CHAPTER 7

1802 Words
“JACOB!” tawag ko sa lalaking walang pakiramdam. Kanina pa kami naglalakad ngunit tila wala namang patutunguhan ang paglalakad namin. Kanina pa ako umuungot sa kaniya na magpahinga muna kami pero tila wala naririnig ang bugok na ’to. Ang bilis-bilis pa ng lakad niya. Para siyang kapre dahil sa bilis at laki ng kaniyang mga hakbang. May mga mangilan-ngilang mga sasakyan ang napapadaan kanina pero ni isa sa mga iyon ay walang huminto para tulungan at isakay kami. Napakawalang-puso nila. Hindi man lang ba sumagi sa isip ng mga iyon na kailangang-kailangan namin ng tulong? Pagod na pagod na ako. Tingin ko ay puro paltos na rin ang mga paa ko dahil sa layo ng nilakad namin. Ilang oras na ba kaming naglalakad? Isa? Dalawa? Tatlo? Hindi ko na alam. Basta ang alam ko, kailangan ko nang magpahinga dahil kung hindi, baka hindi na ako makauwi ng buhay. Tuyot na tuyot na ang lalamunan ko dahil sa uhaw. Maski siguro tubig sa poso kapag nakakita ako, iinumin ko na dahil sa matinding pagkauhaw. Nanlalabo na rin ang paningin ko dahil sa sobrang init ng panahon. Pati ang katawan ko ay sobrang lagkit na dahil wala pa akong ligo. Buti na nga lang at papalubog na ang araw. Pero indikasyon din iyon na pagabi na. Papagabi na pero nasa gitna pa rin kami ng daan at naghahanap ng mga taong maari naming hingian ng tulong. Hayop kasi talaga iyong mga dugyot na lalaking iyon! Kung hindi dahil sa kanila, hindi magkakandaletse-letse ang araw na ito. Sana hindi sila patulugin ng mga konsensiya nila! Nang maramdaman ko ang panlalambot ng aking mga tuhod ay tumigil ako sa gilid ng kalsada, saka umupo dahil hindi ko na talaga kayang maglakad pa. Gusto nang sumuko ng katawang lupa ko! Namamanhid na pati ang talampakan ko. “Jacob, pahinga muna tayo saglit. Hindi ko na talaga kaya. Nanghihina na ako,” pakiusap ko sa lalaking walang pakiramdam. Pati ako ay nabigla pa sa boses kong parang hinugot sa ilalim ng lupa. Halatang-halata kasi ang pagod at panghihina sa tono nito. Bahala siya kung iwan niya ako at magpatuloy sa paglalakad. Ang mahalaga ay makapagpahinga ako kahit saglit lang. Tumigil naman siya at lumingon sa akin pero walang salita akong narinig mula sa kaniya. Pero kung kanina ay napakatalim ng tinging ipinupukol niya sa akin, ngayon ay bahagyang lumambot na ang mga iyon. Ilang segundo siyang nakatingin lang sa akin. Hindi naglaon ay nagpakawala siya ng isang malalim na hininga bago naglakad patungo sa kinauupuan ko. “Fine. I will let you rest for five minutes. Then after that, wala nang magpapahinga ulit. Nakikita mo namang papadilim na kaya mas mapanganib kung maabutan pa tayo ng kalaliman ng gabi. Kung ako lang, kaya kong iligtas ang sarili ko,” malamig niyang wika saka tumabi na rin ng upo sa akin. Tiningnan ko siya nang matalim dahil sa sinabi niya. “What do you mean? Pabigat ako sa ’yo, gano’n ba?” mataray kong tanong. Parang gano’n kasinang gusto niyang sabihin. “Yes. Kung hindi naman dahil sa ’yo ay wala ako sa sitwasiyon na ’to, hindi ba?” walang paligoy-ligoy niyang sagot. Naningkit ang mga mata ko dahil sa narinig saka nagpakawala ng disimuladong tawa. Aba’y pinaninindigan niya talaga na ako ang may kasalanan ng lahat ng nangyari sa amin kanina. “Bakit? Ginusto ko bang mangyari sa akin iyon? Sa pagkakaalala ko, Mister Jacob Montreal, nagkusang- loob ka na tulungan ako mula sa holdaper na