Chapter 4

1123 Words
"Jemima," tawag ni Alferes pero hindi ko siya pinansin. Tiningnan ko ulit ang babaeng lakas-loob na sumampal sa akin. Namumula pa rin ang mukha niya, pero hindi 'yong karaniwang pamumula, pero mga pantal na kulay pula. Mukhang allergy reaction. 'Wag mong sabihing allergic siya sa hipon? Napangisi ako. Tumayo ako sa harap niya at humalukipkip. Kita ko pa ang height difference namin dahil mas pandak siya nang kaunti sa akin. Ayos. Hindi pa ako kumikilos pero nakaganti na ako sa kaniya. "Tabi," sabi ko sa babaeng walang 'ya. Gusto kong lumabas na sa kalinderia dahil kanina pa ako tinitingnan ng mga tao roon. Tapos na akong magbayad kay Aling Josephine kanina kaya pwede na akong lumayas sa lugar na 'yon. Pero hindi man lang natinag ang babae. Pinag-krus niya ang mga braso sa dibdib kahit pa kitang-kita kong nangangati na siya. Ganiyan din siguro ang magiging itsura ni Alferes kapag kakain siya ng hipon. "Sa tingin mo, hahayaan lang kita?" sabi niya, naghahabol ng hininga. Napailing ako. "Pasalamat ka't wala akong planong patulan ang hipon," sabi ko at humakbang para lampasan ang babae. Pero bigla na lang niyang hinawakan ang braso ko at binatukan ako nang pagkalakas-lakas. Nawalan ako ng balanse at nakita ko ang sariling nadapa sa sementadong sahig. Muntik nang humalik ang mukha ko sa semento. Buti na lang at tuyo ang lugar na 'yon kaya hindi ko na inisip ang mantsa sa uniporme ko. Bumulwak ng tawa ang kasamahan ng babaeng bumatok sa akin. Pati na ang babaeng pulang-pula na ang mukha at naghahabol ng hininga. Huminga ako nang malalim at dahan-dahang tumayo. "Akala ko kung sinong reyna!" singhal ng babaeng ina-allergy. "Hindi ikaw ang reyna sa community college, Jemima. Pipitsuging anak ka lang ng director. Isang bastarda ---" At bago pa niya matapos ang sinasabi, dumampot ako ng maraming hipon sa pinggan, hinawakan ang buhok ng babae, at pinasubo sa kaniya ang lahat ng hipong nadampot ko. Natahimik ang kasamahan niya habang pilit niyang dinura ang mga hipon na sinubo ko sa kaniya. Pagak akong natawa. "May sasabihin ka pa?" tudyo ko sa kaniya at dinampot ang natitirang hipon sa pinggan. Ramdam ko pa ang pagdaloy ng katas niyon sa palad ko. Umatras ang babae habang nahihintakutang nakatitig sa kamay kong puno ng hipon. Umiling siya at walang sabing tumakbo palabas ng kalinderia. Umismid ako. Takot pala, e. Binalik ko ang hipon sa pinggan. Ngumuso ako at nilibot ang tingin sa loob. Mabilis namang nagsiiwas ng tingin ang mga tao roon, lalo na ang mga estudyante ng community college. Nagsilabasan na rin ang kasamahan ng babae kanina, lalo na nang pinaningkitan ko sila ng mga mata. Tss. Mga bahag ang buntot. Nakita ko si Aling Josephine. Nakatingin lang sa akin ang nag-aalalalng mukha niya kaya ngumiti ako sa kaniya para ipakita na ayos lang ako. At dahil narumihan ang kalinderia, gusto ko sanang walisan ang dinura ng babae kanina. Kaso, hindi pa ako nakakahakbang nang may narinig akong ingay sa entrada ng kalinderia. Nilingon ko ang ingay at nakita ko ang tatlong lalaking sa tingin ko ay mga senior student ng community college. Base sa hitsura at pananamit, alam ko na agad na kasali ang tatlo sa frat. Kasunod nila ang apat sa kasamahan ng babaeng sinubuan ko kanina. Naningkit ang mga mata ko. 'Wag mong sabihing... "Ikaw!" turo ng lalaking nasa gitna sa akin. "Ikaw si Jemima, tama?" Ngumisi ako. Mukhang naghahanap ng gulo ang mga 'to, a? Humalukipkip ako. "Anong pangalan ng grupo niyo?" tanong ko. "Garma Kapha. Alam mo na siguro kung sino ang kaharap mo ngayon?" Natawa ako saka seryoso silang tiningnan. "Manggugulo ba kayo rito? May kumakain pa." Nilibot ng lalaking nakatayo sa gitna ang tingin saka umismid. "Ikaw ang gusto naming makaharap. Kung ayaw mong magulo itong kalinderia, sumunod ka sa amin sa labas." Nagkibit-balikat ako. "Pa'no kung ayoko?" Umasim ang mukha ng nasa gitna at humakbang paabante. Bigla na lang tumayo si Alferes at tumayo sa gilid ko. "Garma Kapha?" tanong niya. Huminto sa pag-abante ang lalaki sa gitna at takang tiningnan si Alferes. Ngumisi ako. Naningkit ang mga mata ng lalaki saka pinaningkitan ng mga mata si Alferes. "Tama. Sino ka?" Pero hindi sinagot ni Alferes ang tanong ng lalaki, bagkus tumango-tango. "Binigyan kayo ng SSG president ng permisong magbukas ng humanitarian frat?" Nangunot ang noo ng lalaki. "Anong pakialam mo, ha?" "Your frat was founded by privilege," sabi ni Alferes at binalewala ang sabi ng lalaki. Mukhang nainis naman ang lalaki sa inasta ni Alferes at dinuro niya ito. "Kung ayaw mong madamay sa gulo, brad, 'wag kang mangialam. Si Jemima ang pinunta naman dito at hindi ikaw." "Are you afraid that I'll revoke that privilege if you hurt Jemima Clarize?" Nangunot ang noo ng lalaki sa sinabi ni Alferes. Natawa ako. Hindi ba niya alam kung sino ang binantaan nya? Bigla, may humahangos na lalaking pumasok sa kalinderia. Lumapit siya sa lalaking nakipagbangayan sa akin kanina at may binulong. Pagkatapos, nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata ng lalaki sa binulong ng bagong dating. Umawang ang labi niya at takot na tiningnan si Alferes. "I-Ikaw?" Lumunok ang lalaki at binaba ang tingin. "Pasensya na sa sinabi ko." Saka siya tumalikod at tuloy-tuloy na lumabas ng kalinderia. Sumunod sa kaniya ang dalawang lalaking kasamahan kanina. Mukhang nagulat naman ang apat na babae sa ginawa ng lalaki. Sinamaan nila ako ng tingin at nagmartsa rin palabas ng kalinderia. Naiwan kaming nakatayo ni Alferes. Bumuga ako ng hangin at sinulyapan siya. "Mukhang mas sikat pa ako kaysa sa SSG President," biro ko saka humakbang patungo sa gilid. Kinuha ko ang walis tingting at dustpan. Winalisan ko ang dinura ng babae kanina saka nilagay iyon sa basurahan. Akmang lalapit sa akin si Aling Josephine pero sinenyasan ko siyang 'wag na. Pagkatapos kong magwalis, sabay kaming bumalik ni Alferes sa loob ng community college. Hindi ko alam kung anong iniisip niya sa mga oras na 'yon, pero nanatili siyang tahimik. Hindi na rin ako nag-usisa at inisip ang grupo ng mga babae kanina. Hindi nagtagal, narating namin ang classroom para sa afternoon class. Hindi kami pareho ng kurso ni Alferes pero pareho ng departamento kaya madalas kaming magkita sa isang classroom lalo na sa mga core subjects. Wala pa ang Professor sa hapon na 'yon pero maingay ang mga kaklase ko. Nang umupo ako upuan, bumukas ang pinto at pumasok ang isang babaeng pamilyar sa akin. Hindi siya professor at tama ang hinala ko nang maupo siya sa upuan sa harap. Pero kahit na gano'n, naalala ko na ang babaeng bagong dating. Siya 'yong babaeng muntik nang makasagasa sa akin noong lamay ni Teresita. Napangisi ako. Tingnan mo nga naman. Hindi pa siya bayad sa ginawa niyang pang-iiwan sa akin noon sa kalsada.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD