VIENNE’s POV
Ako na si Vienne lalo na sa trabaho ko sa gabi. Hindi na ako si Bebeng na paulit-ulit na sinasambit ni Shaolyn.
Ilang araw akong hindi pumasok dahil sa pagkikita namin ni Shaolyn. Iniisip ko na kapag hindi ako pumasok ng ilang araw ay maiisip niya na umalis na ako sa trabaho at hindi na siya babalik.
Bago ako umalis ng bahay ay buo na sa isipan ko na makikipagsabayan na ako sa mga kasama ko. Papayag na rin ako sa paghawak-hawak sa akin. Kailangan ko ng malaking pera. Gusto kong ma-operahan si Mama. Kailangan ko ng malaking halaga para makapagpa-opera kaming dalawa. Kaming dalawa dahil sa akin manggagaling ang kidney na ipapalit sa isa niyang kidney na hindi na nagpa-function. Gusto ko pang madugtungan ang buhay ni Mama Malou. Ulila na ako sa ama kaya hindi ko makakaya na mawala ang aking Mama.
Lahat ay handa kong gawin para madugtungan ang buhay niya. Ano pang saysay ng buhay ko kung wala rin siya sa tabi ko? Kaming dalawa na lang sa buhay at pangako ko kay Mama na gagawa ako ng paraan para gumaling siya at humaba pa ang buhay niya. Hindi ako Diyos pero may nakikitang pag-asa ang mga doctor na tumitingin sa kanya.
“Ma, pasok na po ako.” Maiiwan lang siya rito sa aming inuupahang barong-barong. Suot ko ang maluwag kong t-shirt at maluwag din na pantalon at lumang rubber shoes. Nakasuot din ako ng cap na nakatago ang aking mahabang buhok.
Napapagalitan ako madalas ni Mama dahil minsan basa pa ay itinatali ko na ang buhok ko at itatago ko sa cap. Ginagawa ko ito para hindi rin ako takaw pansin sa mga kalalakihan – lalo na sa lugar na ito. Nagkalat ang tambay.
“Mag-ingat ka anak.” Nagmano ako kay Mama bago ako lumabas ng bahay para ibigay niya ang basbas sa akin.
Nag-iba ang buhay namin simula ng magkasakit si Mama. Minsan ramdam ko na pilit na lang ang pagngiti namin na dalawa. Sa ngayon nagagawa pa namin ang pag-dialysis niya three times a week. Hirap na kumilos si Mama dahil pagkatapos ng dialysis ay nanghihina siya. Kaya dapat ay operation para ma-enjoy niya muli ang mabuhay na hindi lang nasa loob ng bahay – kung bahay ngang maituturing ang tinitigilan namin dalawa.
Mabilis akong nakasakay sa pampasaherong jeep. Medyo malayo siya sa lugar namin at mas gusto ko iyon. Mahirap na ma-tsismis dito. Baka iyon pa ang maging dahilan ng pambabastos sa akin ng mga tao rito. Mas mabuti na limitado lang ang alam nila. Alam nil ana nagtatrabaho ako sa palengke at marami ang nakakakita sa akin na taga sa lugar namin.
Sabi nila kung magiging mabait ako sa mag-te-table sa akin ay pwede akong mag-uwi ng limang libong piso gabi-gabi. Kung maiipon ko ito sa loob ng isang buwan ay may 150,000.00 pesos ako. Ang sabi ng doctor ay kailangan ko ng atleast 500,000.00 pesos. May malasakit help desk naman na malalapitan para matulungan kami.
Kakapalan ko na lamang ang make-up para maitago ang totoo kong hitsura. At kung makikita naman nila ako sa araw at masalubong ay hindi naman nila aakalain na si Vienne at Bebeng ay iisa. Bebeng sa araw at para sa mga kasamahan ko sa palengke at Vienne naman para sa trabaho ko sa gabi. Pero totoong pangalan ko ang Vienne. Hinango ito sa buo kong pangalan na Alenna Vivienne Gomez.
Ngayong gabi ay pinili ko ang damit na makikita ang hubog ng aking katawan. Hindi na naman ako bata. Isang buwan na lang at twenty years old na ako. May mga anak na nga sa probinsiya ang ganitong edad. Ako lang ang wala pang boyfriend dahil – naputol ang pag-iisip ko nang pumasok si Madam Ursula ang bigtime na entertainer dito at dahilan din kung bakita nakapasok ako rito.
“Vienne!” masaya nitong bati sa akin. Lumapit pa ito at bineso-beso pa ako. “Mabuti naman at nakapasok ka na. Marami na ang naghahanap sa iyo.” Masayang wika ni Madam Ursula sa akin. Hindi naman siguro ang taong iniiwasan ko. Walang pangalan na binanggit si Madam kaya baka hindi ang dati kong kaibigan iyon.
“Kailangan ko po talaga ng dagdag na trabaho, Madam. Kung pang-dialysis lang po ang hahanapin ko ay walang kasiguruhan kung gaano pa ang itatagal ni Mama.” Ang maganda sa pagpasok ko rito ay naging kaibigan ko na rin sina Madam Ursula pati na rin ang mga waiter dito. Mababait sila sa akin o dahil ang star ng club na ito ang backer ko sa pagpasok dito. Pero malungkot kong sinambit ang mga salita. Napansin ni Madam kaya hinagod niya ang aking likuran.
“Tumayo ka nga!” utos niya sa akin at ginawa ko naman na tumayo nga at pina-ikot pa niya ako. “Sabi ko na nga ba at bagay na bagay sa iyo ang damit na ito. Tiyak marami kang makaka-table ngayong gabi. Subukan mo rin um-order ng pinakamahal na alak pero hindi naman matapang ang epekto sa katawan. Baka mapalakas ang loob mo at kumita ka ng maganda ngayong gabi.” Payo pa ni Madam Ursula sa akin.
Ayos na ako at tinulungan pa ako ni Madam sa buhok ko.
“Vienne, may naghahanap na ng ka-table. Pwede ka na ba?” tanong sa akin ng isa sa mga floor manager rito sa club.
“Okay po.” Nagpakawala pa ako ng malalim na buntong-hininga.
Napangiti si Madam Ursula. “Good luck, Vienne! Kayang-kaya mo iyan. Masasanay ka rin sa trabahong ito. Isipin mo na may mapupuntahan na maganda ang bawat piso na kikitain mo rito.” Gumanti ako sa kanya ng ngiti at parang naiinip na ang floor manager namin kaya hinila na ako nito.
Inihatid ako ng aming floor manager sa isang lalaki at wala itong kasama sa table. Mas okay na sa akin ang mag-isa at hindi grupo. At least isang pares lang ng mata ang hahagod ng tingin sa aking katawan.
Naiilang man ako sa suot ko ay hindi na ako nagpahalata. Dapat ay masanay ako sa ganitong damit.
Tahimik ang ka-table ko pero maasikaso siya dahil siya ang tumawag sa waiter para pa-order-in ako.
Kailangan kong kumita kaya pumili ako ng mamahaling drinks. Sinunod ko ang sinabi ni Madam Ursula para makasabay ako sa kasama ko rito – kailangan ko ng lakas ng loob.
“Bago ka rito? Ngayon lang kita nakita.” Simula ng aking ka-table. Mabait naman siyang magsalita.
“Ilang linggo na rin po akong pumapasok kaya lang po ay higit isang linggo rin po akong absent.” Magalang kong sagot dito. May edad na siya at baka nga ka-edaran siya ng papa ko kung nabubuhay pa ito.
Dumating ang pagkain ko at dahil nagtitipid na ako dito na ako kakain. Pagkain lang ni Mama ang binili ko kanina. Gusto ko rin sana makakain si Mama ng masasarap. Kapag maganda ang kita ko ay pwede ko siyang pasalubungan tulad nitong lasagna. Gusto ko ito. Masarap magluto si Mama ng ganitong pagkain.
Napasarap ang subo ko kaya napansin ako ng ka-table ko. “Kung gusto mo pa, pwede ka pang um-order.” Nahiya naman ako bigla kaya binagalan ko ang pagkain.
“Okay na po ako rito. Salamat po.”
Marami pa siyang itinatanong sa akin. Napaparami na rin ang naiinom niya kaya nagiging touchy na ito.
Hindi ko maiwasan na kilabutan dahil first time kong mahawakan ako sa aking braso na may kakaibang paghaplos. Paunti-unti akong lumalayo sa kanya.
“Dito ka lang sa tabi ko.” Sambit nito.
“Naiihi na po kasi ako. Gagamit lang po muna ako ng bathroom.” Paalam ko rito at pumayag naman siya.
Nasalubong ko ang floor manager namin.
“Madam, ayaw ko na pong bumalik doon. Nahihilo na rin ako, baka hindi ko po siya mapigilan kapag may gagawin po siya sa akin. Paano po kaya ang gagawin ko?” Hinila ko pa ito sa lugar na walang tao. May pagkakataon na umiikot na nga ang paningin ko. Nakadagdag pa ang effects ng strobe lights.
“Papunta nga ako sa iyo at tatawagin sana kita dahil may lalaki sa may cashier at binayaran na ang isang gabi mo. Baka gusto mo siyang makita bago umalis?”
Na-curious naman ako. Kapag binayaran ang isang gabi ko ay 50,000.00 iyon ang sabi ni Madam Ursula sa akin. Malaking halaga iyon.
“Sige po, Madam. Gusto ko pong makita. P-puntahan ko po siya.” Bigla akong napatumba mabuti at naagapan ako ni Madam. Umeepekto na ang ininom ko. Matindi nga iyon. Ilang lagok pa lang ang nagawa ko.
“Vienne, mabuti at nandito ka na. Ito ang bayad sa iyo ngayong gabi. Pwede ka na umuwi dahil bawal ka na magkaroon ng ka-table.” Wika ng kahera sa akin. Kamag-anak ito ng may-ari nitong club.
“Sino po ang nagbayad?”
“Kaaalis pa lang niya. Maabutan mo pa. Diyan siya dumaan.” Turo sa akin sa direksyo papuntang kanan.
Mga kwarto ang lugar na ito. Mabilis akong naglakad kahit nahihilo ako. Masyadong malaki itong halagang ito kaya dapat ay matumbasan ko ito. Ayaw ko rin gastusin kung hindi ko pagpapaguran.
“Ikaw ba ang nagbayad nito?” malakas kong wika. Nahihilo na ako at hindi ko na yata siya mahahabol.
Tumigil siya at nilingon ako. Napasandal na ako sa pader. Nakita ko na nag-alala ito kaya mabilis siyang lumapit sa akin at hinawakan ako. Kumapit din ako sa kanya. Pinto ang katabi ng kinasasandalan ko kaya binuksan ko ang pinto at hinila ko siya para makapasok kami sa kwarto.