NAUPO muna si Eveleen sa waiting shed kung saan hinihintay nina Tiffany at Pia ang mga sundo nila kapag hapon. Napagod siya sa paglalakad magmula sa apartment hanggang sa eskwelahan. Thirty minutes bago ang klase ay narito na siya. Hindi niya akalain na kaya niya palang maglakad nang mabilis lalo na’t pinagtripan na naman siya ni Janus kahapon bago sila umuwi. Takip-silim na nang makapagpaalam sina Janus at Eveleen sa mga magulang nito na aalis na. Napakaiksing oras noon para sa dalaga. Isang linggo pa lang siyang hindi umuuwi ay talaga namang nami-miss niya na ang mga ito. Sabik na sabik siyang marinig ang mga boses nito noon kapag tatawag ngunit may kaunting pangamba lalo na’t kapag mapag-usapan ang tungkol kay Sophie. “Anak…” Nilapitan pa ni Castor ang anak habang palabas ng pinto.

