KINAGAT ko ang pang-ibaba kong labi habang ang aking mga daliri ay tila nagpapaunahan sa pagpindot ng piano sa aking kandungan. Parang gusto kasing manapak ng kamay ko dahil kanina pa ako hindi makasingit sa usapan nina Jacob at Phin na anak ni mang Kanor. Alas-tres ng hapon ang meeting ko sa management ng produktong i-e-endorse ko. Alas-siyete y media na pero heto pa rin ako, nasa Laguna at nakaharap sa isang marangyang hapag-kainan, kumakain at pakape-kape na tila walang mahalagang lakad ngayong araw. Parang sinasadya nilang hindi ako kausapin dahil sa tuwing bubuka ang bibig ko ay mabilis silang magbubukas ng panibagong topic na pag-uusapan. Ang sobrang nakakaasar pa ay madalas na pabulong ang pag-uusap nila. Napansin yata nila na hindi na maganda ang timpla ko kaya natahimik sila.

