CHAPTER 8

2037 Words
MABIBILIS ang bawat hakbang ni Jacob habang tinatahak ang basang daan. Halos mag-iisang oras na pero hindi pa tumitila ang malakas na bugso nito. Patuloy lang ito sa pagbuhos na tila walang katapusan na sinasamahan pa ng manaka-nakang pagkulog at pagkidlat.         Batid ko ang pagod ni Jacob dahil kanina pa siya naglalakad, samahan pa na pasan niya ako sa kaniyang likuran. Hindi man siya nagrereklamo ay alam kong nahihirapan na siya. Ngunit wala naman akong magagawa kun’di lunukin ang pride ko at magpapasan na lang sa kaniya. Masakit pa rin kasi ang paa ko dahil sa pagkakatapilok kanina. Mukhang hindi lang simpleng pagkakaipit ng ugat ang nangyari dito. Parang may nabali nga yata talaga.         “Kaya mo pa ba?” tanong ko kay Jacob. Imposible naman kasing hindi pa siya nakakaramdam ng pagod dahil kanina pa niya ako pasan-pasan sa kaniyang likuran.      “Bakit? Okay na ba ang paa mo? Kaya mo na bang maglakad?” balik tanong niya. Umiling ako sabay hilig ng ulo ko sa kaniyang balikat.      Ramdam ko na ang antok. Nanginginig na rin ang buong katawan ko dahil sa sobrang lamig. Napakabigat ng aking pakiramdam. Para akong pagod na pagod samantalang itong si hellboy naman ang may pasan sa akin.        “Sure ka? Hindi ka ba nabibigatan sa akin?” muli kong tanong sabay pikit ng aking mga mata. Malamig ang paligid ngunit parang nagbabaga sa init ang aking mga mata. Mahapdi at mainit ang mga ito.      “Oo nga. Bakit ka ba tanong nang tanong?” inis niyang wika sa akin. Kung hindi lang siguro talaga masakit ang paa ko, ora mismo, bababa ako para sipain siya, eh!      “Eh,  bakit kasi sagot ka rin nang sagot?” mahina ngunit mariin kong turan.       Ang sungit-sungit! Parang nagtatanong lang, eh. Akala mo kung parating may regla ang bugok. Pasalamat siya at kahit papaano marunong akong tumupad ng usapan namin ni Lord.       Nangako ako sa Kaniya na kapag binalikan ako ng bugok na ’to ay magiging mabait na ako sa kaniya. Pero huwag lang sasagarin ng lalaking ’to ang pasensiya ko, dahil kapag nasagad na, hinding-hindi ako mangingiming bigyan ng mag-asawang sipa sa bayag ’to. May expiration date ang pagtitimpi ko, kaya pasensiyahan na lang kaming dalawa kapag nagkataon dahil magiging bugok ang itlog niya’t hindi na mapapakinabangan ng Monique niya!      “Nanginginig ka. Are you okay?” Bigla ay naging mahinahon ang kaninang puno ng inis na tono ng boses ni hellboy. Napatigil pa ito sa paglalakad saka ibinaling ang mukha patagilid sa balikat niya kung nasaan nakapuwesto ang ulo ko.      Pakiramdam ko tuloy ay bahagyang nawala ang lamig sa katawan ko dahil  kalahating dangkal na lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko. Nag-iinit ang mukha ko dahil sa titig niya. Bagamat madilim ang paligid ay naaaninag ko pa rin kung gaano kapungay ang mga mata niya.      Hinamig ko ang aking sarili saka pinilit magsalita kahit ramdam ko na ang pangangatal ng aking bibig at panga.         “N-Nilalamig ako,” maikli kong sagot. Hindi na ako nag-abalang magtaas ng mukha at pinanatiling nakahilig lang ang aking ulo sa kaniyang balikat.        Ang kaninang bigat na nararamdaman ko ay sinasamahan na rin ng panginginig at matinding sakit sa ulo.          “Sisilong muna tayo. May malaking puno sa bandang iyon,” aniya. Mukhang itinuro pa nito ang punong sinasabi niya dahil tinanggal pa niya ang pagkakahawak sa kanang hita ko.       “Okay,” ani ko na lang kahit hindi ko naman nakita ang itinuturo niya. Parang ang hirap kasing imulat ng mga mata ko. Ang bigat ng mga talukap nito.            Muli ay naramdaman ko ang paghawak niya sa hita ko saka muling nagsimulang maglakad.      Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pag-squat niya saka niya tinanggal ang mga kamay ko mula sa pagkakayakap sa kaniyang leeg. Nang maayos na niya akong maibaba ay  inalalayan pa niya akong maupo saka mahinay na pinasandal sa pakiwari ko’y katawan ng puno. Hindi ko na rin masyadong ramdam ang malamig na patak ng tubig kaya pinilit kong magmulat ng aking mga mata.          