“Bunso, kanina pa tawag nang tawag si Keith. Ba’t ‘di mo daw siya sinasagot? Kanina pa ako katok nang katok sa pinto. Akala ko mapuputol na ang kamay ko sa kakakatok at tutubuan na ng ugat,” bungad ni Art kay Avon nang pagbuksan ng dalaga ng pinto ang nakakatandang kapatid. Bahagya pa itong nakasimangot pero agad ding nag-iba ang reaksyon nito nang makita ang itsura ng kapatid. Sabog ang buhok at halos ‘di maibuka ang mga mata ni Avon dahil sa pamamaga. “Oh, ano ang nangyari sa mga mata mo at mukhang kinagat ng bubuyog? Tungkol pa rin ba ito sa nangyari kahapon?” nag-aalalang tanong pa nito. Marahang umiling si Avon at hindi sinagot ang kapatid. Sa halip ay iniba niya ang usapan. “Ano daw ang kailangan niya?” walang gana niyang tanong. Medyo natigilan si Art sa sagot ng kapatid. Bigla ay