mga iyon. Basta-basta ka na lang sumusulpot tapos magpapaka-super hero ka. And then ngayon, isusumbat mo sa akin na ako ang dahilan kung bakit ka nasa sitwasiyong ito? Aba’y ibang klase ka!” bulyaw ko sa kaniya. Pero ang hudyo, hindi man lang natinag. Ngumisi pa! Pero pucha! Kung para sa iba para silang aso kung ngumisi, ito naman parang pang-sexy actor. Iyong mga may mga erotic bed scenes ang ginaganapan. Ang landi ng ngisi, eh. Parang gusto tuloy lumuwag ng garter ng panty ko kahit bago pa. “Can you just thank me for saving you? Hindi iyong dada ka nang dada riyan? At baka nakakalimutan mo, Miss Luisiana Elizalde, may kasalanan ka pa sa akin. Let me remind you na ikaw ang dahilan kung bakit ako iniwan ng bride-to-be ko.” Natahimik ako sa sinabi niya kaya nag-iwas ako ng tingin. Halata kasi ang pait sa tono ng boses niya. Halatang nasaktan sa nangyari. Mukhang mahal na mahal niya talaga ang babaeng iyon. Nakaramdaman ako ng hiya dahil sa ginawa ko. Guilty ako sa parteng iyon, pero hindi ko naman iyon sinadya. Kung alam ko lang na nagkamali ako ng pinuntahang engagement, hindi naman na ako magtutuloy pa. Ano ako? Tanga? “Sorry,” sinsero kong ani. Sinadya ko man o hindi, it was still my fault. Kung tiningnan ko lang sana ng mabuti ang oras na ibinigay sa akin ni Matet, hindi sana ako magkakamali ng pinuntahan. Pero nangyari na ang nangyari, eh. Ano pang magagawa ko? Wala namang time machine para bumalik ako sa araw na iyon at itama ang lahat. “Hindi ko naman ginustong sirain ang araw na iyon para sa inyong dalawa. It was not my intention, okay? Ang akala ko talaga engagement ng gagong ex ko iyon.” Hindi siya sumagot at nanatili lang nakatingala sa kalangitang papadilim na. Pati ang langit ay tila hindi nakikiayon sa aming dalawa. Madilim ang mga ulap at walang mga bituwin. Maging ang buwan ay hindi ko maaninag. Tila nagbabadya ang pagdating ng isang malakas na ulan. Ramdam ko rin ang lamig ng hanging nagsisimula nang umihip na dumadampi sa aking balat. Kinalas ko ang jacket na itinali ko kanina sa aking bewang. Isusuot ko na sana ito ngunit nahinto ako nang magsalita si hellboy. “Kahit ilang beses ka mang mag-sorry, wala na ’yang silbi. Ayaw makinig ni Monique. Sarado ang isipan niya sa mga paliwanag ko. This is all your fault,” aniya na ngayo’y kaytalim na naman ng mga matang ipinupukol sa akin. Punyemas ’tong ugok na ’to. Nag-sorry na nga ako, ayaw pang tanggapin? Feeling perfect, eh. Parang hindi nagkamali sa tanang buhay niya. Sapakin ko kaya ’to? Napairap na lang ako sa hangin saka ipinagpatuloy ang pagsusuot ng jacket. Nang maisuot ay agad akong humarap kay Jacob. Sinalubong ko ang tingin niyang malamig. Malamig pa sa yelo. “Kasalanan ko pa ba kung makitid ang utak ng girlfriend mo? Kung talagang mahal ka no’n at may tiwala sa ’yo, hindi ka niya iiwan. Pero huwag kang mag-alala, kapag nakabalik na tayo sa Maynila, ako mismo ang pupunta sa girlfriend mo para magpaliwag!” sikmat ko kay hellboy. Nakakapika. Kahit wala akong hypertension, paniguradong magakaka-highblood ako dahil sa kaniya. “Bakit hindi mo na lang kasi aminin na sinadya mo ang nangyari dahil gusto mong tayo ang makasal? Siguro una pa lang, alam mo na ang plano ng mga lolo natin, ano? At para maisakatuparan ang plano nila, pinigilan mo ang engagement ko. Sinigurado mong hihiwalayan ako ni Monique, para sa gano’n ay iyong-iyo na