Sobrang dilim ng paligid. Saka lang magkakaroon ng liwanag kapag kumidlat. Wala akong maaninag maliban kay Jacob na gumagalaw sa aking harapan.       “Fvck! Ang taas ng lagnat mo, Louise,” maanghang niyang mura. Napangiti ako dahil ang cute niyang magmura.           “L-Lagnat lang pala, malayo sa bituka,” mahina kong wika. Nangangatal pa ang mga labi ko pati na ang buong katawan ko kaya nayakapa ko na lang ang aking sarili.       “Damn! May sakit ka na nga ganiyan ka pa rin magsalita. We are in the midst of nowhere, Louise! Magseryoso ka naman. Hindi ito oras para sa mga biro at kapilosopohan mo.”         “Maagang kinukuha ni Lord ang masiyadong seryoso sa buhay, ano ka ba? Chillax ka lang, parekeyks,” muli kong ani. Inangat ko pa ang magkabila kong kamay saka pinagkiskis ang aking mga palad para uminit ang mga iyon.      “Will you stop calling me that goddamn word!” inis niyang wika. Tumabi pa siya sa akin at naupo pagkatapos ay hinawakan ako sa noo.       Mahina akong napabungisngis. Ang sarap niya palang lokohin. Ang daling maasar! Ang cute-cute pala ni hellboy kapag naiinis.       “Parekeyks, asar-talo okay?” muli kong pang-aasar.      “Shut up! Or else, I will shut you up using my lips!”      Natahimik ako dahil sa sinabi niya. Hello? Kaming dalawa lang kaya ang narito. Baka mamaya niyan, may itinatago palang kamanyakan sa katawan itong si hellboy at bigla na lang akong pagnasahan.     Yumukyok na lang ako sa aking mga tuhod na bahagyang nakataas habang yakap-yakap ang mga ito.                Mula sa pagkakayukyok ay dahan-dahan akong nag-angat ng ulo nang maramdamang gumagalaw si Jacob sa aking tabi. Sakto pa ang pagtama ng ilaw mula sa kidlat kaya nakita ko kung ano ang ginagawa niya. Naghuhubad ang loko habang nakatingin nang diretso sa akin!            “H-Hoy! Ay gago, ano’ng balak mo, ha? Kingina ka, Jacob. Kung ano ’yang balak mong gawin, kasalanan ’yan sa Diyos!” nahihintakutang wika ko.          Muli pang kumidlat kaya medyo nagliwanag ang paligid. Kita ko ang dahan-dahan niyang paglapit sa akin habang may nang-aakit na ngiti.       “You are cold. Let my body warm you, Louise,” anas niya sa sensuwal na boses. Punyemas!           Ang kaninang lamig na nararamdaman ko ay parang naglaho dahil sa kaniya. Sa muling pagkidlat ay bumaba pa ang tingin ko sa katawan niyang hubad. Putragis! Sa lamig ng panahon, parang gusto ko tuloy ng mainit na kape. May nakahain na mga pandesal sa harap ko! At sigurado may hotdog at itlog pang kasama kapag itinuloy niya ang balak niya.        “Huwag kang lalapit. Sisigaw ako!” banta ko sa kaniya ngunit tila wala siyang narinig dahil patuloy lang siya sa paglapit sa akin.      “Lord, ang aga naman po masiyado ng honeymoon namin ni hellboy. ’Di ba dapat kasal muna?” kausap ko kay Lord sa aking isipan.          “No one can hear your scream, Louise. It’s only you and me.”         “Jacob, ano ba? Huwag kang lalapit sisipain talaga kita!” ani ko sabay amba ng sipa sa kaniya.         Sa pag-atras ko para layuan siya ay bigla na lang niya akong hinila palapit sa katawan niya saka niya ako niyakap. Nagpupumiglas ako pero mas hinigpitan lang niya ang pagkakayakap sa akin. Ramdam na ramdam ko tuloy ang init na nagmumula sa kaniyang hininga na dumadampi sa aking punong-tenga. Pesteng ’yan!       “I will sue you!” sigaw ko saka muling nagpumiglas nang mahimasmasan. Panandalian kasing natigil sa pag-inog ang mundo ko dahil sa yakap niya. Ang tigas ng katawan!      “At ano naman ang ikakaso mo sa akin, Miss Elizalde?” tanong niya na tila may naglalarong ngiti sa mga labi habang nagsasalita.      “s****l harrassment! Rape!” bulyaw ko pero tumawa lang ang loko. Ang sarap talagang pilipitin sa itlog ang hinayupak na ’to!       “Ikaw naman, ako na nga itong tumutulong para maibsan ang panlalamig mo, kung ano-ano pa qng iniisip mo.”        