Chapter 8: Ginoong Pasaway

3765 Words
Sa kanan ba o sa kaliwa ako pupunta? Isang oras na akong lumilipad at hindi ko pa rin nararating ang hotel kung nasaan si Annie. Kung alam ko lang na maliligaw ako ay sana nag-taxi na rin ako. Umikot-ikot ako at nagbakasakali na may makita akong masasakyan. Subalit...wala! Puno na ang lahat ng bus, taxi, jeepney at LRT. Kahit na malalim na ang gabi ay bumper to bumper pa rin ang trapiko. Maghahanap na sana ako ng ligaw na kaluluwa o demonyo upang s*******n na ituro ang daan papunta sa lugar na hinahanap ko nang may makita ako na puting kalapati. Bumaba siya sa malapit na puno ng mangga at inunat ang kanyang mga pakpak. Humikab siya at pumasok sa loob ng madahong sanga. Gumagala ang mga ibon sa buong siyudad at malamang kabisado nila ang bawat sulok nito. Naisip ko na magandang ideya na mapagtanungan siya. Batid ko na mailap ang mga kalapati sa aming mga anghel dahil nauutusan sila na magdala ng mga mensahe kaya dahan-dahan akong lumapit sa puno upang mahuli siya. Nang akmang tatalikod na, mabilis kong hinila palabas ang mapalad na hayop na aking napili. Nanginig ang kawawa at inosenteng ibon nang makita ako. "A-Anghel. Kung ano man ang kasalanan ko, sorry po!" pagmamakaawa niya. "Sorry kaagad? Huminahon ka. May ipapagawa lang ako sa iyo." "A-Ano po iyon? Kahit ano po, huwag niyo po akong papatayin." "Papatayin kaagad?" natatawa kong napabulalas dahil masyadong matatakutin pala ang nakuha kong ibon. "Itatanong ko lang kung nasaan ang Casa Blanca de Rosas." "Naliligaw po ba kayo? Hindi po ba dapat alam ng anghel ang lahat ng lugar sa mundo? Baka 'di ka anghel!" nahintakutan na pagbibintang niya. "Mga kapitbahay! Saklolo! May pekeng anghel na bumibihag sa akin! Help!" Nagdilim ang paningin ko sa kanyang sinabi at napahigpit ang hawak ko sa mga paa niya. Nainis ko dahil makailang beses na ako ang napagkakamalang pekeng anghel, isang insultong hindi ko matanggap! Inaamin ko naman! Kahinaan ko ang maghanap ng mga lugar at palagi akong naliligaw. Kahit na anong memorya ko sa mga address, nawawala pa rin ako pero hindi ibig sabihin na isa akong peke! Lahat naman ay may kahinaan at iyon ang sa akin kaya hindi ako naaatasan na magdala ng mga balita mula sa langit. Hinahayaan na nila si Gabriel sa mga misyong may kinalaman sa pagbiyahe, imbis na ipagkatiwala sa akin. "Anghel ako! Mag-ingay ka pa at gagawin kitang adobo!" "A-Aray! Huwag po kayong magalit. Opo, anghel ka nga! Sorry po sa misunderstanding. Sige po, para makabawi, ihahatid ko po kayo." "Mabuti pa nga," may pagkainis ko na sinagot. "Huwag kang magtangkang tumakas at papatayin kita." pahabol na pananakot ko nang pakawalan ko na upang makalipad. "P-Po?" Nangatog lalo ang buong katawan niya nang marinig ang babala. "Biro lang. Gugupitin ko lang ang mga pakpak mo." "Hindi po ako tatakas. P-Pangako!" Sa loob ng sampung minuto ay nakarating kami sa hotel. Napagtanto ko na maganda palang GPS* ang mga ibon. Sa susunod, imbis na pahirapan ko ang sarili, maghahanap na lang ako ng volunteer na ibon. (Global Positioning System) "A-Ayan na po. Sa may likuran po kayo pumasok kasi mas kaunti ang bantay," suhestiyon ng