ako,” nakangisi niyang turan. “Gago! Ang kapal naman ng mukha mo. Ang taas din ng tingin mo sa sarili mo, eh ’no? Bilib na bilib ka sa sarili mo? Guwapong-guwapo ka rin sa sarili mo ano, parekeyks? Kung alam ko lang na ikaw ang ipagkakasundo sa akin ni lolo, sana noon pa lang naglayas na ako! Hindi pa ba maliwanag sa ’yo? Narito tayo sa sitwasyong ito dahil naglayas ako. Naglayas ako para takasan ang engagement ko sa ’yo!” sikmat ko sa kaniya. Tumayo na ako para lumayo sa kaniya. Pero kasabay ng pagtayo ko ay ang biglang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Tumayo na rin siya mula sa pagkakaupo. Halatang naalerto rin dahil sa biglang pagbagsak ng ulan. Wala pa naman kaming mga damit para mapagpalitan kapag tumila na ang buhos nito. “Kasalanan mo ’to, eh. Kung hindi ka sana nagpahinga sana nakalayo na tayo. Dapat talaga iniwan na kita.” “Choice mo naman kung iiwan mo ako o mag-i-stay ka!” bulalas ko. Hinayupak talaga ang lalaking ’to. Lahat na lang sa akin ibibintang, eh. Baka mamaya niyan, pati ang global warming sa akin din isisi ng bugok na ’to! Kumulog pa ng malakas kaya napatakip ako sa aking tenga. Sana lakasan na lang niya ang ulan huwag lang naman samahan ng kulog at kidlat. Doon ako natatakot, eh. “Ano pang tinatayo-tayo mo riyan? Let’s go!” aya sa akin ni hellboy. Nauna na siyang tumakbo kaya sumunod na ako sa kaniya. Nakakailang hakbang palang ako nang magkamali ako ng tapak. May kung ano akong natapakan dahilan para matapilok ako. Napasigaw na lang ako dahil sa sakit saka naupo sa semento. Pakiramdam ko ay nabalian ako ng buto sa paa. Sumisigid ang kirot doon kaya kahit pilitin ko man ang tumayo ay hindi ko magawa. Nakalayo na si hellboy. Mukhang wala talagang pakialam. Napakasama niya! Muli kong pinilit ang tumayo. Pero sa tuwing pinipilit ko ay mas nararamdaman ko lang ang sakit mula rito. “Lord, promise po, kapag binalikan ako ni hellboy, magiging mabait na ako sa kaniya. Hindi ko na siya susungitan, ever! Promise!” usal ko habang hinihilot ang aking paa. Gusto kong umiyak dahil sa sobrang sakit. “Kingina! Bakit ba ang malas ko sa araw na ’to!” sigaw ko. “Kaya mo pa?” anang isang boses. Napatingin ako sa kamay niyang nakalahad saka tumingala sa kaniyang mukha. “Akala ko iiwan mo na ako, eh!” ani ko saka tuluyang napaiyak. Buti na lamang dahil umuulan, kung hindi ay baka pagtawanan niya ako dahil sa pag-iyak ko.       Umupo siya saka tinapik ang balikat niya. Senyales na gusto niyang sumampa ako sa balikat niya. Parang Jenny at Jhonny sa Endless Love. Lakas maka-Kdrama nito, marekeyks! “Sige na. Alam kong masakit ’yan kaya isantabi mo muna iyang pride mo. I’ll carry you,” wika niya sabay muling tapik sa kaniyang balikat. Papalakas pa nang papalakas ang ulan kaya no choice. Alangan namang ulan ang pa ang mag-adjust para sa akin ’di ba? Humawak ako sa magkabilang balikat niya saka iniyakap ang mga kamay sa kaniyang leeg. Nakagat ko tuloy ang ibabang labi ko dahil sa hindi mapigilang pagngiti. Para saan ang ngiti ko? Hindi ko rin alam! Hinawakan niya ang magkabilang hita ko kaya medyo naasiwa ako. Dumagundong tuloy ang t***k ng puso ko. Diyos ko! Sana lang hindi niya maramdaman ang lakas ng pintig ng puso ko.      Ang galing mo talaga Lord. Nalinlang Mo na naman ako, eh. Puwede bang bawiin ulit iyong sinabi ko kanina?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD