NAKAPIKIT pa ang aking mga mata ngunit gising na gising na ang aking diwa. I feel a lot more better now than yesterday. Hindi na ako nanginginig dahil sa lamig na sumasagad hanggang sa aking buto. Pati ang paa ko ay naigagalaw ko na nang walang iniindang sakit. Thanks to Jacob at sa pamilyang tumulong sa amin kagabi. Kung hindi dahil sa kanila, baka sa kangkungan kami pulutin ni Jacob ngayon. Baka nga hindi na rin ako sinikatan ng araw.
And speaking of that guy, nasaan na kaya iyon? Bakit hindi man lang niya ako ginising?
Napaling ang tingin ko sa nakabukas na bintana. Sumabog na ang liwanag ng araw sa labas. Isa lang ang ibig sabihin no’n—late na ako ng gising. Nakakahiya naman sa mga may-ari ng bahay. Baka sabihin nila, at home na at home ako rito at sinasamantala ang kabaitan nila.
Ang sinag ng araw ay sumisilip na sa ilang siwang ng mga dingding na gawa sa kawayan at sawali. Ang manipis na kurtina sa bintana’y banayad na isinasayaw-sayaw ng preskong hangin. Kay sarap sa pakiramdam ang bawat mabining pagdampi nito sa aking balat. Ibang-iba sa polluted na hangin sa Maynila na kulang na lang ay asthma-hin ka dahil sa masangsang na amoy.
I can hear the chirping of the birds outside. Para silang nagsisi-awitin sa aking pandinig. Napaka-peaceful.
“This is the life that I want. Walang rumaratrat sa akin sa umaga para lang manermon.” Tipid akong napangiti saka dahan-dahan na bumangon. Hinawi ko ang kulambo saka naupo panandalian sa gilid ng kamang gawa sa kawayan na nalalatagan ng manipis na banig.
Masakit sa likod pero masaya ako dahil na-experience kong matulog sa ganito kasimpleng higaan. Parang mas masarap pa nga ang tulog ko rito kesa sa higaan ko sa mansiyon. Natural na malamig na simoy ng hangin ang nagsilbi kong aircon kagabi.
Nag-inat ako saka marahang tumayo nang makarinig ng mga mahihinang tawanan sa labas. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa bintana habang sinusuklay ang aking buhok gamit ang aking mga daliri para tingnan kung saan nanggagaling ang mga masasayang hagikgikan.
Mula rito sa bahay ay nakikita ko ang kumpulan ng mga kababaihan mga ilang dipa lang ang layo. Ang ilan ay parang kilig na kilig pa habang may tinitingnan sa kalayuan. Naghahampasan pa ang iba na akala mo’y nakita ang mga crush nila. Nang sinipat ko ng tingin kung sino o ano ang tinitingnan nila ay wala sa sariling nalunok ko rin ang aking laway. Parang biglang nanuyo ang aking lalamunan dahil sa aking nakikita.
Sa ’di kalayuan ay may dalawang lalaki na nag-aararo. Ang isa ay ang matandang lalaking nagpatuloy sa amin dito sa bahay, tapos iyong isa ay si. . . Si Jacob!
Ilang beses ko pang kinusot ang aking mga mata at baka muta lang ang aking nakikita. Pero hindi, eh! Siya talaga iyon.
Nag-aararo ang bugok na walang suot na pang-itaas. Kahit medyo malayo siya ay kitang-kita ko ang umbok ng mga pandesal sa tiyan niya. Hindi nga ako nagkamali ng tingin at dama sa katawan niya kagabi. Talaga ngang maumbok ang mga iyon.
“Ang sarap naman ng view,” wala sa sariling sambit ko habang nakatunghay sa makasalanang tanawin na aking nabungaran.
Kahit malayo ay kapansin-pansin ang kumikinang na pawis sa kaniyang mukha at katawan na mas lalo pang nagpapatingkad sa kaniyang kakisigan.
“Ang sarap ng pandesal. Kapeng barako na lang ang kulang may almusal na ako.” Nakagat ko pa ang pang-ibaba kong labi saka pumangalumbaba sa pasamano ng bintana.
“Ate, kain na po!”
“Ay, butete!” Kamuntikan na akong masubsob sa pasamano ng bintana dahil sa gulat nang may biglang magsalita.
Nang lingunin ko kung sino ang nagsalita ay iyong batang lalaki pala na nakita ko kagabi. Nakangiti ito ng malapad sa akin pero bahagyang nakatago ang kalahating mukha sa kurtinang nakatabing sa pintuan. Walang pinto iyon kaya kurtina na lang ang pinantabing para maitago ang loob nitong kuwarto.
“H-Hi! Good morning!” bati ko sa kaniya nang makabawi ako sa pagkagulat. Unti-unti itong pumasok saka dahan-dahan na lumapit sa akin. Mukhang nahihiya pa ito dahil napakarahan ng paghakbang niya.
“M-Magandang umaga din po, miss Ganda!” nahihiya nitong bati pabalik sa akin. Aba’y napaka-honest na bata pala nito. Nagsasabi ng totoo kaya mukhang magkakasundo kaming dalawa.
“Ano’ng pangalan mo?”
“Tantan po,” agad niyang sagot. Sinenyasan ko ito na lumapit pa sa akin na agad naman niyang sinunod. Ang cute-cute na bata. Ang bilog ng katawan. Napakalusog.
“Kanina pa ba gising iyong lalaking kasama ko?” Tukoy ko kay Jacob. Saan kaya iyon natulog? Magkatabi kaya kami sa higaan?
Nilingon ko ang higaan kaya nanlaki ang mata ko nang makitang dalawang unan ang naroon. Magkatabi nga yata kami ng bugok kagabi!
“Opo. Nang magising po sina lolo at lola ay gising na rin po si kuya. Kinumutan pa nga po kayo bago siya lumabas para tulungan si lolo na mag-araro sa bukid,” madaldal nitong kuwento. Confirm!
“Ah, okay,” maikling kong sagot saka hinilot ang aking sentido. Para kasing bigla akong nahilo sa kaalamang magkatabi kaming natulog kagabi.
“Kain na raw po tayo, ate, sabi ni lola. Paparito na rin po sina lolo at kuya Jacob.” Ngumiti ako at ginulo ang buhok niya saka ako tumango.
Ngunit bago kami lumabas ay awtomatikong napatingin muna ako sa labas ng bintana. At gano’n na lang ang biglaang pagkalabog ng dibdib ko nang makita ang nakangiting si Jacob habang papalapit dito sa bintana. Agad akong nag-iwas ng paningin. Pucha, parang gustong malaglag ng panty ko dahil sa tamis ng ngiti ng bugok na ’yon.
Pero teka! Ang weird, eh. Bakit ako naaapektuhan bigla sa presence niya? Ngiti lang niya parang gustong lumuwag lahat ng mga gustong lumuwag sa akin. Letse!
Marahas kong inalog ang aking ulo saka inis na pumikit. Nagbilang ako ng sampu bago muling binuksan ang aking mga mata.
“Kingina ka!” Malutong akong napamura dahil sa pagdilat ko’y nasa harap ko na si Jacob. Napahawak pa ako sa aking dibdib dahil sa gulat saka dumistansiya sa kaniya. Ilang dangkal na lang kasi ang pagitan ng aming mga mukha.
“Ang aga-aga nagmumura ka,” masungit nitong turan habang nakatitig sa akin. Ang kaninang matamis na ngiti niya’y biglang nagbalik sa dating hitsura niyang pinagsakluban ng langit at lupa. Ang sungit-sungit na naman niya.
“Eh, bakit ba kasi nanggugulat ka?!” sikmat ko sa kaniya. Pero ang hinayupak, inirapan lang ako saka niya ako tinalikuran. Nauna na itong lumabas at iniwan na lang ako basta! Bumalik sa pagiging siraulo ang bugok!
“Lord, bigyan Niyo pa po ako ng mas mahabang pasensiya sa lalaking ’yan. Dahil kung hindi po, talagang makakatikim sa akin ’yan,” bulong ko.
“Ano pang ginagawa mo riyan? Kumilos ka na para hindi naman nakakahiya sa kanila.” Muling bumalik si Jacob. Nakakunot ang noo habang nakapamulsa ang dalawang kamay. Nakasuot na ito ng pang-itaas kaya hindi na kita ang pang-model niyang katawan.
“Oo na, lalabas na!” inis kong wika saka siya inirapan. Sinundan ko na lang siya hanggang sa labas kung saan naghihintay ang mag-anak na tumulong sa amin.
Magkatabi ang dalawang matanda sa dulo na ang pakilala ay sina lolo Danilo at lola Dalia. Sa kanan naman ay ang mga apo nilang sina Tantan at Tintin. Ang natitirang bangko na lamang ay nakalaan para sa amin ni Jacob kaya no choice kung ’di ang tabihan siya.
Tahimik kaming kumain maliban sa madaldal na si Tantan at sa panaka-nakang pagtatanong nina lolo at lola. Mabilis sumagot si Jacob kaya lalo akong nainis sa kaniya. Pabida, eh! Ni ayaw akong pasingitin sa pagsagot. Parang may premyo ang maunang sumagot kaya laging nangunguna. Kaysarap isalaksak ng tuyo sa bibig niya nang matahimik!
“Ah, saan po pala ang terminal dito pabalik ng Maynila?” tanong ko nang matapos kaming kumain. Nakita ko pa ang tinginan ng mag-asawang matanda. Pero bago makasagot ang mga ito ay sumagot na si Jacob. Epal talaga! Hindi naman siya ang kinakausap, eh.
“Nasa bayan ang terminal ng bus pa-Maynila,” malamig nitong wika. Ni hindi siya tumingin sa akin.
“Eh, ’di pumunta tayong bayan.”
“Minsan lang sa isang linggo ang pagdaan ng sasakyan dito papuntang bayan, apo,” ani ni lola Dalia.
Napakamot ako sa aking ulo. Pero bakit kailangan pang pumunta sa bayan kung puwede naman kaming magpasundo? Hindi nakuha ng mga holdaper ang phone ko kaya puwede akong tumawag kay Matet. Napangiti ako sa naisip saka masayang kinalabit si Jacob.
“Uy, saan mo nilagay ’yong cellphone ko?” tanong ko sa kaniya. Bahagya ko pa siyang tinapik sa balikat nang hindi siya lumingon. Nang lumingon naman ay napakasungit pang tumingin.
“Nakalimutan mo yatang basang-basa tayo ng ulan kagabi? Nabasa rin pati phone mo. Ch-in-eck ko na iyon kagabi para sana humingi ng tulong pero ayaw nang sumindi. Nag-try ulit ako kaninang umaga pero ayaw pa rin.” Laglag ang balikat ko dahil sa sinabi niya. Binalingan ko sina lola Dalia
“Eh, kayo po, lola? Baka naman po puwedeng makitawag kahit saglit kang po?” pagmamakaawa ko pero muling nagkatinginan ang mag-asawa. Tila nag-uusap ang kanilang mga mata. Gano’n yata kung talagang nagmamahalan, tingin pa lang alam na nila ang sagot sa isa’t isa.
“Gustuhin man namin kayong tulungan ay wala rin kaming magagawa, apo. Kung napapansin mo, walang mga poste ng kuryente rito sa amin. Wala kaming kuryente rito gano’n din ang signal ay wala kami. Sa bayan lang din puwedeng makitawag, apo,” malungkot nitong ani.
“Let’s stay here for the meantime. Wala tayong magagawa kung hindi maghintay ng linggo para sa pagdaan ng bus papunta sa bayan.”
Isipin ko pa lang na makakasama ko pa ng ilang araw si Jacob dito ay parang gusto ko na lang lakarin ang daan pauwing Maynila. Hindi ko kayang tagalan ang ugali ng lalaking ’to na sala sa init, sala sa lamig. Napabuntonghininga na lamang ako. Ano pa nga bang magagawa ko kung hindi maghintay at magtiis kasama ang bugok na ’to?