kalapati. "Sigurado ka?" Tiningnan ko siya nang may pagdududa. "H-Hindi po ako nagsisinungaling! As in! Mamatay man ang mga kapitbahay kong tsismosa't tsismosa! Honest po talaga ako!" "Dapat lang dahil kapag nalaman ko na niloloko mo ako, babalikan kita at ang lahat ng kamag-anak mo sa kadulu-duluhan ng mundo para magupit ko ang mga pakpak niyo," pagbabanta ko. "Nagsasabi po ako ng totoo!" Napangiti ako dahil nakakaaliw ang uto-u***g ibon. Hindi ko inaasahan na sadyang nerbiyoso pala ang mga kalapati kaya paborito silang pagtripan ng mga anghel. "Alam ko. Masyado ka naman matatakutin," pagpapakalma ko na rito habang hinahaplos ang puti nitong balahibo na may batik-batik na itim. Bilang kabayaran sa pabor, pasikreto ko na ginamot ang bukol sa kanyang katawan na sa palagay ko ay natamo niya mula sa paninirador ng mga salbaheng tao. "Sige na, umuwi ka na. Tatandaan kita kapag nagkita tayo muli. Friends na tayo!" "Talaga po?" maliagaya niyang sinambit. "Ang swerte ko naman, may friend na akong anghel! Salamat po at nabigyan ako ng pagkakataong makilala ka! Ano po palang pangalan mo?" "Terrence." "Hindi ko po kayo makakalimutan, Sir Terrence! Sige po, aalis na muna ako kasi baka maunahan akong makauwi ni misis, lagot ako kay Kumander! Kapag kailangan niyo ng assistance via air, alam niyo naman kung saang puno ako hahanapin, tutulungan kita!" "Mag-iingat ka," bilin ko bago pa man siya nakalipad papunta sa ere. Bumaba na ako mula sa pinagtataguang puno. Nagsumiksik ako sa poste ng kuryente upang makapagmasid-masid. Sa isang madilim na sulok ay may nagparke na trak na may nakasulat na "Sheila's Lechon". Lumabas ang dalawang lalaki at binuksan ang pintuan sa likod ng sasakyan at kinuha ang inihaw na baboy. Tamang-tama ang pagdating nila. Maaari kong magamit ang delivery nila para makapasok sa gusali. Wala naman maghihinala na party crasher ang isang food crew lalung-lalo na at all-time-favorite ang dala-dala ko. "Nararapat na mapasaakin ang baboy," may pananabik na binulong ko. Nakiayon ang panahon sa mga binabalak ko nang humangin pa nang malakas "Akin ka, Sheila's Lechon!" Kailangan ko siya! Teka, hindi... Hindi ko pinagnanasaan ang baboy. Magagamit ko ang litson upang makapasok sa loob ng hotel. Ang plano ay ang maagaw iyon sa mga lalaki. Nanalangin ako na sana ay umayon ang mga pinaplano upang mas madali kong makita si Annie. Maingat akong lumapit at nagtago sa likod ng isang basurahan. "Hustisya!" sinigaw ko na ginagaya ang boses ng biik. "Oink! Oink!' "A-Ano yun? Narinig mo ba iyon?" tanong ng mga lalaki sa sa isa't-isa. "Pinatay niyo ang nanay ko! Ang tatay ko! Ang ate ko! Ang kuya ko! Pati mga pinsan ko! Wala kayong mga awa! Pati ako, four months pa lang ako, niluto niyo na!" "M-May nanloloko yata sa atin!" "Baka batang walang magawa!" "O kaya nakainom at lasing!" "Hoy! Sino ka? Lumabas kang adik ka!" pagtatapang-tapangan na sinigaw ng isa. "Hindi ako adik! Nang-iinsulto pa kayo! Baboy ako! Baboy!" pagalit ko na tugon. Pinagalaw ko ang adik, este, baboy na nakapasan sa kanilang mga balikat. Nahintakutan ang dalawa at nabitawan ang litson sa sementadong daan. "M-Multo!" napatili sila sa takot. "Iihawin ko kayo ng buhay!" pagbabanta ko. "Yaaaaahhhhh!!!" Kumaripas ng takbo palayo ang mga lalaki sa sindak. Ako naman ay masayang lumabas sa aking pinagtataguan at binuhat ang walang buhay na baboy. "Pasensya na." Tinapik-tapik ko ang malaman na litson. Pinagpag ko ang ilang buhangin na namuo sa dahon ng saging na pambalot noon. "Kakainin ka lang ng mga walang kwentang tao. Kung ako ang papipiliin ay mas nanaisin ko pa na mailigtas ka kaysa ang sangkatauhan." Nagtungo ako sa likod ng hotel. Mabuti at hindi matanong ang lady guard at hindi masyadong istrikto ang security. Isang ngiti lang at pinapasok na niya ako kahit wala akong Identification Card. Pagkalapag ko sa mesa ng litson ay mabilis ko na hinanap ng paningin si Annie. Hindi nagtagal ay matagpuan ko na ang babaeng nakapulang gown. Dahil sa pagkakatapilok niya ay nahihirapan siyang maglakad. Ganoon man kahirap ang sitwasyon niya ay hindi pa rin nawawala ang ngiti kanyang mga sa labi. Magiliw niyang binabati ang mga bisita at inihahatid sa kanilang mga upuan. Bagay na bagay talaga sa kanya ang pulang gown. Kahit may mga artista at modelo na nakapaligid sa kanya na may mas mamahaling mga damit, siya pa rin ang pinakamaganda para sa akin. "Pinakamaganda?" pagdududa ko. Lumalabo na yata ang mga mata ko kaya iba-iba na ang inaakala ko. Marahil ay ginayuma ako ni Annie ng hindi ko nalalaman... Pero kahit anong kurap ko, siya pa rin ang lumilitaw na maningning sa lahat ng mga taong nasa silid. Naistorbo ang maligaya kong pagtanaw kay Annie nang sa isang mesa, may biglang tumayo na babae at nabangga siya. Sa pagkakatulak sa kanya ay aksidente niyang nasagi ang isang waiter na may hawak na mga inumin. Nahulog ang mga kopita sa damit ng babae. "Sorry po..." paghingi ng paumanhin ni Annie. "Naku, tara po tulungan ko kayong maglinis..." "Ang bobo mo talaga! Sino ba organizer dito? Mukha ka na ngang cheap, tanga pa!" sigaw sa kanya ng babae na medyo may edad na. Magara ang kanyang damit at mga alahas. Masasabi ko na maganda siya noong kabataan niya ngunit napakasama ng ugali. Sa isang iglap, rumehistro sa akin ang lahat ng mga kasalanang nagawa niya. Nag-asawa siya ng sikat na talent agency executive dahil lamang sa pera. Patago ay pinagtataksilan niya ito at pumapatol sa mga mas batang lalaki. Makasalanan siya ngunit hindi sapat na maparusahan ko at ibaon nang buhay. Batid ko na isa man siyang mapagsamantalang asawa, mahal naman niya ang mga anak. "Hindi ko po talaga sinasadya," pagpapatuloy na pagpapaliwanag ni Annie. "Ipapa-dry clean ko na lang po." "Dry clean? Ha! Akala mo ganoon ka-cheap ang gown ko? Mas mahal ang suot ko sa buhay mo! Tonta! Bobo!" Nadurog ang puso ko sa pang-aalipusta niya kay Annie na tahimik na tinitiis ang masasakit na salita. Inipon ko ang aking pasensya upang hindi makialam sapagkat kapag nasagad ang pasensya ko, baka hindi ko mapigilan ang sarili na mapaliyab siya. Lumapit na ang mga kasamahan ni Annie at binulungan siya. Naglakad sila palayo at isang lalaki, na marahil ay supervisor niya, ang kumausap sa babae. Galit na galit siya at gusto niyang tanggalan silang lahat ng trabaho. Pinababayad pa niya ang kanyang gown na