KALAHATING araw na ang lumipas. Napakaraming customer na ang naglabas-masok sa resto at ilang mesa na rin ang napunasan ni Eveleen ngunit hindi maalis sa kanyang isipan ang sinabi ni Janus. Magkahiwalay silang nagtatrabaho ngayon. Naroon ito at abala sa itaas habang siya ang narito sa ibaba. Naupo siya saglit dahil nakaramdam na siya ng pagod. Nang tumunog ang wind chime ay muli siyang tumayo. Babati na sana siya sa customer na kararating lang ngunit hindi niya na nagawa. Nagsalubong ang tingin nila ng dalagang hindi niya inaasahang makikita niya pa rin kahit na ngayong Sabado—oo, si Sophie. "Look who's here working on a weekend." Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa saka lumapit. Naupo ang dalaga kasama ang dalawa nitong kasama sa isang mesang pang-apat na tao.

