Huminto ang tren at nagkaroon ng bakanteng upuan malapit sa kanya. Nang muling hanapin ng mga mata ni Feby ang lalaking parang modelo ng toothpaste nang makaupo na siya, hindi na niya iyon nakita pa. Marahil bumaba na.
Normal na araw iyon at normal na biyahe. Pero ang engkuwentro niya sa guwapong lalaking gaya niyon ay bihira lang kung mangyari. Ilang minuto lang ang lumipas, parang bumalik yata ang pagka-teenager niya.
Naalala niya bigla ang dating college crush kung makangiti tila walang pasaning problema sa grades. At sa ngiti ng lalaking iyon, katulad na katulad ang ganoong pakiramdam niya noon. Obviously, hindi naman iyon ang dati niyang hinahangaan. Malayong-malayo ang hitsura. Dahil di-hamak na napakaguwapo nitong huli, na binigyan na nga niya ng secret code-si toothpaste model. Sa lahat ng lalaking nasilayan niya sa loob at labas ng LRT, dito niya lang yata naramdaman ang ganoon.
Mukhang tama nga yata si Rose, mananakawan pa yata siya ngayon. Pero hindi pa naman iyon puso, sigurado siya. Nagka-crush lang siya, sana.
Napatingin siya sa cell phone. Naalala niya bigla si Rose. Nalimutan niyang kausap pa nga pala niya ang kaibigan. Ganoon ba talaga ang dating ni toothpaste model sa kanya? Naisasantabi ang kaibigan nang hindi namamalayan? Na-gi-guilty si Feby na baka isipin ni Rose na binabaan niya ito kanina. Imbes na tawagan ulit si Rose ay pinadalhan na lang niya ito ng text message.
Dahil wala pa naman ang dalawang best friend niya nang makarating sa pinag-usapang mall nagdesisyon muna si Feby na pumunta sa pharmacy. She just remembered she had to buy her monthly needs as a lady. Nakatanggap siya ng message sa mga kaibigan na pupuntahan na lang daw siya ng mga ito kung nasaan man siya naroon.
Matapos i-send ang reply, palabas na siya nang matanaw ang tila pamilyar na lalaki. Sumingkit ang mga mata niyang sinuri iyon. Matapos ay bahagya namang namilog sa gulat nang matukoy niya kung sino ito. Waring tumindig sa galak ang dibidb niya nang muling masilayan ang guwapong mukha at ngiti niyon. Iyon na naman kasi ang lalaki. Si toothpaste model!
Naging marahan ang paglakad niya. Hindi ba siya namamalikta? Sa kanya ba talaga nakatingin ito? Siya ba ang nginingitian ulit nito?
Itinaas niyon ang isang daliri at inaaya siya palapit roon. Sa ginagawa nito para yata siyang inaakit na lumapit. Hindi naman naiwasan ni Feby ang magtaka. Hindi naman sila magkakilala kaya't bakit naman ganoon ang mga ikinikilos nito.
Huminto siya.
At nang lilingunin sana niya ang kanyang likuran para siguruhin kung siya nga ba ang pinalalapit ni toothpaste model ay saktong nabunggo naman siya ng isang babae.
"Sorry," unang paumanhin nito sa kanya na napansin niyang nakahawak sa tiyan.
"Sorry," sambit niya din dito habang sapo ang sariling balikat.
Nasiko niya ba ang sikmura nito? Hindi niya alam. Mabilis ang nangyari. Nagulat na lang si Feby nang ibalik niya ang tingin kay toothpaste model. Palapit na iyon sa kanya.
"Ayos ka lang ba?" pag-aalala ni toothpaste model sa babaeng nakabunggo ni Feby. Samantalang si Feby, napaawang ang bibig. Sekretong pinagalitan ang sarili sa labis na pag-aakalang siya ang lalapitan nito. Hindi naman pala!
"Oo. Okay lang," sagot ng babae dito at bumaling sa puwesto ni Feby.
Nakakahiyang tinitingnan ni Feby ang dalawang iyon kaya't iniba na lang niya ang direksyon ng mga mata. Nang maramdaman niyang hindi na nakatuon sa kanya ang babae hindi pa man siya kumukurap, muli niyang ipinihit ang leeg sa mga ito. At doon muling nagtama ang mga mata nila ni toothpaste model. Titig na titig ito sa kanya. Siguro'y namumukhaan siya nito sa kutob ni Feby. At sa ngiting muling ibinigay nito sa kanya ay nakasiguro nga siyang naalala nga yata siya nito.
Wala siyang ibang kinikimkim sa loob kundi dismaya at disgusto sa minamasdang papalayo. Lalo pa nang akbayan ni toothpaste model ang babaeng iyon. Hindi pa man nadidiligan ang feelings niya, kaagad nang nalanta! Wala na rin naman siyang magagawa. Sa kasamaang palad, taken na pala ang kinahuhumalingan niya.
"Huy!"
Tumaas ang balikat ni Feby gawa ng nakakagulat na tapik. Nang lingunin niya kung sino, ang dalawang kaibigan niya pala. Pansin niya kaagad ang kaunting pagtaba ni Cass at pagkapayat naman ni Rose. Siya lang yata itong walang ipinagbago sa katawan. Hindi siya ganoon katangkad pero bilib naman siya sa ganda ng vital statistics na inaalagaan niya.
"Bakit parang ang sama ng mukha mo Feby?" pansin kaagad ni Cass.
"At ang isip kanina bigla rin yatang napadpad sa kung saan," kasunod na pag-ismid din ni Rose na ipinaalala din ang topak sa network at kaugnayan daw noon sa topak niya. Parehas na nakatitig ang dalawa sa kanya, kung makapag-obserba ang mga iyon ay gaya pa rin ng dati. Pinapakiramdaman kung may pumasa na bang lalaki sa kanya.
"Kayo talaga, napaka-tsismosa niyo! Na-miss ko talaga kayo." bulalas niya sabay kapit sa mga braso nito. Pumagitna sa mga iyon at inakay. "Wala lang naman 'yun. Si toothpaste model ko pala kasi may jowa na."
Napansin niya kaagad ang pag-ngiti ni Rose at pagsalubong ng kilay ni Cass.
"Sino naman 'yun?" Duet pa ang dalawa. Pero sa magkaibang tono.
Kahit na kinubabawan ng hiya si Feby sa dalawang ito na kapwa may matatag na lovelife ay tinapal niya pa rin ang ngiti sa bibig.
"Iyong guwapo kanina sa LRT."
Gaya ng inaasahan ni Feby, mas kiniliti pa ng kilig ang dalawa kaysa sa kanya nang ikuwento niya ang nangyari. At hagalpakan din sa tawa ang mga ito sa parteng inakala niyang nagpapacute ang lalaki sa kanya. Nagpatuloy ang pangungulit ng dalawa niyang kaibigan.
Kaya't hanggang sa makapasok sila sa kilalang fast food chain ay iyon pa rin ang sentro ng kanilang usapan.
"Assuming ka din naman kasi masyado. Sayang! Pero kung siguro walang jowa 'yun at type ka niya sa LRT pa lang, eh siguradong papa-hard-to-get ka din naman!" saad ni Cass na pinapaikot sa tinidor ang kinakaeng spaghetti.
"Korek!" pag-segunda ni Rose. "Masyadong pihikan sa taas ng standards. Kung nagkaka-jowa man, weeks lang ang tinatagal."
"Kasi fling-fling ko lang kapag ganoon. At hindi counted 'yun. Kaya NBSB pa rin ako," depensa naman kaagad ni Feby. Muling sumubo ng choco sundae.
"Eh, kailan ka ba talaga magseseryoso sa lovelife mo? Last year pa 'yung huling fling mo di ba? Oy Feby hindi ka ba kinakabahan? Remember next week na ang taning ng sumpa ng ate mo. Baka magkatotoo 'yun!"
Umismid si Feby sa sinabi ni Rose. "Hindi ako kinakabahan. Hindi ako natatakot. At lalong hindi ako naniniwala sa sumpa o kasabihang 'yun. Ano naman kung mag-two twenty seven na'ko at walang pang serious boyfriend? Edad lang ang tumatanda, pero ang feelings hindi. Pakiramdam ko nga twenty one lang ako turning twenty two."