Natigil ako dahil sa sinabi niya. Napalunok ako dahil agad na nag-sink in sa utak ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Pakiramdam ko tuloy nagsiakyatan lahat ng dugo sa pisngi ko.       “Hindi ako namimilit ng babae, Louise,” sabi niya ng makahulugan.        Hindi na lang ako nagsalita dahil sa  pagkapahiya. Nanatili lang kami sa aming posisyon. Nakayakap siya sa akin habang ang ulo ko ay nakahilig sa kaniyang balikat. Ilang sandali pa’y humupa na rin ang ulan.          “Louise, kaya mo pa ba? Baka kasi may malapit nang mga kabahayan dito,” aniya saka kumalas mula sa pagkakayakap sa akin.       Nag-angat ako ng mukha saka marahang tumango. Baka kasi kapag bukas pa kami nagsimulang maglakad ay baka pulmonya na ang bagsak naming pareho.      “S-Sige. . . Tara na.”   Muli niya akong pinasan sa kaniyang likuran. Tahimik lang kaming dalawa hanggang sa igupo na ako ng antok. Nagising lang ako nang maramdaman ang mahinang tapik sa aking pisngi.           “Louise, wake up.”      Marahan kong idinilat ang aking mga mata. Nabungaran ko ang ilang mukha sa aking harapan na hindi pamilyar sa akin. Isang matandang babae at lalaki ang nasa aking kanan. Sa aking kaliwa naman ay dalawang bata na sa tantiya ko’y nasa pito hanggang sampung taon ang mga edad. Sa harap ko naman ay si Jacob na halata ang pag-aalala sa mukha.           Madilim ang paligid at tanging gasera lang ang nagsisilbing ilaw. Dahan-dahan akong bumangon habang si Jacob ay nakaalalay sa akin. Napansin kong nakapagpalit na ito ng damit gano’n din ako. Suot-suot ko ang isang kulay dugong bestida na tiyak kong pagmamay-ari ng matandang nasa tabi ko.              “Mabuti naman at gising ka na, hija. Kamusta na ang pakiramdam mo?” tanong ng babaeng matanda sa akin. Napakalamyos ng kaniyang boses. Iyong boses na may bahid ng pag-aalala mula sa isang ina, na kahit kailan ay hindi ko nadama sa mommy ko.          Bigla tuloy akong nakadama ng kalungkutan sa isiping iyon. All of my life, sa tanang buhay ko, I never felt the love and care from my mom. We are living in the same roof, pero ni minsan ay hindi niya ako inalagaan na katulad sa pag-aalaga niya sa ate Trina ko.      “Masama pa ba ang pakiramdam mo, hija?” Napabaling ako sa matandang babae na ngayo’y nakadantay na ang mga palad sa aking noo. Napangiti na lamang ako sa matanda sabay iling.      “Medyo maayos naman na po. Nanghihina lang po ang katawan ko at saka.  . .” napalunok ako ng dalawang beses. Nakakahiya man pero talagang kanina pa ako nakakaramdam ng gutom.      “Nauuhaw po ako saka g-gutom,” nahihiya kong wika na sinamahan pa ng pag-iingay ng halimaw sa loob ng aking tiyan.    Bumungisngis ang dalawang bata sa aking tabi kaya napatawa na rin ako.           “Pakainin mo na ang kasama mo, hijo, para mabawi niya ang lakas niya,” turan ng matandang lalaki na ang kausap ay si Jacob.           Inalalayan ako ni Jacob na maglakad patungo sa maliit na lamesa na gawa sa kawayan na nasa labas ng bahay. Ramdam ko pa rin ang kirot sa mga paa ko pero hindi na kagaya ng sakit nito kanina.      Gawa sa pawid at kawayan ang bubong ng kainan. May gasera rin sa gitna ng mesa pati na rin sa dalawang magkabilang sulok nito. Nakabitin ang mga iyon sa haliging gawa sa kahoy.      Nang makaupo ako’y pinagsandok niya ako ng lugaw. Akmang susubuan pa niya ako pero tumanggi na ako. Hindi ako sanay. Parang noong nakaraang araw lang ay para kaming aso at pusang nag-aaway. But now, all of a sudden, bigla siyang naging maamong tupa.      Nilingap ko ang paligid. Napakadilim. Walang mga street lights na katulad sa Maynila pero naaninag ko naman na may mga ilang kabahayan din sa malapit. Brown out kaya rito kaya walang ilaw?   Masasagot lahat ng katanungan ko bukas. Ang mahalaga ngayon ay ligtas na kami ni Jacob at makakauwi na sa Maynila. Sa pagbabalik naming dalawa, itatama ko ang lahat. I will talk to her girlfriend pati na rin kina lolo. Bahala na kung ano ang mga mangyari.                              
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD