EPISODE 7: Mga Kabiguan ni Arthur Velasquez
MADALING araw na akong nakatulog sa kalilinis ng sahig, puno kasi ng suka ni Ash na mahina pala sa alak, sana naisip man lang niya 'yung magandang kasambahay nila, wala naman kasing iba na maglilinis ng mga suka niya kundi ako. Kapag nagpatuloy na ganito palagi ang oras ng tulog ko ay baka magkasakit na ako nito. Minsan, gusto ko na lang umiyak dahil nahihirapan na rin ako sa loob ng mansyon, wala pa ako sariling kwarto.
Gusto kong umangal sa kanila at magreklamo kaso wala naman akong karapatan, hindi naman sobrang mabigat ang mga trabaho ko, nagagawa ko naman siya ng maayos at mabilis. Ang pinoproblema ko lang talaga ay palagi akong nagkukulang sa oras ng tulog, mahirap na at baka magkasakit ako, wala naman mag-aalaga sa akin dito.
Mabuti sana kung nandito si itay, alam niya kung ano ang gagawin at makakaasa akong matutulungan niya ako pero sa pitong lalaki na kasama ko sa bahay, hindi ko alam kung sino ang pwede kong maasahan dito kapag ako naman ang nangailangan ng tulong.
Ang hirap maging mahirap pero ayoko namang mamatay na mahirap, kaya hanggang maaari ay magtitiis ako at magsusumikap. Lalabanan ko ang lungkot at magtitiyaga na maghintay na dumating ang araw na magiging malaya na ako mula sa pang-aalipin ng pera.
Dito ako natutulog sa sala, malaki naman ang sofa kaya parang natutulog narin ako sa kama, ang hinahanap ko lang talaga ay privacy. Syempre, babae ako, kailangan namin iyon, masyadong maselan sa amin ang reyalidad, lalaki parin naman hanggang ngayon ang palaging nasa taas. Hindi ako against sa mga kalalakihan, minsan nakukulangan lang talaga ako sa oportunidad pagdating sa mga kababaihan, 'di ko rin naman masisisi kung bakit ang hirap parin umangat ng mga babae, kasi kapwa babae rin namin minsan ang nanghihila sa amin pababa.
Alas dos na ako nakatulog at alas siyete naman ako ng umaga nagising, kailangan ko na kasing ipaghanda ang mga alaga ko ng kani-kanilang almusal, itlog, hotdog at sinangag ang niluto ko sa kanila. Kagaya ng inaasahan ko ay si Darrex ang pinakamalakas lumamon sa kanila, siya nga lang yata ang nakaubos ng isang kilo kong bigas na sinalang na ginawa ko lang fried rice.
Naging tahimik ang buong umaga ko at bahagyang nakaidlip pa ako kanina bago sumapit ang tanghali dahil naging abala sa paglalaro sa isang kuwarto sa mansyon sila Ash at Jazerou, walang mangungulit sa akin. Palagi naman kasing nasa labas si Darrex at naghihithit lang ng sigarilyo. Samantalang si Ethan nasa library ulit nakatambay, si Ash naman ay nasa kuwarto niya, may hangover daw. Habang si Arthur ay nandito sa sala at may hawak na beer.
"Masama sa kalusugan 'yang ginagawa mo sir," sita ko sa kanya, tiningnan lang niya ako at ngumiti. Ang lalim pala ng dimples niya sa kaliwang pisngi, ngayon ko lang kasi siyang natitigang mabuti.
Nakasuot lang siya ng puting plain na t-shirt at itim na short, nakasandal ang likod niya sa sofa at nakalahad ang isang kamay sa upuan ng sofa habang ang isa naman niyang kamay ay may hawak na isang bote ng alak. Katulad ng mga kaibigan niya ay may ilalaban din sa kagwapuhan ang isang 'to, matangos ang ilong, bilugin na malaki ang kanyang mga mata at inosente niyang ngumiti, mukha nga siyang mabait eh.
"Sinabi na namin na 'wag mo na kaming tawaging sir ah, magkakasing edad lang tayo dito. Atsaka, hindi kami ang nagmamay-ari ng mansyon na ito kundi si Mr. Philip, katulad mo, mga housemate lang din niya kami rito." Pinakita niya ulit ang malalim niyang dimples.
"Bakit ba palagi kang naglalasing? Hindi ka ba natatakot na baka magkasakit ka niyan?" Sinubukan kong agawin sa kanya yung hawak niyang bote ng beer pero inilag niya lang ito.
"Gusto mo ba talagang malaman?" Seryoso niyang tingin sa akin.
"Syempre, naman."
Ngumiti siya. "Ako ang huling taong pumasok sa mansyon, sa kanilang lahat ako lang ang tanging nakapaghanda at nasabihan na kailangan kong sumama kay Mr. Philip at maitago sa loob ng mansyon." Pagsisimula niya ng kuwento, lumagok ito ng hawak niyang beer. "Walang detalye na sinabi sa akin kung ano tunay na dahilan kung bakit kailangan kong magtago, basta't nagmamadali niyon si mama at papa na mag-impake ako at sumama na kay Mr. Philip." pagpapatuloy niya.
Biglang pumasok sa isip ko nang mga panahon na nagta-training ako para maging kasambahay sa loob ng mansyon ay mailap din sa akin si Mr. Philip na magbigay ng detalye tungkol sa pito. Ni larawan nila ay walang binigay sa akin ang amo ko, maski nga mga pangalan nila hindi rin sinabi sa akin, basta't ang pagkakasabi niya lang makikilala ko lamang ang pito kapag nakapasok na ako sa loob ng mansyon.
"Iyong araw na dapat magkikita kami ni Niklaus, 'yung babaeng naging dahilan kung bakit pakiramdam ko ay palagi akong malungkot. Parehas din ng oras at nang araw na iyon kung kailan dapat na akong makaalis, sinubukan ko pang tumakas at magtangkang magpaalam man lang sana sa babaeng minamahal ko kaso hindi ko na nagawa, may bigla na lang lumapit sa akin na isang lalaki at tinakpan ang ilong ko, maya maya nawalan na ako ng malay." Nilapag niya ang hawak niyang isang bote ng beer at nilagok ang natitirang likido sa loob.
"Maiintindihan naman niya siguro ang sitwasyon mo, nasa panganib ang buhay mo. Wala ka naman na balak talaga siyang iwan, sadyang nagkataon lang na kailangan mo nang umalis," sinusubukan kong kumbinsihin siya na walang mali sa ginawa niya at nagkataon lang ang lahat ng mga nangyari.
"Iba lang kasi ang pakiramdam ko talaga sa kanya ng huli ko siyang nakita, nangingitim ang ilalim ng mga mata niya, malungkot at nangungusap ang mga mata niya. Alam kong may mabigat siyang pinagdadaanan, malakas ang kutob ko na may hindi magandang nangyayari sa kanya," Ikinuyom niya ang kanyang mga palad at nagsalubong ang mga kilay.
"I'm sorry..." ang mga naging usal ko na lang.
"Wala ka naman dapat ihingi ng sorry, wala ka naman kasalanan sa mga nangyari, Ayeng. Sa katunayan, nagkaroon nga ulit ng buhay itong mansyon simula nang dumating ka, sa tingin ko, malaki ang magiging papel mo para mabago ang mga buhay namin dito." Nilingon niya ako at ngumiti kasama ang malalim niyang dimples.
"Si Juno pala ang unang naging tao sa loob ng mansyon?" pag-iiba ko nang usapan, bigla ko kasing naalala na parang nasabi sa akin ni Ethan ang tungkol sa bagay na 'yon.
"Misteryoso ang taong 'yon pero siya nga ang unang naging tao sa loob ng mansyon. Mahuhulaan mo ba kung sino ang sumunod sa kanya?"
"Si Ethan?" hula ko, natawa siya nang bahagya.
"Si Darrex, siya ang pangalawang naging housemate ni Mr. Philip," napapalakpak siya sa sahig. "Alam mo ba na hindi ko maimagine kung gaano katagal na makakasurvive sa loob ng mansyon si Darrex kasama si Juno. Hindi ba't nakakatwang isipin na ang isang bugnutin na katulad ni Darrex at si Juno na may existential crisis ay maiiwan na magsasama sa iisang bubong?"
Napaisip ako, ano nga ba ang pwedeng mangyari kapag silang dalawa nalang ang natira sa loob ng mansyon? Baka mamaya sa sobrang inip at bagot ng sanggano na 'yon ay bugbugin at saktan niya si Juno, mukhang hindi pa naman marunong lumaban 'yung isa, kawawa naman kung iisipin.
"Alam mo bang medyo natatakot si Darrex kay Juno?" biglang naging pabulong ang mga naging salita nito. "Bigla-bigla na lang kasing nasulpot si Juno minsan na parang multo, iyon pa naman ang ayaw ni Darrex dahil matatakutin ito." sabay niyang itinaas-baba ang mga kilay niya at ngumiti.
"Ang sanggano na 'yon, duwag pala sa multo?" napasenyas ito na 'wag akong maingay, napalakas kasi ang boses ko.
"Sige, maiwan na kita, aakyat na ako sa kwarto ko at doon magtutuloy na mag-inom. Ngayon alam mo na ang itinatagong sikreto ni Darrex, sa atin-atin na lang 'yon ah." Kinindatan ako nito at natatawang tinaluran ako paakyat ng hagdan.
Napangisi ako, multo lang pala ang katapat ng taong 'yon, ang tapang-tapang magsalita at ang yabang pa, matatakutin naman pala. Marami siguro akong malalaman na rebelasyon sa kanila kapag mas nagtagal ako sa loob, ano pa kayang mga sikreto ang mga itinitago ng pito?
Pumunta na ako sa kusina para maghanda ng matatanghalian ng pito, agad akong nagtungo sa malaking pridyider para maghanap ng maaaring iluto, kinuha ko ang isang buong bangus at inihanda na ang lahat na mga sangkap na kailangan ko. Marahan kong hinihiwa at hinihiwalay ang katawan ng bangus ng may naramdaman akong malamig na ihip ng hangin sa aking batok.
Nagkibit-balikat ako, imahinasyon ko lang siguro ang nararamdaman ko, nagpatuloy ako sa ginagawa ko hanggang may naulinagan akong anino na mabilis na gumagapang at biglang nagtago nang mapansin ko.
Itinaas ko ang hawak kong malapad at matulis na kutsilyo, inihahanda ang aking sarili sa kung anuman ang pwedeng mangyari, sigurado ako sa naulinagan ng mga mata ko at nakatitiyak akong nagtatago iyon ngayon sa gilid ng lababo.
"Kung sinuman ka man, magpakita ka?" sigaw ko at pagbibigay ko ng babala.
Nanginginig akong mas lumapit, mas naging mahigpit ang hawak ko sa kutsilyo, kaunting hakbang pa ay makikita ko na siya at napakunot-noo ako nang makilala kung sino ang taong naulinagan kong gumagapang papasok sa lababo, may hawak itong pitsel ng tubig at isang baso, umiinom ng tubig habang nakaharap ang mukha sa pader.
"Tinakot mo ko, sir, akala ko kung ano na 'yung nakita ko," bigla kong nabitawan ang hawak kong kutsilyo sa sahig ng lumingon ito sa akin.
Muntikan pang maturok ng kutislyo ang kaliwang paa ko dahil sa gulat, bigla-bigla niya kasi akong nilingon nito at muling pagapang na naglakad papunta sa pridyider kung saan siya kumuha ng tubig na maiinom.
Napahawak ako sa aking dibdib. "Tumambay ka na sa sala, sir Juno at maya maya tatawagin ko na kayo para kumain. Magandang tanghali po pala, sir Juno," wala itong naging tugon sa magiliw kong pagbati sa kanya, ang suplado talaga ng person na 'to, ipasok ko kaya siya ulit sa malaki nilang pridyider, charot.
Mga Sangkap sa Pagluto ng Sinigang na Bangus:
1 malaking piraso ng bangus
1 (40g) pack knorr sinigang sampalok mix (orig) pwede din na tunay na sampalok ang gamitin.
1 or 2 tali ng dahin ng kangkong
2 tali ng sitaw
6 hanggang 8 piraso ng okra
2 hanggang 4 na siling pampaksiw
1 or 2 pirasong may kalakihang kamatis
1 malaking dilaw na sibuyas
1/4 tbsp ng buong paminta
2 quarts water o depende sa gusto niyo lang
Pagkatapos kong magluto ay tinawag ko na silang lahat, nakita ko na nasa sala si Juno at Darrex, habang iniutos ko na lang kay Ethan ang iba pa niyang mga kaibigan, mabuti nalang hindi reklamador ang person at sinusunod lang ako.
Sabay-sabay kaming kumain sa hapag kainan na parang isang buong pamilya, wala naman akong naririnig na angal sa kanila dahil sa lasa ng luto ko, mukha namang nagugustuhan nila ang lahat ng inihahanda kong pagkain. Mabilis nga nilang naubos ang mga ito.
Pagkatapos nilang kumain ay iniwan na nila ang kani-kanilang pinagkainan sa malaking dining table at nilinis ko na iyon, dinala ko na lahat ng mga baso, pkato at kutsara't tinidor na ginamit nila sa lababo para mahugasan. Nagtataka nga ako at bakit hindi parin tumatayo sa kanyang inuupuan si Darrex at pinapanood lang ako hanggang tuluyan na matapos ako sa aking ginagawa.
Pagdating sa kusina para maghugas ay nakita ko siyang naroon din at nakatingin parin sa ginagawa ko, hindi ko na lang siya pinansin at hinayaan ko na lang siyang nakatayo malapit sa akin.
"Alam mo bang napanaginipan kita?" Kamuntikan ko pang makagat ang dila ko dahil sa narinig kong sinabi niya. Ano naman kung napanaginipan niya ko, kasalanan ko ba 'yon?
Lumapit siya sa akin, umatras naman ako nang umatras hanggang sa makulong niya ko sa sinandal niyang kanan niyang kamay malapit sa kaliwang bahagi ng ulo ko. Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin, napayakap ako sa aking sarili at napatikom ng aking bibig. Sobrang lapit na niya kasi sa akin at kulang na lang ay magdampi na ang mga labi namin sa isa't isa, naaamoy ko na nga 'yung hininga niyang amoy yosi.
To be continued...
Author's Note: Nag number #172 din ako sa TEENFICTION category, kaunting push pa at maabot ko rin 'yung target kong Top 100 para mas lumaki pa ang audience ko. May tanong lang ako, sino ba ang bet niyo para kay Ayeng?
Connect me on my social media account:
FB: Aftoktonia Writes
IG: IamAftoktonia
#PowerofSeven
Gamitin lamang ang mga hashtag na ito para sa gumagamit ng X or Twitter, babasahin ko po ang lahat ng opinyon at mga saloobin niyo roon.
Magiwan lamang ng mga komento at boto para sa karagdagang update, malaking tulong na po iyon sa awtor na tulad ko, keep reading para happy lang hahaha :)