"Ewan ko sa'yo," irap ni Cass. "Bawas-bawasan mo kasi 'yang ka-supladahan mo sa mga nagiging jowa at manliligaw mo nang tumagal-tagal naman."
"Alam mo Cass, sa pagiging suplada ng babae nalalaman kung paano sumuyo ang isang lalaki. Dalawa lang 'yun. Either makikipagsabayan siya sa topak mo or mangingisay ka sa kilig sa pag-papacharming niya," depensa ulit ni Feby na tiwalang-tiwala sa pinaniniwalaan.
"Ano namang napala mo sa dalawang iyon aber?"
"Parehas," sagot niyang nakangiti. "Mas matindi ang topak sa'kin at nakakaumay ang pagpapacharming!"
Hindi niya kasi malilimutan iyong naging boyfriend niya last year lang na matindi pala ma-nermon noong minsang na-late si Feby sa lakad nila. Hindi niya kinaya ang taas ng boses noon na maging ang makakapal na kilay nakisabay din sa taas kung magsalubong. Kaya hindi na siya nagpaligoy at nakipag-break na siya kaagad. Kahit pa sinuyo siya noon at humingi ng paumanhin dahil mainit lang daw ang ulo ng araw na iyon ay hindi pa rin nagbago ang isip ni Feby. Hangga't maaari kasi gusto niya pa naman sa lalaki iyong kayang kontrolin ang galit sa harapan niya.
Matapos ibalandra ni Rose ang dalang mga pasalubong na sari't-saring mga souvenier at native dessert ay nag-aya itong manood ng sine. Pinagbigyan na nila itong manood ng local movie horror tungkol sa tatlong manika daw na nabubuhay. Bigla din kasi nilang naalala na mayroon din silang kanya-kanyang manika noon na pinagkasunduang bilhin.
Pero hindi inaasahan ni Feby ang makikita habang nakapila sila sa ticket booth.
Naroon na naman kasi sa di-kalayuan si toothpaste model at ang babaeng kasama nito, pumipili yata nang panonoorin. Sana lang hindi na niya makita pa ang mga iyon sa loob ng sinehan, hiling ni Feby. At kahit na interesado ang dalawa niyang kaibigan na makita ang ibinibida niyang si toothpaste model ay minabuti niyang hindi na ituro pa iyon sa mga ito. Baka kasi pag-kaisahan na naman siya.
Quo-quota ka na talaga ngayong araw. Palagi kang nagpapakita sa'kin. Napalis ang inis niya matapos sabihin ng isip niya iyon. She just realized it was unfair to her. Siya lang kasi ang unang nakakapansin dito.
Sinaway niya ang sarili. Paano ka naman mapapansin niyan eh may iba nang pinapansin!
Sumandaling tumahimik ang isip.
Naningkit ang mata nang muling nag-suhestiyon iyon. Masama. Hindi tamang gawain. Hindi tamang mang-sulot ng boyfriend ng iba. Ah! Hindi pa ko ganoon ka-desperada!
"Bakit mo binabatukan 'yang ulo mo Feby?" pansin sa kanya ni Rose. Dahan-dahan na lang niyang ibinaba ang kamay. Nalimutan niyang kasama niya nga pala ang dalawa na walang ibang ginawa kundi pansinin ang lahat ng kilos niya.
"Wala naman. Kinokondisyon ko lang!" palusot na sermon niya sa dinurong sentido. Kasabay rin ang pagpapa-alala dito na hinding-hindi niya gagawing magpapansin sa lalaking iyon at agawin ito sa iba. Hanggang sa tuluyan siyang nagtaka sa mismong sarili. Hindi nga kaya talagang desperada na siya? Hindi niya lang kayang aminin?
Tingin tuloy ni Feby mukhang iba nga yata ang dating ng lalaking ito sa kanya. Kung anu-anong mga naiisip niya na dati'y hindi naman sumagi sa isip niya ni minsan . Pero may isa siyang inamin sa sarili matapos niyang pukulan ng huling sulyap ang dalawang iyon. Nakadama lang naman siya ng insecurity sa babae. At ikinabahala niya iyon sa hindi malamang dahilan.