BAGO magtakipsilim ay halos naging abala ang lahat. Tuwing araw pala ng biyernes ay nagkakasiyahan ang mga tao rito sa baryo Isabel at may kaunting salo-salo na nagaganap. Iilan lang naman kasi ang populasyon dito, kaya lahat sila ay magkakakilala at halos lahat ay magkakamag-anak. Naglabas ang lahat ng mga lamesa at pinagtabi-tabi sa harap lang mismo ng mga bahay nila. Naglagay rin sila ng mga dahon ng saging sa mesa para sa lalatagan ng mga pagkain. Boodle fight daw sabi ni Tonton ang nakagawian nila rito kapag sasapit ang araw ng biyernes. Parang piyesta kung tutuusin ang hitsura ng paligid. Maraming mga pagkain ang nakalatag sa mga lamesa. Pero lahat ng mga iyon ay pawang mga simpleng mga pagkain na bagay sa isang payak na pamumuhay. Malayong-malayo sa marangyang buhay na kinamulata

