sa bingit ng kamatayan. Mismong ang pinakamalakas na anghel pa ang kinalaban mo, si Kamatayan! Cool!"
"Manahimik ka!" Lumabas ang pinakatatago ko na galit sa puso. Ang mag-ina na iyon ang dahilan ng aking pagkakataboy sa langit at hatol na manalagi sa impyerno ng dalawang libong taon.
Isang napakalaking pagkakamali na nagdulot sa akin ng poot sa sangkatauhan.
Hindi sila karapat-dapat sa awa na binigay ko. Dahil sa masamang tao ang ina ay mapupunta dapat siya sa impyerno kapag kinuha siya ni Kamatayan. Nakiusap siya ng pangalawang pagkakataon mula sa akin. Naawa ako dahil nagdadalang-tao pa naman siya noon. Iyon pala ay magpapatuloy lang ang kasamaan niya. Dahil sa kanya at ang anak niya, marami pa ang mapapahamak.
Bakit ba kasi kailangan ko pang makilala si Benjie? Pakiramdam ko tuloy ay isa siyang hukom.
Kakatwa nga dahil parang pinagtagpo talaga kami ni Ama.
Ang kapangyarihan ko na makakita ng mga kasalanan ay salungat sa kanya.
Nakikita niya ang lahat ng kabutihan sa lahat ng mga nilalang, kasama ang sa akin.
"Huwag kang magalit, Anghel." buong pagtataka na tinanong niya. "May nasabi ba akong masama?"
"Wala. Ayaw ko ng marinig kang magsalita. Huwag mong ibubuka ang bibig mo."
Yumuko siya at nagtungo sa may altar na may malaking krus na nakasabit. Nagsindi siya ng kandila at umupo.
Nanahimik kaming pareho ng mahigit isang oras. Naiilang na ako sa sobrang katahimikan ngunit ayoko talagang marinig na magsalita pa ang butihing pari.
At, isang oras pa ang lumipas.
"Ibibigay mo na ba sina Suzy at Rosy?"
Umiling siya.
"Sige na."
Umiling siya ulit.
"Hindi masarap ang dugo ng manok sa pagkakaalam ko. Ibalik mo na sila."
Nag-sign language siya gamit ang mga kamay niya.
And tugon niya ay, "Pwede na rin kapag gutom."
"Magsalita ka nga." naiirita kong inutos. Literal na sumunod ang hangal sa sinabi ko na manahimik. "Akala ko ba tutupad ka sa usapan?"
"Oo. Pero ang usapan, mag-uusap tayo. Pinatahimik mo ako e."
Lintik na pari.
Mautak din.
"May bali ang mga pakpak mo, ano ang nangyari, Terrence?" pag-uusisa niya. "Bigla ka na lamang nawala ng mahigit dalawang libong taon. Anong nangyari? "
"Bakit gusto mong malaman?"
"Nais kitang tulungan."
Napatawa ako ng pilit. Wala na siyang pakialam dapat doon.
"Tsismoso ka rin." tugon ko sa kanya.
"Sige ka, iihawin ko na sina Suzy at Rosy."
Mahirap kausap ang isa pang pasaway.
"Paano kaya naging pari ito?" tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan si Benjie. Ngumisi siya na para bang alam niya ang pinagtataka ko. Wala sa tipo niya ang maging isang alagad ni Ama at hindi basta-basta napapaikot. Nag-isip ako ng paraan upang makuha ang mga manok ni Annie.
Ayaw ko ng makita siyang luhaan!
"Hindi ba, mabait ka, Father? Ibigay mo na sila sa akin, please." pakikiusap ko. Sinubukan ko kung may epekto ang mabuting paraan ng pananalita ko.
"Ayoko. Sagutin mo muna ang tanong ko." pagmamatigas niya.
"Ano ba ang mapapala mo kapag nalaman mo?"
"E di wow!" natatawa niyang sagot.
"Ano? Pinapunta mo lang ako rito dahil sa wala? E kung ipasunog kaya kita sa impyerno?" pagbabanta ko.
"Nanggaling na ako roon. Hindi raw kami tropa ni Lucifer. Gumawa pa raw ako ng maraming kasalanan. Hahaha!" paghalakhak niya.
"Ibabaon na lang kita ng buhay." Naiinis na talaga ako sa kakulitan niya.
Pinaliligiran ako ng makukulit.
Si Annie.
Si Watty.
Sina Suzy at Rosy.
At, ngayon si Benjie!
Ang kulit-kulit nila!
"Hindi mo naman gagawin iyon." mahinahon niyang sinabi.
"Sigurado ka?"
"Oo. Kung gusto mo talaga akong ibaon, e di kanina mo pa ginawa."
Tama siya.
Ano bang meron ang pari na ito at parang hindi ko man lamang siya mautakan at matakot?
"Terrence, hindi ka nararapat na manatiling isang "fallen angel". Maniwala ka sana na nais talaga kitang tulungan. Noong nagpari ako, pinangako ko sa aking sarili na sisikapin ko na ayusin ang mga tao o iba pang nilalang na nagkamali ngunit gusto ulit magbalik-loob sa Diyos. May dahilan kung bakit ka nagkakaganyan, hindi ba?"
"Pwede ba sa ibang araw na lang natin pag-usapan?" pag-iwas ko dahil hindi ko pa rin siya pinagkakatiwalan kahit na nakikita ko na hindi siya masamang nilalang.
"OK. Isang tanong na lang." Mabuti at nakahalata siya na hindi pa ako handang magsabi sa kanya. "Bakit gusto mo na maibalik yun mga manok?"
"Para kay Annie."
"Mahal mo?"
"Hindi. Akala ko ba isang tanong lang?"
"Halata ka masyado. Nababagay ang pangalan mo na Terrence na ang ibig sabihin ay "heart". Dahil likas ka na mapagmahal, may pag-asa ka pang magbago. Simulan mo sa pagdarasal ng sampung "Ama Namin". Pagkatapos ay ibabalik ko na ang mga alaga ni Annie. Deal?"
Naapakan na naman ang "pride" ko. Sa lahat ng mag-uutos sa akin na magdasal ng "Ama Namin" ay sa bampira at pari pa. Malamang pinagtatawanan na ako sa langit dahil sa mga ginagawa kong kahiya-hiya upang mailigtas lang ang mga manok ni Annie.
"Hindi ko siya mahal." pagtanggi ko.
"Mahal mo." pagpupumilit niya. "Deny to death ka pa e. Bilis. Magdasal ka na." Hinawakan niya ako sa balikat at s*******n na pinaluhod. Napakalakas niya para sa isang bampira.
"Sampu? Pwede ba na isa lang?"
"Lima?" pagtawad niya.
"Dalawa." pagtawad ko rin. "Tapat na."
Nag-isip siya at tumingin sa itaas.
"O sige." pagpayag niya.
Pagkatapos kong magdasal ay inilabas niya sa ilalim ng altar ang kulungan na naroon sina Suzy at Rosy. Iniabot niya ito s akin.
"Ayan. Matutuwa na si Annie. Very good ka, Terrence."
Kinuha ko ang kulungan at mabilis siya na tinalikuran. Nang buksan ko ang pinto ay napansin ko ang nakapaskil na anunsyo sa may bulletin board.
Welcome!
Reverend Father Benjamin Armand Torres
Sandali.
Kaanu-ano kaya niya ang babaeng minahal ko na si Bianca Ann Torres?
Hindi kaya kapatid niya?
Kaya pala magkahawig sila.
Lagot!
Hindi dapat niya malaman na ako ang nanligaw sa bunso niyang kapatid.
Malupit daw ang kuya ni Bianca at istrikto sa mga nagtangkang manligaw sa kanya. May isa raw siyang nailublob ang ulo sa maruming Ilog ng Pasig dahil hindi niya nagustuhan ang pananalita at may imahe na playboy.
Sa pagkakakuwento niya, "bad boy" nga ang kuya niya na palaging napapaaway noong teenager pa siya. Maangas nga raw at parang galit sa mundo. Hindi nila inasahan sa buong pamilya na magpapari ito at magpapakabait.
May mga milagro nga!
Ngunit, malaking problema ito.
Nakaramdam ako ng bahagyang takot sa kuya ni Bianca.
Bakit nga ba sadyang kinatatakutan ang mga "kuya"?
Maaring mabait si Benjie ngayon pero kapag nalaman niya ang mga kasalanan ko sa kapatid niya ay baka magkadelubyo.
Baka lunurin niya ako sa Pasig River!
Diyos ko po!
Iligtas Niyo po ako!
Mabaho at kadiri roon!
"Sige, Father, uuwi na ako. Thank you po sa mga manok." pasasalamat ko ng buong galang.
"Bakit parang namutla ka? Magpahinga ka kaya muna?" Akmang lalapit pa siya kaya mabilisan na akong nagpaalam.
"Hindi po, Padre. Bye!" Halos patakbo na akong lumayo mula sa kanya.
Lumipad ako pabalik sa bahay nina Annie. Maingat ko na pinakawalan sina Suzy at Rosy sa kanilang munting tahanan. Tahimik silang bumalik sa kanilang mga pugad. Kuntento ako na isipin na matutuwa siya kapag nakita muli ang mga "babies" niya.
Mag-aalas sais na ng umaga nang kumatok si Annie sa pintuan ko. Nang binuksan ko iyon ay nakita ko siya na umiiyak.
Kinabahan ako.
"Terrence! Ang mga manok ko! Huhuhu!"
Nag-alala ako kung bakit. Nakahinga ako nang maluwag nang malaman ko na umiiyak siya dahil sa galak.
Itinuro niya ang mga alaga niya na malayang naglalakad sa loob ng bahay. Naglabas ng ipot si Rosy at inapakan iyon. Kumalat ang dumi niya sa sahig na kalilinis ko pa lang. Nagsisisi na yata ako sa pagsagip sa kanila. Naroon din ang apat na makukulay na mga sisiw.
Napayakap siya sa akin ng mahigpit. Nang tumingala siya upang masdan ako ay kitang-kita ang napakasaya niyang mukha. Nagniningning ang mga mata niya sa sobrang tuwa.
"Nakikinig si Lord sa mga prayers, Terrence. Napakabuti Niya!"
"Sa palagay mo?" tanong ko sa kanya.
"Totoo! Dali! Magcelebrate tayo!" Hinila niya ako palabas ng kwarto. "Magluluto ako ng spaghetti!"
Kakaibang tuwa ang naramdaman ko. Sa totoo lang ay wala akong pakialam sa mga manok kahit na maging fried chicken pa sila.
Si Annie.
Nais ko na siya ay laging maayos at masaya.
Marahil ay tama nga si Benjie.
Baka nga likas sa akin ang maging mapagmahal.
Sana nga lang ay hindi na ako magkamali muli.