Umusog ako palapit sa may pintuan ng aking kulungan. Lumagitik ng bahagya ang kadena na nakapalibot sa aking mga braso. Tumingin ako sa itaas kung saan nagmumula ang kaunting liwanag at maaring maging lagusan papasok sa kuweba kung saan ako pinatapon. Naiinip na kasi ako sa aking kinaroroonan at naghihintay ako ng kahit kaluluwa man lang sana na maligaw upang makakwentuhan ko.
Kahit sino, ayos lang.
Mababaliw na ako sa sobrang katahimikan!
Mga ilang oras ang lumipas ngunit nabigo akong makahanap ng kausap. Babalik na sana ako sa sulok nang may nakakabulag na ilaw ang bumaba papunta sa aking direksyon.
Totoo pala ang kasabihang, "Be careful with what you wish for".
Lumapit sa akin ang anghel na ayaw kong makasalamuha. Puno ng panlalait na tinignan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Alam mo ba kung kaninong dugo ang nasa aking mga kamay? Hulaan mo." Ngumisi siya at pinagmasdan kung ano ang reaksyon ko dahil alam niya na nakikita ko sa mga kasalanan niya ang nakapanlulumong sinapit ng aking kapatid. "Kay Michael! Ang bait talaga ng mga kuya mo upang saluhin ang tig-isang libong latigo na dapat ay natanggap mo pa."
"Masaya ka na ba?" tinanong ko siya ng mahinahon kahit na nais ko ng tumangis dahil sa nangyari sa mga kapatid ko. Kahit na malapit ng bumigay ang katawan ko dahil sa ginaw at mga sugat ay pinilit ko na magpakatapang at magpakatatag sa harap ng pinakamasamang nilalang sa sanlibutan.
Si Lucifer.
"Oo naman! Pinahintulutan ako ni Azrael na bumalik sa langit upang maibuhos ang lahat ng galit ko kay Michael. Ang kapatid mo ay nagkukunwaring mabait pero ang totoo ay sabik siya na makuha ang posisyon ko bilang heneral sa langit. Akala ko nga ay mapapatay ko siya ngunit malakas din siya. Pero, halos lantang gulay na lang siya pagkatapos ko siyang ilatigo kaya masayang-masaya ako." paglalahad niya na wari ba ay natural lang sa kanya na manakit at pumatay ng kapwa anghel.
"Hindi ako naniniwala. Nais ni Michael ng tahimik na pamumuhay at kung hindi mo lang sana ninais na maging diyos ay hindi ka sana pinalayas. At, kahit mapatay mo pa kaming lahat ay hindi ka pa rin magiging masaya. Hindi ka marunong makuntento sa kapangyarihan. Puro poot ang laman ng iyong puso."
"Nagsalita ang itinakwil na katulad ko! Huwag na kayong magmalinis pa!" may pagkainis na sinabi niya sa akin. Alam ko na matagal na niya akong pinag-iinitan dahil hindi niya ako mapasunod sa mga utos niya na hindi nararapat. Kahit na inalok ako ni Lucifer bilang kanang kamay niya sa pamumuno ng mga rebeldeng anghel ay inayawan ko siya. Na kay Ama at sa aking mga kapatid ang katapatan ko. "Kung ba naman sumama ka na sa akin noon pa, sana hindi ka na nakaranas ng ganyang kahihiyan. Ngayon, ako ang magtatanong sa iyo, masaya ka ba sa lagay mo? Umamin ka."
"Hindi." pagsasabi ko ng totoo. Sa katunayan ay galit ako kay Ama at sa lahat ng dahilan ng pagkakakulong ko.
"Ayan naman pala. Ganito. Maaari kong gawin na mas maayos ang buhay mo riyan sa kulungan mo kung sasama ka sa akin kapag nakalaya ka na. Gagawin kitang pangalawang pinuno rito at ibibigay ko sa iyo ang anim na pinakamagagandang isla sa mundo." panunudyo niya. "Sa iyo ko lang ito inaalok dahil mapapakinabangan kita. Ano, happy ka na? Deal?"
"Nagpapatawa ka ba?" Nainsulto ako sa ginagawa niyang pagtukso sa akin. "Hindi ako masaya pero hindi ako miserable katulad mo. Iwanan mo na ako."
"Sa ating dalawa, ikaw ang mukhang miserable. Kaawa-awa ang lagay mo. Nasaan na ang tinuturing mo na pamilya?" Pinamumukha niya sa akin ang kalunus-lunos na kalagayan ko. Magaling siyang mangumbinsi na kaawa-awa ang isang nilalang at ginagamit niya ang kahinaan noon upang mapabagsak ang katiting na kumpyansa sa sarili. Natutuwa siya kapag nalulugmok sa desperasyon ang pinahihirapan niya.
Isa siyang s*****a.
Ngunit, gaya nga ng nabanggit ko ay wala sa bokubularyo ko ang pagsuko sa mga hamon.
"Mas nakakaawa ka." paglaban ko sa masasakit na salita niya. "Walang nilalang ang magmamahal at magsasakripisyo para sa iyo. Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Ang mga anghel at demonyo na kampon mo? Hindi man lang sila malulungkot kapag nawala ka rito. Ang mga kapatid ko, mahal nila ako. Napakaswerte ko. Lilipas din ang kaparusahan ko at alam ko na may babalikan akong pamilya. Ikaw? Wala na."
Nag-iba ang ekpresyon niya mula sa pagiging arogante ay nabagabag siya. Tumagos ang mga salita ko sa kaloob-looban ng kanyang espiritu.
"Sigurado ka bang mahal ka nila? O, pinaglalaruan ka lang nila dahil may silbi ka sa kanila?"
"Oo, mahal nila ako. Nararamdaman ko." walang alinlangan ko na pinahayag sa kanya. "Hindi sila katulad mo na taksil. Pinatay mo pa ang mga kakampi mo upang makuha ang enerhiya nila. Masyado kang sakim sa kapangyarihan. Mababa kang uri ng anghel. Sana ay inapakan din kita sa ulo katulad ng ginawa ni Michael sa iyo, ahas ka!"
Napahalakhak si Lucifer sa mga sinabi ko. Mas lalong nanlamig ang paligid at isang malakas na hangin at niyebe ang umihip sa amin. Nahintakutan ang mga tsismosong demonyo na nagmamasid sa itaas ng kweba.
"Kung walang harang ang kulungan mo ay ako mismo ang magpapahirap at papatay sa iyo." pagbabanta niya. Ang mga asul na mata niya ay nagmistulang nagbabagang mga uling sa galit niya sa mga pahayag ko.
"Nasaktan ka ba na tinawag kitang "ahas"? May pakiramdam ka pala Luci!" panunuya ko. Nais ko na patamaan ang kanyang "pride" dahil iyon ang kahinaan niya. "Sa katunayan nga ay natutuwa na rin ako sa lugar na ito. Dito yata ako nararapat na maghari kaya pinadala ako ni Ama rito. Kapag nanumbalik ang lakas ko at dumating ang araw na palayain ako, gusto mo bang maglaban tayo para sa trono ng impyerno? May mga naiisip na nga ako na pagbabago dahil hindi ako sang-ayon sa mga baluktot na batas mo rito..."
Tinalikuran na niya ako at naglakad palayo. Halatang iniiwasan niya na marinig pa ang aking sasabihin tungkol sa pamumuno sa impyerno. Tumigil siya at lumingon muli sa direksyon ko. Nakakapanghilakbot ang ngiti sa kanyang mga labi na tila ba ay nawala na ng tuluyan ang pagiging banal niya bilang isang anghel.
Siya ang tunay na "Diablo".
"Oo nga pala." natigilan siya at bumalik sa normal na kulay ang kanyang mga mata. "Napakaganda ng ate mo na si Barachiel. Matagal ko na siyang pinagnanasaan kahit na pinagbabawal iyon sa atin. Nakita ko siyang masaya at inosenteng naliligo kasama ang ibang mga babaeng anghel sa ilog. Kahit na nakapanloob siya ay kitang-kita ko ang perpektong hubog ng kanyang katawan. Kahit siguro magdamag kong tignan siya na walang saplot ay hindi ako magsasawa. Nais ko na nga siyang angkinin noon at gawing reyna ng pinaplano kong kaharian. Maari ko pa rin siyang sapilitang kunin kung gugustuhin ko."
Naramdaman ko ang matinding poot na nagliyab sa aking puso. Nilalapastangan niya ang kapatid ko na babae. Kung hindi lamang ako napapalibutan ng mga rehas at nanghihina ay nasaktan ko na siya. Imbis na galit ay lungkot ang nanaig sa aking puso.
Si Ate...
Nakiusap ako kay Ama.
Nagmakaawa kahit na nagdududa ako kung pinapakinggan pa niya ang isang katulad ko.
"Protektahan Niyo po ang mga kapatid ko, lalung-lalo na si Ate Barachiel. Sana ay pagbigyan Mo naman ako ngayon." mataimtim na dasal ko sa Kanya.
Walang konsiderasyon at awa si Lucifer.
Gagawin niya ang lahat makuha lamang ang nais niya kahit na labag pa iyon sa batas ng Diyos.
Yumanig ang paligid dahil sa matinding kalungkutan ng puso ko. Nagulat at nagtaka siya dahil sa kapangyarihan na kaakibat ng aking mga emosyon. Lumakas lalo ang hangin na may kasamang niyebe.
"Masyado kang madaldal, Luci. Iwan mo na ako at sumasakit na ang tainga ko sa pinagsasabi mo."
"Masyado ka namang pikon. Babalik ako rito sa ayaw at sa gusto mo. Pahihirapan kita ng paulit-ulit." babala niya sa akin.
"Umalis ka na!" umalingawngaw ang boses ko sa apat na sulok ng aking kulungan. Sa isang iglap ay nawala na siya sa aking paningin.
Nang masiguro ko na nakaalis na siya ay hindi ko na napigilang umiyak. Ang sama ng loob ko. Hindi dahil sa aking kaparusahan kundi dahil nadamay pa ang aking mga kapatid. Nais ko man silang iligtas ay hindi ko magawa.
Sinubukan kong wasakin ang kadena sa aking mga kamay ngunit sadyang nilikha iyon para sa mga nilalang na katulad namin.
Nabalot ng kadiliman ang aking paligid at mas nanuot ang lamig. Pinangsangga ko laban sa ginaw ang aking mga pakpak at namaluktot sa isang sulok. Pinilit ko na matulog at magpahinga muna.
Umaasa ako na sa paggising ko ay malalaman ko na isang bangungot lamang ang lahat.
Pagmulat ng aking mga mata ay lumantad sa akin ang liwanag na tumatagos sa bintana. Medyo nasilaw ako at napapikit muli.
Napabuntong-hininga ako.
Panaginip lang pala.
Dumalaw na naman sa aking paghimlay ang bangungot ng aking nakaraan sa impyerno.
Sandali.
Nasaan ako?
Wala ako sa bahay ni Annie!
Na-angelnap ako!
Sa pagkakaalala ko ay nandoon pa ako kagabi at bigla na lang nagdilim ang aking paningin.
Marahil ay kagagawan ni Raphael. Pinatulog niya ako upang maiuwi ng pwersahan sa bahay nila.
Napabalikwas ako sa kama ngunit nabangga ko si Michael na katabi ko pala.
Madalang ko siyang makitang matulog noon ngunit ngayon ay napakahimbing niya. Tinapik ko siya sa braso ng mahina ngunit wala siyang reaksyon. Nasobrahan yata siya sa stress dahil sa mga naikuwento ko sa kanya kagabi.
Babantayan daw niya ako at baka ano na naman daw kalokohan ang gawin ko. Ang sabi niya ay napakasama na ng "record" ko at sa hindi na mabilang ng mga naibaon ko sa ilalim ng lupa ay nag-aalala siya na maaaring hindi na ako paapakin man lang sa langit. Natulala siya nang aminin ko na ako nga ang kinatatakutang nilalang na sikat bilang "The Undertaker". Ako ang naglilibing sa mga taong buhay pa at ikinwento ko sa kanya kung papaano ko patayin ng paunti-unti ang aking mga biktima.
"Nagbibiro ka lang, hindi ba?" tanong niya sa akin. Umiling ako at nahihiyang ngumiti pa.
Napasuntok niya sa mesa na nasa harapan namin at nagkapiraso-piraso iyon. Napaurong ako dahil akala ko ay ihahagis niya ako palabas ng planeta. Sa lakas ni Kuya ay mga ilang araw rin bago ako makakabalik kay Annie dahil hahanapin ko pa ang Planet Earth at Philippines. Mahina pa naman ako sa direksyon at palaging nawawala.
Nalungkot din ako ng bahagya dahil akala ko pa naman ay magiging "proud" siya sa akin.
At, sayang ang mesa. Antique pa naman ang regalo ng dating manliligaw ni Watty na si Facundo.
Bakit nga na naisalaysay ko pa sa kanya ang bawat detalye?
Hindi naman masyadong kahindik-hindik.
Medyo lang.
"Anu-ano pa ang mga ginawa mo? Huwag kang magsisinungaling!" seryosong inutos ni Kuya sa akin.
Natakot ako ng bahagya sa pinapairal niyang awtoridad ngayon bilang panganay kaya isiniwalat ko ang mga ginawa kong hindi kaaya-aya para sa isang anghel.
Bilang "The Undertaker" ay magpapanggap ako sa anyong nais ko, na madalas ay lalaking may edad na o bata, at aayain ang aking mga target na sumama sa akin. Kapag nakarating kami sa sementeryo ay patutulugin ko sila at ilalagay sa loob ng ataul.
Naglalagay ako ng tubo mula sa takip ng kabaong papunta sa itaas na may sapat na hangin upang sila ay makahinga at hindi muna mamatay kaagad. Ibababa ko iyon sa butas na hinukay ko at tatabunan iyon ng lupa.
Nililibing ko sila ng buhay.
Katulad ng ginawa ng mga naghatol sa akin na ipadala ako sa impyerno. Nilagay ang kulungan ko sa gitna ng malayelong kweba na may maliit na siwang lamang upang makapasok ang katiting na liwanag.
Ang pinagkaiba ng aming libingan ay malaki ang aking silid. Makipot lang ang sa kanila dahil tinatamad na akong mamutol ng puno at lakihan pa ang mga kabaong nila.
Sorry naman.
Hindi naman sila nakatali ng naglalakihang kadena at naka-birthday suit sa gitna ng niyebe katulad ko noon kaya OK na rin ang kalagayan nila kumpara sa akin. Nagyeyelo ang teritoryong pinaglagian ko. Marahil ang tunay na hatol sa akin ay ang gawin akong sherbet o ice cream sa loob ng dalawang libong taon.
May konsiderasyon naman ako sa mga nakukuha ko kahit hindi sila karapat-dapat. Kumportable naman sila sa loob ng ataul dahil malambot pa nga ang higaan nila at nakakumot pa sila. Sinigurado ko na magiging "at home" sila sa loob ng ilang mga araw, na kung minsan ay umaabot ng dalawang linggo. Binabalik-balikan ko sila at kapag alam ko na hinang-hina na sila ay hihintayin ko na silang malagutan ng hininga upang makuha ko sa kanila ang inaasam ko na karagdagang lakas.
Bakit nga ba naging hobby ko ang maghukay ng lupa at maglibing ng mga buhay pa?
Dahil ba sa salbahe ako?
"Trip" ko lang?
O, nais kong iparanas sa mga masasamang tao ang mala-bangungot na dinanas ko sa impyerno?
Tama naman lahat ng dahilan.
Pero ang pangunahing rason ay kailangan ko kasi ang enerhiya o "life force" nila dahil simula ng itinakwil ako at mapunta sa impyerno ay nakaramdam ako ng matinding panghihina at gutom na hindi kayang mapunan. Maaari akong mamatay o maglaho ng tuluyan kapag naubos na ang aking lakas.
Namimili naman ako. Ang mga biktima ko ay mga masasamang tao lamang at dapat nga ay matuwa pa sa akin ang sangkatauhan dahil binawasan ko ang mga kasuklam-suklam na kauri nila sa mundo.
May mga pinapakawalan naman ako.
Ilan nga ba?
Pito?
Sila ay ang mapapalad na umamin sa mga kasalanan nila, humingi ng kapatawaran at tunay na nagsisi. Kung ba naman inako ng isang daang libo at walumpu't sais sa mga pagkakamali nila ay pinakawalan ko pa sana sila at nagtyaga na lang ako sa pagkuha ng enerhiya mula sa mga puno araw-araw. Ang mahirap kasi sa mga makasalanan ay tinatanggi pa rin ang pagkakamali kahit huling-huli ko na sila.
Pride is indeed a capital sin.
Nakakapahamak.
Nang matapos akong magkwento ay hinila ni Michael ang silya. Napaupo siya na para bang pasan niya ang daigdig.
"OK ka lang ba?" pag-aalala ko.
"Manahimik ka muna, Kapatid." tulalang sinambit niya. Tinakpan niya ang mukha niya at huminga ng napakalalim.
Bigla-bigla ay lumitaw sa harap namin si Raphael. Naka-gas mask siya at may hawak na isang baso ng itim na likido. Tinapon niya iyon sa sahig. Nagtinginan kaming dalawa ni Michael at nagtaka sa ginawa niyang kakatwa.
"Ano 'yan, Raphael?" pag-uusisa ko. "Nagkalat ka pa sa kwarto."
Umusok ang likido at nang malanghap ko ang masangsang na amoy ay nahilo ako. Mabilis na bumigat ang talukap ng aking mga mata at napahandusay ako sa sahig.
Antok na antok ako.
"Ang galing ko, hindi ba? Effective itong ginawa ko na pampatulog. Madali na natin siyang maiuuwi at mababantayan." narinig ko na sinabi niya kay Michael habang nilalabanan ko ang matinding antok.
"Oo! Ang talino mo, Kapatid. Ang smart! Hahaha!" masayang pagpuri niya sa kasunod niya na "nerd". "Pero, bakit kasama ako? Sana, sinabihan mo muna ako sa plano mo...ayan...pati ako makaka...tulog...wala na...parang...la...sing na rin ako...good night..."
At, sabay kaming nakatulog ng mahimbing ni Kuya.