"Good night, Terrence!"
Masayang bumati at kumaway sa akin si Annie bago siya tuluyang pumasok sa kanyang kwarto. Nagpatuloy ako na naglakad patungo sa aking silid. Nang masiguro ko na nakahiga na siya sa kanyang kama ay bumalik ako sa may pintuan. Mga ilang minuto akong tumitig lang sa bloke ng kahoy na naghihiwalay sa aming dalawa. Maya't-maya pa ay narinig ko na ang mahinang paghilik niya.
Natuwa ako dahil napakapayapa niya.
Ano kaya ang napapanaginipan niya?
Sana ay palaging masayang alaala ang dumadalaw sa kanyang paghimlay.
Kung ganoon man ay kasama na rin kaya ako sa panaginip niya?
Sana balang araw ay kasama at katabi na niya ako sa pagtulog. Nais ko na maramdaman niya na siya ay ligtas at tunay na minamahal.
Yayakapin ko siya ng mahigpit...
At, nangangarap ako ng gising!
Makabalik na nga sa kwarto ko at kanina pa ako natutuksong silipin si Annie habang natutulog.
Bad 'yun.
Subalit, hindi ba tungkulin ng anghel dela guardia ang magbantay?
Tama ako, hindi ba?
Pumasok ako sa aking kwarto at nagdalawang-isip na bumalik sa kinaroroonan niya. Pinigil ko ang sarili dahil ayaw ko naman ma-invade ang privacy niya. Baka naka-underwear lang siyang matulog at makita ko pa ang yayanig sa aking mundo.
Underwear?
Terrence, ang weird mo na namang mag-isip!
Pero sa pagkakaalam ko ay naka-shorts at sando lang siya kapag natutulog lalo na kung mainit ang panahon. Nakuwento sa akin ni Watty habang nagsasampay kami ng mga damit sa labas. Halos mabitawan ko ang manipis at napakaikli na shorts na hawak ko dahil hindi ko inaasahan na magsusuot si Annie ng ganoon. Conservative kasi siya. Palagi siyang nakasuot ng T-shirt at jogging pants. Bihira ko rin siyang nakitang nag-sleeveless.
Natigilan ako sa aking imahinasyon nang biglaang makaramdam ako ng malakas na nilalang.
Isang anghel.
Nakita ko ang anino sa sahig na papalapit. Iiwas sana ako sa pag-atake niya ngunit nahatak ako mula sa likod. Inipit niya ang aking leeg gamit ang kanyang malalakas na braso. Siniko ko siya sa kanyang tagiliran pero hindi naging sapat ang aking depensa upang bumitiw siya.
Mabilis ko na kinuha ang electric fan upang ihampas sa ulo niya. Sinalag niya lang iyon at mas humigpit ang pagkakasakal niya sa akin.
"Iyan lang ba ang kaya mo, kapatid ko?" mapaghamon na sinabi niya sa akin. Sa katunayan ay nahihilo na ako ngunit wala sa bokubularyo ko ang pagsuko. Nagpatihulog ako sa sahig upang kumalas siya. Pinilit ko na maipailalim siya at ilagay ang kanyang kamay sa likod upang hindi na siya makalaban pa. Sa bilis ng kilos at lakas niya ay nagawa pa rin niya akong maibalibag pababa. Nawala sa pwesto ang ilang mga buto mula sa aking gulugod. Naging dahilan iyon upang maparalisa ang aking katawan ng panandalian.
Hinawakan niya ang aking leeg ng mahigpit. Kung wala siyang kontrol ay malamang nag-alanganin ang buhay ko.
Natalo ako.
Anak ng sinampalukang manok!
"Hindi na rin masama." Bumitaw si Michael sa pagkakasakal sa akin. "Pero, kulang ka na sa ensayo." Nilahad niya ang kamay niya upang tulungan ako. Hindi ko iyon inabot at tumayo ako mula sa sahig na hawak ang aking leeg at likod. Tumalikod ako upang hindi niya makita ang pagngiwi ko sa sakit dahil sa aking pinsala.
"Ayos ka lang ba?" hinawi ko palayo ang kamay niya na nais sana akong alalayan. Napansin niya ang aking panghihina lalo na nang napasandal ako sa may dingding. "Sinusubukan lang kita kung bumalik na ang dati mong lakas. Mukhang hindi pa. May dinaramdam ka pa ba?"
"Akala ko...umuwi ka...na. Agad-agad...narito ka...na naman!" hinihingal ko na pag-iiba sa tema ng usapan.
Hindi ko maamin sa kanya, at sa aking sarili, na hindi na ako kasinglakas katulad ng dati. Kaunting laban lang ay parang naubos na ang aking enerhiya. Naalala ko ang mga araw na ako ay isang maluwalhating anghel na pinaglalaruan lang ang mga laban. Nagbago ang lahat simula nang maitakwil ako mula sa langit.
"Na-miss kita e." Tumalon siya papunta sa aking kama at tumalbog siya sa makapal na kutson. Nilagay niya ang kanyang mga kamay sa likod ng kanyang ulo at nagmasid sa paligid ng kwarto. Isang pilyong ngiti ang lumitaw sa kanyang mga labi. "Ang swerte mo sa sponsor mo. Sana ako rin, meron. Mag-aapply ako."
"Mayaman kayo. Maraming babae ang gugustuhin ka."
"Ayaw ko naman ng ganoong mga babae. Gusto ko, kasing bait ni Annie."
Nainis ako sa pahayag niya. Nang mapansin niya ang pagkayamot ko ay umupo siya at pinagmasdan ako.
"Biro lang. Sa iyo na ang babaeng may dalisay na kaluluwa. Bagay na bagay kayo."
"Baka makita ka ni Watty. Iwanan mo na ako." pagpupumilit ko dahil nararamdaman ko na mangungulit na naman siya. Gaya nga ng inaasahan ay hindi siya magpapa-awat.
"Huwag kang mag-alala. Walang makakarinig. Noise proof ang kwarto hanggat narito ako."
Hirap na naglakad ako papunta sa may bintana at binuksan iyon. Tinuro ko ang daan papalabas. Nawala ang ngiti sa kanyang labi at napalitan ng lungkot ang ekspresyon niya.
"Galit ka pa ba sa akin, Bunso?" mahinahong tanong sa akin ni Michael. "Sorry na."
Hindi ako umimik.
Mali ang inaakala niya.
Sa katunayan ay wala akong sama ng loob sa kaniya. Ninais ko lang na lumayo dahil ayaw ko ng madawit pang muli ang aking mga kapatid sa isang "fallen angel" na katulad ko.
"Medyo matagal ng panahon ang lumipas. Pasensya ka na at kailangan kitang parusahan noon. Hindi kita maaring pagbigyan sa hiling mo na patayin na lamang kita." pagpapaliwanag niya. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pagsisisi. "Napakasakit, na sa akin pa nagmula ang mga latigo na natamo mo. Iyon ang napagkasunduan upang pumayag si Azrael na ibaba ang iyong hatol. Kahit si Ama ay pinahintulutan iyon. Malaking kasalanan ang nagawa mong paglaban sa Anghel ng Kamatayan. Nais ka lang namin iligtas ng mga kapatid mo kaya nagawa ko sa iyo 'yun. Patawad."
"Michael, hindi ako galit sa iyo." pag-amin ko sa kanya. Umupo ako sa tabi niya. Nagpuno ng pagtataka ang kanyang mga mata. Tumingin siya sa paligid upang maniguro na walang ibang nilalang ang makakarinig sa aming usapan.
"Bakit mo kami pinagtataguan kung ganoon?" Humarap siya sa akin at hinawakan ang aking balikat. "Sabihin mo sa akin ang totoo. May naging problema ka ba?"
Nag-atubili akong magsalita pa. Naging matalim ang tingin niya sa akin. Hudyat iyon upang sumunod ako sa nais niya.
"Magsalita ka, Terrence." seryoso niyang inutos sa akin.
"Nahihiya ako. Dahil sa akin naparusahan din kayo."
Nagulat siya sa aking pahayag na tila ba ay tinatago niya ang madilim na yugtong iyon sa aming buhay. Napatawa siya ng pilit at hinawakan ang aking ulo. Ginulo niya ang aking buhok katulad ng ginagawa niya sa aming lahat kapag nagkakamali kami o nag-aalala lamang siya.
"Akala ko ay nakabuntis ka. Kung makakapit ka pa naman kay Annie ay para kang tuko. Kinabahan ako. Hahaha!" pagtawa niya na may halong nerbiyos. "Alam mo na pala ang nangyari. Huwag mo ng isipin iyon."
"Michael, seryosong usapan ito."
"Oo naman." pinilit niyang umubo upang bumalik ang matinong pag-uusap namin. "Sinong nagsabi sa iyo? Si L* ba?" halos pabulong niyang sinabi. Iniiwasan namin na banggitin ang kanyang pangalan dahil malakas ang kanyang pandinig. Kahit na nasa impyerno pa siya ay nalalaman niya kung sinuman ang mangahas sa tawagin ang kanyang pangalan.
(Lucifer)
"Tama ka. Hindi niyo na dapat ginawa iyon. Ako lang ang nararapat makatanggap ng lahat ng latigo. Bakit niyo inako ang iba? Nadamay kayo dahil sa akin. Kasalanan ko ang lahat." umiwas na ako ng tingin sa kanya dahil sa kahihiyan. Huminga ako ng malalim upang mapigil ang aking emosyon.
"Tama na 'yan." pagsaway niya. Tinapik niya ang aking likod dahil alam niya na ang mangyayari kapag nasobrahan ako sa lungkot. Lumakas na ang ihip ng hangin sa labas at nanganib na magka-bagyo."Hindi namin maatim na lumatay sa katawan mo ang pitong libong latigo na totoong hatol sa iyo. Binali na nga ang mga pakpak mo at nakatakda kang ikulong sa impyerno. Nag-alala kaming lubos na baka hindi mo na kayanin. Umapila kami na paghatian naming mga lalaki ang anim na libo pa."
"Sana hinayaan niyo na sila sa kanilang desisyon."
"Bunso, hindi ka namin pababayaan."
Namayani ang katahimikan sa silid. Dinig naming dalawa ang mahinang pagkampay ng mga sanga mula sa labas.
"Ganito na lang, para hindi ka na ma-guilty, Kapatid." pagpapatuloy niya. "Kung ako ang nasa lugar mo noong mga oras na iyon, alam ko, na gagawin mo rin ang ginawa namin. Magkakapatid kasi tayo. Pamilya."
Tama siya.
Handa akong ipagtanggol din sila sa abot ng aking makakaya.
Sa tagal ng panahon na namuhay kami sa langit ay hinangaan ang tatag ng aming samahan. Hindi maiwasan na magkatampuhan kami paminsan-minsan ngunit iisang tahanan pa rin ang aming inuuwian. Kinabukasan ay siguradong masaya na naman kami.
Napakasuwerte ko dahil nagkaroon ako ng mga kapatid na mapagmahal kahit alam ko na ako ay kakaiba sa lahat.
Sa kanila ko naranasan ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang "tahanan" at "pamilya".
Magmula pa sa unang araw na nagmulat ang aking mga mata...
"Anong pangalan mo?"
Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses. Isang matangkad at matipuno na lalaki ang nakatayo sa tabi ko at nag-uusisa ang kanyang tingin sa akin.
"Saan ka nanggaling?" pagtatanong niya muli sa akin. Ginala niya ang paningin sa buong kwarto bago siya umupo sa sahig katabi ko. "May nagdala ba sa iyo rito?"
Hindi ko alam ang nararapat na gawin dahil malabo ang dating ng mga salita niya sa akin. Unti-unting pumasok ang mga letra sa aking isipan. Sumakit ng bahagya ang aking ulo at napahawak ako sa aking noo. Puno ng pag-aalala ang kanyang ekspresyon habang pinagmamasdan ako.
Makalipas ang ilang segundo ay napagtanto ko ang tanong niya sa akin. May umihip na hangin papasok sa may bintana at parang may bumulong ng mahina sa aking tainga. Masuyo ang kanyang boses at naramdaman ko sa mga oras na iyon na mahal niya ako.
Si Ama.
Binigyan niya ako ng pangalan.
"Ter...rence." nauutal kong sinagot.
"Terrence?" pag-ulit ng lalaki na may kulay pilak na mga mata.
"Terrence." mas malinaw na sinambit ko.
"Kakaiba ang pangalan mo. Pumupuso." pabiro niyang sinabi sa akin dahil sa wikang Latin, ang kahulugan ng aking pangalan ay "puso". Tinanggal niya ang pulang balabal sa kanyang likod at nilagay sa aking mga balikat. Malalakas na kamay ang umalalay sa akin upang tumayo. Inayos niya ang kapa upang matakpan ang katawan ko na umuusok pa na para bang ako ay nanggaling sa hurno.
"A...n..." pagsisimula ko ngunit litong-lito ako dahil alam ko ang aking sasabihin pero ayaw naman sumunod ng bibig ko.
"Anong nangyayari?" tinuloy niya para sa akin. Tumango ako bilang tugon.
Sumeryoso ang kanyang mukha na tila ba nag-iisip ng isang mahirap na pagsusulit. Kinabahan ako dahil medyo nakakatakot siya kapag ganun ang itsura niya. Mula sa maamong mukha ay maari siyang maging ma-awtoridad at matapang ang aura.
"Ewan ko. Haha!" napahalakhak pa siya. "Bigla na lang kitang nakita na nakahiga sa sahig. Trespasser ka, kapatid ko."
"K-Ka...pa...tid?"
"Oo. Dinala ka ni Ama rito, kaya kapatid na rin kita katulad nina Raphael, Gabriel, Uriel, Sealtiel, Jegudiel at Barachiel. Welcome to the family!" masaya niyang pagbati. "Ang tahanan na ito ay sa iyo na rin."
"Fami...ly?" Napangiti ako sa kanya nang rumehistro sa isip ko ang ibig sabihin noon. Pati siya ay mukhang natuwa sa aking reaksyon.
"Ganda ng ngiti mo, a! Mana ka talaga sa akin sa kagwapuhan! Pero, lagot kang bata ka! Mabigat na pasanin sa ating mga lalaki 'yan. Huwag mong papansinin ang mga babaeng magkakandarapa sa iyo at tingin-tingin lang tayo. Behave at baka maparusahan ka. Hahaha!"
Hindi ko naintindihan ang kalahati ng sinabi niya. Ang nakuha ko lang ay "mabigat na pasanin ang kagwapuhan".
"Halika, hanap tayo ng masusuot mo." pagpapatuloy niya. "Hiramin muna natin 'yun damit ni Raphael. Mukhang magkasukat kayo."
Nagsimula siyang maglakad at nang mapansin niya na hindi ako sumusunod ay bumalik siya. Hinawakan niya ang aking braso at hinatak ako patungo sa isang silid. Sa unang mga hakbang ay nadapa ako.
"Pasensya na. Ayos ka lang ba?" paghingi niya ng paumanhin.
Dumugo ang aking tuhod. Naramdaman ko ang pagkalamog at paghapdi ng aking sugat. Kaagad din na nagsara at naghilom ang aking balat. Natakot ako sa aking nasaksihan.
"Galos lang yan. Hindi nakamamatay."
Pumatak ang sunud-sunod na luha mula sa aking mga mata. Pinahid ko ang mga iyon ngunit patuloy lang ang pag-agos ng walang kulay na likido sa aking mga pisngi.
Hindi ko rin alam kung bakit ako ay sadyang iyakin noong bata pa.
Lahat na lang ng bagay ay iniiyakan ko kaya madalas ay pinagtatawanan ako ng mga kuya at ate ko. Kahit anong pigil ko ay basta na lamang ako naluluha hindi lamang dahil sa kalungkutan pati na rin sa sobrang tuwa.
"Overflowing" daw ang emotions ko.
"Umiiyak ka?" Gulat na gulat na tanong niya sa akin. Hindi niya alam ang gagawin upang patahanin ako. "Paano ka magiging mandirigma kung ganyan?" Nag-iikot siya sa kwarto na tila ba may hinahanap. Lumabas siya muli at pagbalik niya ay may kasama na siyang babae. "Patahanin mo nga."
"Teka, sinundo mo ako mula sa hardin para magpatahan ng umiiyak? Sino ba iyan, Kuya?" nanlaki ang mga mata niya nang makita ako.
"Kapatid natin, si Terrence."
"Bakit hindi natin kamukha?" pagtataka niya. Nailang ako dahil sa mataimtim na pangingilatis niya sa itsura ko.
"Hindi naman talaga tayo magkakamukha." pagdadahilan ni Kuya.
"Oo nga. Pero, bakit platinum blonde siya? Atsaka, ano 'yan?" pinulot niya ang isang balahibo na nahulog mula sa aking pakpak na may pinaghalong kulay na asul at puti. "Kakaiba. Dalawa lang ang alam ko na ganyan ang buhok at pakpak. Sina Azrael at Lu-"
"Ikaw talaga, e ano naman ngayon kung ganyan ang buhok at pakpak niya? Mabuti nga at hindi pink." pagsingit ni Kuya. Halatang iniiwasan niya na mabanggit ang pangalan ni Lucifer. Siya pa ang nagsisilbing Heneral ng hukbo ng langit noon at ang lahat ay pinangingilagan siya. Maski ang pangalan niya ay hindi maaaring banggitin ng sinu-sino lang. Natigilan si Ate dahil nagulat din siya sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Ako naman ay nagpasalamat dahil hindi nga "pink" ang buhok at pakpak ko."Basta, kapatid natin siya. Kahawig naman natin siya...saan ba? Sa kilay? Sa palagay ko ay si Ama mismo ang naghatid sa kanya sa bahay natin. Parang kayong anim din siya noong dinala kayo sa akin. Lahat kayong mga kapatid ko ay mahal ko kaya huwag ka ng magselos, Barachiel. Ikaw pa rin ang sweet little sister ko."
"Naiintindihan ko naman, Kuya. Hay. Ganun talaga. Hindi na pala ako ang bunso." Imbis na lungkot ay panghihinayang ang nasilayan sa kanyang magandang mukha. Umirap pa siya at napabuntong-hininga. "Pero sana babae naman para may kakampi ako. Gusto ko sana little sister. Yun tipong kasama kong magtahi ng magagandang damit, mag-ayos ng buhok at higit sa lahat mag-ayos ng bahay. Pero andyan na e. Wala na akong magagawa."
Umagos lalo ang luha sa aking mga mata dahil akala ko ay hindi niya ako gusto bilang kapatid. Parang naninikip ang aking dibdib dahil sa sobrang kalungkutan. Humangin ng malakas at nagtinginan ang dalawang nakakatanda sa akin. Yumanig ang bubong ng bahay.
"Sor...ry po." paghingi ko ng paumanhin sa kanya dahil alam ko na hindi talaga ako ang kasunod na ginusto niya. "Tutulu...ngan kita sa bahay." pangako ko sa kanya. "Huwag ka ng magalit, A-Ate."
"Ang bait mo naman." Naging masuyo na ang tono ng pananalita niya sa akin. Lumuhod siya at hinaplos ang aking buhok. Pinunasan niya ang luha sa aking mga pisngi at pinagmasdan ang aking mukha. "May kakampi na ako, Kuya Michael." maligaya niyang pahayag.
"Bakit? Kakampi mo naman kami palagi."
"Oo nga. Kaso, ang gugulo niyo, e! Malinis kong iiwan ang bahay natin, pagbalik ko parang nadelubyo." pagrereklamo niya.
Napatawa si Michael at napakamot ng ulo.
Bumaling si Barachiel muli sa akin at niyakap ako. "Naku, huwag ka ng umiyak. Hindi lang tayo nagkaintindihan. Gusto kitang little brother, siyempre. Huwag ka lang makulit, ha. Tahan na, Bunso. Mahal ka ni Ate Barachiel."
Yumakap din ako sa kanya. Sa isang kisapmata ay naglaho ang lungkot at takot sa aking puso.
Humina na rin ang ihip ng hangin. Mabuti at nakalma nila ako dahil baka sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng tornado sa heaven.
"Tara! Ipapakita ko ang kwarto mo. Pinapasa ko na sa iyo ang titulo ng "bunso". Dahan-dahan kaming tumayo at nagtungo sa basement. Matiyaga niya akong inalalayan sa bawat hakbang pababa. "Pasensya na at ito na lang ang bakante. Maluwag naman diyan, presko at malinis. Bukas din ay ipanghahabi kita ng bagong kumot at ipangtatahi ng mga damit."
"Salamat, Ate."
"Kapag may kailangan ka, magsabi ka lang ha." bilin niya sa akin. "Aalis muna ako saglit at may inaayos lang ako sa hardin."
Pumanhik na siya sa unang palapag ng tahanan. Nagsimula akong umikot sa kwarto. Hinawakan ko ang lahat ng muwebles na naroon at inobserba kung ano ang gamit nila. Mga ilang sandali pa ay umupo na ako sa isang sulok.
Umaapaw ang saya sa aking puso. Malaki ang pasasalamat ko sa malugod na pagtanggap nila sa akin. Humiga ako at pinikit ang aking mga mata.
"Salamat po." buong kagalakan ko na sinambit sa aking isipan.
Sa unang beses na ako ay nakatulog at nanaginip, naramdaman ko ang maingat na paghaplos ni Ama sa aking ulo.