namantsahan. Palalampasin ko na sana ang pagmamaldita niya pero sumosobra na siya. Nagtatrabaho lang naman sila nang marangal, pagbabalakan pang sisantahin. Ano kaya ang nararapat na gawin upang maturuan ang salbaheng babae ng leksyong hindi niya makakalimutan? A! Alam ko na. Humanda ka, Valeria Rio del Sol. Heto na ang hustler na si Terrence! Sinundan ko siya at ang mga alalay niya sa kanilang pupuntahan. Pasimple akong lumakad papalapit sa kanila at kumindat sabay ngiti. Nabangga si Valeria sa pinto dahil sa pagtitig sa akin. Sinadya ko na mahulog ang kanyang kwintas na suot. Pupulutin na sana niya ang alahas nang lumuhod ako at iniabot sa kanya iyon. "Miss, nasaktan ka ba?" tinanong ko siya kahit alam ko na magkakabukol siya sa noo. "H-Huh?" Napatulala siya sa akin at hindi kaagad nakasagot. "A...hmmm..." "OK ka lang ba?" may panunudyo na inakit ko pa siya. "Kawawa ka naman, nabangga pa sa pinto ang maganda mong mukha." Mabilis ko na nakuha ang isang daang porsyento ng kanyang atensyon nang dahil sa mga pambobola ko. "H-hindi. Medyo nahihilo lang ako. Pwede bang tulungan mo ako sa loob ng aking kwarto?" "Sige po, Miss Beautiful," napakaamo kong tugon. Humawak siya sa aking braso at pumasok kami sa kanyang unit sa hotel. Ingat na ingat ako kunwari na inalalayan siya na maupo sa sofa kahit na ang gusto ko talagang gawin ay ihagis siya palabas sa bintana ng ika-tatlumpung palapag ng kanyang kwarto. Umupo ako sa tabi niya at iginala ang aking paningin. Nakita ko ang magazine na siya ang nasa front page. "Kayo po ba iyan?" Kinuha ko mula sa mesa ang magazine. Tinignan ko siya nang may pagkamangha. "Manager din po pala kayo ng mga artista?" "Oo," malandi niyang sinagot habang pakurap-kurap. Umusog siya papalapit sa akin habang gamit ang bedroom voice na sana ay itinulog na lang niya panghabang-buhay. "Gusto mo ba?" "Alam niyo po, pangarap ko na pasukin ang showbiz noong bata pa ako," paglalahad ko na, kahit walang katotohanan ang mga iyon. "Sabi ng nanay ko, sayang nga raw kasi may pagkamahiyain ako. Kapag sinabi sa audition na umarte, nakakalimutan ko ang linya. Kaya ayun, ni extra 'di ako pumasa." "Saktong-sakto. Gusto mo palang mag-showbiz e. Naghahanap ako ng talent bilang underwear model. Pwede kang magsimula munang ganoon dahil napakaganda ng katawan mo." Hinimas niya ang aking balikat habang pabulong na nagsalita malapit sa aking tainga. "Maari ko bang makita?" "Nakakahiya naman. Huwag naman po," wala sa wisyong pagtanggi ko pa. Hinaplos ko patalikod ang aking buhok at tiningnan siya na parang ako ay isang tanga. Mas nahumaling siya sa aking ginawang pang-aakit. "Sige na," pamimilit niya. "Ipakita mo na ang gorgeous body mo sa akin para pasado ka na! Wala ng audition pa!" Tinawag niya ang kanyang photographer at blogger a.k.a. personal assistant. "Kuhanan mo siya ng litrato nang maipadala ko sa modeling agency na pagmamay-ari namin," panuto niya. Tumango lamang ang kausap at hinanda ang kanyang cellphone "Hindi ako nakapagpush-ups. Wala kasi akong pera na pang-gym," kunwari ay malungkot na pagtatapat ko habang nakatingin sa malayo. "Maysakit din kasi si lola pagkatapos nasalanta pa ng bagyo ang aming bahay. Kapos na kapos kami kaya ang work out ko lang ngayon ay ang paghahalo ng semento at buhangin." "Napakahirap ng buhay ko!" bigay-todo na pag-eemote ako. Sa sobrang galing kong umarte ay mananalo na ako ng "Best Actor". "Pera ba ang problema? Madali lang 'yan!" pagdamay niya sa akin habang inaakbayan ako. "Kung gusto mo bibigyan na kita kaagad ng bonus." "Talaga po? Nahiya ako lalo." "Oo, hijo!" "Talagang-talaga po?" may tono nang pagkasabik na sinabi ko. Tinignan ko siya ng may panunukso upang mas mapasunod siya sa nais. "Kailangang-kailangan ko 'yan!' "Name your price, Gorgeous!" nakangiting deklarasyon niya. "Mababa lang po. One hundred thousand pesos." "Ito na, akin na ang bank checks..." "Cash," suhestiyon ko dahil impossibleng ma-encash ko ang tseke at wala naman akong identity bilang tao. "Gusto ko po sana, cash!" Nagulat siya sa madalian ko na sagot. "Didiretso na kasi ako sa ospital at ilalabas na si lola. Kakapalan ko na ang mukha ko. Kailangan lang talaga." "Sandali, mayroon lang akong ninety nine thousand pesos." Binuksan niya ang kanyang pitaka at naglabas ng tig-iisang libong papel na asul at may nakaguhit na tatlong tao. Kung hindi ako nagkakamali malaki na ang halaga ng mga iyon. Ganoon ang itsura ng pinambayad ni Annie sa ospital kung saan niya ako pinagamot. "Ay, teka, baka gusto mo, alahas na lang..." Hinablot ko sa kanyang mga kamay ang malulutong na papel bago pa man niya naitago muli sa pitaka. Iniwasan ko na magbago pa ang kanyang isipan kaya inunahan ko na. Nagulat siya sa bilis ng aking pagkilos na hindi posible sa isang tao. "Excited ka?" Tumango-tango ako habang winawagayway ang pera na tig-iisang libo. "Pwede na ito. Mainit-init pa." Tinuklip ko na at iniligay ang pera sa aking bulsa. "Handa na po ba kayong makita ang katawan kong pangromansa?" "Of course!" Sumandal siya sa kinauupuan niya at naghintay ng magandang tanawin mula sa akin. Dahil marunong naman akong tumupad sa usupan, hinubad ko ang pang-itaas na damit. Napahawak siya sa kanyang dibdib na wari ay ma-aatake siya sa puso. Ang tagakuha ng litrato ay nagtanggal ng salamin at lumapit pa sa akin upang malapitan akong mapagmasdan. Nabitawan niya ang celphone na hawak dahil sa kakatingin sa akin. "Abs! Ang firm!" halos napasigaw ang babae at napatayo pa. "Pakurot nga!" "No touch policy po," pagsaway ko sa kanya. Lumayo ako kaagad at isinuot muli ang t-shirt bago pa man niya mahipo. "Ang bilis naman. Hindi man lang kita napakuhanan ng picture atsaka akala ko whole body." "Kulang po ang talent fee," pagrereklamo ko kunwari. Ang totoo ay masaya na ako dahil nakuhanan ko siya ng pera at naiganti si Annie sa ginawa niyang pamamahiya. Aalis na sana ako nang itinuro niya ang aking pantalon. "Ano yang nakaumbok? Bakat na bakat. Patingin nga at ngayon din ay bibigyan kita ng house and lot!" Napakagat siya ng labi at kumurap-kurap na pa-charming. Napaisip ako kung ano ang ibig niyang sabihin. Akala ko ay bukas lamang ang aking zipper at bigla akong napatingin sa ibaba ng aking baywang. Hindi naman. Salamat sa langit! Ngunit, katulad ng pagputok ng Mt. Vesuvius na kumitil ng libo-libong tao sa Pompeii noong 79 A.D., ganoon din ang naging pagsabog na nangyari sa aking utak nang aking natanto ang ipinahihiwatig niya. Anak ng putakti! Akala ko ay na-brain aneurysm na ako namg dahil sa pagkabigla. "Ano ba ang iniisip niya?" pagtataka ko. "Akala yata niya ay may napritong hotdog sa ilalim ng panloob ko!" "Ito po ba? 'Yun cash na binigay mo ang nakabakat," pagpapaliwanag ko upang mabura sa kanyang isipan ang hindi kaaya-ayang pangitain. Kinuha ko ang pera at inilipat sa bulsa ko sa likuran upang wala nang umumbok sa harapan ko. "Maiwan ka na nga, Madam," buong galang akong nagpaalam. "Ang bastos niyo po," pahabol ko na sinabi bago pa man nakalabas ng pintuan. "Ouch naman. Bastos? Sandali, Darling Baby! Ito na nga, money transfer! Ano ba account number mo? Pasisikatin kita na artista! Bumalik ka rito." "Salamat sa pera," may panunuya ko na sinabi. "Ang generous mo. Sana sa lahat ng mga trabahador mo, mapagbigay ka." Naglakad na ako paalis ng kwarto ngunit mapilit ang babae. Hinabol niya ako at kumapit sa aking braso. "Heto!" Inabot niya sa akin ang kapirasong papel na may nakasulat na numero, pangalan at tirahan niya. "Pag-isipan mo at kapag nakapagdesisyon ka na, tawagan mo ako." Panakaw niyang kinurot ang aking tagiliran. Pakiramdam ko ay tumaas ang lahat ng balahibo sa aking katawan, kasama ang mga nakatago ko na pakpak. Tumango na lamang ako, tumakbo paalis at sumakay kaagad ng elevator. Pabababa na ako ay rinig ko pa rin na pinapagalitan niya ang alalay na may hawak ng cellphone. "Ang bagal-bagal mo kasi kumuha ng picture e!" Napatawa na lang ako at napakamot ng ulo dahil sa mga kalokohan na ginawa ko. Pasaway talaga ako. Nasa sistema ko na iyon at hindi na matatanggal pa. Kahit anong pilit ko na maging maamong anghel, lumalabas pa rin ang pagiging pilyo ko. Magmimilagro lang si Ama kung sakaling babait pa ako. Ipinagmamalali ko na isa akong bidang-kontrabida! Pagkababa ko sa unang palapag ay hinanap ko kaagad si Annie. Tinanong ko ang mga kasama niya at sinabi nila sa akin na siya ay pinauwi na. Nanghinayang ako dahil hindi ko na siya masusundo. Lumabas ako ng hotel at umasa na hindi pa sana siya nakakalayo. Nakita ko si Annie na nakaupo sa may kaliwang bahagi ng building at nakaupo sa may damuhan. Kinuha niya ang kanyang maliit na bag at kumuha ng nilagang itlog. Binasag niya iyon sa pader at kinain. Kaawa-awang babae. Itlog na naman ang hapunan kahit bakas na sa mukha niya ang pagod at gutom. Sana man lang ay nagbaon siya ng mga na hinanda ko para hindi siya gutumin. Lumapit ako sa kanya at umupo rin. Nagulat siya dahil sa hindi inaasahang presensya ko. "Uy, anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman na nandito ako? Huwag ka masyado nagpapagod at baka mabinat ka. Ayos ka lang ba? Bakit ba kasi gumagala ka na alanganin pa ang lagay mo?" magkakasunod na tinanong niya. Sa loob ng ilang segundo ay napakarami niyang nasabi at hindi man lang ako nakasingit. Hinaplos niya ang aking likod at pinagmasdan ako. "Wala bang masakit sa iyo, Terrence?" "Maayos ang aking pakiramdam. Sinusundo na kita," maikli kong sinagot. "Wow naman! Ang bait! Kumain ka na? Heto o!" Kumuha siya ng isa pang itlog sa kanyang sisidlan at iniabot sa akin. Umiling na lang ako bilang pagtanggi. "Terrence...hehe...lugi sa gown at makeup," malungkot niyang pagsusumbong. "Wala akong maiuuwing pera. Nagalit ko raw kasi yun isang big boss. Hindi bale..." Dinukot ko ang pera mula sa aking bulsa at kinuha ang kamay ni Annie na may mga pira-pirasong dilaw pa ng itlog. Inilagay ko sa palad niya ang siyamnapu't siyam na libong piso na nakuha ko kay Valeria. Nanlaki ang kanyang mga mata at napatili. "Saan mo nakuha ito?" "Diyan lang." "Ninakaw mo? Bad 'yun! Kahit na mahirap tayo, marangal tayong magtrabaho upang kumita." "Hindi ito nakaw. May kumuha na talent manager. Napogian sa akin. Iyan ang bayad niya." "Aba! Wow!" manghang-mangha na napabulalas siya. "Dapat isang milyon! Hindi, isang trilyon! Ang itsura mong iyan ay priceless! Kumanta ka ba? Sumayaw? O umarte?" "Pinag-model niya ako." "Sabi na nga ba at pangrampa ka! Supermodel! May screening iyon. Pinalakad ka ba?" "Hindi. Nais niya na maging modelo ako ng mga panloob na kasuotan." Natigilan siya sa pagkain ng itlog at kahit na madilim na ay nakita ko na namula ang kanyang mukha. "U-Underwear?" tinanong niya. "B-Brief?" "Oo, nakita ko nga sa catalogue, may t-back pa. Kung sakali pala na model ako, makikita ang mga pisngi ng p***t ko," napagtanto ko pa. "Magkakasala ako nang malubha, panigurado." "A-Anong pinasuot sa iyo?" pag-uusisa niya na nanlalaki ang mga mata. "Wala naman." "Wala? W-Wala! Humaygad! Terrence, anong nagawa mo?" Halata na siya ay lubusang nabagabag. Napailing-iling siya at napahawak sa kanyang mga pisngi. "Nagburlesk ka?" "Hindi ako nagburlesk. Tinanggal ko lang ang t-shirt ko. Natuwa naman yun babae. Kaya lang nagbago ma ang isip ko. Hindi para sa akin ang showbiz." Bigla-bigla ay napatawa siya nang malakas at mukhang nakahinga nang maluwag. "Akala ko kung ano e!" Napahagikgik siya ngunit mabilis na naging seryoso ang kanyang mukha. "Terrence, nakakahiya talaga sa iyo at ang dami mo ng nagawa para sa akin. Nadawit ka pa sa kamalasan ko. Babawi ako sa iyo. Basta magkakasama tayo nina Tita Watty, tuloy ang laban sa buhay." Hindi ko siya masyadong naintindihan sa mga pinahayag. Sa katunayan ay siya ang maraming naitulong sa akin kaya hindi naman dapat siya mahiya. Nararapat lamang na ibalik ko ang kabutihan niya sa akin. "Walang bibitiw, ha? Fight! Fight! Walang iwanan!" Napangiti ako sa kanya. Mas napahanga niya ako sa magandang pananaw niya sa buhay. Kahit na alam ko na mahirap ang kanyang pinagdadaanan ay hindi siya sumusuko. At, nagawa pa niya na tulungan ang isang katulad ko. Habang tumatagal ay mas kumikinang ang kanyang busilak na puso. Para sa mga mata ko, siya ang pinakamagandang nilalang sa sanlibutan. Annie... Hanggang sa huli at nais mo pa na makasama ako, narito lang ako. Hindi ako bibitiw. Marahil, tatawagin na isa nga akong baliw nang dahil sa espesyal na pakikisama ko sa iyo, na isa lamang na mortal. Ganoon man ang mangyari, nanaisin ko nang maituring na baliw kung ang kapalit ay ang liwanag na tinataglay mo. Heto na naman ako... Pinaiiral ko muli ang aking kahinaan... Ang aking puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD