“Ricardo, ano ka ba at pati ang bata ay sinasama mo dito!” nagagalit niyang saad nang madaanan ang asawa sa labas ng bahay ng kaibigan nito na nakikipag -iinuman na naman. Naitaas niya pa ang isang kilay noong makitang nakikisali rin ito sa sugal na nilalaro ng mga kabarkada nito.
Kinuha niya ang bata na noon ay mukhang inaantok na. Katatapos niya lang noong tumanggap ng labada. Sa isip niya kahit pa may konting ipon na ay mas maganda na may extrang pera pa para may mahuhugot sa oras ng kagipitan.
Pag-uwi ay inilapag niya ang bata sa crib nito upang makatulog ito ng maayos. Pagkatapos ay pumunta siya sa kuwarto para ilagay ang kinitang pera sa wallet na pinakatatago sa ilalim ng banig na hinihigaan. Namangha siya nang hindi na makita ang wallet roon. Hinanap niya iyon at agad rin namang natagpuan sa sahig, bukas na at wala nang kalaman laman. Ang tatlong libong inipon niya mula sa paglalabada pati na ang natitira sa sahod mula sa paglilinis ng bahay ng Kagawad, lahat ng mga iyon ay parang bulang biglang naglaho.
Halos umusok ang ilong niya sa galit na nararamdaman. Sino pa ba ang kukuha ng mga iyon kung hindi ang asawa lamang. Ang asawa na wala nang ginawa kung hindi magbigay ng sakit ng ulo niya.
“Walang hiya ka talaga Ricardo! Hindi ka na nakuntento sa paglalasing mo araw-araw, ngayon nagsusugal ka na rin, at ginamit mo pa ang perang pinaghirapan ko?” nanggagalaiti niyang saad habang mabibigat at malalaki ang mga hakbang na ginagawa papalapit sa lalaki.
Napatingin lang ito sa kanya.
“Asan na ang pera ko!” hinampas niya ito sa balikat.
“Teka lang at kita mo ngang nananalo na ako!” saad nito na tila ba ayaw magpa-istorbo sa paglalaro.
“Ibalik mo ang pera ko, ngayon din!” bulyaw niya dito.
Maya-maya pa ay tuwang-tuwa ang lalaking nagtatatalon at pagkatapos ay kinabig ang lahat ng perang nasa gitna ng lamesa kung saan naroroon rin ang iba pang bote ng beer na iniinom ng mga ito.
“Oh, ayan na ang pera mo!” padabog na ibinigay ni Ricardo ang perang inipon niya sa kanya at ang ibang napanaluhan nito ay ibinulsa.
Magkasalubong ang mga kilay niyang tiningnan lang ito pati na ang tatlong kaibigan na kasa-kasama nitong nag-iinuman at nagsusugal noong mga oras na iyon. Pagkatapos ay dali-dali na siyang umuwi nang maalalang mag-isa lang ang anak sa loob ng bahay.
Ilang minuto pa ang nakakalipas, noong pagpasok niya pa lamang sa kanilang bahay ay laking gulat niya nang maabutan ang anak na nagsususuka na sa higaan nito. May kaonting dugo ring lumalabas mula sa ilong nito.
Nataranta siya at mabilis na binuhat si Totoy. Naghihisterikal na siya nang lumabas ng bahay habang tawag-tawag ang pangalan ni Ricardo na nakuha rin naman agad ang pansin niya. Kumaripas ito ng takbo papalapit sa mag-ina nang makitang umiiyak si Amanda karga-karga ang nanghihina nang anak.
Sa ospital ay sumailalim sa iba’t ibang test ang bata. Kinailangan nitong mag stay doon para maobserbahan ng mabuti kung anong naging sanhi ng pagsusuka at pagdurugo ng ilong nito. Samantalang walang tigil naman ang bangayan nila at sisihan sa isa't isa.
***
Kinabukasan ay pinadalhan siya ng text messages ng Kagawad para magtrabaho ulit sa bahay nito. Kahit pa nasa ospital pa rin ang anak ay pumunta siya sa bahay ng lalaki dahil kailangan nila ng malaking pera para sa patuloy na pagpapagamot sa anak.
Malungkot siyang pumunta noong araw na iyon. Hindi naman na nagtanong pa si Eric dahil nagmamadali na itong umalis dahil sa nakatakdang meeting.
Pagkalipas lamang ng ilang oras ay umuwi ang lalaki para makapagtanghalian sa bahay. Balak nitong bumalik sa trabaho agad-agad ngunit nang matagpuan si Amanda sa loob ng sariling kuwarto ay natigilan ito. Paano’y humihikbi ang babae sa pag-iyak habang tinatapos ang gawain.
“Amanda, anong nangyayari sa iyo? May problema ka ba?” nilapitan siya nito na may pag-aalala.
Samantalang umiiling-iling lang siya. Nalaman niya sa asawa na dumating na ang resulta ng blood test nito at ayon doon na-dengue daw ang bata. Kung kaya kinakailangan nitong mag stay sa ospital ng ilan pang mga araw. Naghahalo ang kaba at takot sa dibdib niya. Masyadong maliit pa si Totoy para pagdaanan ang ganoong sakit. Ang pagkakaalam niya pa, madalas sa mga batang nagkaka-dengue ay hindi nakakaligtas. Masakit na ang ulo niya sa pag-iisip ng kalagayan nito pati na rin kung saan sila hahanap ng pera para pangtugtos sa pangangailangan nito sa ospital. Hindi niya mahinuha na kapos na nga sila sa buhay ay nagkasakit pa ng malubha ang kanilang anak.
Samantalang napatitig lang sa kanya ang lalaki. Sa mga mamasa-masa niyang labi pati na sa puting t-shirt niya na nabasa rin sa tubig habang nililinis ang shower room ng lalaki. Dahil doon ay bumakat ang undergarment niya sa pang-itaas na suot na iyon.
May kung anong init ng katawan ang naramdaman noon ni Eric sa nakitang ayos ni Amanda at hindi na ito nagdalawang isip pa na lapatan agad ng halik ang mga labing iyon ng babae.
Sa simula ay tumanggi siya ngunit para lamang makalimutan ang problema kahit sandali ay pumayag na rin. Ngunit ang simpleng paghahalikan na iyon ay nauwi sa kama at doon ay iniraos nila ang init ng katawan. Natauhan na lang siya nang makita ang sarili na walang saplot, katabi ito at kayakap.
Napabalikwas siya ng tayo noong mga oras na iyon at agad na nagbihis ng damit habang humahagulhol. Ngayon niya lang napagtanto na sa kabila ng kinakaharap na problema sa anak ay dinagdagan pa niya iyon ng panibagong problema. Napagtaksilan niya ang asawa.
Bumangon si Eric upang kausapin siya ng mahinahon. Lalapitan na sana siya nito nang umatras siya at pigilan ito noong pakahahawakan sana siya.
Palabas na siya ng bahay nang habulin ng lalaki para ibigay ang sobre na naglalaman ng sahod niya noong araw na iyon. Tinanggap niya naman iyon at agad nang umalis.
Sakay ng bus papuntang ospital ay tiningnan niya ang lamang ng sobre. Nagulat siya nang makitang triple ang halaga noon sa pangkaraniwang ibinibigay sa kanya ng lalaki. Doon ay naipikit niya ang mga mata at napahagulhol ulit. Marahil kabayaran iyon sa ibinigay niyang extra service noong araw na iyon. Ang kakaibang extra service na hindi niya dapat ginawa. Iminulat niya ang mga mata at pinakalma ang sarili. Masakit man sa dibdib na napagtaksilan niya ang asawa ay may relief siyang naramdaman dahil at least sa ginawa niya ay may panggastos na sila sa ospital.